Mag-a-anim na buwan na ang internet
namin. DSL ang gamit namin dati, naputulan kami noong Hunyo dahil dalawang
buwan kaming hindi nakabayad. Abril at Mayo. Ako kasi ang nagbabayad ng
internet, at wala naman akong trabaho nang summer vacation. Naospital pa si
Papa, nagastos ang naitabi kong P5,000.
Noong Agosto,
kailangang-kailangan ko na talaga ng internet. Dahil sa masters ko at sa
trabaho, history teacher ako sa kolehiyo. Sa ngayon, kasali na yata sa basic
needs ng tao ang internet. Binabayaran namin ang utang naming dalawang buwan
para ibalik ang internet. Kaso, nabuwisit lang si Mommy. Hanggang Agosto raw
ang pinababayaran sa amin.
“S’wapang
masyado ‘yang mga ‘yan!” sabi niya. “Babayaran, e dal’wang b’wan nga lang ang
nagamit natin!”
Kinagabihan, ako
naman ang inis na inis. Dahil sa panggigipit sa amin ng telecommunication
company na iyon, at sa dahilang wala pa rin kaming internet.
“Pocket wi-fi na
lang ang i-apply natin. Para kahit lima’ng naka-connect, kaya,” sabi ng
pangalawa namin. “Sa Cloud internet tayo. Mabilis. Tingnan mo ‘yung nasa
commercial.”
Totoo.
Hangang-hanga nga ako sa nasa advertisement. Nag-download ng pelikula sa
torrent ang babaeng artista, saka nag-motorsiklo. Ang bilis-bilis nang takbo
niya. Lumilipad ang sasakyan. Tumatalon sa mga tulay, umaangat ang gulong sa
unahan. Pagbaba niya, hinahangin pa ang buhok, downloaded na ang pelikula. The lightning experience, sabi sa
commercial ng Cloud.
Iyon ang
ini-apply namin, doon sa fourth floor ng SM. Sinamahan ako ni Mommy.
P1,999. P999 ang
bayad sa internet para sa unang buwan, at P1,000 sa mismong device. Mabigat din
sa bulsa. P14,000 lang naman ang sahod ko kada buwan, labas na ang mga kaltas.
Pero walang magagawa, kailangang-kailangan.
Pinapirma muna
ako ng kontrata. Sa akin na raw ang mismong device. Tatlong araw raw bago
magka-internet. Kung ayaw ko na raw sa service nila, ipa-terminate ko lang daw.
Puwede ko raw gawing prepaid.
“Pag two months
pong hindi nabayaran, Ma’am, Sir, puputulin na po ‘yung net,” sabi ng staff.
“Ibabalik lang po pag na-settle na ninyo ‘yung bill.”
“Two months po?”
ulit ni Mommy.
“Opo,” tumango
ang staff.
Tuwang-tuwa ako
nang gabing iyon. Nakapikit na’y nangingiti pa. Sa wakas, makakapag-net surfing
na ng mga research sa masters. Mas madaling mag search ng pamagat ng aklat sa OPAC
kung alam ko ang hahanapin ko. Makakapag-send na rin sa akin ng PowerPoint presentation
sa e-mail ang mga estudyante ko. Para hindi na sila makikisaksak ng flashdrive
sa netbook ko pag magri-report sila. Ilang beses na ring nagka-virus ang netbook
ko. P500 din ang pagpapa-reformat at pagpapa-install ng mga program.
Pero ilang
linggo ko pa lang nagagamit ang internet, naiinis na ako. Sabi, kayang-kaya
kahit lima kaming naka-connect. Pero akong mag-isa pa lang ang gumagamit, ang
bagal-bagal na. Page not found pa kung
minsan.
“Iba-ibang lugar
kasi ‘yan, Sir,” paliwanag ng coteacher ko. “May lugar na malakas ang Smart at
Globe. May lugar na mahina.”
Binigyan ko ng
benefit of the doubt ang Cloud. Dinala ko sa eskuwelahan ang pocket wi-fi. Pero
anak ng tokwa, napakakupad pa rin. PPT lang naman ang idina-download ko, inabot
pa nang kalahating oras. Partida, fifth floor pa ang faculty room namin. The lightning experience daw. Sira-ulong
commercial. Hahagisan mo pala ng kidlat sa sobrang inis! Sayang, hindi ako si
Zeus. Nagmamadali pa man din ako dahil may klase na.
Naalaala ko ang kahawig
na kuwento ng kapatid ko. Nagpa-register daw siya sa promo, unli call and text for
5 days, dahil nasa Sagada ang girlfriend niya.
“Mayamaya ba
naman, Kuya, hindi na ‘ko makakontak. Over used daw. Peste! Akala ko ba, unli?
Tapos, eight hours bago bumalik. Kinabukasan, wala ulit. Eight hours na naman.
Nasayang lang ‘yung one hundred ko.”
Laging maaga
nang apat na araw kung dumating ang bill
namin. Tuwing a-seis dapat, pero a-dos, nasa bahay na. Hindi naman kami nahuli
nang bayad, kahit kailan. May dagdag na P32.75 pa nga kaming binayaran noong
ikalawang buwan. Sabi ni Mommy, installation
fee raw ang sabi sa bill. Tinawagan ko nang nasa faculty room ako, para lang
daw sa DSL ang ganoon. Hindi ko naman na nabawi dahil nai-misplace namin ang
resibo. Hindi ko alam kung tanga o nanggagantso lang. Bakit sisingilin ng
installation fee, pocket wi-fi nga lang naman?
Nang mag-Enero, nagbayad ako ng
P6,000 sa tito ko para sa inutang kong pang-tuition nitong second semester.
Wala na ring natira sa pera ko dahil sa nagastos namin noong Pasko at bagong
taon. Maliit pa ang sinahod noong Enero 15 dahil hindi naman kami bayad noong
Christmas vacation.
Hindi ko
nabayaran ang bill noong Pebrero 6.
Pebrero 18,
nawalan kami ng internet.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento