Lunes, Oktubre 18, 2010

Mga Patak ng Pawis at Tilamsik ng Dugo sa Manibela


Lunes ng tanghali...
Habang minamasdan ni Mang Ene ang mabigat, buhol-buhol at mabagal na daloy ng mga sasakyan sa kalsadang iyon ng Legarda, palapit sa krus na daan ng Mendiola, at habang naririnig niya ang mahahaba, nakatutulig at di magkamayaw na busina ng mga sasakyan, ay lalo niyang nararamdaman ang pagod at panghihina ng katawan.


Kanina pa niya nararamdaman ang pag-iinit ng kanyang mga talampakan at ng suot niyang mga tsinelas na diipit, at ang mga butil ng pawis sa napapanot na niyang ulo, sa kanyang puwet, sa kanyang dibdib at likod, sa itaas ng kanyang mga kilay at sa kanyang kili-kili, at ang dahan-dahang pagtulo at pagguhit ng mga ito sa kulubot at libagin niyang balat.  Nanlalagkit na sa pawis ang suot niyang luma’t abuhing kamiseta.


Nakakamisetang puti siya na gupit ang magkabilang manggas kaya nagmukhang sando at may tatak sa likod na “Petong Alarilla Para Konsehal!”, naka-short na maong, nakatsinelas, at may mga lumang lastikong itim sa kaliwang  kamay— pantali ng pera.

Singkuwenta’y dos anyos na siya. Payat.


“Prrrrrrrrrrrrrrrrrrrrrrrrrrt! Prrrrrrrrrrrrrrrrrrrrrrrrrrrrrrrrt!” sumilbato ang opisyal ng MMDA (Metro Manila Development Authority), na nakatayo sa gitna ng kalsada.


Bahagyang umusad ang mga sasakyan. Makupad. Parang nangahihiya. Parang nangatatakot. Saka muling huminto.


Nilamukos ng kaliwang kamay niya ang nanlilimahid na basahang bilog na nakasapin sa kanyang palad habang nakatangan sa manibela, saka ipinamunas sa nagpapawis niyang mga palad.


Ang biyahe niya ay Cubao-Divisoria, at sa sikip ng kalsada at sa bagal ng usad ng mga sasakyan, pakiramdam niya, aabutin pa siya ng higit kalahating oras sa paghahatid sa mga pasahero sa Divisoria. Balak pa man din niya sanang kumain na, dahil pasado alas-dose na, at kanina pa siya nakararamdam ng gutom. Walong oras na rin kasi siya sa kalsada. Umalis siya ng bahay, alas-kuwatro ng umaga, na three in one na kape lang at tirang ulam at kanin ng gabing nagdaan ang laman ng tiyan.


Ganoong oras siya lagi umaalis ng bahay. Alas-tres medya, babangon na siya. Hindi na siya kailangan pang gisingin ng asawa niyang si Maring. Kusa na iyon. At pagkakain na pagkakain din, tataluntunin na niya ang tahimik at madilim na kalsada, papunta sa bahay ng Pareng Monchi niya, para kuhanin ang inilalabas na dyip. Maluwag pa ang mga kalye sa ganoong oras, at madilim pa ang langit, ngunit maliwa-liwanag ang mga kalsada, sapagkat buong magdamag na nakamasid doon ang di kumukurap na mga bumbilya.


Luma na ang dyip na inilalabas niya, ngunit dahil masinop ang may-ari, kaaya-aya pa rin ang kabuuan nito sa mga mata ng titingin. Maganda ang pagkakapintura, kombinasyon ng pula’t puti. Pula ang mga upuan. At sa likod, sa saya nito, nakatitik ang talinghagang “Pag libog ang umiral, sira ang pag-aaral.” Sa loob naman, hiwa-hiwalay, nakasulat sa tatlong maliliit na parihabang kahoy na plakard na pinagsugpung-sugpong ng kadena at nakabitin sa kisame, ang mga katagang “God knows”, “Hudas”, “Not pay”.

