Huwebes, Oktubre 21, 2010

Sa Mga Manggagawa




Ilang ulit niyo na akong nakita,
sa mga tulay, minaha’t kalsada,
sa mga gusali, talyer, tumana’t pabrika,
at kung saan-saan pa na barya lang ang kinikita.

Kilalang-kilala  ako dahil sa aking anghit
at sa damit kong may sulsi at punit.
Kilalang-kilala niyo ako sa aking itsura
ngunit hindi sa aking hirap at dusa.

Hindi ko gusto ang trabaho ko ngayon,
sa hirap kasi, hindi ako nito kayang iahon.
Hindi ko gusto ang trabaho ko ngayon
dahil hindi naman ito ang pinangarap ko noon.

Hindi ako nakapagtapos ng pag-aaral
kaya karamihan kung ituring ako’y mangmang.
Lagi akong sinisigawan ng aking amo.
Tingin niya sa akin, walang kasing bobo.

Ayokong maging ganito ang buhay ng aking mga anak
kaya patuloy akong nagtatrabaho’t nagsisikap,
maghapon man o magdamag,
umulan man o umaraw,
kahit pa wala na ‘kong pahinga,
kahit pa ang kinikita ko’y kakarampot lamang na barya,
kahit pa inaalipusta ko’t minamata-mata,
pagkat pangarap kong magkaroon sila ng diploma.

Kung mamasdan niyo ang aking mga kamay,
tanging pawis, alikabok at makapal na libag,
makakapal na kalyo, mga sugat at peklat,
ang inyong mamamalas at inyong masasalat.
Ngunit sa likod ng lahat ng iyan,
nariyan ang di maikukubling katotohanan,
katotohanang di n’yo man lang ikalugod,
katotohanang di n’yo man lamang maipagpasalamat.

Naitanong n’yo na ba kung sinong nag-aruga sa bawat butil ng palay,
o kung kaninong dugo’t pawis ang dito’y bumuhay?
Kilala n’yo ba kung sinong gumiling sa mga tubo upang iyo’y maging asukal,
o tumunaw at pumanday sa bawat piraso ng bakal?

Ako…

Ako ang nagtayo sa matatayog na gusali.
At ang kaning iyong kinakain, ako ang nag-ani.
Ako ang pumatag sa matatarik na bundok
upang kayo’y may matir’han at iyo’y maging lungsod.

Ako ang nagdugtong sa magkabilang bayan,
at humawan sa mga gubat upang inyong maging daan.
Ako ang lumulusong sa mabahong estero
upang ayusin ang barado ninyong gripo at banyo.

Ako ang nagpalaki sa mga punong kamagong
upang inyong maging silya, kama’t aparador.
Ako ang tumapyas sa malalaking bato
upang maging rebulto nina Rizal at Bonifacio.
Ako ang humabi sa lahat ninyong kasuotan.
Ako ang lumilok sa lahat ninyong kasangkapan.

Ang mga kamay ng inhinyero.
Ako ang alipin ng hasyendero.
Ako ang kargador sa pamilihan.
Ako ang haligi nitong sambayanan.

Ang pawis ko ang kurudo’t gasolina
na nagpapatakbo sa traktora.
Ang dugo ko ang pataba
na dumirilig sa tigang na lupa.
Ako ang uling sa mga umuusad na barko.
Ako ang makina sa lahat ng pabrika.
Kasama ako nang mabuo itong kabihasnan.
Saksi ako sa daloy nitong kasaysayan.
Kapanalig ko ang nakapapasong sikat ng araw
at ang malalaking patak ng ulan.
Naka’sang-dugo ko na ang marahas na hangin
at ang matinding init at lamig.

Ako ang tagabungkal, tagahukay at tagahanap.
Ako ang tagabuo, tagakumpuni’t tagawasak.
Ako ang kalabaw, ang araro, ang suyod at ang trak.
Ako ang apog na bumubuo sa lipunan,
ang buhay, hininga at ang buong katawan.

Ako ang may pinakamalaking papel sa lipunan
pagkat halos lahat dito’y ako ang may lalang,
sa mga nasa mansiyon man o mga nasa dampa,
sa mga nasa kalunsuran man o nasa kanayunan.

Hindi ko hinahangad ang limpak-limpak na pera,
hindi rin ang kabi-kabilang bahay
at naggagandahang asawa,
o maging mga kotseng milyon ang halaga.
Ang tanging hangad ko lamang ay guminhawa
at ibigay sa akin ang nararapat na upa,
ngunit hanggang ngayon, mula pa noong una,
ay ipinagkakait na sa akin ng kinakalawang na sistema.





2 komento:

  1. shocks!
    maligayang araw ng mga manggagawa!
    haha. JOKE LANG. :D

    na-impress na naman ako.

    haist. haha. speechless. grabeee. :D :)

    TumugonBurahin
  2. * salamat sa pagtangkilik...dapat nga sana,araw ng mga manggagawa parati...dahil malaki angb hirap nila sa sambynang i2

    TumugonBurahin