Biyernes, Abril 25, 2014

Sangko


Nasa loob ako ng traysikel, nanginginig sa lamig. Yakap-yakap ko ang backpack ko na may lamang ilang damit, isang aklat at sepilyo. Katabi ko si Sangko, nakadyaket na pula. Nasa kandungan din niya ang backpack niya, pero di niya yakap-yakap.

“Sinabi na kasing magdala ng pangginaw,” sabi niya. Bahagya ko na lang marinig ang boses niya dahil sa lakas nang ugong ng motor. Alam kong umaawit ngayon ang mga kuliglig, hindi ko lang marinig.

Hindi ako kumibo. Namamanhid na ang mukha ko sa lamig ng hangin.

Alas-tres kami umalis sa bahay. Mga saktong alas-kuwatro, nasa sakayan na kami ng bus. Tapos na ang bakasyon. 2014 na.

Hindi sementado ang dinaraanan naming kalsada, bukid ang magkabilang gilid. Malubak. May mga pagkaldag na nauuntog ako. Dinig na dinig ko ang pagaspas ng hangin. At ewan, pero parang mas mahiwaga ngayon ang dilim. Iba ang lungkot sa akin. Ganito ang nararamdaman ko pag matagal ako sa Callos, sa baryong kinalakhan ko, tapos, babalik akong Valenzuela.

“Sa pista na’ng balik mo n’yan,” sabi ni Sangko.

Tumango ako.

Tito ko si Sangko, pang-apat na kapatid ni Mama, pangatlo sa tatlong lalaki. Maputi siya, parang sa babae na ang kaputian. Makinis ang mukha. Singkit. Hindi katangkaran, Maganda ang katawan. Sangko na ang naging tawag ko sa kanya, dahil nagaya ako kay Tita Ine, bunso sa kanilang magkakapatid. Hanggang sa kaming lahat na pamangkin, Sangko na ang tawag sa kanya.

Anim na buwan lang ako nang iwan nina Mama at Papa kina Nanay at Tatay, lolo’t lola ko. Parehas kasi silang may trabaho, at walang makuhang yaya. Panganay na anak si Mama, at panganay na apo ako. Kaya sunod na sunod ang luho ko. Sina Nanay at Tatay na ang nagpalaki sa akin, binata’t dalaga pa noon sina Sangko at Tita Ine. Kaya masasabi kong kabilang sila sa nagpalaki sa akin.

Mahal na mahal ako ni Sangko, alam ko. Kahit hindi niya sinasabi sa akin. Matalino rin nga siguro ang mga bata. Kaya nilang malaman kung mahal ba sila o hindi ng isang tao. At kung mahal nga sila, napakainam. Magiging magandang alaala ito, na dadalhin hanggang sa pagtanda.

Marami akong nahuhugot na larawan sa alaala ko, kaya ko nasabing mahal ako ni Sangko.

Mula pagkabata, sa kanya na ako nakatabi sa pagtulog. Madalas, nakakulambo kami. Sa tabing dingding ako lagi. Minsan, nagpipilit ako na ako sa bandang kanan. Doon sa puwesto niya. Pero hindi raw puwede. Baka raw mahulog ako. Kung mainit at pawis na pawis ako, bumabangon pa si Sangko, kumukuha ng diyaryo sa tapat ng pinto ng tindahan, iyong pambalot ng tinapa. Inilalagay sa likod ko. Hindi ako komportable. Mas okey sa pakiramdam ko ang bimpo o panyo.

“Mas mainam ‘yan, mas sumisipsip ng pawis,” sabi niya. Hanggang sa makasanayan ko na nga ang ganoon.

Pag tanghali, si Sangko rin ang nagpapatulog sa akin. Sa kanya ko unang narinig ang kuwento ni Emang Engkantada at ng Tatlong Haragan, ni David at ni Goliath, at ni Langgam at ni Tipaklong. Minsan, nagtatabi siya ng patpat. Panakot pag ayaw kong matulog, pag gustung-gusto kong maglaro sa labas. Nakakatulog akong nakayakap kay Sangko, tapos, pagkagising ko, mag-isa na lang ako sa papag. Pag nakita niyang gising na ako, tatanungin niya ako kung gusto ko ng Milo. Hindi ako nagsasalita. Nakasimangot lang akong tatango.

Minsan, tandang-tanda ko pa, nasa grade 1 ako noon, ako ang napili ng titser namin na tumula para sa Buwan ng Wika. Kinabisado ko ang tula. Katulong ko si Sangko, pag gabi, pagkatapos kumain. Tinuruan pa ako ni Ma’am ng mga action-action. Taas-taas ng noo. Kumpas-kumpas. Sa mismong program, batay sa retrato sa photo album namin, nakapantalong dilaw ako na nakalupi ang laylayan, tsinelas na Beachwalk at dilaw na kamisetang mahaba ang manggas. At sa baywang ko, may nakasabit na suksukan ng gulok. Suksukan lang, kunwaring may gulok.

May mga gabing bago matulog na tumutula ako sa harap nina Nanay, Tatay, Tita Ine at Sangko. May action-action pa. Taas ng noo. Tayo nang tuwid.

“Ganyan ang gagawin mo sa stage, a,” sabi ni Sangko.

Tumango ako.

Pero nang tawagin ang pangalan ko sa stage, hindi ako pumunta. Ginapangan ako ng matinding hiya. Nilapitan na ako ng titser ko. Ayoko talaga. Pinipilit na ako ng mga titser. “Dali na, pogi ‘yan, e,” sabi ng isang titser. Lumapit si Sangko. “Dali na, Mac, o. Sayang ‘yung pinraktis mo. Dali.” Lumakas ang loob ko. Inihatid niya ako hanggang sa hagdan ng stage. Umakyat ako. Palakpakan ang mga tao. Sa stage, tumingin pa ako kay Sangko. Nakangiti siya sa akin. At tumula ako na gaya ng pinraktis ko.

Nang nasa grade 3 na ako, niregaluhan ako ni Sangko ng jigsaw puzzle. Kasinglaki yata iyon ng notebook. Ang nasa puzzle, barko ni Noah. Nakapilang pumapasok sa barko ang mga hayop. Nasundan iyon ng libro, noong nasa grade 4 ako, “Mga Kwento sa Bibliya.” Nakasulat sa huling pahina ang buong pangalan ko, sulat-kamay ni Sangko. Nandoon ang mga tanyag na kuwento sa Bible, ang kuwento nina Eva’t Adan, ni Noah, ni Moises, at ang pagsilang kay Hesu Kristo. Makapal ang libro. De-spring na parang notebook. Nasa kanan ang kuwento, nasa kaliwa ang larawan. Isang kuwento, isang larawan. Karamihan sa mga kuwento, noon ko lang nabasa. Tulad ng kuwento ni Eliserio, ang propeta ng Diyos na sumakay sa nagliliyab na karwahe mula sa langit, ang kuwento ng tatlong kaibigan ni Daniel, na inihagis sa hurno ng apoy ngunit di nasunog. Dinadala ko iyon sa eskuwelahan, ipinagmamayabang ko sa mga kaklase ko. Marami ang nanghihiram.

Protestante kami. Palasimba ang lahat sa kapilya, lalo na si Sangko. Ayaw na ayaw ni Sangko na naglalaro ako ng text, lalo pag nagsasabi ako ng buwisit, o iba pang mura. Pinagagalitan ako. Siya ang naggagayak sa akin pag magsisimba ako, o pag papasok sa eskuwela. Nagagalit siya pag mabagal akong kumilos.

“Naglalaro ka pa kasi, e, o,” nakita niya akong nilalaro ang tubig sa tabo habang nagsisepilyo. “Kelapit na lang ng bahay mo, nali-late ka pa.”

Kung naglalakad kami ni Sangko at may nadaanan kaming nagwi-welding, tinatakpan niya ang gilid ng mata ko kung saan nandoon ang masakit sa matang liwanag. Nakasisira raw iyon ng mata.

Si Sangko rin ang gumagawa ng mga saranggola ko na pinalilipad namin sa bukid ng mga kalaro ko. Nang una, wala akong saranggola. Naiinggit ako sa mga kalaro ko. Nakaupo lang ako sa pilapil, patingin-tingin sa saranggola nila na isinasayaw-sayaw ng hangin. Patakbu-takbo pa sila para mas tumaas ang saranggola. Minsan, may nagkakapuluputan ng sinulid. Tapos, magtatawanan sila.

Naiinggit ako dahil wala akong saranggola. Sila ang gumagawa ng saranggola nila. Ako ang pinakabata sa aming magkakalaro. Nakikisali lang naman talaga ako sa kanila. At dahil nga pinakabata, hindi ako marunong gumawa ng saranggola.

Nang sabihin ko iyon kay Sangko, ginawaan niya agad ako ng saranggola. Gawa pa sa plastik, di gaya ng sa mga kalaro ko, diyaryo. Pakiramdam ko noon, kabilang na ako sa mga kalaro ko. Hindi na ako saling-pusa. Parang biglang sikat ako.

Minsan, mga alas-seis na, nasa laruan pa ako. Malaking bagay ito dahil nasa malayong laruan ako. Hindi basta sa tapat ng bahay namin. Tapos, hindi pa ako kumakain. Maaga ang kainan sa probinsiya, pero sa amin, mas maaga. Alas-seis lang, hapunan na. Minsan nga, mas maaga pa.

Nakikipagluksong-baka ako noon sa ibang bata sa tambak ng dayami sa bukid, nang may biglang tumawag sa akin. “Mac!”

Nakilala ko kaagad ang boses. Si Sangko.

“’Alika,” sinenyasan ako.

Lumapit ako. Kumakabog ang dibdib. Alam ko na ang mangyayari. Dinampot ni Sangko ang isang patpat sa gilid ng daan. Tinanggal ang maliliit na sanga. “Uwi!” Lalakad na ako nang birahan ako nang palo sa puwit. Bumilis ang lakad ko. Nangilid bigla ang luha ko.

Kina Nanay, Tatay, Tita Ine at Sangko, si Nanay ang pinakamadalas mamalo sa akin. Pangalawa si Sangko. Ang kay Nanay, kung hindi tsinelas na pambahay, walis-tambo. Salamat at mas madalas na tsinelas lang. Kay Sangko, patpat na dinarampot niya sa kalsada. Pero nang minsang magmura ako, nang minsang sabihan ko ng “Gago!” ang kalaro ko, at isinumbong ako kay Sangko, tsinelas na alpombra ang ipinampalo niya sa akin. Pero hindi sa puwet. Kundi sa nguso ko.

“Ayoko nang maririnig kang magmumura, ha?” hawak pa rin ni Sangko ang tsinelas. “Sagot!”

“O…o…opo.” Hirap na hirap akong magsalita. Panay ang hikbi ko.

Pero hindi sa pagyayabang, palagay ko, lumaki naman akong mabuting tao. At palagay ko, bahagi niyon ang mga pamamalo sa akin. Pagwawasto. Kaya nga naiinis ako pag may tauhan sa teleserye na sasabihing mahal siya ng magulang niya, at kahit kailan daw, hindi siya pinagbuhatan ng kamay. Lumalabas na pag pinagbuhatan ng kamay, hindi na mahal.

Si Sangko din ang nagturo sa aking magbisekleta. Kung hapon iyon, pagkauwi ko sa bahay galing eskuwelahan (buong araw ang klase sa probinsiya), at kung Sabado ng umaga. Siya rin ang kasama ko nang tuliin ako. Pag gabi, bago matulog, saka niya ang nilalanggas ang titi ko. Nang mangamatis, dinala niya agad ako sa nagtuli sa akin.

Nasa grade 5 ako nang bigyan niya ako ng brick game. Kulay dilaw. Usung-uso noon sa mga kaklase ko ang brick game. Hiraman. Payabangan. Sikat ang meron. Marami biglang kaibigan. Iyong sa akin, ipinatatabi ni Sangko pag kakain na ako at pag matutulog na.

“Masama naman ‘yung masyadong mahilig sa ganyan. Baka puro ‘yan na’ng inaatupag mo.”

Grade 6 ako nang mag-asawa si Sangko. Hindi siya nakatungtong sa kolehiyo, at wala rin namang alam na trabaho. Bahay-simbahan lang siya noong binata. Kaya ibinigay na sa kanya ni Nanay ang tindahan. Sa likod-bahay sila tumira, ipinaputol ang matanda nang punong mangga. Naging mag-isa ako sa kuwarto. Bigla, parang may kulang. Parang ang lungkot ng bawat gabi. Parang biglang lumungkot at lumakas ang awit ng mga kuliglig.

Nang mag-asawa siya, ang daming nagbago. Noong una, hindi ko kaagad napansin. Hanggang maramdaman ko na lang. Naging madamot siya. Wala na siyang ibinibigay sa akin na kahit ano, kahit kina Nanay at Tatay. Ewan kung dahil sa napangasawa niya, o ganoon talaga pag nag-aasawa. Pag bumubukod na. Kaya ba umiiyak ang mga magulang pag ikakasal na ang anak nila?

Nang magtapos ako ng elementarya, kinuha na ako nina Mama at Papa. Sa Valenzuela na ako maghahayskul. Malungkot noon sa bahay. Si Nanay, iyak nang iyak. Si Tatay, umalis. Ayaw raw makitang aalis ako. Si Sangko, inihatid ako hanggang sa traysikel. Titig na titig siya sa akin. Noon ko lang siya nakitang ganoon. Pinabaunan niya ako ng tatlong Cream-O Butter na tinda niya. Kainin ko raw pag nagutom ako sa biyahe.

Sa FX, tumutulo ang luha ko. Ang hirap mawalay sa mga taong nagpalaki sa iyo, at sa lugar na bata ka pa, kasama mo na. Nakatulog akong yakap-yakap ko ang mga biskwit.


Minsan, nasa hayskul na ako at umuwi sa Nueva Ecija para magbakasyon, nagpatulong si Sangko na dalhin sa kanila ang mga binili niya. Binuhat ko ang mga kaya ko. Alam kong banig ang buhat ko, kaya iniangat ko ng dalawang kamay nang mataas, at ibinagsak ko nang malakas. Ginagaya ko si Goku sa Dragon Ball Z. Ang sumunod, nakalagay sa karton. Ganoon uli ang ginawa ko. Ibinalibag ko ulit. May tumunog. Parang natapakang salamin.

“Ano’ng ginawa mo?” Si Sangko, nasa likod ko na pala. “Ba’t mo ibinabalibag?” lumapit agad siya sa ibinagsak kong gamit, saka binuksan. Picture frame. Isa’t kalahating ruler ang haba. At may basag sa gitna.

“Tingnan mo’ng ginawa mo!” mataas ang tono ni Sangko. “Tingnan mo! Binasag mo!”

Nangingilid ang luha, nagtatakbo ako sa kuwarto ko. Sa dating kuwarto namin ni Sangko.


Ngayong beynte-kuwatro na ako at puwede nang mag-asawa, napapangiti ako pag tinitingnan ko ang mga lumang retrato sa inaalikabok naming photo album, at madadaanan ko ang retrato ko noong bata. May kung anong okasyon at karga-karga ako ni Sangko. Sa retarato, yakap-yakap niya ako. Pinapatahan. Para akong anak, para siyang tatay. Para kaming mag-ama.


Pagdating sa Gapan, binayaran ni Sangko ang traysikel. P120.

May dumating na bus, Baliwag, pa-Cubao. Nakipag-unahan kami. Ako ang naupo sa tabing-bintana. Isinara ko ang aircon. Nanginginig pa rin ako sa lamig. Ipinasok ko sa manggas ng t-shirt ko ang kaliwang kamay ko. Hinawi ko ang kurtina. Maraming pasahero sa harap ng 7-11. Madilim pa rin, pero gising na ang Gapan. Marami nang traysikel at bukas na ang mga tindahan.

Sa gilid ng mata ko, nakita kong dumukot si Sangko ng pamasahe sa pantalon niya. “Mac, kanya-kanya muna tayo, a?”

Tumango ako. Sa labas pa rin ako nakatingin.

Sa Cubao siya bababa. Doon na siya nagtatrabaho. Umuuwi lang siya pag Sabado para sa mag-anak niya. Dalawa na ang anak nila. Ako naman, sa Balintawak bababa. Sasakay sa bus na pa-Malinta Exit.

May pamilya nang binubuhay si Sangko. Ako naman, binata na. Guro na sa kolehiyo. Mga ilang taon na lang din, magkakaroon na ako ng sarili kong pamilya. Hindi na tulad nang dati ang lahat. Alaala na lang na tinatakbuhan ko pag parang hindi ko na kakayanin ang bigat ng mga problema.

Miyerkules, Abril 23, 2014

Kuwento ng Bagong Silang na Dahon ng Saging


Ilang araw na sa aking paningin
ang umuusbong na dahon ng saging.
Papel siyang nakarolyo,
nasa pinakatuktok, patulis ang dulo.
Iba sa matatandang dahon,
sa langit ang kanyang direksiyon,
ang matatanda,
nakayuko, maaaring
nagpupugay sa kanyang pagsilang,
may hinahanap sa lupa
o nabibigatan sa katawan.
Pinasigla ng kanyang kulay
ang kabuuan ng pinagmulan,
maputlang luntian,
nasa tuktok,
namumukod tangi sa palibot
ng mga dahong kulay-lumot.

Ilang araw lang, alam ko,
matutulad din siya
sa matatandang dahon.
Yuyuko, parang may hinahanap sa lupa
o nabibigatan sa katawan.
At pagpupunit-punitin
ang balikat, baywang at tadyang
ng hanging tangay-tangay
ang usok ng siyudad.

Lunes, Abril 21, 2014

?


titingnan ito ng iba
na karit
nakakatakot
nakakasakit
nakakakilabot
kaya’t sila’y mapapaatras
may matitisod na bato
tatakbo

ngunit mayroon at mayroong
ilan
titingnan itong kawit
isasabit sa lubid

sila’y susulong

makakatawid


Miyerkules, Abril 9, 2014

Ang Batang Kahawig ni Straw Hat Luffy


Mga alas-tres iyon ng hapon, nang una ko siyang makita. Nasa sala ako, nakaupo sa sopa, nakaharap sa mesita, nagma-Milo. Nagpi-Facebook ako gamit ang tablet ko. Miyerkules iyon, Pebrero, day-off ko.

Nag-a-upload ako ng mga picture nang may marinig akong tumatakbo. Huminto sa harap ng apartment namin ang mga paa. Nagulat ako. Tiningnan kong bigla. Katapat ko lang ang pinto at ang gate, kalahating dipa lang ang layo ng pinto sa gate. Batang lalaki. Mukhang nasa pito hanggang siyam na taon pa lang. Nakanganga siya, nakahawak ang dalawang kamay sa gate, naninigas ang hintuturo ng isang kamay, nanginginig. Parang may kung anong itinuturo. Bumubuka ang bibig niya, parang may isinasaulo. Parang nagkakabisa ng multiplication table. Tapos, nagtatakbo ulit.

Kinabahan ako. Pakiramdam ko, hihimatayin siya. Pero hindi ko na lang pinansin. Bumalik ako sa ginagawa ko. 21 out of 30 na ang naia-upload ko. Ang bilis nang internet. Uminom ako ng Milo. Hindi na ganoon kainit. Wala pang ilang minuto, may tumatakbo na naman. Siya ulit. At ganoon ulit. Huminto ulit siya sa tapat namin, nakahawak ang isang kamay sa gate, naninigas ang hintuturo, nakanganga, parang may kinakabisa. Noon ko natitigan ang itsura niya. Payat siya na may kaputian, singkit, bagsak na bagsak ang buhok. Naka-sando siyang dilaw, naka-short na asul. Maliit na sa kanya ang sando niya at short.

Tumakbo ulit siya, parang may kahabulang bata. Pero wala naman akong naririnig na ibang pares ng paa. At kung may kahabulan siya, bakit humihinto siya sa tapat namin?

Tiningnan ko kung ano ang tinitingnan niya. Katabi ng sopa ang TV namin, 33 inches. Magandang panuoran, lalo’t para sa isang bata. Pero patay ang TV. Lalong malabong ang DVD o amplifier ang tinitingnan niya. Naalaala kong medyo nakataas ang ulo niya. Nakuha kong bigla. Ang nakasabit na kalendaryo ang tinitingnan niya. Kalahating dipa ang perimetro ng kalendaryo, at tulad ng ibang kalendaryo, mas malaki ang background nito. Isang dangkal lang sa ibaba ang sinakop ng mga buwan. Nasa background ang mga character sa ‘One Piece.’ Nasa gitna si Luffy, tutok na tutok ang malaki niyang kamao. Nasa kaliwa, kanan at taas niya ang iba pang Straw Hat Pirate. Si Nami. Si Zorro. Si Usopp. Si Sanji. Si Chopper. Si Robin. Si Frankie. Si Brook. Lahat, nasa anyong makikipaglaban. Sa paanan ni Luffy, isang quote mula kay Dr. Hiluluk, tauhan din sa ‘One Piece.’ Nasa Filipino ang quote, mula sa Ingles, isinalin ni Kuya. Filipino instructor siya sa FEU-East Asia College. Saka niya ibinigay sa gagawa. P450 ang pagawa niya.

Mahilig sa anime si Kuya, pero pinakapaborito niya ang ‘One Piece.’ Dito kami pinakanagkakasundo. Sabi nga nina Ma at Pa, dapat daw, hindi na kami nag-aaway. Dadalawa na nga lang daw kami. Dalawa lang kaming magkapatid, tatlong taon ang tanda sa akin ni Kuya. Magbebeynte-kuwatro na siya.

Naiinis kami dahil parehas naming hindi napapanood sa GMA ang ‘One Piece’ pag umaga. Dahil may pasok kami. May internet naman, puwede naman sa Watchop.com, pero iba pa rin talaga pag Filipino ang gamit. Mas naiintindihan.

Narinig ko ulit ang mga paa ng bata. Huminto ulit sa tapat namin. Ganoon ulit. Wala pang isang minuto, tumakbo na ulit siya na parang may kahabulan. Inubos ko ang Milo ko. Uploaded na ang lahat ng picture. Tumayo ako, binuksan ang gate, sumilip sa labas.

Nakita ko ang bata, nasa tapat ng ikatlong apartment. (Anim ang apartment sa inuupahan namin, panglima ang sa amin.) Patalun-talon, habang nakataas ang dalawang kamay. Parang may inaabot. At tama ako, wala nga siyang kalaro. Nakaupo sa harap ng bahay nila, sa mahabang upuan, ang isang lalaki. Nagkakape. Iyon siguro ang papa niya.

Tumalon ang bata. Iwinasiwas sa hangin ang dalawang kamay. Kunwari, may hawak na espada. Si Zorro siguro ang ginagaya niya. Bigla kong naalaala na noong nasa ganoong edad ako, sina Shaider at Mask Rider naman ang ginagaya ko.

Noon ko lang sila nakita. Noong Disyembre lang kasi kami lumipat. At hindi rin ako palalabas ng bahay. Kaya kahit isang pinto lang ang pagitan namin, hindi ko sila nakikita. Lumalabas lang ako pag papasok sa Gateway. Barista ako isang coffee shop doon. At kadalasan, opening ako. 4:30 pa lang ng umaga, umaalis na ako ng bahay. Pag closing naman, alas-kuwatro na ng umaga ako nakakauwi.

Napansin kong masaya ang bata. Lagi namang masaya ang mga bata, kaya nga madalas hilingin ng matatanda na sana, bata pa rin sila. Pero itong batang ito, ewan, pero mukhang mas masaya pa siya kaysa sa ibang bata. Isipin pang wala naman siyang kalaro. Mapunit-punit na ang pisngi niya sa pagkakangiti. Litaw ang mapuputi at pantay na pantay niyang mga ngipin. Malayo sa mga batang nakikita ko. Kadalasan, puro bulok ang mga ngipin.

Mga alas-singko, dumating si Mama, galing Bible study. Dumiretso agad siya sa kusina, kumuha ng tasa sa dishwash, nagbukas ng isang sachet ng kapeng 3 in 1.

“Ma,” nasa tabi ako ng washing machine, “natatakot ako ru’n sa bata sa pangatlong bahay.”

“Ba’t ka matatakot?”

“E sumisilip dito. Naninigas ‘yung hintuturo. Para bang magko-collapse.”

Hinahalo na ni Mama ng kutsarita ang kape. “AJ ang pangalan nu’n, mabait ‘yon. Kakausapin mo kasi. Pangalawa ‘yon, ‘yung panganay, grade two. Pero ‘yang si AJ, special child.”

Special child. Parang binayo ang dibdib ko.

Linggo ng hapon, day-off ko rin noon, habang nagsisilong ako ng mga sinampay, nakita kong tumatakbo si AJ. Huminto siya sa tapat namin. Nakatingin ulit sa kalendaryo. Pero di tulad noong Miyerkules, hindi siya tumakbo na parang may kahabulan. Huminto siya sa tapat ko.

“Tulong ko ikaw?” maliit ang boses niya. Masarap sa tenga.

Nangiti ako. Ewan kung ba’t noon ko lang napansin, may hawig siya kay Luffy. Sa bilugang mga mata. Sa hugis ng mukha. Sa bagsak na bagsak at itim na itim na buhok. Nangiti akong lalo. Pinakagusto ko sa lahat ng anime character si Luffy. Hindi masyadong malakas na gaya nina Goku, Recca at Eugene ng ‘Ghost Fighter.’ Buhay na buhay. Matakaw. May pagkatanga. Hindi tulad ng iba na sa sobrang kaastigan, nabalutan na ng sobrang pagiging misteryoso. Nalalayo na sa puso ng manunuod.

“Tulong ko ikaw?” ulit niya.

Naalaala ko ang ‘Ang Mundong Ito ay Lupa,’ nobela ni Edgardo M. Reyes. Ipinabasa iyon sa akin ni Kuya noong nakaraang summer vacation, iyon daw ang pinakapaborito niyang nobela. May karakter doon, si Henry, special child din. Binatilyo nga lang. Natutuwa ito pag inuutusan, nasa mga mata ang galak pag pinasasalamatan. Natutuwa na may nagawang kabutihan sa kapwa.

“Sige.” Iniabot ko sa kanya ang tatlong t-shirt na naka-hanger. Nagliwanag ang mukha niya. “Lagay mo ro’n, a?” inginuso ko ang upuang kahoy sa loob, sa tabi ng gate. Napansin kong nakasara pala ang gate. Tumakbo ako para buksan, palabas.

Sumunod siya sa akin, pagkabukas ko ng gate, inilagay niya agad sa upuan ang mga damit. Ipinatong ko rin ang dala kong mga t-shirt. Bumalik ako sa labas. Sumunod siya. Tatlu-tatlong hanger ang pagkuha ko sa mga damit, para mabilis. Mababa lang ang sampayan. Mga anim na talampakan lang. Ni hindi ko kailangang tumingkayad.

Nakatingin pa rin sa akin si AJ. Hindi lang basta nanunuod. Naghihintay na iabot ko sa kanya ang mga damit. Pero mga pantalong maong na ang natira, medyo mabigat. Kinuha ko ang apron sa ilalim. Mabuti’t may naiwan. Iniabot ko sa kanya. Nagliwanag uli ang mukha niya. Nagtatatakbo niyang inilagay iyon sa upuan.

Nang makuha ko na ang lahat ng damit, nandoon pa rin siya. Naghihintay ng iuutos ko sa kanya. Kinuha ko ang lahat ng damit na kaya kong kuhanin. Mga short, pantalon, t-shirt at apron. Isang yakapan. Tapos, ibinagsak ko sa sopa sa sala. Binalikan ko ang kaunting natira sa upuang kahoy. Nasa tabing gate pa rin si AJ, titig na titig sa akin.

Pumasok uli ako sa sala. Nakatingin pa rin siya. Ipinatong ko ang ilang damit sa mesita. Hindi pa rin siya umaalis. Nahagip ng mata ko ang silya sa harap ng computer table.

“Tara, AJ.”

Ngumiti siya. Ngiting-ngiti. Tuwa marahil iyon na uutusan ko ulit siya, at na tinawag ko siya sa kanyang pangalan. Bakit nga kaysarap sa atin pag tinatawag tayo sa pangalan? Para bang nalulusaw ang manipis na pader sa pagitan ng dalawang estranghero. Nagtatakbo siyang lumapit sa akin. Nakakatuwang hinubad pa niya ang tsinelas niya bago siya pumasok.

Dinukwang ko ang upuan, hinatak palapit sa mesita. “Upo ikaw.” Umupo siya. “O, tatanggalin mo ‘yung hanger, a?” Ipinatong ko sa mesita ang lahat ng damit. “Tapos, abot mo sa akin. Ha?”

Tumango siya. Ngiting-ngiti pa rin.

Hindi siya nagsasalita. Ayoko ring magkuwento. Ano naman ang ikukuwento ko sa kanya? Patingin-tingin lang ako sa kanya. Nakangiti siya habang tinatanggal sa hanger ang mga damit. Mabilis lang niyang tanggalin ang sa t-shirt, short at apron. Pero nakikita kong nahihirapan siya sa pantalon. Nanunulis ang nguso niya.

“Bukas na lang ulit. Ha?” sabi ko nang matanggal na niya sa hanger ang mga damit. Kahit alam kong sa susunod na Linggo pa ulit kami magkikita. Ni hindi pa sigurado.

Tumango siya.

“Salamat.”

Ngumiti lang siya. Nakipag-apir ako sa kanya.

Linggu-linggo, ganoon ang bonding naming dalawa. Minsan, may nakita akong laruan sa Monumento, sa paanan ng LRT station. Kabayo. May pipihitin lang sa bandang tagiliran, tapos, lulukso-lukso na ito. P95 lang. Tinawaran ko. Nakuha ko ng P90. Tawad na raw talaga iyon. Limang piso.

Ibinigay ko kay AJ nang Miyerkules at day-off ko. Nasa labas siya noon, nagtatatakbo. Tinawag ko. Ang luwang nang pagkakangiti niya. “Tengkyu,” sabi niya. Nagtatakbo siya, iniluksu-lukso sa hangin ang kabayo. Nasa labas ang papa niya. Nagkakape. Nginitian ako. Isang napakatahimik na pasasalamat.

“Anak, patingin nga,” sabi nito. “Parang may pihitan sa gilid.”

Iniabot ni AJ sa papa niya ang laruan. Pinihit nang pinihit ng papa niya, saka maingat na ibinaba sa sementadong daan. Lumuksu-lukso ang kabayo. Nakatingala. Parang may kung anong gustong abutin sa langit. Pero hindi makaalis-alis sa lupa.

“Waaaah!” sigaw ni AJ. Nagliliwanag ang mga mata. Nakatukod ang dalawang kamay sa magkabilang tuhod.

Ang gaan-gaan sa pakiramdam kapag nakakapagpasaya ng ibang tao. Lalo’t wala ako halos ginastos. Patunay na libre lang talaga ang kaligayahan. Kung nabibili man, hindi pa rin ganoon kamahal.

Nagkaroon ako ng pag-iingat sa ilang bagay dahil kay AJ. Halimbawa, kung nanunuod ako ng pelikula sa HBO at Star Movies, isinasara ko ang pinto. Baka kasi may bed scene ang palabas, at matindi pa ang halikan. At hindi ko mapansing nakasilip na pala si AJ.

Nakita kong bigla sa sarili ko ang sensibilidad ng isang nakatatanda sa bunso niyang pinsan.


Isang Martes, 4:30 ng umaga, Abril na noon at mainit na ang hininga ng madaling-araw, napansin kong sa labas ng bahay nina AJ ay may mga sako na puno ng kung anong laman at nakatali ng straw sa dulo. Tinanong ko si Mama, kinaumagahan, habang nanunuod siya ng ‘Be Careful With My Heart.’

“Lilipat na sina AJ, e” sabi niya. “Di ko pala nasabi sa’yo.”

Nakaramdam ako ng di mapangalanang lungkot. Pagbilis ng tibok ng puso at isang maliit na maliit na kurot sa dibdib.

“Bakit?” nasabi ko na lang.

“Nakak’wentuhan ko ‘yung Mama nila. Sabi, hirap daw sila rito. Mag-iisang taon na sila rito. Namamahalan daw sila.”

Hindi ako kumibo. P3,500 monthly ang upa namin sa bahay.

“E papa lang ni AJ ang nagtatrabaho sa kan’la. Uuwi na lang daw silang Laguna. Do’n na lang pag-aaralin ‘yung dal’wang bata. Bukas, kuku’nin na r’yan ng lola nila. Mauuna na sa Laguna.”

Hindi ako nanghihinayang na hindi ako nakapag-day-off nang Miyerkules. Para man lang makita si AJ bago sila sunduin ng lola nila. Siguro, dahil alam kong malulungkot lang ako kung makikita ko siya.

Biyernes, sarado na ang pangatlong bahay. Nahakot na raw noong Miyerkules ang mga gamit. Naiayos na noong Huwebes ang lahat ng dapat ayusin. Parang biglang nagkaroon ng kahungkagan sa hanay ng mga apartment. Parang may kung anong nawala. Parang may kung anong hiwaga.

Linggo, day-off ko ulit. Gaya noong unang buwan namin sa apartment, mag-isa kong isinilong ang mga sinampay ko. Hindi ko na inilagay sa upuan sa tabi ng gate, idiniretso ko na sa sopa. Habang iniisa-isa kong tinitiklop ang mga damit, ewan, pero bigla akong napatingin sa kalendaryo sa dingding. At noon, sa unang pagkakataon, nadama ko ang bigat ng quote na nandoon.

“Kailan namamatay ang tao? Pag ba binaril? Hindi! Pag tinamaan ng malalang karamdaman? Hindi! Pag nakainom ng sabaw mula sa nakalalasong kabute? Hindi! Namamatay ang tao pag siya’y kinalimutan.”—Dr. Hiluluk

Sabado, Abril 5, 2014

INC


Ia-unfriend ko na talaga dapat sa Facebook si EJ, first year, BSIT, estudyante ko sa CTP (College For Technical Programs). Nai-stress ako sa mga status niya sa Facebook. Minsan, may status siyang “Palagay nyo bagay kaya sakin ang kulot?” Bading yata. Pati ba naman iyon, ii-status pa. Minsan naman, ganito ang nabasa ko, “Anong best asset ko? Comment dali.” At may mga nagko-comment talaga. “Para sakin, ilong,” sabi ng isa. “Sakin, mata.” Lumalampas pa ng 100 ang likes ng status ni Loko.

Pero hindi ko siya ini-unfriend. Dahil incomplete pa siya sa akin. Nag-post ako noong isang linggo sa Facebook group namin (May Facebook group ako sa bawat seksiyong hawak ko, dito ko inia-upload ang mga Powerpoint presentation ko at dito ako nagpo-post ng mga assignment). Sabi ko sa post, sa mga incomplete pa sa akin, ayusin na at baka mag-lapse na.

Pag nakita ni EJ ang post ko, at pinuntahan niya ang wall ko, magugulat siya sa bubungad sa kanyang ‘add friend.’ Masakit din iyon. Ayokong gawin ang gayon sa akin. Kaya hindi ko siya ini-unfriend. Inayos ko na lang sa setting—don’t appear in newsfeed.

Estudyante ko siya sa Filipino 2, Pagbasa’t Pagsulat Tungo sa Pananaliksik. May index card silang lahat sa akin, kaya sa kada klase, lahat, natatawag. Si EJ, kahit kailan tawagin, kahit kung nagri-recap na lang, laging walang sagot. Sa mga quiz, laging bagsak. Madalas kong mahuling nagsasalamin sa klase gamit ang cellphone.

“Babasagin ko ‘yang hayop na cellphone na ‘yan!” sabi ko minsan.

Umiling-iling na lang ang isang nasa tabi ng daan, parang gustong tumingin sa likod, kay EJ.

Pagkatapos, sinimulan kong magsermon. Nag-iinit ang dugo ko. “Alam n’yo,” pinilit kong magpakahinahon, “may pinsan ako, gustung-gustong mag-aral sa PUP. Engineering. Pumasa sa exam. Imagine, every year, eighty thousand ang nag-e-exam sa PUP, eight thousand lang ang kinukuha. Nakapasa.” Tahimik ang klase. Sa bintana ako nakatingin. “Maliit lang ang tuition sa PUP. Ako, four years, three thousand lang. Kaso, mula Valenzuela, malaki’ng pamasahe rin. Baon pa.” Nakapako sa akin ang mga mata ng mga estudyante ko. “Hindi kaya ng tito’t tita ko. Nag-PLV na lang ‘yung pinsan ko, Pamantasan sa Lungsod ng Valenzuela.

“Kayo, magkano’ng tuition n’yo? Forty plus, every sem. And yet, ganyan kayo?”

Bagsak sa akin si EJ. Pero hindi ko ibinagsak, ginawa ko na lang INC. Para hindi na ulitin ang buong asignatura, ulitin na lang ang ipinasang baby thesis. Ginagawa ko lang ito sa mga estudyanteng nasa 70 hanggang 72 ang grade. Sa 73 at 74, 75 na iyon. Si EJ, naka-71. Mahirap magbintang, pero palagay ko, galing sa ibang seksiyon ang sagot niya. May isang estudyante ako na kabarkada niya, bago magpasa ng papel, nakita kong nagse-cellphone. Hindi ko na lang nasaway. Bakit ba kasi kapag tayo ang ginagawaan nang masama, tayo pa ang nahihiya?

Noong Lunes, papauwi na ako, nagpasa siya ng baby thesis. Kulot na nga si Loko, kulay caramel pa ang buhok. Naka-brace pa. Nasa hagdan na ako noon sa tapat ng faculty room.

“Balikan mo na lang bukas.” Inilagay ko sa backpack ko ang papel.

“What time, Sir?”

Ibinigay ko ang vacant time ko. Nagmamadali na ako. Ayokong abutan ng rush hour.

Habang hinihintay kong lumakad ang bus na pa-Malinta Exit, binasa ko ang gawa niya. Five pages lang. Ang lalaki pa ng space. Naka-double space yata. Halatang copy-paste. Google translate pa. Binigyan ko ng grade na 30 over 100.

Sa bahay, kinompyut ko ang grade. 72 pa rin.

Martes, binalikan niya ako. Sinabi kong magpasa na lang siya ulit.

“Sir, March na. Baka mag-lapse. Sige na, Sir. Para di ko na ‘to i-retake ‘to paglipat ko.”

“Sa’n ka lilipat?” iniisip kong sa mas mahal na eskuwelahan, pero mas maluwag ang patakaran.

“Sa PUP, HRM,” sagot niya. “Principal po ‘yung tita ko. Nilakad.”

Bigla kong nakita ang mukha ng tito’t tita ko, at ng pinsan kong nag-aaral sa PLV.