Estranghero ang himig
ng madaling-araw na
iyon;
kumakalabog na tugtog
sa speaker
na lumapirot sa koro ng
mga kuliglig;
malakas na kantahang
sumasabay sa tugtog
na nagtaboy
sa mangilan-ngilang
tilaok ng manok.
Ibinulong sa akin ng
dilim
na may mga nahintong
hilik
sa kahanay na mga
apartment;
na pinahiram ng mga butiki
ng palatak
ang nagising na mga may-bahay.
Malakas ang kanta nila
ng ‘happy bertdey,’
wala sa tono’t walang
pakealam.
Sa pagsilip ko sa bintana,
nakita ko ang galak
sa kembutan nila’t
pagtataas-taas ng
kamay.
Habang isang kasama,
may layo lang na ilang
dipa,
ang namimilipit sa
pagsusuka.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento