Linggo, Pebrero 16, 2014

Ekis


Minamarkahan ng ekis
ang natatapos
na relasyon.
Makapal na linyang
nagiging harang
pumapagitan
sa iyo
at sa pinagsamahan
sa ulong nakasandig sa balikat
sa kumikislap na mga mata.
sa matamis na tawagan
sa napakagaang pakiramdam.


Alam mong
hindi ka na makakakabila
makatatawid
sa apat na siwang
ng ekis.
Magtitiyaga na lang
sa pagsilip.
Habang sa dibdib
anong kirot
itong pumipintig.

Tuwing May Tumutubong Kalungkutan sa Aking Bakuran


May tumubong halaman
sa aking bakuran.
Sa lapad at kulay
ng dahon,
ng tangkay,
sa salimuot ng ugat,
alam kong
ito’y Kalungkutan.
At tulad nang dati,
gaya ng mga nauna,
akin itong aalagaan.

Nakahihina ang kanyang
hininga,
di tulad ng sa Saya,
nakasisikip sa dibdib,
tulad ng sa Inggit,
tulad ng sa Galit.

Ngunit hindi ko ito bubunutin.
Akin itong aalagaan,
dadamuhan,
didiligan,
kukuwentuhan.
Pahihintulutang magmay-ari ng lupa
ang mga ugat.
Sapagkat sa panahong
ito’y maging puno,
mamumunga ito
ng napakaraming pahina.
Isa-isa kong pipitasin,
kakainin.
Titibay ang aking dibdib
at lilinaw
ang mga tanawin.


Linggo, Pebrero 2, 2014

Puto Bumbong


Matagal ko nang gustong
kumain ng puto-bumbong.
Tuklasin ang lasa
ang kombinasyon ng malagkit at niyog
basagin ang tamis at amoy
na matagal nang naglalaro sa imahinasyon.
Isang gabi ng Disyembre
maginaw
nandoon tayo sa parke.
Naglipana ang mga nagtitinda
makulay ang paligid
ang mga parol at Christmas light
hindi nagpapasindak sa gabi.
Yakap-yakap ka ng dilaw na dyaket
una kong regalo sa iyo
nasa iyong mga ngiti at titig
ang sigasig
na ipaglaban itong ating pag-ibig.
Ramdam ko sa gabi
ang tamis ng pagmamahalan
may naririnig akong himig
gusto kitang yakapin
halikan.

Hindi ako ang nauna sa lahat.
Sa halik. Sa yakap.
Sa halik at yakap.
Ngunit ang malamang
ito rin ang unang
tikim mo nitong lilang kakanin
ay alaalang payak
na itatanim ko sa dibdib
aalagaan
paulit-ulit na babalikan.


Sabado, Pebrero 1, 2014

Si Vhong Navarro at ang Nagbabagang Balita


Umuusok sa telebisyon
ang panggagahasa umano
ni Vhong Navarro.
Lamog na kamatis ang mukha
lumulukso ang luha.
Nagbabaga.
Nagliliyab sa mata ng tao.
Mainit na usapan
sa mga opisina at kanto.

Kasabay nito
maraming illegal settler
ang winasak ang tahanan.
Di man lang
napaso ang bayan.

Mula sa Kaibigang Makata


Kilala niya ang mga haligi
ng aming relasyon
nasa talinghaga
ang kanyang mga payo’t opinyon.
Magpatuloy sa paghakbang, mahaba na ang nilakbay.
Alam niya ang ilang ulit naming
hiwalay-balikan
ang mga taon sa pagitan
ang kirot sa mga patlang
ang takot
ang lungkot.
Isiniwalat ng kilos ko at salaysay
ang lahat
ang lahat-lahat
kaya nauunawaan niya ang salimuot
nakikita ang mga gusot
nasisilip ang tinatakpang kirot.

Mabigat sa dibdib itong
hiwalayan kahapon.
Parang iba ang lahat.
Sa dibdib ko
may kung anong mabigat.

At sabi niya
Baka iyan na ang huling kabit sa inyo ng tadhana.
Naging kamay marahil
ang salitang huli
nadama kong kinurot
ang aking dibdib.