Mga alas-tres iyon ng hapon, nang una ko siyang makita.
Nasa sala ako, nakaupo sa sopa, nakaharap sa mesita, nagma-Milo. Nagpi-Facebook
ako gamit ang tablet ko. Miyerkules iyon, Pebrero, day-off ko.
Nag-a-upload ako ng mga picture nang may marinig akong
tumatakbo. Huminto sa harap ng apartment namin ang mga paa. Nagulat ako.
Tiningnan kong bigla. Katapat ko lang ang pinto at ang gate, kalahating dipa
lang ang layo ng pinto sa gate. Batang lalaki. Mukhang nasa pito hanggang siyam
na taon pa lang. Nakanganga siya, nakahawak ang dalawang kamay sa gate,
naninigas ang hintuturo ng isang kamay, nanginginig. Parang may kung anong
itinuturo. Bumubuka ang bibig niya, parang may isinasaulo. Parang nagkakabisa
ng multiplication table. Tapos, nagtatakbo ulit.
Kinabahan ako. Pakiramdam ko, hihimatayin siya. Pero hindi
ko na lang pinansin. Bumalik ako sa ginagawa ko. 21 out of 30 na ang
naia-upload ko. Ang bilis nang internet. Uminom ako ng Milo. Hindi na ganoon
kainit. Wala pang ilang minuto, may tumatakbo na naman. Siya ulit. At ganoon
ulit. Huminto ulit siya sa tapat namin, nakahawak ang isang kamay sa gate,
naninigas ang hintuturo, nakanganga, parang may kinakabisa. Noon ko natitigan
ang itsura niya. Payat siya na may kaputian, singkit, bagsak na bagsak ang
buhok. Naka-sando siyang dilaw, naka-short na asul. Maliit na sa kanya ang
sando niya at short.
Tumakbo ulit siya, parang may kahabulang bata. Pero wala
naman akong naririnig na ibang pares ng paa. At kung may kahabulan siya, bakit
humihinto siya sa tapat namin?
Tiningnan ko kung ano ang tinitingnan niya. Katabi ng sopa
ang TV namin, 33 inches. Magandang panuoran, lalo’t para sa isang bata. Pero
patay ang TV. Lalong malabong ang DVD o amplifier ang tinitingnan niya.
Naalaala kong medyo nakataas ang ulo niya. Nakuha kong bigla. Ang nakasabit na
kalendaryo ang tinitingnan niya. Kalahating dipa ang perimetro ng kalendaryo,
at tulad ng ibang kalendaryo, mas malaki ang background nito. Isang dangkal
lang sa ibaba ang sinakop ng mga buwan. Nasa background ang mga character sa ‘One
Piece.’ Nasa gitna si Luffy, tutok na tutok ang malaki niyang kamao. Nasa
kaliwa, kanan at taas niya ang iba pang Straw Hat Pirate. Si Nami. Si Zorro. Si
Usopp. Si Sanji. Si Chopper. Si Robin. Si Frankie. Si Brook. Lahat, nasa anyong
makikipaglaban. Sa paanan ni Luffy, isang quote mula kay Dr. Hiluluk, tauhan
din sa ‘One Piece.’ Nasa Filipino ang quote, mula sa Ingles, isinalin ni Kuya. Filipino
instructor siya sa FEU-East Asia College. Saka niya ibinigay sa gagawa. P450
ang pagawa niya.
Mahilig sa anime si Kuya, pero pinakapaborito niya ang ‘One
Piece.’ Dito kami pinakanagkakasundo. Sabi nga nina Ma at Pa, dapat daw, hindi
na kami nag-aaway. Dadalawa na nga lang daw kami. Dalawa lang kaming magkapatid,
tatlong taon ang tanda sa akin ni Kuya. Magbebeynte-kuwatro na siya.
Naiinis kami dahil parehas naming hindi napapanood sa GMA
ang ‘One Piece’ pag umaga. Dahil may pasok kami. May internet naman, puwede
naman sa Watchop.com, pero iba pa rin talaga pag Filipino ang gamit. Mas
naiintindihan.
Narinig ko ulit ang mga paa ng bata. Huminto ulit sa tapat
namin. Ganoon ulit. Wala pang isang minuto, tumakbo na ulit siya na parang may
kahabulan. Inubos ko ang Milo ko. Uploaded na ang lahat ng picture. Tumayo ako,
binuksan ang gate, sumilip sa labas.
Nakita ko ang bata, nasa tapat ng ikatlong apartment. (Anim
ang apartment sa inuupahan namin, panglima ang sa amin.) Patalun-talon, habang
nakataas ang dalawang kamay. Parang may inaabot. At tama ako, wala nga siyang
kalaro. Nakaupo sa harap ng bahay nila, sa mahabang upuan, ang isang lalaki.
Nagkakape. Iyon siguro ang papa niya.
Tumalon ang bata. Iwinasiwas sa hangin ang dalawang kamay.
Kunwari, may hawak na espada. Si Zorro siguro ang ginagaya niya. Bigla kong naalaala
na noong nasa ganoong edad ako, sina Shaider at Mask Rider naman ang ginagaya
ko.
Noon ko lang sila nakita. Noong Disyembre lang kasi kami
lumipat. At hindi rin ako palalabas ng bahay. Kaya kahit isang pinto lang ang
pagitan namin, hindi ko sila nakikita. Lumalabas lang ako pag papasok sa
Gateway. Barista ako isang coffee shop doon. At kadalasan, opening ako. 4:30 pa
lang ng umaga, umaalis na ako ng bahay. Pag closing naman, alas-kuwatro na ng
umaga ako nakakauwi.
Napansin kong masaya ang bata. Lagi namang masaya ang mga
bata, kaya nga madalas hilingin ng matatanda na sana, bata pa rin sila. Pero
itong batang ito, ewan, pero mukhang mas masaya pa siya kaysa sa ibang bata.
Isipin pang wala naman siyang kalaro. Mapunit-punit na ang pisngi niya sa
pagkakangiti. Litaw ang mapuputi at pantay na pantay niyang mga ngipin. Malayo
sa mga batang nakikita ko. Kadalasan, puro bulok ang mga ngipin.
Mga alas-singko, dumating si Mama, galing Bible study.
Dumiretso agad siya sa kusina, kumuha ng tasa sa dishwash, nagbukas ng isang
sachet ng kapeng 3 in 1.
“Ma,” nasa tabi ako ng washing machine, “natatakot ako ru’n
sa bata sa pangatlong bahay.”
“Ba’t ka matatakot?”
“E sumisilip dito. Naninigas ‘yung hintuturo. Para bang
magko-collapse.”
Hinahalo na ni Mama ng kutsarita ang kape. “AJ ang pangalan
nu’n, mabait ‘yon. Kakausapin mo kasi. Pangalawa ‘yon, ‘yung panganay, grade
two. Pero ‘yang si AJ, special child.”
Special child. Parang binayo ang dibdib ko.
Linggo ng hapon, day-off ko rin noon, habang nagsisilong
ako ng mga sinampay, nakita kong tumatakbo si AJ. Huminto siya sa tapat namin.
Nakatingin ulit sa kalendaryo. Pero di tulad noong Miyerkules, hindi siya
tumakbo na parang may kahabulan. Huminto siya sa tapat ko.
“Tulong ko ikaw?” maliit ang boses niya. Masarap sa tenga.
Nangiti ako. Ewan kung ba’t noon ko lang napansin, may
hawig siya kay Luffy. Sa bilugang mga mata. Sa hugis ng mukha. Sa bagsak na
bagsak at itim na itim na buhok. Nangiti akong lalo. Pinakagusto ko sa lahat ng
anime character si Luffy. Hindi masyadong malakas na gaya nina Goku, Recca at
Eugene ng ‘Ghost Fighter.’ Buhay na buhay. Matakaw. May pagkatanga. Hindi tulad
ng iba na sa sobrang kaastigan, nabalutan na ng sobrang pagiging misteryoso.
Nalalayo na sa puso ng manunuod.
“Tulong ko ikaw?” ulit niya.
Naalaala ko ang ‘Ang Mundong Ito ay Lupa,’ nobela ni
Edgardo M. Reyes. Ipinabasa iyon sa akin ni Kuya noong nakaraang summer
vacation, iyon daw ang pinakapaborito niyang nobela. May karakter doon, si Henry,
special child din. Binatilyo nga lang. Natutuwa ito pag inuutusan, nasa mga
mata ang galak pag pinasasalamatan. Natutuwa na may nagawang kabutihan sa
kapwa.
“Sige.” Iniabot ko sa kanya ang tatlong t-shirt na
naka-hanger. Nagliwanag ang mukha niya. “Lagay mo ro’n, a?” inginuso ko ang
upuang kahoy sa loob, sa tabi ng gate. Napansin kong nakasara pala ang gate.
Tumakbo ako para buksan, palabas.
Sumunod siya sa akin, pagkabukas ko ng gate, inilagay niya
agad sa upuan ang mga damit. Ipinatong ko rin ang dala kong mga t-shirt.
Bumalik ako sa labas. Sumunod siya. Tatlu-tatlong hanger ang pagkuha ko sa mga
damit, para mabilis. Mababa lang ang sampayan. Mga anim na talampakan lang. Ni
hindi ko kailangang tumingkayad.
Nakatingin pa rin sa akin si AJ. Hindi lang basta nanunuod.
Naghihintay na iabot ko sa kanya ang mga damit. Pero mga pantalong maong na ang
natira, medyo mabigat. Kinuha ko ang apron sa ilalim. Mabuti’t may naiwan.
Iniabot ko sa kanya. Nagliwanag uli ang mukha niya. Nagtatatakbo niyang
inilagay iyon sa upuan.
Nang makuha ko na ang lahat ng damit, nandoon pa rin siya.
Naghihintay ng iuutos ko sa kanya. Kinuha ko ang lahat ng damit na kaya kong
kuhanin. Mga short, pantalon, t-shirt at apron. Isang yakapan. Tapos, ibinagsak
ko sa sopa sa sala. Binalikan ko ang kaunting natira sa upuang kahoy. Nasa
tabing gate pa rin si AJ, titig na titig sa akin.
Pumasok uli ako sa sala. Nakatingin pa rin siya. Ipinatong
ko ang ilang damit sa mesita. Hindi pa rin siya umaalis. Nahagip ng mata ko ang
silya sa harap ng computer table.
“Tara, AJ.”
Ngumiti siya. Ngiting-ngiti. Tuwa marahil iyon na uutusan
ko ulit siya, at na tinawag ko siya sa kanyang pangalan. Bakit nga kaysarap sa
atin pag tinatawag tayo sa pangalan? Para bang nalulusaw ang manipis na pader
sa pagitan ng dalawang estranghero. Nagtatakbo siyang lumapit sa akin. Nakakatuwang
hinubad pa niya ang tsinelas niya bago siya pumasok.
Dinukwang ko ang upuan, hinatak palapit sa mesita. “Upo
ikaw.” Umupo siya. “O, tatanggalin mo ‘yung hanger, a?” Ipinatong ko sa mesita
ang lahat ng damit. “Tapos, abot mo sa akin. Ha?”
Tumango siya. Ngiting-ngiti pa rin.
Hindi siya nagsasalita. Ayoko ring magkuwento. Ano naman
ang ikukuwento ko sa kanya? Patingin-tingin lang ako sa kanya. Nakangiti siya
habang tinatanggal sa hanger ang mga damit. Mabilis lang niyang tanggalin ang
sa t-shirt, short at apron. Pero nakikita kong nahihirapan siya sa pantalon.
Nanunulis ang nguso niya.
“Bukas na lang ulit. Ha?” sabi ko nang matanggal na niya sa
hanger ang mga damit. Kahit alam kong sa susunod na Linggo pa ulit kami
magkikita. Ni hindi pa sigurado.
Tumango siya.
“Salamat.”
Ngumiti lang siya. Nakipag-apir ako sa kanya.
Linggu-linggo, ganoon ang bonding naming dalawa. Minsan,
may nakita akong laruan sa Monumento, sa paanan ng LRT station. Kabayo. May
pipihitin lang sa bandang tagiliran, tapos, lulukso-lukso na ito. P95 lang.
Tinawaran ko. Nakuha ko ng P90. Tawad na raw talaga iyon. Limang piso.
Ibinigay ko kay AJ nang Miyerkules at day-off ko. Nasa
labas siya noon, nagtatatakbo. Tinawag ko. Ang luwang nang pagkakangiti niya.
“Tengkyu,” sabi niya. Nagtatakbo siya, iniluksu-lukso sa hangin ang kabayo.
Nasa labas ang papa niya. Nagkakape. Nginitian ako. Isang napakatahimik na
pasasalamat.
“Anak, patingin nga,” sabi nito. “Parang may pihitan sa
gilid.”
Iniabot ni AJ sa papa niya ang laruan. Pinihit nang pinihit
ng papa niya, saka maingat na ibinaba sa sementadong daan. Lumuksu-lukso ang
kabayo. Nakatingala. Parang may kung anong gustong abutin sa langit. Pero hindi
makaalis-alis sa lupa.
“Waaaah!” sigaw ni AJ. Nagliliwanag ang mga mata. Nakatukod
ang dalawang kamay sa magkabilang tuhod.
Ang gaan-gaan sa pakiramdam kapag nakakapagpasaya ng ibang
tao. Lalo’t wala ako halos ginastos. Patunay na libre lang talaga ang
kaligayahan. Kung nabibili man, hindi pa rin ganoon kamahal.
Nagkaroon ako ng pag-iingat sa ilang bagay dahil kay AJ.
Halimbawa, kung nanunuod ako ng pelikula sa HBO at Star Movies, isinasara ko
ang pinto. Baka kasi may bed scene ang palabas, at matindi pa ang halikan. At
hindi ko mapansing nakasilip na pala si AJ.
Nakita kong bigla sa sarili ko ang sensibilidad ng isang
nakatatanda sa bunso niyang pinsan.
Isang Martes, 4:30 ng umaga, Abril na noon at mainit na ang
hininga ng madaling-araw, napansin kong sa labas ng bahay nina AJ ay may mga
sako na puno ng kung anong laman at nakatali ng straw sa dulo. Tinanong ko si
Mama, kinaumagahan, habang nanunuod siya ng ‘Be Careful With My Heart.’
“Lilipat na sina AJ, e” sabi niya. “Di ko pala nasabi
sa’yo.”
Nakaramdam ako ng di mapangalanang lungkot. Pagbilis ng
tibok ng puso at isang maliit na maliit na kurot sa dibdib.
“Bakit?” nasabi ko na lang.
“Nakak’wentuhan ko ‘yung Mama nila. Sabi, hirap daw sila
rito. Mag-iisang taon na sila rito. Namamahalan daw sila.”
Hindi ako kumibo. P3,500 monthly ang upa namin sa bahay.
“E papa lang ni AJ ang nagtatrabaho sa kan’la. Uuwi na lang
daw silang Laguna. Do’n na lang pag-aaralin ‘yung dal’wang bata. Bukas,
kuku’nin na r’yan ng lola nila. Mauuna na sa Laguna.”
Hindi ako nanghihinayang na hindi ako nakapag-day-off nang
Miyerkules. Para man lang makita si AJ bago sila sunduin ng lola nila. Siguro,
dahil alam kong malulungkot lang ako kung makikita ko siya.
Biyernes, sarado na ang pangatlong bahay. Nahakot na raw
noong Miyerkules ang mga gamit. Naiayos na noong Huwebes ang lahat ng dapat
ayusin. Parang biglang nagkaroon ng kahungkagan sa hanay ng mga apartment.
Parang may kung anong nawala. Parang may kung anong hiwaga.
Linggo, day-off ko ulit. Gaya noong unang buwan namin sa
apartment, mag-isa kong isinilong ang mga sinampay ko. Hindi ko na inilagay sa
upuan sa tabi ng gate, idiniretso ko na sa sopa. Habang iniisa-isa kong tinitiklop
ang mga damit, ewan, pero bigla akong napatingin sa kalendaryo sa dingding. At
noon, sa unang pagkakataon, nadama ko ang bigat ng quote na nandoon.
“Kailan namamatay ang tao? Pag ba binaril? Hindi! Pag
tinamaan ng malalang karamdaman? Hindi! Pag nakainom ng sabaw mula sa
nakalalasong kabute? Hindi! Namamatay ang tao pag siya’y kinalimutan.”—Dr.
Hiluluk
Hello Macky, ito ba yung na-publish sa Peb. 9, 2015 isyu ng Liwayway?
TumugonBurahin* Hi, oo, ito nga. Sino pala ito? Hehe
BurahinHello Macky, not sure if my last comment went through, so here I am again. Anyway, nagsusulat din ako sa Liwayway. Hindi kasi ako makabasa ng mga stories sa Liwayway ngayon dahil I'm based abroad, kaya sini-search ko na lang sa Google yung author and title of the story, and that's how I found out about your blog.
TumugonBurahinMy most recent story will appear on the next issue of the magazine (Mar. 23, 2015), this Tuesday ata makakabili na no'n... "First Class" yung title ng story ko. Hope you get a chance to read it. :) If not, naka-post naman yun sa FB account ko. If you're interested in reading it, just let me know.
Good luck sa mga future stories mo. Mahusay ka magsulat, hopefully mailathala na rin mga gawa mo sa regular space/column.
* Nababasa ko naman ang comment mo. Salamat sa pagbasa. Ano ba ang Facebook name mo, nang mai-add kita. Lalabas itong gawa kong ito sa aklat namin, self-publish nga lang at papalitan ko ang pamagat.
BurahinNakita kita sa fb at nag-friend request na ako. Saeds Pens yung gamit kong name. Parehas pala tayong teacher *thumbs up* Elementary nga lang tinuturuan ko dito sa NJ
Burahin* Akala ko, ikaw rin iyong Kiko. Magkaibang tao pala. Salamat sa pagbasa
BurahinAko rin si Kiko :P Di ko alam kung bakit hindi na-accept yung name sa mga huling comments ko. Salamat din sa pag-accept sa FB!
Burahin