Linggo, Abril 24, 2016

Bakunawa*


Hindi ako natatakot sa eklipse
(hindi sapagkat ito ay saglit lamang)
maski pa ang matandang hiwaga’t
bagabag
ay maaaring mangahulugang
naririyan ka lamang.
Hindi ko kinatatakutan
ang sanlaksang tanong sa isip.
Kung kaya mong lunukin ang buwan,
papaano pa ang aming bayan?
Saang karagatan ka nananahan
at tuwing kailan ka umaahon?
Lalamunin ba ng dagat ang lungsod, pagkatapos?
Papaano kung nagbubuga ka ng apoy
at kung may mahampas na gusali
ang iyong buntot?
Gaano kalupit ang igaganti mo sa sanlibutan
sa pagsira sa karagatan?

Hindi ko pinanghihinayangan
ang nilunok mong mga buwan.
Sa halip, nasasabik kong inaalam
ang petsa ng laho,
inaabangan, pinagmamasdan.
At masidhi kong pangarap
na marinig ang kalampagan ng mga metal
ng aking mga kababayan
na nag-uutos,  “Iluwa mo ang buwan!
Iluwa mo ang buwan!”
Sapagkat labis itong galak
na sa di malibot na sanlibutan
lumikha ng tuldok aming panitikan.



*Sang-ayon sa Wikapedia, ang bakunawa ay “Isang malaking dragong nananahan sa ilalim ng dagat. Kinakain nito ang buwan na sanhi ng pagkakaroon ng eklipse. Sa mitolohiya [ng Pilipinas], may pitong buwan na nakapalibot sa mundo dati. Sa labis na pagkabighani sa mga ito, kinain ng bakunawa ang mga buwan hanggang sa isa na lamang ang natira. Nagalit si Bathala kaya pinarusahan at binawalan niya ang bakunawang kainin ang natitirang buwan. Subalit may mga panahong sinusuway nito si Bathala kaya nag-iingay ang mga tao gamit ang kalampagan ng mga metal upang matakot ang bakunawa at muli nitong iluwa ang buwan.” 

Sabado, Abril 23, 2016

Ornamental


Lagi silang nasa dibdib
ng mga opisinang malamig
malinis, tahimik, bingi.
May mapagkumbabang mamahalin,
may hambog na mumurahin.
Iba’t ibang sukat. Kanya-kanyang rikit.
Nakalilibang ang laberinto
ng mga guhit:
malapad, kikipot, tutulis
liliko, iikot, iikut nang iikot
parang ipu-ipo
ninipis nang ninipis
maglalaho.
Nakaaaliw ang sabog ng mga kulay:
matingkad, masalimuot
mapusyaw, malungkot;
kanya-kanyang identidad,
kuwento, tunog.
Masigla ang saboy ng tingkad
ng nagkukubling araw.
Tahimik na umiiyak
ang mag-isang bangka sa dalampasigan.
Ipinagdiriwang ng mga damong-ligaw
ang kanilang kalayaan.
Gayunman, sa uulitin
higit sa ang mga ito
ang nais ang angkinin ng aking mga titig.
Kundi salimuot ng buhay, ng lipunan:
nakasusulasok na basurahan
kinakalkal ng walang mukhang
hukluban,
dalawang paslit na nag-aagawan
sa matigas na matigas na monay,
binatang nagnanakaw ng sulyap
sa kinang ng kuwintas.
Sapagkat ang sining
ay higit na mabigat sa dibdib
at nanggigising,
kaysa likhang palamuti lamang sa dingding.


Elepante


Sang-ayon sa mga pamantayan
ng iyong panginoon at ng iniinugang
tanghalan, ang lahat
sa iyong galaw at asal.
May ipinagduldulang disiplinang
nagtatakda
at parating magtatakda
kung papaano dapat tumugon.
Kailangan mong sumunod
sa palagay mong makaiinam.
Walang mahahapding hampas
na mag-iiwan ng latay
at masisiglang kirot
na gising sa magdamag;
may mumunti pang gantimpala
at pumpon ng mga palakpak.
Subalit, bakit sa inumang salaming tubig
walang ningning ang iyong mga titig?
Ganito ba ang kapalit
ng pamumuhay nang pilit
sa pinilit lunuking daigdig?


Biyernes, Abril 8, 2016

Kalapati


Binubunot ang iyong mga bagwis
o pinoposasan ng masking tape,
para sa paghilom ng mga sugat
sanay ka na sa ipinagpipilitang tahanan.
Ibon kang matayog ang lipad
ngunit kakatwa ang makita kang
ilahas*
at sapagkat malungkot marahil
sa mga paris mo ang walang kapiling,
madali kang nabibihag
ng bilanggong mga kauri.
Inililigaw ka sa malalayong lugar
pawawalan, panunuoring pumaimbulog
magpaikut-ikot
habang hinahanap ang tahanan
sa utos ng umaalingangaw na mga palakpak.
Bigyang-galak ang panginoong
pinagkakautangan.
Sa kasalan, madalas kang kasangkapan
sagisag ng sagradong mga bagay
bilanggo sa hawla
sa buong tagal ng paghahanda’t pagdiriwang.
Kaya’t inip na inip kahit pa may kapiling.
Sa gitna ng kasiyahan,
bigla kang pawawalan.
Saka lilipad nang kay tulin
pilit tutuparin ang tungkuling magbalik.
At samantalang masiglang
pumapayagpag sa kalawakan,
sasambitin ng makakamalas:

“Hayun! Hayun ang ibong sagisag ng kalayaan!”




*nangangahulugang nabubuhay sa kadawagan at mahirap alagaan