Walang mapaglagyan ang tuwa ko pag
marami akong bagong aklat. Atat na atat na akong basahin ang mga ito, at
tuwang-tuwa ako pag nakikita ko ang mga ito na patung-patong at nababasa ko sa
mga spine ang mga pamagat. Ipinapatong ko lang muna ang mga ito sa computer
table, para lagi kong nakikita. Isasalansan ko lang ang mga ito sa aklatan pag
kumukupas na ang tuwa. Ihahalo ko na sa ibang aklat, iaayos nang alphabetical. Ganito
ang nangyayari taun-taon, kada Setyembre, pagkagaling ko sa sa SMX Convention
Center, sa Manila International Book Fair, at kung Disyembre at Marso,
pagkagaling ko sa sale sa UP Press, sa UP Diliman.
Pero kahapon,
hindi ganoon ang nangyari. At hindi ko agad iyon napansin.
Nakatanggap ako
kahapon ng pitong aklat—Saan Papunta ang
mga Putok? ni Rogelio L. OrdoƱez, Metamorphosis
ni Franz Kafka, Robinson Crusoe ni
Daniel Defoe, Sarilaysay ni Rose
Torres-Yu, House of the Seven Gables ni
Nathaniel Hawthorne, The Old Man and the
Sea ni Ernest Hemingway at Animal
Farm ni George Orwell—bigay lahat ni Mary Anne. Second hand lang ang mga aklat,
bili sa Booksale, sa MIBF at sa mga sale sa National Book Store. Nakasulat sa
gilid, sa pinakapahina ng mga ito, ang pangalan niya. Minsan, ng marker, minsan
ng signpen. Anne. Pero maayos lahat ang mga ito. May ilang may plastic cover,
walang may punit, walang nabasa ng ulan.
Nasa Fairview
kami noon, sa bahay ng isa sa aming magkakaibigan at magkakaklase noong
kolehiyo. Puro kami AB Filipinolohiya sa PUP, at lahat, titser sa hayskul o
kolehiyo. Ala-una dumating ang halos lahat. Doon na kami nagtanghalian. Inuman
pagkatapos. Tanduay ice lang, dahil hindi naman umiinom ang mga babae.
Alas-kuwatro na
dumating si Mary Anne. May dalang mga chichiria na nakalagay sa supot ng
Mercury Drug.
“Grabe, ikaw ang
pinakamalapit. Ikaw ang pinakahuling dumating!” biro ng isa na sa Pasig pa
nanggaling.
May inasikaso pa
raw kasi siya, ayaw naman niyang sabihin kung ano.
Isa si Mary Anne
sa pinakamahusay sa klase namin. Magaling siya sa panitikan, at mahusay sa mga
pananaliksik na pampanitikan. Naiinis nga siya kapag itinuturo ang panitikan sa
paraang subjective, gaya ng madalas daw na mangyari sa hayskul. Kaya nga sa
kolehiyo siya nagtuturo.
“Masisilip mo
kasi sa mga akdang pampanitikan ang kasaysayan, kung ano ang buhay dati, kung
ano’ng kultura noon at ngayon. Kaya dapat, hindi ito binabalewala,” madalas
niyang sabihin kahit noong nag-aaral pa kami.
Hindi tapos si Mary
Anne ng masters. Naiirita raw kasi siya sa mga guro niya.
“Kung anu-ano’ng
itinuturo nila. Hindi nila nakikita ‘yong salimuot ng social sciences, na
maraming p’wedeng sagot at na nakadepende sa kat’wiran mo kung alin ang mas
matimbang na sagot. Hindi nila masilip ‘yung relasyon ng bawat larangan sa
isa’t isa,” sabi niya noong nakaka-27 units na siya.
Makalipas ang ilang
oras na kuwentuhan, inaya niya kami sa kanila. Sa Diliman lang sila nakatira.
Ipanamimigay na raw niya ang mga aklat niya. Nagulat kaming lahat.
“Bakit?” sabi ng
isang taga-Makati.
“Sa dyip na lang
natin pagkwentuhan,” sabi niya. Nakangiti siya, pero iyon lamang sa bibig. Wala
iyong sa mga mata.
Sa dyip,
inilibre niya kaming lahat. Walo kami. Ikinuwento rin niyang mangingibang-bansa
na siya, sa Qatar. Kung ano ang trabaho roon, ayaw niyang sabihin.
“Kailangang-kailangan
kasi ng pera. S’yempre kung dito ‘ko, pa’no kong makakaipon? E magkakapamilya
rin ako balang-araw.”
Naalaala ko ang
nagastos nila nang ma-caesarian ang hipag niya.
Pagdating sa
kanila, pumasok siya sa kuwarto niya. Saka ipinatong sa mesa sa tabing pinto
ang natitira pang mga aklat. Nahingi na raw ng mga estudyante niya ang iba.
Isang estudyante niya ang kumuha sa lahat ng Bob Ong, isa ang nakakuha ng
limang John Steinbeck. Mayroon daw doong Grapes
of Wrath. Nanghinayang ako na hindi kami napaaga nang punta.
“Silid na Mahiwaga?” sabi niya, tangan
ang aklat.
“Akin ‘yan,
akin!” sabi ng isa, at iniabot ni Mary Anne ang aklat.
“Tatlong Ambeth
Ocampo?”
Kinuha ng
pangalawa sa pinakamahilig sa amin sa kasaysayan. Kumpleto na raw kasi niyon iyong
pinakamahilig sa amin sa kasaysayan.
Kagabi, alas-onse na ako dumating
sa bahay. Tulog na ang mga tao. Binuksan ko ang ilaw sa computer table.
Sinulatan ko ang flyleaf ng bawat aklat. Isinulat ko ang buong pangalan ko, ang
petsa at ang lugar kung saan nanggaling ang aklat. Ganito ko inaangkin ang
bawat libro ko. Kung sa nabili ko, isinusulat ko pa ang presyo at kung saan ko
nabili.
Binuklat ko ang Saan Papunta ang mga Putok? Natapat sa Kapayapaan sa Madaling-araw. Matagal ko
nang nabasa ang kuwentong iyon. Tungkol sa amang pulubing hindi makabanaag ng
pag-asa sa buhay. Kaya nagpasagasa na lamang siya sa tren, isang gabing
umuulan—kasama ang kanyang anak.
Binasa kong muli
ang akda.
Masarap
mangarap, ngunit mapait kung alam mong hindi mo na matutupad, sabi
sa maikling kuwento.
Alam kong hindi
gayon si Mary Anne. Ngunit parang may mabigat na damdamin pa ring ngumangatngat
sa akin. Nakakasira ng pagtingin sa buhay.
Binuksan ko ang
ilaw sa sala. Kinuha ang lahat ng aklat, at isinalansan sa aking aklatan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento