Nasa harap si Elya ng malabo nang salamin ng
tokador, tinitingnan ang mga ngipin niya. Naninilaw ang mga ito, hindi maganda
ang tubo, sungki-sungki. Grade 4 na si Elya, maitim na payatot.
Ilang beses na niyang napanood sa
TV na kailangan daw sa sepilyo, pinapalitan kada tatlong buwan. Kailangan din
daw ng mouthwash. Hindi raw kasi kayang linisin ng sepilyo ang buong bibig, at
90% daw ng germs ay wala sa ngipin. Ang kailangan din daw na sepilyo ay ‘yong
360 degree toothbrush, ‘yong may tongue cleaner.
“Bibili ‘ko ng mga ganyan pag
nagkapera kami,” nakatingin pa rin siya sa ngipin niya. “Para hindi na nila ‘ko
matutukso.” At para hindi na siya magtatakip ng bibig pag tatawa siya, sa
isip-isip niya.
“Hoy Elya! Penge ngang s’yete! Bumili
ka ng Colgate na Close-up! Wala na namang magamit!” sigaw ng nanay niya.
Iniwanan ni Elya ang salamin, binuksan
ang pitaka niya. Nakita niya si Rizal, tikom na tikom ang bibig.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento