“Good evening, ladies and gentlemen!” malakas ang
boses ng lalaki, na nagmumula sa naglalakihang speaker sa seaside ng Mall of
Asia.
“’Ayan na! ‘Ayan na!” napatalon si
Sheryl, habang nakahawak sa braso ni Michelle.
Magkaibigan ang dalawa, magpinsang
makalawa rin. Payroll assistant sa isang pabrika sa Malabon si Michelle, habang
si Sheryl naman ay graduate ng dalawang taong computer programming at nakikitira
ngayon kina Michelle, naghahanap ng trabaho. Isang taon na kasi siyang graduate,
at hanggang ngayo’y walang trabaho. Parehas silang probinsiyana, parehas laking
Tuguegarao. At parehas unang beses nakapunta sa MOA.
“And now, you will witness the
spectacular fireworks exhibition!”
Madilim na, at kitang-kita na ang
mga ilaw ng mga barko sa Manila Bay, ang mga ilaw sa kabilang pampang at ang sa
mga poste.
Dalawang liwanag ang nagsalubong, saka
sumabog. Maliit lamang. Sinundan ‘yon ng malaking liwanag sa gitna, na umabot
sa itaas, saka sumabog at nagkapira-piraso. Lumiwanag! Parang sa ipiniprito ang
tunog ng bawat piraso. Tatlong liwanag ang sumunod, sabay-sabay sumabog,
nagkapira-piraso. Isang pula. Isang dilaw. Isang asul. Lumiwanag lalo. Sinundan
‘yon ng marami pang liwanag, at ng marami pa uli. Paulit-ulit. Iba’t ibang
kulay. Iba’t iba’t laki. Iba’t ilaw galaw. May paitaas. May pabulusok. At may
akala nila ay tatama na sa kanila.
“Wow!” hindi maipaliwanag ni
Michelle ang nararamdaman niyang saya. Natutuwa siyang nakakita na siya ngayon
ng gayong karaming freworks, na dati’y napanonood lang niya sa TV.
“Grabe,” hangang-hanga si Sheryl sa
sining ng pagdami at pagsabog ng liwanag, mula sa isang piraso.
Amoy na amoy nila ang pulbura.
Nagkangitian ang dalawa. Dalawang
bagay ang parehong nasa isip nila— una, lamang na lamang na talaga sila sa mga
kaibigan nila sa Tuguegarao; at ikalawa, naisip nila, siguro, kada Sabado ng
gabi, ang sasaya ng mga tao rito. Siguro, parang wala silang problema.
Samantala, sa harap ng MOA, dinig
pa rin ang fireworks at kita pa rin ang mga liwanag nito. Ngunit di ‘yon
napapansin ng binatang barker ng orange cab na biyaheng Gil Puyat, na minamalat
na katatawag ng pasahero, pawis na pawis, at kangina pa nagugutom.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento