Biyernes, Hunyo 12, 2015

Paglalakad


Magaang-magaan ang pakiramdam ko pag umaalis ako sa bahay nang nakapantalong maong, rubber shoes at polo shirt. O kung ano pang damit na hindi pormal. Nagsasawa na kasi ako sa longsleeves, pantalong slacks at sapatos na balat. Gusto ko ring napagkakamalan akong estudyante at nasasamantala ko ang kabataan ko, nakapoporma ako nang pormang nakababata, sa itsura at sa kalooban. Kaya nga nalulungkot ako kapag sa eskuwelahang pinagtratrabahuhan ko ay bawal mag-smart casual kahit kung Biyernes at Sabado man lamang. Pero bukod sa mga ito, gusto kong naka-rubber shoes at pantalong maong dahil mas komportable sa pakiramdam. Nakatatakbo ako. Nakakatalon pababa o paakyat kahit tumatakbo pa ang bus. At higit sa lahat, nagagawa ko ang isang bagay na itinuturing kong mahalagang-mahalaga—ang paglalakad.

Nitong magbeynte-kuwatro anyos ako ay bigla ko na lang naging pangarap ang pagkakaroon ng maraming sapatos. Hindi mga sapatos na balat kundi mga rubber shoes. Lalong hindi kasindami ng mga sapatos ni Imelda Marcos. Masaya na ako sa anim na pares. Mahilig kasi akong maglakad, at gusto ko na marami akong sapatos para matugunan ang gayon kong aktibidad. Naisipan ko ang pag-iipon ng sapatos nang sumapit ako sa edad na beynte-kuwatro, at ganap kong naisip na ang paglalakad ay hindi lang pagtitipid sa pera, kundi higit, pagkilala sa sarili.

Dati, hindi ako nagdadala ng payong. Pero dahil nga sa hilig kong maglakad, naging gawain ko na rin ang magdala ng payong. Bukod pa sa katotohanang ayokong maluto sa araw, kailangan koi to dahil mahilig akong maglakad kahit umuulan. Kay sarap maglakad kung umuulan nang medyo malakas, at walang inaalalang gamit na mababasa sa bag. Kay sarap pagmasdan ng pagbabanyuhay ng paligid: esterong kanina lang ay uhaw na uhaw, ngayon ay umaapaw; mga punong parang baliw na kumukumpas; mga sasakyang giniginaw. Kay sarap pagmasdan ng mga ito habang naglalakad at gumigising sa kalooban ang mga emosyon mula sa mga gunita.


Sa FEU Institute of Technology ako nagtuturo, nasa tapat ito ng PRC. Galing Malinta Exit, maaari akong mag-bus na pa-Sta. Cruz, o LRT, at bumaba sa Doroteo Jose. Maglakad hanggang Recto-Avenida, at sumakay sa dyip na pa-Morayta. Pero hindi gayon ang ginagawa ko. Nagbu-bus nga ako na pa-Sta. Cruz, pero sa Central Street pa lang, malapit sa Bambang, bumababa na ako. Mula roon, maglalakad na ako hanggang sa eskuwelahan.

Hindi hamak na mas masarap ang nagiging paglalakad ko kung Biyernes at Sabado, dahil nga naka-rubber shoes ako. Magaan ang mga hakbang ko, nakakatakbo ako kung hinahabol ang pulang ilaw-trapiko, at natatalunan ang mga basa sa kalsada.

Una kong natutuhan ang daang iyon nang isang umagang mali-late na ako sa klase. Ayokong nali-late dahil bukod sa mababawasan ang sasahurin ko at maaaring hindi ako ma-rehire kung lagi akong late, ay nakakahiya ito sa mga estudyante. Isang estudyanteng naka-t-shirt na may pangalan ng aming kolehiyo ang bumaba. Sa isip-isip ko, may daan doon kaya siya bumaba. At sinundan ko ang bata. Habang sinusundan ko ang estudyante, kinakabahan ako na papaano kung hindi pala siya roon pupunta. Kaya laking tuwa ko nang makita ko ang 7-Eleven, ang KFC at ang footbridge ng EspaƱa. Nasa Morayta na ako. At hindi ako na-late. Salamat din at lalaki ang estudyante, mas malaki ang tiyansa na mabilis maglakad.

Hindi hamak ding mas magaan sa pakiramdam ko ang paglalakad kung umaga. Hindi mainit. Nakikita ko ang iba’t ibang mukha ng siyudad. O baka isang mukha lang iyon, marami nga lang anggulo. Iba-ibang anggulo ang nakikita ko. Nakikita ko ang mga taong papasok sa trabaho; ang mga estudyanteng papasok na sa eskuwelahan; ang mga driver ng dyip na magsisimula pa lamang bumiyahe; ang mga barker na masigasig sa pagtatawag ng pasahero, parang nagtatawag din ng bawat pisong iuupa sa kanila; ang pamilya ng pulubi na nagsasaing sa maliit at gusgusing kaldero; ang masiglang liwanag ng araw na nakalatag sa kalsada. Naiisip ko sa mga ito ang lungkot, hirap at kariktan ng buhay at ng buhay-lungsod. Nakikita ko rin ang aking sarili sa mga larawang nakikita ko. At nakakukuha ako ng mga materyal sa mga isinusulat at susulatin kong akda. Itinatala ko ang mga materyal na iyon sa kuwaderno sa aking isip. Hinuhugot ko lang doon, o kaya’y kusang lumilitaw sa harap ko ang linya, sa mga panahong kailangan ko sa kinakatha kong piyesa.

May isang umaga nga na hindi ako sa Central nababa. Lumiko na ang bus bago pa dumating sa Central, kaya bumaba na ako. Napahaba ang lalakarin ko. At laking tuwa ko nang madaanan ko ang Eloisa St. Doon sa kalyeng iyon ang tagpuan ng ‘926 Eloisa,’ maikling kuwento sa aklat na Virgintarian at Iba Pang Akda ni Mayette Bayuga, isa sa mga paborito kong koleksiyon ng mga maikling kuwento. Nang makita ko ang pangngalang ‘Eloisa’ na nakatitik sa poste sa bungad ng klaye, pakiramdam ko ay hindi kathang-isip ang mga tauhan sa kuwento at na pumasok ako sa mismong kuwento.

At isa pa nga iyon sa mga hilig ko sa paglalakad. Ang tumingin sa pangalan ng mga gusali, ng mga tindahan, ng mga kalye, ng mga nakasulat na mensahe sa pader. Mahalaga ito sa akin dahil guro ako sa wika. Mula sa mga ito, nakakakuha ako ng mga halimbawa na magagamit ko sa klase, at nasisilip ko ang kalagayan ng wika sa ating bansa. Idagdag pang nagdudulot din ito sa akin ng ligaya. Hindi lang dahil sa nakakakuha ako ng kaalaman, kundi dahil may mga signage na sadyang nakakatawa.

Ayoko ring nali-late, dahil liban sa mga nabanggit na, hindi ko nai-enjoy ang pagtanga sa tabing-bintana ng bus at paglalakad. Sa pagpalatak at maya’t mayang pagtingin sa relo nauuwi ang lahat. Sa pagmamadali. Nasasayang ang magandang pagkakataong magmuni.

Sa paglalakad, marami akong iniisip. Iniisip ko ang mga plano ko sa aking buhay at ang mga kinakaharap na pagdidesisyon. Kukuha muna ba ako ng Certificate For Teaching Program sa darating na taong-aralan nang makakuha ng LET (Licensure Examination For Teachers), nang pagdating ng K-12 ay may trabaho ako? O uunahin kong tapusin ang aking masters dahil magti-thesis naman na ako? Sakaling magkalisensiya, itutuloy ko ba ang plano kong mag-apply sa publikasyon ng teksbuk dahil mas gusto ko naman iyon? O susubukan ko munang magturo sa hayskul nang isang taon nang maranasan ko man lamang? Bilang guro at bilang nagsusulat, napakahalaga sa akin ng gayong karanasan. O kaya, binubuo ko at ginagawang mas matatag ang isinusulat kong mga akda. Masaya na ba ako sa pamagat nito o gusto ko pang palitan? Ano ang ipapangalan ko sa aking pangunahing tauhan? Ano ang gagamitin kong panauhan—unang panauhan ba, ikalawa, ikatlo o omniscient point of view? Ie-edit ko pa ba ang wakas? May mga bahagi ba akong gustong alisin at idagdag?

Kung gabi naman at galing sa klase sa masters, sa UP Diliman, naglalakad kami ng mga kaklase ko na naging kaibigan na rin, mula sa gusali ng College of Arts and Letters hanggang sa Commonwealth, sa tapat ng Iglesia New Era, kung saan kami maghihiwa-hiwalay at kung saan ako sasakay ng pa-SM North. Sa daan, kay rami naming napagkukuwentuhan: mga aklat na nabasa namin; mga plano sa thesis; ang hirap ng pag-aaral habang nagtatrabaho; ang kahirapan ng mabuhay sa lungsod; ang hirap ng buhay.

Kung minsan, kung maisipan lang, nilalakad ko ang hanggang Philcoa. Kung hapon iyon, kadalasan. Minamasdan ang hindi karamihang sasakyan na pumapasok at lumalabas sa UP, ang mga bulaklak sa university avenue, ang mamula-mulang liwanag ng dapithapon. Kay sarap ng ganitong mga paglalakad kung kasama ang taong espesyal sa iyo at may masarap na kuwentuhan. O kung may bigat na pinagdaraanan sa loob. Naalaala kong naglakad din ako dati para lang bumili ng sign pen sa National Book Store, nang minsang kay bigat ng loob ko dahil sa pag-ibig.

Kung hindi naman ako masakay sa isang lugar, naglalakad ako papunta sa mas malapit na sakayan o sinasalubong ko ang mga sasakyan. Kung pauwi naman ako at maghahatinggabi na, at wala nang pasahero sa traysikelan kaya kailangan ko nang mag-special, apat na ang babayaran, ay naglalakad na lamang ako. Nandoon ang pagtitipid. Isa lang ako pero P40 ang babayaran ko? Pero bukod pa roon, at higit doon, gusto kong makipag-usap sa aking sarili. Gusto kong tanungin ang sarili ko kung masaya ba ako sa buhay ko; kung ano na ang mga plano ko; kung natupad ko ba ang mga pinlano ko noong mga nakaraang taon; kung ginagawa ko ba sa kasalukuyan kong edad ang ginagawa ng mga tao na dati kong kinaiinisan. Hanggang sa hindi ko namamalayan, malapit na ako sa bahay namin.

Labing-limang minuto rin ang paglalakad kong iyon, at paahon pa dahil nasa tuktok kami ng Valenzuela. Galing pa ako sa trabaho at may sukbit pang backpack. Pero hindi ko nararamdaman ang pagod pagdating ko sa bahay. Sa halip, pakiramdam ko, ang gaan-gaan ng loob ko. Ang paglalakad pang iyon ang naging pahinga ko. Parang pagbabasa ng aklat. Kapag pagod na ako sa pagko-compute ng grades ng mga estudyante ko, kukuha ako ng aklat at magbabasa ng mga tula o maikling kuwento. Pagkatapos magbasa, mararamdaman ko na lang na wala na ang pagod ko.

Sa gabi nga ng paglalakad ko, ibang mga tanawin naman ang nakikita ko: ang inaantok na tindero ng fishball malapit sa traysikelan; ang matandang tindera ng balut na nakatingin sa malayo; ang pulubing natutulog sa tulay sa Paso de Blas; ang lungkot at hiwaga ng dilim ng gabi. At tulad ng iba ko pang paglalakad, bubusugin nito ang aking puso at ang kuwaderno sa aking utak ng mga materyal sa aking susulatin at isinusulat na mga akda.

Sa paglalakad, nakatipid na ako sa pamasahe ay nakatipid pa ako sa mga alalahanin. Inaalis nito ang aking mga intindihin. Bukod din sa nae-exercise ang aking katawan ay lumulusog ang aking kaluluwa, sabi nga ni Charles Bukowski, sa tula niyang And the Moon and the Stars and the World.

Madalas ko tuloy maipagpasalamat na lalaki ako. Dahil kung naging babae ako, baka hindi ako makapaglakad nang gabi, o makapaglakad nang kasinglayo ng mga nalakad ko. Nalakad ko na mulang Quezon City Circle hanggang Edsa; mulang Pureza hanggang Avenida-Rizal; mulang ABS-CBN hanggang Trinoma; mulang Morayta hanggang Taft Avenue. At labis na kaaya-aya sa akin ang mga matandang gumigising nang maaga at naglalakad nang kahit hindi kalayuan at pabalik-balik lamang. Iniisip kaya nila ang kanilang mga kahapon?


Sa paglalakad, hindi lang ang mga lugar na dinaraanan ko ang nakikilala ko. Hindi lang ang mga lugar na napupuntahan ko ang nararating ko. Nakikilala ko rin ang aking pagkatao, at nararating ko ang iba’t ibang sulok nito.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento