Kailangan ko ng nobelang The Sound and the Fury ni William Faulkner, hindi sa klase sa
masters, kundi para sa aking sarili. Hindi ko pa kasi iyon nababasa, kaya
pakiramdam ko, ang laki ng kahungkagan sa literary life ko. Kaya nga Biyernes
ng hapon, bago umuwi, galing sa PLM kung saan ako nagtuturo, dumaan muna ako
kay Romy sa Blumentritt. Mas gusto kong sa kaibigan o kakilala nanghihiram, kaysa
sa library. Namamadali kasi ako sa pagbabasa pag sa library, dahil may due
date, kahit pa puwede namang ipa-extend ang aklat. At dahil doon, hindi ko gaanong
nai-enjoy ang pagbabasa.
College pa, magkaibigan na kami ni Romy. Parehas kaming
kumukuha ng Masters in Creative Writing sa La Salle. Iyon nga lang, katatapos
lang niya ng college at ako, nakakadalawang semestre pa lang sa masters, nang
mapagtanto naming sa Filipino pala namin gustong magsulat, na hindi hamak palang
mas masarap magsulat at magbasa ng mga akda sa wikang araw-araw mong ginagamit.
Pagsilip ko sa gate ng apartment niya ay nakita ko agad
siyang nagkakape, habang nakapatong na sa plastik na mesita ang aklat.
“Pogi,” sabi ko pagkatapos ko siyang sutsutan. “Kainitan
‘yang kape mo.”
Natawa siya. “Pasok, pasok.” At hindi na nag-abalang
ipagbukas ako ng pinto.
Mag-isa lang sa apartment si Romy. Taga-Meycauayan sila.
Nag-apartment siya dahil sa apat na unibersidad siya nagtuturo, puro
part-timer. Nang hindi siya masyadong mapagod.
Inalok niya ako ng kape, pero tumanggi ako. Hanggang
mamaya, kung anu-ano na ang pinagkukuwentuhan namin.
“Narinig ko na naman kanina sa TV ‘yung linyang ‘lalagay na
sa tahimik.’ ‘No ba ‘yon?” natawa si Romy. Iyong sarkastiko niyang tawa.
“Sabi sa showbiz news ‘yan ‘no? Sa kasal nina Marian at
Dingdong?” hula ko.
“Oo,” sabi niya. Ubos na ang kape niya. “Kahit nga ang mga
magulang natin, e, pag tinanong natin kung mas tahimik ba ang buhay-may-asawa,
sasabihin nilang hindi. Sinasabi lang sa TV ‘yang ‘lalagay na sa tahimik’ na ‘yan
para maging mas inspiring, saka dala na rin siguro ng impluwensiya ng fairy
tale. And they lived happily ever after. Saka para hindi na rin kailangan pa ng
paliwanag. Magpapaliwanag ka pa kasi pag sinabi mong complicated ang
buhay-may-asawa. Bakit complicated? Pa’no naging complicated?”
Tumango ako. Alam ko na kung saan patungo ang usapan namin.
Lalo’t ganitong apektadong-apektado siya sa narinig.
“May natutuhan nga ‘ko, P’re. Ang galing,” panimula niya.
“Tingnan mo, a. Kasal. Magpapakasal ka dahil gusto mo na. Nalaman ko ngang ang
pagpapakasal, malaki ang relasyon sa status mo sa society. Example, marami
‘kong kilalang taga-probins’ya na lampas beynte lang, beynte-k’watro, ganyan,
nabuntis na agad, nakabuntis, o gusto na talagang mag-asawa. Lalo ‘yung mga
walang trabaho. E kasi, wala silang mapagkaabalahan. Kaya makikipagrelasyon, at
mabubuntis nga’t makakabuntis. O kaya, mag-aasawa nga, para ma-experience ang
ibang buhay. Masyado nang batumbato sa daily life nila. Kaya pansinin mo ‘yung
mga nakatapos, ‘yung maraming opportunity sa buhay, ‘yung maraming pinapangarap
at alam na malaki ang chance nilang maabot ‘yon, lumalampas na minsan ng
thirty, wala pang asawa.”
Hindi ako sumagot. Matagal ko nang napapansin iyon.
“So, kasal nga, kasal,” sabi niya. “Ngayon, pag ‘kinasal ka,
hindi lang bagong buhay ‘yan, baka mas paghigpitan ka pa ng napangasawa mo,
mahirapan ka rin sa commitment at responsibilities. In short, masasakal ka.
Sakal.”
Napangiti ako sa anagrams niya. Ang husay. Naalaala ko ang
tuldik at kudlit niya, parehas apostrophe sa Filipino.
“Akala ko nga dati, pinagbabawalan lang kapag girlfriend,
boyfriend, pag asawa na, dahil iyo na, hindi na. Hindi pala. Mas mahigpit pa
nga kung minsan. Base sa marami kong nakilala, a. Kaya lumiliit ang mundo nila.
Kaya totoo pala ‘yung line na naririnig natin, like, ‘mag-masters ka na, hindi
mo na matatapos ‘yan pag nag-asawa ka na.’ Di ba?
“Ngayon, dahil sakal na sakal na,
mag-aaklas ‘yan. Aklas.” Napangiti akong lalo. “Aalis sa bahay nang walang
paalam, o kung minsan, gagawin pa ‘yung ayaw ng karelasyon. Parang naghahamon.
Nagrerebelde. And then, pag hindi na-handle nang mabuti, the last stage, kalas.
Maghihiwalay sila.”
Gusto kong mapapalakpak sa husay niya sa anagrams sa
Filipino. Ano kaya sa Filipino ang anagrams? Malamang na meron. Pero
kinalabutan ako sa paliwanag niya. Kasal, sakal, aklas. At pag hindi naayos,
pag nabuwal at hindi na bumangon, kalas. Naalaala ko ang magkasunod na pelikula
ng mag-asawang Judy Ann Santos at Ryan Agoncillo. Kasal, Kasali, Kasalo at Sakal,
Sakali, Saklolo. Parehas pumapaksa sa salimuot ng buhay-may-asawa.
“Wala ka na talagang balak mag-asawa?”
Nag-isip siya saglit. Madalas naming tanong iyon sa kanya. Napaka-cynical
kasi ng tingin niya sa pag-aasawa. Masaya na siya sa pa-girlfriend-girlfriend.
Puwede ba namang habambuhay na ganoon?
“Dati, wala. These past few months, naisip ko, ayokong
magsalita nang tapos. Pero, mas nakikita ko pa rin ang sarili ko na hindi
mag-aasawa.”
Nablangko ako. Ironic na ngayon na may gayon siyang formula
na anagrams ay saka pa siya naging maingat sa pagsasalita. Maturity marahil.
“Saka unfair ‘yung society,” sabi niya. “May line si Eli
Guieb sa short story n’yang ‘Kasal.’ It
says there, kinabisado ko talaga, “Nakapanlulumong ikulong sa loob ng mga
panaklong, na para bang kilala na ng iba ang kabuuan ng iyong pagkatao batay sa
mga kategorya kung saan ka nila ibubulsa.” Maraming p’wedeng interpretation
do’n, kahit i-base sa story, sa context, marami pa rin. Pero ako, base on my
schema, gan’to ko tinitingnan ‘yon. Kung di ako mag-aasawa, ikukulong ako ng
society sa category. Una r’yan, maraming magsasabing bading ako. Ipagpipilitan
nila ‘yon. Sasabihin, ‘e ba’t walang asawa?’ O kaya, sasabihin nilang hindi ako
masaya. Na para bang ang pagiging ganap na lalaki, at pagiging masaya, o
pagiging ganap na tao, sige, e nakadepende sa pag-aasawa.”
Tama, sa isip-isip ko. Kasal. Nabasa ko na ang maikling
kuwentong iyon sa Likhaan 1996.
Kasal, pero tungkol sa paghihiwalay. Kalas.
Tumagal pa nang mahigit isang oras yata ang kuwentuhan
namin. Pero kung saan-saan na napunta. Pero sa pag-uwi ko, naiisip ko pa rin
ang sinabi niya. Kasal, sakal, aklas, kalas. Naiisip ko kaya ito dahil ang
husay ng anagrams, o dahil sa takot ko sa sinasabi nito? Single na ulit ako.
Pero gusto ko namang mag-asawa at magkapamilya.
Sa Monumento, habang nasa dyip, sa tabi ng driver, may
nakita akong aso sa tapat ng Victory Mall. Nakikigulo sa paroo’t paritong mga
tao. Parang alien. At naisip ko, askal. Asong-kalye. Naisip kong sa paglipas ng
dekada ay marinig pa kaya iyon? Malamang na palitan na ito ng aspin. Asong
Pinoy. Sino nga kaya ang nakaisip niyon? Ang tindi ng malasakit sa aso. At tama
rin naman. Hindi naman talaga gaya ng pusang kalye ang asong nakikita sa kalye.
Laging may nagmamay-ari sa aso. Hindi gaya ng pusa. Minsan, walang
nagmamay-ari. Pagkatapos, may isa na naman akong naisip. Sakla. At isa pa ulit,
laksa. Laksang askal na naglalaro ng sakla? Puwede. Sa lamay ng mga taong
pumapatay sa kanila. Puwede kayang pelikula iyon? Dawn of the Planet of the Dogs?*
Mag-aalas-seis na ako dumating sa bahay. Dinatnan ko si Papa
na nasa ilalim ng owner namin, may kung ano na namang binubutingting. Nasa tabi
ng pinto ng owner si Mama, nakaupo sa monobloc, at nakapatong sa stainless na
takip ng makina ang kape. Alam kong para kay Papa iyon. Napatigil ako sa
paglalakad. Bigla kong naalaala ang mga pagkakataong kinakausap kaming magkakapatid
ni Papa, pag may isa sa amin na nakapagtataas ng boses kay Mama, at ang mga
madaling-araw na maaalimpungatan ako’t maririnig na nag-uusap sila ni Mama,
tungkol sa mga gastusin sa bahay at sa mga pangarap namin, gaya ng pagkakaroon
ng sariling bahay.
At bigla akong may naisip. Parang gumuhit talaga iyon sa
isip ko, at nag-iwan ng malinaw na marka. Nang hindi ako maligaw.
Lakas.
*pasintabi sa pelikulang ‘Dawn of the Planet of the Apes’