Nasa
loob ako ng traysikel, nanginginig sa lamig. Yakap-yakap ko ang backpack ko na
may lamang ilang damit, isang aklat at sepilyo. Katabi ko si Sangko, nakadyaket
na pula. Nasa kandungan din niya ang backpack niya, pero di niya yakap-yakap.
“Sinabi
na kasing magdala ng pangginaw,” sabi niya. Bahagya ko na lang marinig ang
boses niya dahil sa lakas nang ugong ng motor. Alam kong umaawit ngayon ang mga
kuliglig, hindi ko lang marinig.
Hindi
ako kumibo. Namamanhid na ang mukha ko sa lamig ng hangin.
Alas-tres
kami umalis sa bahay. Mga saktong alas-kuwatro, nasa sakayan na kami ng bus.
Tapos na ang bakasyon. 2014 na.
Hindi
sementado ang dinaraanan naming kalsada, bukid ang magkabilang gilid. Malubak. May
mga pagkaldag na nauuntog ako. Dinig na dinig ko ang pagaspas ng hangin. At
ewan, pero parang mas mahiwaga ngayon ang dilim. Iba ang lungkot sa akin.
Ganito ang nararamdaman ko pag matagal ako sa Callos, sa baryong kinalakhan ko,
tapos, babalik akong Valenzuela.
“Sa
pista na’ng balik mo n’yan,” sabi ni Sangko.
Tumango
ako.
Tito
ko si Sangko, pang-apat na kapatid ni Mama, pangatlo sa tatlong lalaki. Maputi
siya, parang sa babae na ang kaputian. Makinis ang mukha. Singkit. Hindi katangkaran,
Maganda ang katawan. Sangko na ang naging tawag ko sa kanya, dahil nagaya ako
kay Tita Ine, bunso sa kanilang magkakapatid. Hanggang sa kaming lahat na
pamangkin, Sangko na ang tawag sa kanya.
Anim
na buwan lang ako nang iwan nina Mama at Papa kina Nanay at Tatay, lolo’t lola
ko. Parehas kasi silang may trabaho, at walang makuhang yaya. Panganay na anak
si Mama, at panganay na apo ako. Kaya sunod na sunod ang luho ko. Sina Nanay at
Tatay na ang nagpalaki sa akin, binata’t dalaga pa noon sina Sangko at Tita Ine.
Kaya masasabi kong kabilang sila sa nagpalaki sa akin.
Mahal
na mahal ako ni Sangko, alam ko. Kahit hindi niya sinasabi sa akin. Matalino
rin nga siguro ang mga bata. Kaya nilang malaman kung mahal ba sila o hindi ng
isang tao. At kung mahal nga sila, napakainam. Magiging magandang alaala ito,
na dadalhin hanggang sa pagtanda.
Marami
akong nahuhugot na larawan sa alaala ko, kaya ko nasabing mahal ako ni Sangko.
Mula
pagkabata, sa kanya na ako nakatabi sa pagtulog. Madalas, nakakulambo kami. Sa
tabing dingding ako lagi. Minsan, nagpipilit ako na ako sa bandang kanan. Doon
sa puwesto niya. Pero hindi raw puwede. Baka raw mahulog ako. Kung mainit at
pawis na pawis ako, bumabangon pa si Sangko, kumukuha ng diyaryo sa tapat ng
pinto ng tindahan, iyong pambalot ng tinapa. Inilalagay sa likod ko. Hindi ako
komportable. Mas okey sa pakiramdam ko ang bimpo o panyo.
“Mas
mainam ‘yan, mas sumisipsip ng pawis,” sabi niya. Hanggang sa makasanayan ko na
nga ang ganoon.
Pag
tanghali, si Sangko rin ang nagpapatulog sa akin. Sa kanya ko unang narinig ang
kuwento ni Emang Engkantada at ng Tatlong Haragan, ni David at ni Goliath, at
ni Langgam at ni Tipaklong. Minsan, nagtatabi siya ng patpat. Panakot pag ayaw
kong matulog, pag gustung-gusto kong maglaro sa labas. Nakakatulog akong
nakayakap kay Sangko, tapos, pagkagising ko, mag-isa na lang ako sa papag. Pag
nakita niyang gising na ako, tatanungin niya ako kung gusto ko ng Milo. Hindi
ako nagsasalita. Nakasimangot lang akong tatango.
Minsan,
tandang-tanda ko pa, nasa grade 1 ako noon, ako ang napili ng titser namin na
tumula para sa Buwan ng Wika. Kinabisado ko ang tula. Katulong ko si Sangko,
pag gabi, pagkatapos kumain. Tinuruan pa ako ni Ma’am ng mga action-action. Taas-taas
ng noo. Kumpas-kumpas. Sa mismong program, batay sa retrato sa photo album
namin, nakapantalong dilaw ako na nakalupi ang laylayan, tsinelas na Beachwalk
at dilaw na kamisetang mahaba ang manggas. At sa baywang ko, may nakasabit na suksukan
ng gulok. Suksukan lang, kunwaring may gulok.
May
mga gabing bago matulog na tumutula ako sa harap nina Nanay, Tatay, Tita Ine at
Sangko. May action-action pa. Taas ng noo. Tayo nang tuwid.
“Ganyan
ang gagawin mo sa stage, a,” sabi ni Sangko.
Tumango
ako.
Pero
nang tawagin ang pangalan ko sa stage, hindi ako pumunta. Ginapangan ako ng matinding
hiya. Nilapitan na ako ng titser ko. Ayoko talaga. Pinipilit na ako ng mga
titser. “Dali na, pogi ‘yan, e,” sabi ng isang titser. Lumapit si Sangko. “Dali
na, Mac, o. Sayang ‘yung pinraktis mo. Dali.” Lumakas ang loob ko. Inihatid
niya ako hanggang sa hagdan ng stage. Umakyat ako. Palakpakan ang mga tao. Sa
stage, tumingin pa ako kay Sangko. Nakangiti siya sa akin. At tumula ako na
gaya ng pinraktis ko.
Nang
nasa grade 3 na ako, niregaluhan ako ni Sangko ng jigsaw puzzle. Kasinglaki
yata iyon ng notebook. Ang nasa puzzle, barko ni Noah. Nakapilang pumapasok sa
barko ang mga hayop. Nasundan iyon ng libro, noong nasa grade 4 ako, “Mga
Kwento sa Bibliya.” Nakasulat sa huling pahina ang buong pangalan ko, sulat-kamay
ni Sangko. Nandoon ang mga tanyag na kuwento sa Bible, ang kuwento nina Eva’t
Adan, ni Noah, ni Moises, at ang pagsilang kay Hesu Kristo. Makapal ang libro.
De-spring na parang notebook. Nasa kanan ang kuwento, nasa kaliwa ang larawan.
Isang kuwento, isang larawan. Karamihan sa mga kuwento, noon ko lang nabasa.
Tulad ng kuwento ni Eliserio, ang propeta ng Diyos na sumakay sa nagliliyab na
karwahe mula sa langit, ang kuwento ng tatlong kaibigan ni Daniel, na inihagis
sa hurno ng apoy ngunit di nasunog. Dinadala ko iyon sa eskuwelahan, ipinagmamayabang
ko sa mga kaklase ko. Marami ang nanghihiram.
Protestante
kami. Palasimba ang lahat sa kapilya, lalo na si Sangko. Ayaw na ayaw ni Sangko
na naglalaro ako ng text, lalo pag nagsasabi ako ng buwisit, o iba pang mura.
Pinagagalitan ako. Siya ang naggagayak sa akin pag magsisimba ako, o pag
papasok sa eskuwela. Nagagalit siya pag mabagal akong kumilos.
“Naglalaro
ka pa kasi, e, o,” nakita niya akong nilalaro ang tubig sa tabo habang nagsisepilyo.
“Kelapit na lang ng bahay mo, nali-late ka pa.”
Kung
naglalakad kami ni Sangko at may nadaanan kaming nagwi-welding, tinatakpan niya
ang gilid ng mata ko kung saan nandoon ang masakit sa matang liwanag.
Nakasisira raw iyon ng mata.
Si
Sangko rin ang gumagawa ng mga saranggola ko na pinalilipad namin sa bukid ng
mga kalaro ko. Nang una, wala akong saranggola. Naiinggit ako sa mga kalaro ko.
Nakaupo lang ako sa pilapil, patingin-tingin sa saranggola nila na
isinasayaw-sayaw ng hangin. Patakbu-takbo pa sila para mas tumaas ang
saranggola. Minsan, may nagkakapuluputan ng sinulid. Tapos, magtatawanan sila.
Naiinggit
ako dahil wala akong saranggola. Sila ang gumagawa ng saranggola nila. Ako ang
pinakabata sa aming magkakalaro. Nakikisali lang naman talaga ako sa kanila. At
dahil nga pinakabata, hindi ako marunong gumawa ng saranggola.
Nang
sabihin ko iyon kay Sangko, ginawaan niya agad ako ng saranggola. Gawa pa sa
plastik, di gaya ng sa mga kalaro ko, diyaryo. Pakiramdam ko noon, kabilang na
ako sa mga kalaro ko. Hindi na ako saling-pusa. Parang biglang sikat ako.
Minsan,
mga alas-seis na, nasa laruan pa ako. Malaking bagay ito dahil nasa malayong
laruan ako. Hindi basta sa tapat ng bahay namin. Tapos, hindi pa ako kumakain.
Maaga ang kainan sa probinsiya, pero sa amin, mas maaga. Alas-seis lang,
hapunan na. Minsan nga, mas maaga pa.
Nakikipagluksong-baka
ako noon sa ibang bata sa tambak ng dayami sa bukid, nang may biglang tumawag
sa akin. “Mac!”
Nakilala
ko kaagad ang boses. Si Sangko.
“’Alika,”
sinenyasan ako.
Lumapit
ako. Kumakabog ang dibdib. Alam ko na ang mangyayari. Dinampot ni Sangko ang
isang patpat sa gilid ng daan. Tinanggal ang maliliit na sanga. “Uwi!” Lalakad
na ako nang birahan ako nang palo sa puwit. Bumilis ang lakad ko. Nangilid
bigla ang luha ko.
Kina
Nanay, Tatay, Tita Ine at Sangko, si Nanay ang pinakamadalas mamalo sa akin.
Pangalawa si Sangko. Ang kay Nanay, kung hindi tsinelas na pambahay,
walis-tambo. Salamat at mas madalas na tsinelas lang. Kay Sangko, patpat na
dinarampot niya sa kalsada. Pero nang minsang magmura ako, nang minsang sabihan
ko ng “Gago!” ang kalaro ko, at isinumbong ako kay Sangko, tsinelas na alpombra
ang ipinampalo niya sa akin. Pero hindi sa puwet. Kundi sa nguso ko.
“Ayoko
nang maririnig kang magmumura, ha?” hawak pa rin ni Sangko ang tsinelas.
“Sagot!”
“O…o…opo.”
Hirap na hirap akong magsalita. Panay ang hikbi ko.
Pero
hindi sa pagyayabang, palagay ko, lumaki naman akong mabuting tao. At palagay
ko, bahagi niyon ang mga pamamalo sa akin. Pagwawasto. Kaya nga naiinis ako pag
may tauhan sa teleserye na sasabihing mahal siya ng magulang niya, at kahit
kailan daw, hindi siya pinagbuhatan ng kamay. Lumalabas na pag pinagbuhatan ng
kamay, hindi na mahal.
Si
Sangko din ang nagturo sa aking magbisekleta. Kung hapon iyon, pagkauwi ko sa
bahay galing eskuwelahan (buong araw ang klase sa probinsiya), at kung Sabado
ng umaga. Siya rin ang kasama ko nang tuliin ako. Pag gabi, bago matulog, saka
niya ang nilalanggas ang titi ko. Nang mangamatis, dinala niya agad ako sa
nagtuli sa akin.
Nasa
grade 5 ako nang bigyan niya ako ng brick game. Kulay dilaw. Usung-uso noon sa
mga kaklase ko ang brick game. Hiraman. Payabangan. Sikat ang meron. Marami
biglang kaibigan. Iyong sa akin, ipinatatabi ni Sangko pag kakain na ako at pag
matutulog na.
“Masama
naman ‘yung masyadong mahilig sa ganyan. Baka puro ‘yan na’ng inaatupag mo.”
Grade
6 ako nang mag-asawa si Sangko. Hindi siya nakatungtong sa kolehiyo, at wala
rin namang alam na trabaho. Bahay-simbahan lang siya noong binata. Kaya ibinigay
na sa kanya ni Nanay ang tindahan. Sa likod-bahay sila tumira, ipinaputol ang
matanda nang punong mangga. Naging mag-isa ako sa kuwarto. Bigla, parang may
kulang. Parang ang lungkot ng bawat gabi. Parang biglang lumungkot at lumakas ang
awit ng mga kuliglig.
Nang
mag-asawa siya, ang daming nagbago. Noong una, hindi ko kaagad napansin.
Hanggang maramdaman ko na lang. Naging madamot siya. Wala na siyang ibinibigay
sa akin na kahit ano, kahit kina Nanay at Tatay. Ewan kung dahil sa napangasawa
niya, o ganoon talaga pag nag-aasawa. Pag bumubukod na. Kaya ba umiiyak ang mga
magulang pag ikakasal na ang anak nila?
Nang
magtapos ako ng elementarya, kinuha na ako nina Mama at Papa. Sa Valenzuela na
ako maghahayskul. Malungkot noon sa bahay. Si Nanay, iyak nang iyak. Si Tatay,
umalis. Ayaw raw makitang aalis ako. Si Sangko, inihatid ako hanggang sa
traysikel. Titig na titig siya sa akin. Noon ko lang siya nakitang ganoon. Pinabaunan
niya ako ng tatlong Cream-O Butter na tinda niya. Kainin ko raw pag nagutom ako
sa biyahe.
Sa
FX, tumutulo ang luha ko. Ang hirap mawalay sa mga taong nagpalaki sa iyo, at
sa lugar na bata ka pa, kasama mo na. Nakatulog akong yakap-yakap ko ang mga
biskwit.
Minsan,
nasa hayskul na ako at umuwi sa Nueva Ecija para magbakasyon, nagpatulong si Sangko
na dalhin sa kanila ang mga binili niya. Binuhat ko ang mga kaya ko. Alam kong
banig ang buhat ko, kaya iniangat ko ng dalawang kamay nang mataas, at
ibinagsak ko nang malakas. Ginagaya ko si Goku sa Dragon Ball Z. Ang sumunod,
nakalagay sa karton. Ganoon uli ang ginawa ko. Ibinalibag ko ulit. May tumunog.
Parang natapakang salamin.
“Ano’ng
ginawa mo?” Si Sangko, nasa likod ko na pala. “Ba’t mo ibinabalibag?” lumapit
agad siya sa ibinagsak kong gamit, saka binuksan. Picture frame. Isa’t
kalahating ruler ang haba. At may basag sa gitna.
“Tingnan
mo’ng ginawa mo!” mataas ang tono ni Sangko. “Tingnan mo! Binasag mo!”
Nangingilid
ang luha, nagtatakbo ako sa kuwarto ko. Sa dating kuwarto namin ni Sangko.
Ngayong
beynte-kuwatro na ako at puwede nang mag-asawa, napapangiti ako pag tinitingnan
ko ang mga lumang retrato sa inaalikabok naming photo album, at madadaanan ko ang
retrato ko noong bata. May kung anong okasyon at karga-karga ako ni Sangko. Sa
retarato, yakap-yakap niya ako. Pinapatahan. Para akong anak, para siyang
tatay. Para kaming mag-ama.
Pagdating
sa Gapan, binayaran ni Sangko ang traysikel. P120.
May
dumating na bus, Baliwag, pa-Cubao. Nakipag-unahan kami. Ako ang naupo sa
tabing-bintana. Isinara ko ang aircon. Nanginginig pa rin ako sa lamig.
Ipinasok ko sa manggas ng t-shirt ko ang kaliwang kamay ko. Hinawi ko ang
kurtina. Maraming pasahero sa harap ng 7-11. Madilim pa rin, pero gising na ang
Gapan. Marami nang traysikel at bukas na ang mga tindahan.
Sa
gilid ng mata ko, nakita kong dumukot si Sangko ng pamasahe sa pantalon niya.
“Mac, kanya-kanya muna tayo, a?”
Tumango
ako. Sa labas pa rin ako nakatingin.
Sa
Cubao siya bababa. Doon na siya nagtatrabaho. Umuuwi lang siya pag Sabado para
sa mag-anak niya. Dalawa na ang anak nila. Ako naman, sa Balintawak bababa.
Sasakay sa bus na pa-Malinta Exit.
May
pamilya nang binubuhay si Sangko. Ako naman, binata na. Guro na sa kolehiyo.
Mga ilang taon na lang din, magkakaroon na ako ng sarili kong pamilya. Hindi na
tulad nang dati ang lahat. Alaala na lang na tinatakbuhan ko pag parang hindi
ko na kakayanin ang bigat ng mga problema.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento