Biyernes, Enero 16, 2015

Best in Student's Evaluation


“Ayoko ngang nagko-compute ng grades, nakakabaho ng hininga!” malakas na sabi ni Sir DJ.

Tawanan. Hindi ko agad nakuha. Nangiti na lang ako nang ma-gets ko na. Hindi sa biro kundi sa pagiging slow ko. Natawa rin ako sa irony, na kay Sir DJ ko pa iyon narinig.

English teacher si Sir DJ, bading at mahilig sa musika. Maganda ang boses, mala-David Pomeranz. Iyon ang palagay kong dahilan kung bakit gusto niyang tinatawag siyang DJ. Parang disc jockey. Ipinipilit, dahil Daniel San Jose ang buo niyang pangalan. DSJ ang talagang inisyal.

Nasa 33 anyos na siguro si Sir DJ. Payat na matangkad. Medyo blonde ang buhok. Mabait daw siyang tiyuhin. Siya ang nagpapaaral sa dalawa niyang pamangkin. Isang hayskul at isang kolehiyo. Parehas pa man ding private.

Siya ang nakakuha ng best in student’s evaluation award last semester. Nakakainggit, dahil tinalo niya ang lahat. Sa akin, iyon ang pinakamahalagang award ng teacher. Patunay na gusto ka ng mga estudyante, at na may natutuhan sila sa iyo. Para bang pagiging tao, kapag maraming natutuwa at humahanga sa iyo. Nahiling ko na sa mga susunod na taon, magkaroon din ako ng gayong award. Pagsisikapan ko. Pag-aaralan kong lalo ang mga subject ko. Sasamantalahin kong two preparations lang ako.

Cash at plake ang iniabot sa kanya. Nasa dalawang libo lang siguro iyon, dahil kuripot ang aming eskuwelahan.

“Thanks for this award,” sabi ni Sir DJ, tangan ang plake at ang sobre. “I would like to express my gratitude to Dean and to my immediate supervisor. I did not expect that among us, forty instructors, I would be granted this honor. This is indeed a surprise that I am very thankful of.”

Unang linggo iyon ng Nobyembre, unang linggo para sa ikalawang semestre.

Pero kalagitnaan lang ng Enero, nag-AWOL si Sir DJ.

Patapos na ang Enero nang malaman ko sa kuwentuhan ng mga coteacher ko, o mas maganda yatang tawaging tsismisan, na kinausap ni Sir Renz, head ng GE Department, di Sir DJ. Tinerminate daw si Sir DJ. Nalaman palang nagpa-part time siya sa ibang school, at dalawang school pa.

“Magagalit talaga sa kanya,” bulong ng isang HRM instructor. “Full time s’ya rito, tapos, commited pa s’ya sa iba. S’yempre, against ‘yun sa management practice. Pa’no s’yang makapagbibigay ng magandang service dito?”

“Saka sinabi naman ‘yun nang ma-in tayo rito,” sagot ng NSTP instructor. “Na pag full time ka na rito, hindi ka na p’wedeng magtrabaho sa ibang school. Kahit saan naman, ganu’n ang policy.”

“Pero ang galing n’ya, a. Hindi ko napansing three schools s’ya. Mostly, pakanta-kanta nga lang s’ya,” sabi ng isang IT instructor.

“Pero grabe pa rin ‘yun, ‘no?” sagot ng isang psychology instructor. “Termination agad.”

Sa isang klase ko na klase rin ni Sir DJ, nagtanong ang mga estudyante kung bakit wala si Sir.

“Hindi ko alam, e,” pagmamaang-maangan ko. Ayokong ako naman ang ipatawag ng immediate supervisor ko.

“Wala na raw s’ya, Sir, e.”

Nagulat ako. Wala rin talagang maililihim sa mga estudyante.

“Sayang, napakataas pa namang magbigay ng grade ni Sir.”

Na-curious akong bigla. “Bakit, ano’ng grade mo sa kanya?”

“1.0 po,” mabilis na sagot ng estudyante. “1.5 na po ang pinakamababa sa’min.”

Natahimik ako. Gulat na gulat. World literature na kayhirap na subject, minamani nang ganoon ang grade?


Hindi na nakuha ni Sir DJ sa locker niya ang lahat ng gamit niya. Kamamadali, dala marahil ng kahihiyan, maraming natira. Isang umaga, binuksan iyon ni Sir Renz. Bukod sa amin, sila lang ni Dean ang may susi sa mga locker namin. Ipinatong niya sa katabing mesa ang natirang mga gamit ni Sir DJ. Napapapalatak siya at napapailing.

Kinabukasan niyon, narinig ko sa bulungan ng mga coteacher ko, na walang tsek ang mga prelim exam ng mga estudyante ni Sir DJ. Maging ang lahat ng mga seatwork.

Isang nakatambay ako sa harap ng bahay namin, nagtsatsaa at patingin-patingin sa mga bituin, napansin ko na lang sa sarili ko na hindi na ako ganoon kainterasado sa best in student’s evaluation award.

Sabado, Enero 10, 2015

Pocket Wi-fi


Mag-a-anim na buwan na ang internet namin. DSL ang gamit namin dati, naputulan kami noong Hunyo dahil dalawang buwan kaming hindi nakabayad. Abril at Mayo. Ako kasi ang nagbabayad ng internet, at wala naman akong trabaho nang summer vacation. Naospital pa si Papa, nagastos ang naitabi kong P5,000.

Noong Agosto, kailangang-kailangan ko na talaga ng internet. Dahil sa masters ko at sa trabaho, history teacher ako sa kolehiyo. Sa ngayon, kasali na yata sa basic needs ng tao ang internet. Binabayaran namin ang utang naming dalawang buwan para ibalik ang internet. Kaso, nabuwisit lang si Mommy. Hanggang Agosto raw ang pinababayaran  sa amin.

“S’wapang masyado ‘yang mga ‘yan!” sabi niya. “Babayaran, e dal’wang b’wan nga lang ang nagamit natin!”

Kinagabihan, ako naman ang inis na inis. Dahil sa panggigipit sa amin ng telecommunication company na iyon, at sa dahilang wala pa rin kaming internet.

“Pocket wi-fi na lang ang i-apply natin. Para kahit lima’ng naka-connect, kaya,” sabi ng pangalawa namin. “Sa Cloud internet tayo. Mabilis. Tingnan mo ‘yung nasa commercial.”

Totoo. Hangang-hanga nga ako sa nasa advertisement. Nag-download ng pelikula sa torrent ang babaeng artista, saka nag-motorsiklo. Ang bilis-bilis nang takbo niya. Lumilipad ang sasakyan. Tumatalon sa mga tulay, umaangat ang gulong sa unahan. Pagbaba niya, hinahangin pa ang buhok, downloaded na ang pelikula. The lightning experience, sabi sa commercial ng Cloud.

Iyon ang ini-apply namin, doon sa fourth floor ng SM. Sinamahan ako ni Mommy.

P1,999. P999 ang bayad sa internet para sa unang buwan, at P1,000 sa mismong device. Mabigat din sa bulsa. P14,000 lang naman ang sahod ko kada buwan, labas na ang mga kaltas. Pero walang magagawa, kailangang-kailangan.

Pinapirma muna ako ng kontrata. Sa akin na raw ang mismong device. Tatlong araw raw bago magka-internet. Kung ayaw ko na raw sa service nila, ipa-terminate ko lang daw. Puwede ko raw gawing prepaid.

“Pag two months pong hindi nabayaran, Ma’am, Sir, puputulin na po ‘yung net,” sabi ng staff. “Ibabalik lang po pag na-settle na ninyo ‘yung bill.”

“Two months po?” ulit ni Mommy.

“Opo,” tumango ang staff.

Tuwang-tuwa ako nang gabing iyon. Nakapikit na’y nangingiti pa. Sa wakas, makakapag-net surfing na ng mga research sa masters. Mas madaling mag search ng pamagat ng aklat sa OPAC kung alam ko ang hahanapin ko. Makakapag-send na rin sa akin ng PowerPoint presentation sa e-mail ang mga estudyante ko. Para hindi na sila makikisaksak ng flashdrive sa netbook ko pag magri-report sila. Ilang beses na ring nagka-virus ang netbook ko. P500 din ang pagpapa-reformat at pagpapa-install ng mga program.

Pero ilang linggo ko pa lang nagagamit ang internet, naiinis na ako. Sabi, kayang-kaya kahit lima kaming naka-connect. Pero akong mag-isa pa lang ang gumagamit, ang bagal-bagal na. Page not found pa kung minsan.

“Iba-ibang lugar kasi ‘yan, Sir,” paliwanag ng coteacher ko. “May lugar na malakas ang Smart at Globe. May lugar na mahina.”

Binigyan ko ng benefit of the doubt ang Cloud. Dinala ko sa eskuwelahan ang pocket wi-fi. Pero anak ng tokwa, napakakupad pa rin. PPT lang naman ang idina-download ko, inabot pa nang kalahating oras. Partida, fifth floor pa ang faculty room namin. The lightning experience daw. Sira-ulong commercial. Hahagisan mo pala ng kidlat sa sobrang inis! Sayang, hindi ako si Zeus. Nagmamadali pa man din ako dahil may klase na.

Naalaala ko ang kahawig na kuwento ng kapatid ko. Nagpa-register daw siya sa promo, unli call and text for 5 days, dahil nasa Sagada ang girlfriend niya.

“Mayamaya ba naman, Kuya, hindi na ‘ko makakontak. Over used daw. Peste! Akala ko ba, unli? Tapos, eight hours bago bumalik. Kinabukasan, wala ulit. Eight hours na naman. Nasayang lang ‘yung one hundred ko.”

Laging maaga nang apat na araw kung dumating ang  bill namin. Tuwing a-seis dapat, pero a-dos, nasa bahay na. Hindi naman kami nahuli nang bayad, kahit kailan. May dagdag na P32.75 pa nga kaming binayaran noong ikalawang buwan. Sabi ni Mommy, installation fee raw ang sabi sa bill. Tinawagan ko nang nasa faculty room ako, para lang daw sa DSL ang ganoon. Hindi ko naman na nabawi dahil nai-misplace namin ang resibo. Hindi ko alam kung tanga o nanggagantso lang. Bakit sisingilin ng installation fee, pocket wi-fi nga lang naman?


Nang mag-Enero, nagbayad ako ng P6,000 sa tito ko para sa inutang kong pang-tuition nitong second semester. Wala na ring natira sa pera ko dahil sa nagastos namin noong Pasko at bagong taon. Maliit pa ang sinahod noong Enero 15 dahil hindi naman kami bayad noong Christmas vacation.

Hindi ko nabayaran ang bill noong Pebrero 6.

Pebrero 18, nawalan kami ng internet.


Linggo, Enero 4, 2015

Mga Aklat


Walang mapaglagyan ang tuwa ko pag marami akong bagong aklat. Atat na atat na akong basahin ang mga ito, at tuwang-tuwa ako pag nakikita ko ang mga ito na patung-patong at nababasa ko sa mga spine ang mga pamagat. Ipinapatong ko lang muna ang mga ito sa computer table, para lagi kong nakikita. Isasalansan ko lang ang mga ito sa aklatan pag kumukupas na ang tuwa. Ihahalo ko na sa ibang aklat, iaayos nang alphabetical. Ganito ang nangyayari taun-taon, kada Setyembre, pagkagaling ko sa sa SMX Convention Center, sa Manila International Book Fair, at kung Disyembre at Marso, pagkagaling ko sa sale sa UP Press, sa UP Diliman.

Pero kahapon, hindi ganoon ang nangyari. At hindi ko agad iyon napansin.

Nakatanggap ako kahapon ng pitong aklat—Saan Papunta ang mga Putok? ni Rogelio L. Ordoñez, Metamorphosis ni Franz Kafka, Robinson Crusoe ni Daniel Defoe, Sarilaysay ni Rose Torres-Yu, House of the Seven Gables ni Nathaniel Hawthorne, The Old Man and the Sea ni Ernest Hemingway at Animal Farm ni George Orwell—bigay lahat ni Mary Anne. Second hand lang ang mga aklat, bili sa Booksale, sa MIBF at sa mga sale sa National Book Store. Nakasulat sa gilid, sa pinakapahina ng mga ito, ang pangalan niya. Minsan, ng marker, minsan ng signpen. Anne. Pero maayos lahat ang mga ito. May ilang may plastic cover, walang may punit, walang nabasa ng ulan.

Nasa Fairview kami noon, sa bahay ng isa sa aming magkakaibigan at magkakaklase noong kolehiyo. Puro kami AB Filipinolohiya sa PUP, at lahat, titser sa hayskul o kolehiyo. Ala-una dumating ang halos lahat. Doon na kami nagtanghalian. Inuman pagkatapos. Tanduay ice lang, dahil hindi naman umiinom ang mga babae.

Alas-kuwatro na dumating si Mary Anne. May dalang mga chichiria na nakalagay sa supot ng Mercury Drug.

“Grabe, ikaw ang pinakamalapit. Ikaw ang pinakahuling dumating!” biro ng isa na sa Pasig pa nanggaling.

May inasikaso pa raw kasi siya, ayaw naman niyang sabihin kung ano.

Isa si Mary Anne sa pinakamahusay sa klase namin. Magaling siya sa panitikan, at mahusay sa mga pananaliksik na pampanitikan. Naiinis nga siya kapag itinuturo ang panitikan sa paraang subjective, gaya ng madalas daw na mangyari sa hayskul. Kaya nga sa kolehiyo siya nagtuturo.

“Masisilip mo kasi sa mga akdang pampanitikan ang kasaysayan, kung ano ang buhay dati, kung ano’ng kultura noon at ngayon. Kaya dapat, hindi ito binabalewala,” madalas niyang sabihin kahit noong nag-aaral pa kami.

Hindi tapos si Mary Anne ng masters. Naiirita raw kasi siya sa mga guro niya.

“Kung anu-ano’ng itinuturo nila. Hindi nila nakikita ‘yong salimuot ng social sciences, na maraming p’wedeng sagot at na nakadepende sa kat’wiran mo kung alin ang mas matimbang na sagot. Hindi nila masilip ‘yung relasyon ng bawat larangan sa isa’t isa,” sabi niya noong nakaka-27 units na siya.

Makalipas ang ilang oras na kuwentuhan, inaya niya kami sa kanila. Sa Diliman lang sila nakatira. Ipanamimigay na raw niya ang mga aklat niya. Nagulat kaming lahat.

“Bakit?” sabi ng isang taga-Makati.

“Sa dyip na lang natin pagkwentuhan,” sabi niya. Nakangiti siya, pero iyon lamang sa bibig. Wala iyong sa mga mata.

Sa dyip, inilibre niya kaming lahat. Walo kami. Ikinuwento rin niyang mangingibang-bansa na siya, sa Qatar. Kung ano ang trabaho roon, ayaw niyang sabihin.

“Kailangang-kailangan kasi ng pera. S’yempre kung dito ‘ko, pa’no kong makakaipon? E magkakapamilya rin ako balang-araw.”

Naalaala ko ang nagastos nila nang ma-caesarian ang hipag niya.

Pagdating sa kanila, pumasok siya sa kuwarto niya. Saka ipinatong sa mesa sa tabing pinto ang natitira pang mga aklat. Nahingi na raw ng mga estudyante niya ang iba. Isang estudyante niya ang kumuha sa lahat ng Bob Ong, isa ang nakakuha ng limang John Steinbeck. Mayroon daw doong Grapes of Wrath. Nanghinayang ako na hindi kami napaaga nang punta.

Silid na Mahiwaga?” sabi niya, tangan ang aklat.

“Akin ‘yan, akin!” sabi ng isa, at iniabot ni Mary Anne ang aklat.

“Tatlong Ambeth Ocampo?”

Kinuha ng pangalawa sa pinakamahilig sa amin sa kasaysayan. Kumpleto na raw kasi niyon iyong pinakamahilig sa amin sa kasaysayan.


Kagabi, alas-onse na ako dumating sa bahay. Tulog na ang mga tao. Binuksan ko ang ilaw sa computer table. Sinulatan ko ang flyleaf ng bawat aklat. Isinulat ko ang buong pangalan ko, ang petsa at ang lugar kung saan nanggaling ang aklat. Ganito ko inaangkin ang bawat libro ko. Kung sa nabili ko, isinusulat ko pa ang presyo at kung saan ko nabili.

Binuklat ko ang Saan Papunta ang mga Putok? Natapat sa Kapayapaan sa Madaling-araw. Matagal ko nang nabasa ang kuwentong iyon. Tungkol sa amang pulubing hindi makabanaag ng pag-asa sa buhay. Kaya nagpasagasa na lamang siya sa tren, isang gabing umuulan—kasama ang kanyang anak.

Binasa kong muli ang akda.

Masarap mangarap, ngunit mapait kung alam mong hindi mo na matutupad, sabi sa maikling kuwento.

Alam kong hindi gayon si Mary Anne. Ngunit parang may mabigat na damdamin pa ring ngumangatngat sa akin. Nakakasira ng pagtingin sa buhay.

Binuksan ko ang ilaw sa sala. Kinuha ang lahat ng aklat, at isinalansan sa aking aklatan.

Sabado, Enero 3, 2015

“Mensahe” ni Charles Bukowski


Nakaupo ako rito
nang kung ilang oras na,
nagmamakinilya, at umiinom
ng alak.

Akala ko
mag-isa lang ako.
nakasara ang bintana
at pinto.

ngayon, isang matabang langaw
panget at itim
ang umupo sa gilid
ng aking baso.

saan ito
nagmula?
napakatahimik, walang kagalaw-galaw?

ganoon marahil ang nagaganap
kapiling
ang kamatayan.


Fireworks Display


Nagliliyab na tala
mabagal na umakyat sa kawalan,
naniningkad na ningning
sa yakap ng dilim.
Biglang sumabog,
mahinhin ang pagkalat
ng sanlaksang nagliliyab na bubog.
Bulaklak na namukadkad,
ang tunog, chicharong nilamukot.

Itinutok mo ang murilat na mata ng kamera
sa gayon at gayon pang sining.
Walang patid. Dumilat-pumikit.
Paulit-ulit.
Kaytagal na nagliwanag ng kawalan,
sumasabay sa sanlaksang putok
ang sumasaboy na malulutong na tunog.
Kasabay ng paulit-ulit na papuri
ng mga tao sa paligid.

Pagkatapos ng sining,
tiningnan mo sila.
Nasa mga mata nila ang liwanag kanina
na hindi nahuli
ng iyong mga mata.