Huwebes, Nobyembre 3, 2016

Mekanikal


Kanina, nang lampas
dose oras na sa opisina,
natabunan ng papel,
nag-iisa,
may narinig akong
mahinang ugong ng makina.
Hinawi ko ang kurtina,
walang dumaraang sasakyan
sa malapit na kalsada.
Walang naiwang gadget sa silya,
sa mesa, istante o mesita.
Ilang araw na akong
nakatira sa opisina.
Gabi-gabing mag-isa.
Hinlalato ng relo ang mga mata.
Ito ba ay tunog
ng aking hininga?



10/14/16

Tugon


Ihihingi ko pa rin ng paumanhin
ang hungkag kong ganti
na “Ok lang,”
wala ni bahagyang ningas,
sa pangungumusta mong
biglang nagparamdam
kaninang
meron kang kailangan.



10/6/16

Titser


Marami tayong papel.
At isa na nga rito,
matabunan ng papel.



10/10/16

Sound (T)rip


May mga musika
na isasalba ka
sa parusa ng kalsada.
May mga musika na
pasasagasaan ka
sa harurot ng alaala.



10/11/16

Libro


Huwag sanang isiping
madamot ako.
Mga munti kong piraso,
itong hinihiram mo.
Ako ang napupunit
tuwing isinasauling gulanit.
Ako ang nasusugatan,
tuwing natutuklasang
may mantsang naiwan.
Huwag sanang isiping
ito ay pagkamakasarili.
Mas nais ko ang pang-uring
umiibig
kaya namimili, nag-aatubili.



10/6/16

Pahina


Merong pagkakataong
sa pagbuklat sa libro,
siyang mababasa mo
ay munti mong piraso.



10/6/16

Humahaba ang Tulay sa Ating Pagitan


Nakatitiyak na ako, kaibigan,
humaba ang tulay sa ating pagitan.

Tulad ng halos lahat,
nagsimula tayong may pader sa pagitan.
Manipis, hindi kataasan.
At aksidente,  atin itong nabutasan.
Noon tayo nagkakitaan.
Hanggang lumaki ang guwang
at gumuho itong harang.
Pero, maaari rin akong
maging higit na romantiko
sa paglalarawan,
sabihing ganito ang tadhana,
lumilikha ng paraan.

Hindi ko alam, kaibigan,
kung papaanong ang matatag na tulay
na nag-uugnay sa ating dalawa
ay tila nanghina, humaba.
Hindi ako naniniwala noong simula
sapagkat sa akin, mito lang ang ganito
nabubuhay sa mga kuwento
sa mga pelikula
sa mga salaysay
ng ating mga magulang.
Pero ngayong tayo na ang nasa edad
na siya namang magsasalaysay
nakatitiyak na ako.
Humaba ang tulay sa ating pagitan.
At batid kong maraming sanhi,
at hindi sa pagmamalaki,
hindi ko iyon maihihingi ng paumanhin.
Sapagkat iyon ay mga anak lamang
ng ating pagkakaiba
ng pagiging abala
at pagkakaroon ng distansiya
ng pangangailangang saglit na mang-iwan
para sa mga pangangailangang
dikta ng lipunan.

Ngunit nais kong humiling,
at malakas ang aking paniniwalang
bilang magkapatid, magkaibigan
hindi ito kalabisan.
Kahit humaba pa ang tulay
sa ating pagitan,
humina, na parang mawawalan ng tatag,
tumaas, maging nakalulula
tatawid pa rin ako nang paulit-ulit.
At sana, ganoon ka rin,
dahil napakabigat sa aking dibdib kung hindi.
Kahit sa gitna nitong tawiran,
katagpuin mo ako, kaibigan.
Huwag nating hayaang
bumalik sa harang
itong tulay na ating inalagaan.



10/10/16

Academic Store


Pumila siya
sa mahabang pila sa kahera.
Gaya niya
pinakamahal na paninda
ang bibilhin nila—
diploma.



10/9/16

Halloween


Tayo rin mismo
ang eskultor ng mga multo,
sa sinasabi nating
supling ng dilim,
kampon ng demonyo.
Binubuhay natin
ang mga nilalang sa mga mito
sa mga alamat—
manananggal, kapre, aswang
mangkukulam, nuno, tikbalang
sigbin, tiyanak, mambabarang—
hindi para isalba
sa kutsilyong kuko ng mga makina;
hindi para manatili sila
sa ating kultura, sa ating haraya.
Kundi sa duwag
at makasariling dahilan.
May personal
at kolektibong tayong mga aswang—
na hindi na nga matakbuhan,
hindi pa matitigan.


11/1/16


Apartment


Pinipilit mong maniwalang
may ekwalidad sa kamatayan,
espesyal na uri ng pagkakapantay-pantay,
na sa huling hantungan
walang mahirap, walang mayaman.
Pinipilit mong maniwalang
may mga bagay
na hindi saklaw
ng lupit, ng sama, ng saklap—
ng lipunang walang habag.
Nakikipagbuno ka sa pagkabagot.
Hinihintay maupos
ang mumurahing kandila
sa apartment na libingan
ng iyong ina,
samantalang nakatingin ka
sa pamilyang nangakapustura
sa musuleong putting-puti ang pintura
at nalulusaw
ang mga ice cream na Magnolia.


11/1/16