Paminsan-minsan, kailangan mo ring
pumikit
kahit ilang minuto, kahit ilang saglit
kahit nakapangalumbaba ka lang sa iyong panaginip
o nananaginip sa iyong pangarap
o nasa bus at nakasakay sa malaking
kumpol ng ulap.
Paminsan-minsan, kailangan mong ipahinga
ang mga mata mo
pakaibigin ang itim at dilim
habang tinatangay ng hangin ang mga bato
sa iyong dibdib
at nadudurog ang nangakatusok ditong
aspile.
Paminsan-minsan, kailangan mong ipahinga
ang mga mata mo
nang saglit mong di makita ang usok na
iba-iba ang kulay
at mahapdi sa mata
ang nagliliparang maliliit na nilamukot
na papel
na nambabangga ng utak pag natitigan
sila
ang napakatapang na liwanag
na bumabago sa kulay ng maraming bagay
at ang sandamakmak pang organismo
na bumubuo sa malupit na mundo.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento