Huwebes, Oktubre 16, 2014

Maaari


Kaysarap sa pandinig
ng salitang ‘maaari,’
ang himig ng mga pantig
ang pag-uulit sa mga patinig:
ma – a – a – ri.
Kaysarap bigkasin nang paulit-ulit:
ma – a – a – ri.
Pagsasabing ‘puwedeng oo,’
‘puwedeng hindi.’
Guhit sa pagitan
ng malabo at malinaw.
Sa huling pantig
ibinibigay sa akin ang pasya
( ma – a – a – ri )
kung maglalakas-loob na tumawid
sa huklubang tulay
na hinahambalos ng hangin.

Miyerkules, Oktubre 15, 2014

Pagsasalansan


Marahas, humahalik sa iyong mukha
ang hanging habagat.
At may kung ano kang
nadampot sa tanawin
o may kung anong
iniabot sa iyo ang hangin,
dagli kang nakalikha ng tula.
Mabilis ang daloy ng diwa,
dahong nakalulan sa agos
ng kristal na ilog.
Ang mga salita, taludtod
maingat mong isinalansan:
iniayos, sininop,
pinagsunod-sunod.
Dalawang maingay
na estranghero ang sumakay.
Malulutong ang halakhak,
pinupuno ang maluwag na sasakyan.

Binalikan mo ang isinasalansan,
nagimbal ka sa inabutan:
basag-basag na ang mga ito
sa iyong paanan.


Linggo, Oktubre 12, 2014

Tricycle Driver


Mabagal ang takbo,
payapa ang ugong ng makina,
banayad
maging ang bawat pagkaldag;
nag-aalangan ang bawat pag-iwan
sa nagngangang kanto’t eskinita;
nakababagot ang pagpapalit ng mga larawan.
Dalawa pa lamang ang iyong pasahero:
isa sa loob,
isa sa likod.
Sa lawak ng espasyong
pinipilit sakupin ng mga mata
malimit mong makita
ang patpat na mga anak:
pinakakasimot
ang mga kanin sa pinggan.

Sabado, Oktubre 11, 2014

Pusa


Nakapangalumbaba sa gusgusing mesita,
sa kanyang tabi, maputlang kape
at matigas nang pandesal.
Tulog pa ang tatlo niyang anak.
At bukas, may pasok na naman.

Nirahuyo ng payapang pusa
ang kanyang pansin:
may mangilan-ngilang kulay
ng papalubog na araw
masinop na nakikipagsalitan
sa balahibong kasingsaya
ng puting mga ulap;
tahimik na dinidilaan
ang pagitan ng mga daliri.
Mayamaya, hinabol nito
ang munti’t puting paruparo
na dumaan at dumapo sa damo.
Ngunit lumipad lamang palayo
ang naglalarong insekto.
Naghikab ang pusa, nag-inat
saka payapang naglakad.
Magaan at perpekto ang mga hakbang
walang nililikhang ingay
waring nag-aalalay.
Bahagyang kumukumpas
ang higad nitong buntot
bago naglaho
sa nangangapal at lunting mga talbos.

Nanatili siyang nakatitig sa talbusan.
Kinakalmot ng inggit
ang kaibuturan.


9th Floor


Sa malinis na salaming bintana
pinagmasdan ko ang lungsod,
siya
at ang katawan niyang puno nang alikabok.
Hubad na babaeng nang-aakit
ang nakatitig na mga billboard.
Malalang galis
ang kinakalawang na mga bubong.
Masalimuot ang palitan ng tangkad ng lahat,
at may hiwaga sa kanilang mga pagitan
at sa mga guwang sa kanilang katawan.
Mga mata ng pinya ang mga bintana,
nanlilisik, kayraming inililihim.
Daluyan ng makutim na tubig ang mga daan,
nagbarang basura ang mga tao’t sasakyan.

Sa hangganan nitong lahat,
nakatindig ang malalaking gusali,
bahagyang nagkukubli sa maruruming ulap.
Mga halimaw na laging naririyan,
nakatanaw, nag-aabang.

Martes, Oktubre 7, 2014

Pista Opisyal


Iba sa kadalasan, naupo ka agad
at doon pa sa iniibig mong lugar—
sa tabing-bintana ng bus.
Nagalak ka sa gayak ng siyudad
kaya’t ninamnam mo ang lahat:
ang di kapani-paniwalang dalang
ng mga tao’t sasakyan,
ang kawalang pagmamadali ng mga hakbang,
ang mahinhing pagtawid sa hangin
ng mga busina,
ang salimuot ng buhol-buhol na mga usok,
ang payapang pag-ikot ng mga gulong,
ang pag-asam ng mga gusaling
malampasan ang mga ulap,
ang umagang walang agam-agam.

Ninamnam mo ang lahat,
tulad ng pusa, sa kanyang paghihikab
at pag-iinat,
tulad ng paglasap sa tamis, init
pait ng kape
sa mga hatinggabi ng pagmumuni.
Ninamnam mo ang lahat,
nilasap ng mga pandama,
ng kaluluwa,
nang mapaghugutan ng lakas
at tatag.
Paghahanda sa hanggang gabing
tunggalian.


Huwebes, Oktubre 2, 2014

Galit sa Dalit


I
Inang Wika kung tawagin,
pinagmulan kung ituring.
Ang nanay mo ba’t probins’ya,
‘tinuturing mong basura?

II
Dahil lang sa ChEd at DepEd
masasayang na lamang,
‘tong ating Wikang Pambansang
daang taong ‘pinaglaban?

III
Itong Wikang Filipino,
wawalisin sa koleh’yo?
Baka mawalis, Pare ko,
pati ating pagkatao.