Martes, Hulyo 31, 2012

Kung Bakit Malakas ang mga Langgam


Tinanong ko ang langgam
“Bakit kayo malakas?”
“Gano’n talaga,” an’ya
“pag walang nakikita.”

Lamok


Tiyak, patay ang lamok
pag sa aki’y kumagat
namumuhi kasi ‘ko
sa mga magnanakaw.

Paru-paro



Buhay ng paru-paro
ay saktong isang linggo
kaya ang bawat santan
kanilang tinitikman.

Texter


Nakayuko sa pilapil ang ilang talahib, kita ang ulo ng isang tagak na nasa gitna ng nangalirang na mga damo, at tinatangay ng habagat ang mga langay-langayan.

Pauwi na ang Manilenyang si Annette, hinatiran niya ng tanghalian ang lolo niya. Nagti-text siya. Mabilis ang paglipat-lipat ng hinlalaki niya sa mga keypad ng cellphone— 46688660855542 insert smiley— gnun tlga ;)

Naiinggit siya sa mga teenager dito sa bukid. Kasi rito, walang snatcher at hindi ka mabubundol ng sasakyan. Malakas din ang signal. Mataas naman kasi ang lugar nila. Puwedeng magdamagang mag-text.

Rommel: sn k n b?

Annette: pauwi p lang.. ;)

Rommel: pslubong pagblik hehe

Napangiti siya, nang may natapakan siyang medyo madulas na medyo matigas. At naramdaman niyang humapdi ang kanyang binti.

Linggo, Hulyo 29, 2012

P8


“Kuya, pasahe naman d’yan, Kuya,” itinungo ni Lara nang konti ang ulo niya, at niliitan ang buka ng bibig, nahihiya kunwari, “otso lang,” nasa tapat siya ng poste ng Meralco, nababangga ng liwanag ng nagdaraanang sasakyan.

Inabutan siya ng lalaki ng limang piso.

“Salamat, Kuya. Salamat,” ibinigay niya sa lalaki ang pinakamatamis niyang ngiti, at lumakad na siya.

Nang malayo na siya, nanghingi uli siya ng otso. Alam niyang makapag-uuwi uli siya ng maski P30. Napangiti siya. Sa mga modos kasi, kailangan din ang talino. Galingang umarte, at lagyan ng prinsipyo. Gaya niya, kaya otso ang hinihingi niya, dahil ang 8 ay suwerte, paikot-ikot lang, walang hanggan, tuloy-tuloy.

Kinabukasan, umaga pa lang, nasa Pasig na si Lara, sa pinagtatrabahuhan niya. Packer siya ng sabon sa isang cosmetics factory.

Kumukuha siya ng sabon sa makinang pamputol. Mamayang gabi, sa ibang lugar uli siya manghihingi ng otso. Dinampot niya ang naputol nang sabon. Kailangan, maka-P30 uli siya. Pumutol uli ang makina. Naipit ang kamay niya!

Napaiyak siya’t napahiyaw sa sakit. Nakita niya sa ibabaw ng makina ang hinliliit niya’t palasingsingan.

Sapagkat Iyon at Iyon Din


Gabi-gabi, mula Lunes hanggang Sabado
pagkagaling kong trabaho
‘yon at ‘yon ang mga tanawing nakikita ko:
kalansay na batang yakap-yakap ng nanay;
matandang tsuper ng dyip
na siksik ang eyebag at nanlilimahid ang damit;
nanlalagkit sa pawis at may anghit na konduktor
na nagmamadali ang mga daliri;
matandang babaing nakatalungko
sa paanan ng poste ng Meralco
nagtitinda ng balot, kendi’t sigarilyo;
tindera ng cell phone accessories sa footbridge
na naghahapunan ng pancit canton;
dalawang marungis na batang babaing
magkayakap sa gusgusing kariton.

Mula Lunes hanggang Sabado
‘yon at ‘yon ang mga tanawing nakikita ko.
Kaya kada Linggo ng hatinggabi
hindi na ako nagtataka
na sila’t sila rin ang aking nakikita
hawak-kamay na nagmamartsa sa Edsa
parang ginalit baka
nanlilisik ang mga mata.

Sepilyo


Nasa harap si Elya ng malabo nang salamin ng tokador, tinitingnan ang mga ngipin niya. Naninilaw ang mga ito, hindi maganda ang tubo, sungki-sungki. Grade 4 na si Elya, maitim na payatot.

Ilang beses na niyang napanood sa TV na kailangan daw sa sepilyo, pinapalitan kada tatlong buwan. Kailangan din daw ng mouthwash. Hindi raw kasi kayang linisin ng sepilyo ang buong bibig, at 90% daw ng germs ay wala sa ngipin. Ang kailangan din daw na sepilyo ay ‘yong 360 degree toothbrush, ‘yong may tongue cleaner.

“Bibili ‘ko ng mga ganyan pag nagkapera kami,” nakatingin pa rin siya sa ngipin niya. “Para hindi na nila ‘ko matutukso.” At para hindi na siya magtatakip ng bibig pag tatawa siya, sa isip-isip niya.

“Hoy Elya! Penge ngang s’yete! Bumili ka ng Colgate na Close-up! Wala na namang magamit!” sigaw ng nanay niya.

Iniwanan ni Elya ang salamin, binuksan ang pitaka niya. Nakita niya si Rizal, tikom na tikom ang bibig.

Biyernes, Hulyo 20, 2012

Lata


Nakasakay si Shaine sa bus na pa-Malanday, nasa tabing-bintana, umiinom ng Coke. Programmer siya sa isang bangko sa Makati, chubby, maputi.

Nahagip ng kaliwang mata niya ang dalawang may edad nang pulubi sa tabing-kalsada, parehas babae. Nalukot ang noo niya. Angal nang angal sa government, bakit hindi sila tinutulungan, e letse sila, me nakukuha bang tax sa kanila?

Nasa Congressional na sila at masikip na ang Edsa, nang maubos niya ang iniinom niya at ilaglag sa kalsada ang lata. Sa lakas ng ingay, narinig pa rin niya ang pagtama niyon sa semento.

Ini-on niya ang iPod niya. Nang lalakad na ang bus, may sumakay na pulubi, babae, marungis, nakadamit na asul.

Nalukot na naman ang noo niya. Ibinulsa niya agad ang iPod niya.

Lumapit sa kanya ang pulubi, saka ibinalibag sa mukha niya ang isang lata ng Coke. Napatili siya.

“Letse ka!” sigaw nito.

Bagong Taon ng Isang Pulis*


Nagsasagutan ang mga paputok sa subdivision nina SPO1 Arguello, makukulay ang mga fireworks display, parang mga bulaklak na namumukdad sa kalangitan at kumakalabog ang mga speaker.

Inilabas ni SPO1 Arguello ang kanyang .45 pistol. Hindi ‘yon rehistrado, kaya hindi nalagyan ng scotch tape ng hepe nila.

“Happy New Year!” itinutok niya sa hangin ang nguso ng baril, saka kinalabit nang kinalabit ang gatilyo—kaysarap, isang kapangyarihan—napangiti siyang lalo.

Nasa labas ng subdivision ang anak niya, tanggero sa inuman nilang magkakaibigan, nang manlaki ang mga mata at mabitiwan ang shot glass.


*Pasintabi kay Jose P. Rizal, sa pamagat ng ikalimang kabanata ng “El Filibusterismo,” “Noche Buena ng Isang Kutsero.”