Matagal ko nang gustong
kumain ng puto-bumbong.
Tuklasin ang lasa
ang kombinasyon ng
malagkit at niyog
basagin ang tamis at amoy
na matagal nang naglalaro
sa imahinasyon.
Isang gabi ng Disyembre
maginaw
nandoon tayo sa parke.
Naglipana ang mga
nagtitinda
makulay ang paligid
ang mga parol at
Christmas light
hindi nagpapasindak sa gabi.
Yakap-yakap ka ng dilaw
na dyaket
una kong regalo sa iyo
nasa iyong mga ngiti at
titig
ang sigasig
na ipaglaban itong ating
pag-ibig.
Ramdam ko sa gabi
ang tamis ng pagmamahalan
may naririnig akong
himig
gusto kitang yakapin
halikan.
Hindi ako ang nauna sa
lahat.
Sa halik. Sa yakap.
Sa halik at yakap.
Ngunit ang malamang
ito rin ang unang
tikim mo nitong lilang
kakanin
ay alaalang payak
na itatanim ko sa
dibdib
aalagaan
paulit-ulit na
babalikan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento