Ia-unfriend ko na talaga dapat sa
Facebook si EJ, first year, BSIT, estudyante ko sa CTP (College For Technical
Programs). Nai-stress ako sa mga status niya sa Facebook. Minsan, may status
siyang “Palagay nyo bagay kaya sakin ang kulot?” Bading yata. Pati ba naman
iyon, ii-status pa. Minsan naman, ganito ang nabasa ko, “Anong best asset ko?
Comment dali.” At may mga nagko-comment talaga. “Para sakin, ilong,” sabi ng
isa. “Sakin, mata.” Lumalampas pa ng 100 ang likes ng status ni Loko.
Pero hindi ko siya
ini-unfriend. Dahil incomplete pa siya sa akin. Nag-post ako noong isang linggo
sa Facebook group namin (May Facebook group ako sa bawat seksiyong hawak ko,
dito ko inia-upload ang mga Powerpoint presentation ko at dito ako nagpo-post ng
mga assignment). Sabi ko sa post, sa mga incomplete pa sa akin, ayusin na at
baka mag-lapse na.
Pag nakita ni EJ
ang post ko, at pinuntahan niya ang wall ko, magugulat siya sa bubungad sa
kanyang ‘add friend.’ Masakit din iyon. Ayokong gawin ang gayon sa akin. Kaya
hindi ko siya ini-unfriend. Inayos ko na lang sa setting—don’t appear in
newsfeed.
Estudyante ko siya
sa Filipino 2, Pagbasa’t Pagsulat Tungo sa Pananaliksik. May index card silang
lahat sa akin, kaya sa kada klase, lahat, natatawag. Si EJ, kahit kailan
tawagin, kahit kung nagri-recap na lang, laging walang sagot. Sa mga quiz,
laging bagsak. Madalas kong mahuling nagsasalamin sa klase gamit ang cellphone.
“Babasagin ko
‘yang hayop na cellphone na ‘yan!” sabi ko minsan.
Umiling-iling na
lang ang isang nasa tabi ng daan, parang gustong tumingin sa likod, kay EJ.
Pagkatapos,
sinimulan kong magsermon. Nag-iinit ang dugo ko. “Alam n’yo,” pinilit kong
magpakahinahon, “may pinsan ako, gustung-gustong mag-aral sa PUP. Engineering.
Pumasa sa exam. Imagine, every year, eighty thousand ang nag-e-exam sa PUP,
eight thousand lang ang kinukuha. Nakapasa.” Tahimik ang klase. Sa bintana ako
nakatingin. “Maliit lang ang tuition sa PUP. Ako, four years, three thousand
lang. Kaso, mula Valenzuela, malaki’ng pamasahe rin. Baon pa.” Nakapako sa akin
ang mga mata ng mga estudyante ko. “Hindi kaya ng tito’t tita ko. Nag-PLV na
lang ‘yung pinsan ko, Pamantasan sa Lungsod ng Valenzuela.
“Kayo, magkano’ng
tuition n’yo? Forty plus, every sem. And yet, ganyan kayo?”
Bagsak sa akin si
EJ. Pero hindi ko ibinagsak, ginawa ko na lang INC. Para hindi na ulitin ang
buong asignatura, ulitin na lang ang ipinasang baby thesis. Ginagawa ko lang
ito sa mga estudyanteng nasa 70 hanggang 72 ang grade. Sa 73 at 74, 75 na iyon.
Si EJ, naka-71. Mahirap magbintang, pero palagay ko, galing sa ibang seksiyon
ang sagot niya. May isang estudyante ako na kabarkada niya, bago magpasa ng
papel, nakita kong nagse-cellphone. Hindi ko na lang nasaway. Bakit ba kasi
kapag tayo ang ginagawaan nang masama, tayo pa ang nahihiya?
Noong Lunes,
papauwi na ako, nagpasa siya ng baby thesis. Kulot na nga si Loko, kulay
caramel pa ang buhok. Naka-brace pa. Nasa hagdan na ako noon sa tapat ng
faculty room.
“Balikan mo na
lang bukas.” Inilagay ko sa backpack ko ang papel.
“What time, Sir?”
Ibinigay ko ang
vacant time ko. Nagmamadali na ako. Ayokong abutan ng rush hour.
Habang hinihintay
kong lumakad ang bus na pa-Malinta Exit, binasa ko ang gawa niya. Five pages
lang. Ang lalaki pa ng space. Naka-double space yata. Halatang copy-paste.
Google translate pa. Binigyan ko ng grade na 30 over 100.
Sa bahay,
kinompyut ko ang grade. 72 pa rin.
Martes, binalikan
niya ako. Sinabi kong magpasa na lang siya ulit.
“Sir, March na.
Baka mag-lapse. Sige na, Sir. Para di ko na ‘to i-retake ‘to paglipat ko.”
“Sa’n ka lilipat?”
iniisip kong sa mas mahal na eskuwelahan, pero mas maluwag ang patakaran.
“Sa PUP, HRM,”
sagot niya. “Principal po ‘yung tita ko. Nilakad.”
Bigla kong nakita
ang mukha ng tito’t tita ko, at ng pinsan kong nag-aaral sa PLV.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento