Linggo, Marso 31, 2013

“Sabihin Mo sa Akin, Hubad Ba ang Rosas?” ni Pablo Neruda


Sabihin mo sa akin, hubad ba ang rosas
O ‘yon lang ang tangi niyang kasuotan?

Bakit ikinukubli ng mga puno
Ang kariktan ng kanilang mga ugat?

Sino’ng nakaririnig sa mga pagsisisi
Ng ninanakaw na kotse?

May mas malungkot pa ba sa buong sanlibutan
Sa tren sa gitna ng ulanan?

“Mga Batang Makata” ni Nicanor Parra


Isulat mo ang iyong ibig
Sa anumang estilong iyong nais
Masyado nang maraming dugong tumagas sa tulay
Upang patuloy na maniwalang
Iisa lamang ang tamang daan.

Sa panulaan kahit ano’y pinahihintulutan.

At sa tanging kalagayang ito, siyempre,
Kailangan mong pagyamanin ang blangkol papel.

Sabado, Marso 30, 2013

Tagatakda


“There’s a magic runnin’ through your soul.”—Two Steps Behind

Walang kaibahan ang dilaw
sa pula, itim, bughaw.
‘Yon at ‘yon din ang mga bubog sa kalawakan
at hugis at kulay lamang
ang nagbabago sa buwan.
Magkakatulad ang mga kanta
ng mga ibon kung umaga.
Walang natatangi sa hilik
ng mga magulang o mga kapatid
kung nanghihiwa man ang init
o kung naririnig ang tinig
ng naghuhuntahang mga kuliglig.

Ngunit nagbabago ang ating kaluluwa
at ito ang magtatakda ng musika
ng lahat-lahat
sa ating pandama.

Lunes, Marso 25, 2013

LRT


Martes, 7:15

Sa mga hindi po makakasakay, next train na lang po. Next train na lang po. Warning buzzer na po, malat ang piloto ng B27 1060.

Nakipagsiksikan pa rin sa pagsakay ang isang matabang lalaking call center representative sa Convergys. Sa pagpipilit, natapakan niya at nasiko sa panga ang katabing babae.

“A!” umismid ang maliit na babaeng physics instructor sa TUP. Kung nakakahiwa lang ang titig, pira-piraso na ang mukha ng matabang lalaki.

Hindi na halos masara ang pinto. Sumara ito, pero bumukas uli, sumara na naman, bumukas, sumara. Saka pa lang lumakad. Mabagal. Parang dyip, hindi tren.

Napapalatak ang isang estudyante ng NU.

Panay ang paypay ng isang librarian ng National Library, gamit ang libreng pamaypay na ipinamimigay kahapon sa UN Station, at naka-print ang mukha ng isang politiko. Ang hina na nga ng aircon, napakarami pang tao. Pawis na pawis na siya. Mabuti na lang at sa unang istasyon siya, kaya naupo siya. Balintawak pa lang, punung-puno na. Pa’no pa sa Monumento? Pa’no pa pag pinagdugtong ang MRT at LRT. Gan’to ba’ng konsepto nila ng ‘maunlad?’ Putrages.

Pagkadaan na pagkadaan ng tren sa Saint Joseph the Worker Parish Church sa Balintawak, nag-sign of the cross ang isang estudyante ng TUP. Bumagal ang tren, na-out of balance ang katabi niyang estudyante ng Lyceum, na nagri-review para sa quiz nila sa economics. Natulak siya nito.

“Putang…” napigil niya ang sasabihin, naalaalang katatapos lang niyang mag-sign of the cross.

Kumunot ang noon ng babaeng HRM student sa UM, saka pinakayakap ang kanyang Jansport imitation backpack. Baka patulak-tulak lang ang mga ito, noon pala, nandudukot na. Kahapon kasi, pagkababa niya, bukas ang bulsa ng bag niya. Buti na lang, pulbo lang ang nawala.

Pakiingatan na lang po ang mga dalang gamit, lalo na ang magnetic card na gagamitin sa paglabas. Pakiiwasan na rin pong mapindot ang emergency button, parang hindi na malat ang piloto.

Napabuntong-hininga ang lalaking intern nurse sa Jose Reyes Medical Center, sa butas na kinapapalooban ng emergency button na siya nakahawak.

Huminto ang tren sa tapat ng MCU.

Paumanhin po, may tren pa po sa Monumento station.

Tumingin ang isang engineering student ng EARIST sa cell phone niya—7:15 AM. Mali-late na siya sa exam niya.

Ilang saglit na ang lumipas, nandoon pa rin sila. Tumingin uli siya sa cell phone niya—7:17 AM. Napabuntong-hininga siya, napakamot ng batok.

Umusad ang tren, mabagal pa rin. Approaching Monumento Station.

Sumiksik pa nang konti sa kabilang pinto ang isang empleyada ng Times Plaza. Alam niyang mas sisikip pa. May natapakan siyang paa.

“Aray!” nilisikan siya ng mata ng isang babaeng bibili sa Quiapo ng langis na pang-alis daw ng rayuma.

Hindi nag-sorry ang empleyada. Baka mas isipin pa ng natapakan niya ang kasalanan niya pag humingi siya ng paumanhin. Ang paniniwala niya, ang tao, pag nagawaan mo ng di maganda, mag-sorry ka at ididiin ka pang lalo.

Bumukas ang pinto. Nag-unahan ang nagtutulakang mga pasahero.

Sumilbato ang nagbabantay na guwardiya. ‘Wag po tayong magtulakan. ‘Wag po tayong magtulakan.

Kusang naihahakbang ng mga pasahero ang mga paa nila. Nagmumura na ang ilang naiipit.

Nasiksik ang mga nasa pinto. May nasiko, may natapakan, may nahawakan ang puwet.

Sa mga hindi po makakasakay, next train na lang po. Skip train po ‘yung nasa likod natin, maluwag po. Makakaupo kayo.

Nagpilit pa rin ang isang tindera sa Odeon Mall sa Avenida. Wala na siyang pakealam kung hindi siya maupo, mali-late na siya. Hindi siya puwedeng ma-late, nang ire-hire siya. Napakahirap maghanap ng trabaho. Nanulak siya, napaabante ang mga nasa unahan niya.

“Aray!” sigaw ng isang maitim na instructor sa STI Recto. “Ano ba, ‘wag kang manulak!”

“Pa’no mo nalamang ako ‘yun,” sagot ng lalaking kukuha ng NBI clearance, “e andami-dami natin.” Pikon na siya dahil anong oras na. Mahaba na ang pila sa NBI.

Nagpumilit sumiksik ang isang lalaking dadalaw sa nililigawan niya sa UST hospital. Pero hindi siya magkasya. Biglang sumara ang pinto. Naipit ang apat na daliri niya. “A!” Tumakbo ang tren.

“Uy, may naipit!” nanlaki ang mga mata ng estudyante ng Mapua.

Napatingin sa kanila ang mga pasahero. Panay naman ang silip ng mga nasa gitna. Pero talagang di nila makita dahil sa kapal ng tao.

“Pindutin n’yo po ‘yung emergency button,” tumatalsik pa ang laway  ng babaeng pupuntang La Loma, mangungutang sa kapatid ng pambayad sa bahay. Nakatingin siya sa lalaking naipit, natatakot na pindutin ang button dahil sa nakasulat doon.

BABALA! Ang di wastong paggamit ng “EMERGENCY PUSH BUTTONS” ay may kaukulang PARUSA SA BATAS!

Natakot din ang lalaki, kaya tiniis na lang niya ang sakit. Hindi naman masyadong masakit, goma naman, pagpapakalma niya sa sarili.

Bumagal uli ang takbo ng tren. Naitulak ng isang lalaking may katagpo sa Sogo Hotel sa Carriedo ang katabi niyang estudyante ng La Consolacion College.

Napapalatak ang dalaga. Lukot na ang uniporme niya at gulo na ang buhok niya. “Shit,” bulong niya sa hawakang bakal. Gusto na talaga niyang bumaba, kung di lang talaga siya maa-absent. Shit.

Huminto uli ang tren, mga 20 segundo. Saka lang uli umusad, napakabagal.

“Bakit mo sasabihing matulin ang el ar ti?” bulong ng isang estudyante ng UE sa kaklase niya.

“Parang en leks lang, kunwaring di nata-traffic.”

Bumukas ang pinto. Fifth Avenue Station, Fifth Avenue. Nagtulakan sa pagsakay ang nag-uunahang mga pasahero. Paraanin na lang po natin ang mga lumalabas.

Para namang may lalabas,” sabi ng isang estudyante ng Sta. Isabel College sa nakasabay na kapitbahay.

Kawawa naman ‘yung mga dito sumasakay, di na masakay. Nakasilip sa bintana ang babaeng may susunduing kamag-anak sa NAIA.

Sa female area, nakipagsiksikan ang isang HR representative ng Sykes. Pero di siya makasiksik. Pinilit niya, naipit ang mga nasa loob.

“Wala na!” narinig niyang hiyaw, mula sa loob.

“Hindi na nga kasi kasya! ‘Wag nang pilitin!” malakas ang boses ng isang cashier sa Saint Benilde. Nakatalikod lang ito sa kanya, nakaharap sa direksiyong tinatahak ng tren.

Tumaas ang kilay ng taga-call center. “Ayaw mo pala ng siksikan, dapat, nag-taxi ka.”

Natatawa na ang iba, magkatalikod lang kasi sila at puwedeng-puwede nang magsabunutan.

“So, pikon ka na n’yan?” ngumiti ang cashier, parang kontrabida sa mga teleserye. “Kawawa ka naman, ipit na ipit.”

Pinigil ng mga tao ang tawa nila, at baka madamay pa sila. Hindi na lang din kumibo ang HR representative. Naisip naman ng cashier,  mas mabuti pa talaga sa puwesto na puwede ang mga lalaki. Hindi siksikan at hindi ganito kung magtulakan.

“Pausod naman do’n, siksik na siksik na ‘ko ye,” malakas ang boses ng babaeng empleyado ng Manila Bulletin. Hindi na siya makahinga sa puwesto niya. Tumatama na sa mukha niya ang backpack ng katabi niya, at nasisiko na ang ulo niya ng matangkad na babae sa likod.

Napatingin ang ibang pasahero.

“Away na naman,” bulong ng estudyante ng San Beda sa girlfriend niyang taga-Saint Scholastica.

“Wala na,” iritang sagot ng naka-backpack, teller siya sa PNB Kalaw. “Nasisikipan ka pala, dapat nag-taxi ka.”

Kumulo ang dugo ng babae, pero di na siya kumibo, nang mapansin niyang  pinagtitinginan na sila. Parang gusto niyang pagkakalmutin sa mukha ang lalaki.

Dahil sa sinabi ng babae, ginanahang umangal ang baklang magpapaayos ng buhok sa salon ng kaibigang bakla rin. “Ang hina naman kasi ng management ng el ar ti. Masyadong pinupuno,” sabi niya sa kasamang bading. Naiisip niya ang mga tren sa ibang bansa, na napanonood niya sa mga pelikula. Laging maluwag.

Nairita ang isang salesman sa Isetann Recto sa sinabi ng bading. Bakit di pupunuin ang LRT e pagkalaki na ng populasyon ng Pilipinas? Kung bakit ba naman kasi sandamakmak ang magnanakaw.

Halos ganoon din ang naiisip ng empleyada ng DOLE habang nakatingin sa kanyang magnetic card. Nakaupo siya. Bakit ba si Gloria pa rin ang nandito? At nakangiti pa, ha?

Nakatingin sa empleyada ang isang aleng tindera sa Blumentritt Market. Nilalaro niya sa bulsa ng gusgusin niyang jogging pants ang stored value ticket niya. Ba’t ba ako gagamit n’yan? E nakatitipid ako rito ng trenta.

R. Papa Station, R. Papa.

Bumukas ang mga pinto. Mabibilang lang ang mga bumababang pasahero. Mas maunti na rin ang mga sasakay, pero isa o dalawa na lang ang nasakay. Talagang di na kaya.

Hirap na hirap na ang nakatayong saleslady sa MOA, dahil sa takong niya. Pakiramdam niya, matutumba na siya. Ba’t ba kasi napagot pa kanina ‘yung tsinelas ko? Hindi naman siya nakabili agad dahil wala siyang nadaanang tig-ootsenta. Wala na siyang pera.

Napatingin uli siya sa nakaupong lalaki sa tabi niya. Alam niyang nagtutulug-tulugan lang ito.
Walang balak magpaupo ang empleyadong ‘yon ng Aladdin Bus Terminal. Kaya nga sa Roosevelt siya sumasakay e, kahit puwede naman nang sa Balintawak. At bakit siya magpapaupo? Lahat naman sila, nagbabayad.

Abad Santos Station, Abad Santos na po. Bigyan lang po natin ng daan ang mga bumababa ng tren.

Pero walang bumaba. At kahit wala nang espasyo, nagpilit pa rin ang mga pasahero. Kaya sara-bukas na naman ang mga pinto.

Sara, bukas… sara, bukas, sara… bukas, sara, bukas… sara, bukas… sara… bukas, sara… bukas, sara, bukas, sara, bukas… sara.

Marami nang naiirita, dahil sa tunog nito. Lalo kasi nilang nararamdamang late na late na sila.

Binilang ng isang estudyante ng PCCR ang pagsasara-bukas ng pinto. Sampung beses. Kumaldag, natapakan siya sa paa ng isang estudyanteng babae ng PNU.

“Sorry.” Hindi alam ng babae na malakas ang boses niya. Nakatodo kasi ang sounds niya. Pinagtinginan siya.

Nahiya siya, nang mapansin niyang pinagtitinginan siya. Kung bakit ba naman kasi wala man lang tugtog sa LRT. Kahit radyo man lang. Patayin na lang pag magsasalita na ang driver. Napaka-boring ng biyahe, pagpapalakas-loob niya sa sarili.

At sa totoo lang, mas gusto niyang nakatayo. Mas marami siyang nakikita. Sobrang nakaiinip ang biyahe pag nakaupo, nakatalikod sa tanawin. ‘Yun nga lang, sobrang siksikan naman pag nakatayo. Hinang-hina siya pagbaba. Kaya mas gusto na niyang nakaupo.

Naiinip din ang isang estudyante ng Adamson. Kangina pa siya nanonood ng fliptop battle. Ni-loudspeaker  niya ito. Alam niyang inip na inip na rin ang ibang pasahero.

Pinagtinginan siya.

Binabasa naman ng isang taga-Komisyon sa Wikang Filipino ang nakasulat sa bandang ulunan ng taga-Adamson.

PAALALA SA AMING MINAMAHAL NA MGA PASAHERO

BILANG PAGGALANG SA ATING KAPWA PASAHERO, KUNG MAARI PO AY IWASAN NATIN ANG MAGPATUGTOG NG RADYO, MP3 O IPOD NA HINDI NAKA-HEADPHONE, MAGSALITA AT TUMAWA NG MALAKAS HABANG NASA LOOB NG TREN AT ISTASYON.

MARAMING SALAMAT SA INYONG PANG-UNAWA.

Pinuna niya sa sarili niya ang nakasulat. Hindi ‘yon dapat “tumawa ng malakas,” kundi “tumawa nang malakas.” At hindi “iPod na hindi naka-headphone,” dahil hindi naman talaga naghi-headphone ang iPod, kundi “iPod nang hindi naka-headphone.” Hindi rin “paalala,” kundi “paalaala.”

Maraming nakakabasa rito, baka isipin, tama. Pa’no uunlad ang Wikang Filipino kung ganito?

Bumagal nang konti ang tren.

Blumentritt Station, Blumentritt. Paraanin na lang po ang mga bababa.

May mangilan-ngilang bumaba, at walang masyadong sumakay. Kaya nakaalis agad ang tren. Pero mabagal pa rin ang takbo.

Pakiingatan na lang po ang magnetic card na gagamitin sa pagbaba at mag-ingat na rin po sa mga mandurukot.

Isang baklang beautician sa isang parlor sa Bambang ang nakatingin estudyante ng FEU, na nakasandal sa kabilang pinto. Parang gusto niyang bumanat. S’ya po, mandurukot. Dinukot n’ya po ang puso ko. Dinukot n’ya.

Isang estudyante ng Letran ang nakasandal sa hawakang bakal, naka-headset at naglalaro ng Zombie Tsunami. Tatlong pasahero ang nanonood sa kanya. Di nila alam kung ano ang nilalaro nito, Plants vs. Zombie lang ang alam nila. Pero natutuwa sila rito, parang Super Mario lang, may inuumpog din. May kasama nga lang na mga zombie.

Buryong-buryo na sila sa biyahe, sikip na sikip, init na init.

Isa sa tatlong nakikinood ang lumapit na sa pinto. Bibili siya ng bulaklak sa Dangwa, birthday ng mama niya. “Excuse lang po.”

“Excuse, e kita mong walang madaanan,” iritang sagot ng isang staff sa Manila Zoo. “Antayin mong bumukas ‘yong pinto.”

Tayuman Station, Tayuman.

Umusad na uli ang tren. Bumilis nang konti.

Paalala, ugaliin lang po nating humawak sa safety handrails. Paki-double check na rin po ang mga personal na gamit, lalung-lalo na ang magnetic card na gagamitin natin sa pagbaba ng tren.

Lalong nairita ang isang library staff sa La Salle. Nasa gitna siya, di nakahawak. Pero di siya nabubuwal, dahil sa sobrang sikip. Ipit na ipit siya. Nakapahilis siya, alangan nang konti sa bintana, alangan nang konti sa direksiyong tinatahak ng tren. Nakaabante nang konti ang kanang paa niya, nasa gilid ng sakong ng kanang paa ang kaliwang paa. Ngawit na ngawit na ang mga binti niya. Humuhulas na ang pawis sa leeg niya at batok.

Gusto niyang umayos nang puwesto. Pero di niya magawa. Pakiramdam niya, natsatsansingan na siya.

Dinarama naman ng hita ng lalaking bibili ng piyesa sa Raon ang hita ng katabi niyang estudyante ng Letran. Masikip sa puwesto nila. Pangtatluhan lang kasi ‘yon, pero iniupo ng isang aleng magpapagawa ng salamin sa Quiapo ang anak niya.

Bambang Station, Bambang.

Marami nang nakikinig sa fliptop na pinanonood ng estudyante ng Adamson.

Puro mura, pero natatawa pa rin ang isang titser na babae sa Manila Doctors.

Natuwa ang estudyante, nang mapansing maraming nakikinig sa pinanonood niya. Pakiramdam niya, sikat siya.

Nagtakip ng panyo ang isang pulis sa MPD. Para di mapansin ng mga taong natatawa siya.

Paalala, iwasan po nating sumandal sa mga pintuan. At iwasan na rin po ang pagkukuwentuhan nang malakas, at pagpapatugtog ng iPod o anumang electronic gadget nang hindi naka-earphone.

Tinamaan ang estudyante, pero di niya pinansin ang narinig.

“Boy, pakihinaan mo naman ‘yan,” pakitang-gilas ng algebra teacher sa PMI, kahit kangina ay siyang-siya rin siya sa pakikinig.

Nainis ang iba sa titser. Pero may ilan ding natuwa.

Hindi kumibo ang estudyante. Naiinis na ikinabit ang headset. Mga kawawa, di alam kung ano’ng uso.

Maluwag na nang konti ang tren, kumpara kangina. Pero masikip pa rin.

Approaching, Doroteo Jose Station, D. Jose.

Sa bintana pa lang, kita na ang sandamakmak na pasaherong magtutulakan at mag-uunahang makasakay.

Lumapit sa pinakamalapit na pinto ang mga pasaherong bababa. Bumukas ang mga pinto, liban sa isa.

‘Wag po tayong magtulakan. ‘Wag po nating salubungin ang mga bumababa.

Pero nagtulakan pa rin ang mga pasahero.

“Hindi n’yo kami kamag-anak!” hirap na hirap makalabas ang isang janitor sa Manila Grand Opera Hotel. Inisi na inis at late na late na siya.

Hindi pa rin bumubukas ‘yong isang pinto.

“’Yong pinto rito!” sigaw ng estudyante ng San Sebastian. “‘Yong pinto!”

Dali-daling lumipat sa kabilang pinto ang isang estudyante ng PUP. “Excuse lang po,” may natapakan siyang paa. “Excuse lang,” may natapakan na naman siya, “excuse.”

Malayu-layo na siya.

Bumukas ang inalisan niyang pinto.

Nagmadali siya. “Excuse po,” may natapakan siya, “excuse lang,” may natapakan na naman siya.

Pasara na ang lilipitan niyang pinto. Binilisan pa niya. “Exuse po, excuse,” nabangga niya ‘yong estudyanteng nakikinig ng fliptop. Na-unplug ang headset nito at bumagsak sa sahig ang iPod.

“Putang-ina! Putang-ina!” sigaw ni Batas.

At sumara ang pinto. Lumakad ang tren.

Linggo, Marso 24, 2013

TV


There’s at least one good thing about TV. You can shut it off whenever you like. And nobody complain. —Haruki Murakami

Tayo raw ang may hawak
ng remote control
at makapipindot ng power button.
Tayo rin, kung gayon
ang makapaglilipat sa telebisyon
sa mga gusto nating istasyon
makapagtataas-baba ng boses nito
makapapatay
kung di na natin gusto o kung nakasisira na
ang mga sinasabi nito.

Tayo raw ang may hawak
ng remote control
at makapipindot ng power button.
Pero bakit ganoon, tingnan mo
ano itong
manipis na sinulid
na mula sa telebisyo’t nakatali
sa utak nati’t mga bisig?

Biyernes, Marso 22, 2013

Sa Ulanan


Nabasag sa’king bumbunan
ang mga patak ng ulan
may nadurog na garapa
kumawala’ng alaala.

Martes, Marso 19, 2013

Kaibigan Ko ang Gabi


Kaibigan ko ang gabi
ang pinag-isang himig
ng ref., ng orasan, ng hilik
ng bentilador at ng mga kuliglig
ang hiwaga
at ang sanga-sangang dilim.

Kaibigan ko ang gabi
matalik na kaibigan
sa mga panahon ng pag-iisip
pangangarap
at paghubog ng pananalig
mula sa kapayapaan, sa hangin
at mga larawan sa isip.

Kaibigan ko ang gabi
bagama’t malinaw rin sa aking
sa mga panahon ng paglimot
at pagtakas
ang gabi ring ito
ang isa
sa mga pangunahing kalaban.

Linggo, Marso 17, 2013

“Iniibig Kita” ni Nazim Hikmet


Iniibig kita
tulad ng pagsasawsaw ng tinapay sa asin saka kakainin
Tulad ng pagbangon kung gabi nang may mataas na lagnat
at pag-inom ng tubig, na babasa sa aking bibig
Tulad ng pag-aalis ng balot ng mabigat na kahong iniabot ng kartero
nang walang palatandaan kung ano ito
kinukutuban, masaya, nagdududa
Iniibig kita
tulad ng paglipad sa ibabaw ng dagat nang nakaeroplano sa unang pagkakataon
Tulad ng may kung anong gumalaw sa aking kalooban
nang unti-unting magdilim sa Istanbul
Iniibig kita
Tulad ng pagpapasalamat sa Diyos na tayo’y nabubuhay.

“Ang Hayop” ni Manuel Bandeira


Kahapon, may nakita akong hayop
Sa maruming pasilyo
Naghahanap ng pagkain sa basurahan

Nang may makitang kung ano
Di nito iyon sinuri ni inamoy
Nilunok lang nang buong katakawan

Ang hayop ay hindi isang aso
O isang pusa
O isang daga

Ang hayop, Panginoon ko, ay isang tao!


“At ang Buwan at ang mga Bituin at ang Sanlibutan” ni Charles Bukowski


Mahahabang paglalakad sa gabi—
ang mga ito ang maganda sa kaluluwa:
sumisilip sa mga bintana
pinanonood ang pagod na mga may-bahay
na sinusubukang labanan
ang lasenggero nilang kabiyak.

Mga Titik Tayo


Mga titik tayo
ako                   siya
            ikaw                      
                                                   ang bawat isa.
Hindi mabubuo ang pangngalang “tao”
ni ang “talino” o “mundo”
nang wala siya, ang titik “o.”
Walang salitang “kaibigan” o “pamilya”
ni “lipunan” o “saya”
kung wala ka, na titik “a.”

‘Ka ko, mga titik tayo                          siya
                                             ikaw                             ako
at hindi man tayo sangkap
sa lahat ng salita, kataga
o minsan, pati pangungusap
wala pa ring maaring burahin sa atin
ni balewalain
o sandamakmak na salita
ang mawawala
at pahi-pahinang kahulugan
ang lulunukin ng lupa.