Kilalang-kilala ko
ang bawat bahagi ng iyong bibig
ang mga linyang siwang sa pagitan ng
ngipin
na himlayan ng himaymay ng karne, kanin
o gulay
ang sangsang ng hininga
ang lapot o labnaw ng laway
ang mga lumot sa dila
ang naiwang bahagi ng pagkatao
ng nakahalikang babae.
Sa loob ng limang buwang paglilingkod
na lumabis na sa hangganan
naging kilalang-kilala ko
ang bawat bahagi ng bibig mo
at ngayong mahina na ang katawan ko
marupok
di na makapaglilingkod nang maayos
di ko na makikilala pa nang higit
ang iyong bibig
kaya mga talampakan, tadyang
at dahon ng tsinelas na lamang
o katawan ng sahig
ang aking kikilalanin.
At ipinapangako ko sa iyo
pipilitin ko ring maging kaibigan
sila.
Di ba’t sabi mo
ito ang layon ng pakikipagkilala?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento