Huwag mong sayangin ang iyong luha sa katatangis,
ni ikalungkot man lamang ang kanilang pag-alis.
Huwag mong ipagdamdam ang sa kanila’y pagkawalay
sapagkat hindi ka naman nila tunay na minahal.
Ang sinisinta nila’y wika ng mga dayuhan
dahil ang pangarap nila’y sa ibang bayan manirahan.
Ikaw na Inang Wika’y matagal na nilang itinapon,
sa pag-aakalang ang Wikang Ingles ang sa kanila’y mag-aahon.
Hindi ka na raw nila kailangan pang pakasurii’t pag-aralan
sapagkat matagal ka na raw nilang nauunawaan.
Pakinggan mong maigi ang indak ng kanilang mga dila,
di ba’t ang tunog ay dili iba’t wikang banyaga?
Mula kamusmusan, ikaw ang umaruga sa kanila’t gumabay.
Sa mga una nilang hakbang, ikaw ang umalalay.
Ngunit ngayo’y pagmasdan mo ang mga anak mong pinakamamahal,
pagkatapos ng lahat, silang banta sa iyong buhay.
Hangad nila’y ipatuklaw ka sa makamandag na globalisasyon,
at Wikang Ingles ang iluklok sa trono mo ngayon.
Ni wala silang naitulong upang ikaw’y mapayabong,
at ngayo’y sila pang hadlang sa pag-unlad mo’t pagsulong.
Huwag mong panghinayangan ang mga tulad nilang walang utang na loob
pagkat tanging sama ng loob ang kanilang idinudulot.
Huwag na huwag mo silang pipigilan sa pag-aalsa balutan
Pagkat babalik din ang mga ‘yan, pag wala nang matakbuhan.
Aking ina, tumayo ka mula sa iyong pagkakadapa,
itaguyod mo’t iwagayway minamahal mong bandila.
Ipakita mong ikaw ang daan tungo sa kaunlaran,
at hindi ang Wikang Ingles o kung alin pa mang wikang dayuhan.
nadali mo po ko sa title nito, aah.
TumugonBurahindi ko makakalimutan un. hahaha :D