Sabado, Setyembre 29, 2012

Snatcher


Nagliliyab ang mga bumbilya sa mga sasakyan at poste, at nanginginig ang mga dumaraang trak, dyip at kotse. Nanlilisik na mga mata ang mga ilaw sa billboard ng Bench at Folded & Hung sa Balintawak.

Nakatayo si Baldo sa paanan ng footbridge sa Bagong Barrio, palinga-linga sa nagdaraang mga sasakyan— lalo na sa mababagal ang takbo o kaya nama’y humihinto— dahil sa pagsikip ng kalsada o pagbaba at pagsakay ng pasahero. Nakararamdam siya ng konting kaba— konti lang. Bakit kaya, tanong niya sa sarili. Dati, hindi naman siya kinakabahan. Bakit kaya?

Binasa niya uli ang text ni Sandra— bsta, gus2 k0 un6 ba6 n un!

Isang dyip na pa-Monumento ang huminto, maliit at luma na. Napangiti siya, isang babaeng nakaputing sapatos, pantalon at blouse, at malapit sa pintuan, ang nagti-text. Nursing siguro o psychology sa MCU, palagay niya.

Umusad ang sasakyan, mabagal lang. Sinundan niya. Huminto ito. Bigla siyang tumakbo palapit sa dyip, saka hinablot ang cellphone ng babae.

“Ay!” sigaw ng pasahero.

Mabilis siyang tumakbo, sa kabilang kalsada, sa kalsadang pa-Cubao. At lumuwang ang ngiti niya. Masikip ang kalsada at mabagal lang ang mga sasakyan, kaya agad siyang nakaakyat sa island. Pagkasampa niya sa island, tiningnan niya ang hawak niyang cellphone— touchscreen! Lumuwang lalo ang ngiti niya. Tinaasan niya ang talon niya.

Pagbagsak niya, sinalubong siya ng nakabibinging busina ng sasakyan, at ng dalawang nanlilisik na ilaw. Napiga niya ang hawak niyang cellphone.

Martes, Setyembre 25, 2012

Tikbalang


“O, mag-iingat,” iniabot ni Lorie kay Arnel ang blue Tupperware, na may lamang dalawang pirasong pork chop at puno ng kanin, saka siya nito hinalikan sa labi.

“Opo,” ngumiti ang asawa niya, napakatamis.

Napangiti rin siya. Guwapo si Arnel, pero mas gumuguwapo pa ito pag ngumingiti. May isa na silang anak, magtatatlong taon. At natutuwa siya na hanggang ngayon, para pa rin silang bagong kasal. Lumalamig daw ang pag-ibig. Naku, hindi niya ‘yon paniniwalaan.

Nagtapos siya ng office management, pero ayaw ni Arnel na magtrabaho siya. Maganda naman kasi ang sahod nito, bilang assistant manager sa isang malaking hardware sa Banawe.

Tumunog ang cellphone niya, binasa niya. Si Mareng Ruffa niya pala.

Mars_ruffa — sorry

Sumagot siya— nung sorry mars?

Wrong sent yata ito sa kanya. Pero hindi ito nag-reply.

Naglaba siya, naglinis ng kubeta, naglampaso ng sahig, saka nagluto. Makapananghali, nang nanonood na siya ng Eat Bulaga, bumuhos ang napakalakas na ulan. Tumakbo siya agad sa labas, saka isinilong ang mga sinampay.

Malakas ang ulan pero tirik na tirik ang araw! Napakamot siya ng braso. Matitindi siguro ang ikinakasal na mga tikbalang. Biniro na lang niya ang sarili niya, pampawala ng inis.

Sa isang motel sa Quezon Avenue, pawis na pawis na nakaibabaw si Arnel sa Mareng Ruffa niya.

Sabado, Setyembre 22, 2012

Fireworks


“Good evening, ladies and gentlemen!” malakas ang boses ng lalaki, na nagmumula sa naglalakihang speaker sa seaside ng Mall of Asia.

“’Ayan na! ‘Ayan na!” napatalon si Sheryl, habang nakahawak sa braso ni Michelle.

Magkaibigan ang dalawa, magpinsang makalawa rin. Payroll assistant sa isang pabrika sa Malabon si Michelle, habang si Sheryl naman ay graduate ng dalawang taong computer programming at nakikitira ngayon kina Michelle, naghahanap ng trabaho. Isang taon na kasi siyang graduate, at hanggang ngayo’y walang trabaho. Parehas silang probinsiyana, parehas laking Tuguegarao. At parehas unang beses nakapunta sa MOA.

“And now, you will witness the spectacular fireworks exhibition!”

Madilim na, at kitang-kita na ang mga ilaw ng mga barko sa Manila Bay, ang mga ilaw sa kabilang pampang at ang sa mga poste.

Dalawang liwanag ang nagsalubong, saka sumabog. Maliit lamang. Sinundan ‘yon ng malaking liwanag sa gitna, na umabot sa itaas, saka sumabog at nagkapira-piraso. Lumiwanag! Parang sa ipiniprito ang tunog ng bawat piraso. Tatlong liwanag ang sumunod, sabay-sabay sumabog, nagkapira-piraso. Isang pula. Isang dilaw. Isang asul. Lumiwanag lalo. Sinundan ‘yon ng marami pang liwanag, at ng marami pa uli. Paulit-ulit. Iba’t ibang kulay. Iba’t iba’t laki. Iba’t ilaw galaw. May paitaas. May pabulusok. At may akala nila ay tatama na sa kanila.

“Wow!” hindi maipaliwanag ni Michelle ang nararamdaman niyang saya. Natutuwa siyang nakakita na siya ngayon ng gayong karaming freworks, na dati’y napanonood lang niya sa TV.

“Grabe,” hangang-hanga si Sheryl sa sining ng pagdami at pagsabog ng liwanag, mula sa isang piraso.

Amoy na amoy nila ang pulbura.

Nagkangitian ang dalawa. Dalawang bagay ang parehong nasa isip nila— una, lamang na lamang na talaga sila sa mga kaibigan nila sa Tuguegarao; at ikalawa, naisip nila, siguro, kada Sabado ng gabi, ang sasaya ng mga tao rito. Siguro, parang wala silang problema.

Samantala, sa harap ng MOA, dinig pa rin ang fireworks at kita pa rin ang mga liwanag nito. Ngunit di ‘yon napapansin ng binatang barker ng orange cab na biyaheng Gil Puyat, na minamalat na katatawag ng pasahero, pawis na pawis, at kangina pa nagugutom.

Biyernes, Setyembre 14, 2012

Basurahang Sako


Naninilaw na siya
may mangilan-ngilan nang butas
kupas
puno ng sugat at gasgas
nanlalata, inuuod, nilalangaw
nasa tabing-kalsada
nakatingala sa kaputol na buwang
nginangatngat ng kalawakan.

Kangina, may sumusuray na lalaking dumaan
dumura
tinamaan ng plema ang kanyang tadyang.
Kangina, may lumabas na batang lalaking
may kagat-kagat na tinapa
binuhusan siya sa ulo
ng mga tinik at mumo.
Kangi-kangina lang din
may lumabas na may edad nang babae
ibinalibag sa mukha niya
ang dalawang lumang sando bag
na puno ng basura.

Mamaya, pag hindi pa nadidilian ng araw
ang mga ulap
pag hindi pa umaawit ang mga maya
at nahihimbing pa ang marami
may dudulog sa kanyang dalawang batang pulubi
payatot, nanghihina, nanlilimahid
at buong giliw niya uling kakalingain ang mga ito
samantalang nakatingala siya
sa buwan na hindi nagpalupig sa kalawakan
at buong kalusugan ng kaluluwang nakikinig
sa awitan ng mga kuliglig.

Sabado, Setyembre 8, 2012

Paminsan-Minsan, Ipahinga Mo ang mga Mata Mo


Paminsan-minsan, kailangan mo ring pumikit
kahit ilang minuto, kahit ilang saglit
kahit nakapangalumbaba ka lang sa iyong panaginip
o nananaginip sa iyong pangarap
o nasa bus at nakasakay sa malaking kumpol ng ulap.

Paminsan-minsan, kailangan mong ipahinga ang mga mata mo
pakaibigin ang itim at dilim
habang tinatangay ng hangin ang mga bato sa iyong dibdib
at nadudurog ang nangakatusok ditong aspile.
Paminsan-minsan, kailangan mong ipahinga ang mga mata mo
nang saglit mong di makita ang usok na iba-iba ang kulay
at mahapdi sa mata
ang nagliliparang maliliit na nilamukot na papel
na nambabangga ng utak pag natitigan sila
ang napakatapang na liwanag
na bumabago sa kulay ng maraming bagay
at ang sandamakmak pang organismo
na bumubuo sa malupit na mundo.

Linggo, Setyembre 2, 2012

Sepilyo


Kilalang-kilala ko
ang bawat bahagi ng iyong bibig
ang mga linyang siwang sa pagitan ng ngipin
na himlayan ng himaymay ng karne, kanin o gulay
ang sangsang ng hininga
ang lapot o labnaw ng laway
ang mga lumot sa dila
ang naiwang bahagi ng pagkatao
ng nakahalikang babae.

Sa loob ng limang buwang paglilingkod
na lumabis na sa hangganan
naging kilalang-kilala ko
ang bawat bahagi ng bibig mo
at ngayong mahina na ang katawan ko
marupok
di na makapaglilingkod nang maayos
di ko na makikilala pa nang higit
ang iyong bibig
kaya mga talampakan, tadyang
at dahon ng tsinelas na lamang
o katawan ng sahig
ang aking kikilalanin.
At ipinapangako ko sa iyo
pipilitin ko ring maging kaibigan sila.
Di ba’t sabi mo
ito ang layon ng pakikipagkilala?