Maliit lang din ito. Pangsiyaman lang.


Tanghali na nga. Maalinsangan na. Nasa ulunan na ng mga gusali ang araw at ganap nang nakalatag ang liwanag. At mainit na ang hamyos ng hangin.


Umusad uli ang mga sasakyan, saka muling huminto. At nahinto sa tabi niya ang isang de-aircong bus. At nangyari na naman ang pinakaaayawan niya sa lahat. Natapat sa kanya ang hingahan ng makina nito. Mainit na mainit ang hininga nito. Nakapapaso. Para siyang tinutusta. Sinisilaban.


Hinatak  ng kanang kamay niya ang libaging bimpong nakasampay sa kanang balikat, saka pinunasan ang mga braso, mukha, batok, leeg, bumbunan, saka ipinaloob sa kamiseta. Pinunasan ang dibdib at tiyan.


Umusad na naman ang mga sasakyan, saka muling huminto.

Nalayo sa tapat niya ang hingahan ng bus. Nakahinga siya nang maluwag at nakadama ng paggaan ng pakiramdam.


Panay ang busina ng isang sasakyan sa likod. Tiningnan niya sa side mirror. Kotse. Bahagya siyang napangiti. Parang nabawasan ang pagod niya, at nakaramdam siya ng panibagong lakas at sigla. Isa iyon sa mga gusto niya sa kalsada at sa trapiko. Dito, pantay-pantay. Kesyo mayaman ka, kesyo mahirap ka, daraan at daraan ka sa mabigat na trapiko.


Dala ng pagod at pagkahapo, natutukso na naman siyang umuwi na lang, para makatulog at makapagpahinga, at kinabukasan na uli pumasada. Kundi lang niya naiisip ang anak na si Gibson na kumukuha ng inhinyerya. Muntikan na kasi itong mahinto sa pag-aaral, nang ang perang sana’y pangmatrikula nito ay napunta sa pagpapagamot ni Maring. Buti na nga lang at nakautang sila ng pera sa may-ari ng bahay na inuupahan nila, sa kondisyong babayaran nila ito nang may interes na beynte porsiyento.


Nasa ikaapat na taon na si Gibson, sa isang pampublikong pamantasan. Ayaw niyang huminto ito sa pag-aaral, kaya’t kahit na nahihirapan siya, kahit na madalas sumakit ang kanyang likod, kahit na sinasabi nitong hihinto na lang ito sa pag-aaral para huwag na siyang pumasada at para ito na lang ang magtrabaho, ay pumapasada pa rin siya. Alam niya kasing wala siyang ibang maipamamana sa mga anak liban sa edukasyon, at sa pag-asam na rin, siyempre, na kapag nakatapos ito at nakapagtrabaho ay giginhawa sila sa buhay. Na makabibili na sila ng sarili nilang dyip at makapagpapatayo ng sariling bahay. Magkano na nga ba ang sahod ng isang inhinyero? Malaki rin a. Di nga ba’t ang sabi pa ng Pareng Monchi niya, ang inhinyero, maski nakaupo lang, kumukuya-kuyakoy at nagkakamot lang ng puwet, ay limpak kung sumahod.


Hindi na umuusad ang mga sasakyan. Pinatay niya ang makina. Huminto ang ugong ng dyip at tumigil ang pagyugyog at huminto sa panginginig ang manibela. Sa pandinig niya, parang ang laki nang ikinatahimik ng paligid.


Hinango niya sa isang luma at maliit na bag ang baon niya. Isang supot na monay. Bawas na iyon, tatatlong piraso na lang. Nakain na kasi niya kaninang maaga-aga pa ang tatlong piraso.


Wala pang ilang minuto, ubos na niya ang tatlong piraso ng monay. Pero hindi iyon nakasapat, dahil naroon pa rin, nararamdaman pa rin niya, ang parang manipis na labaha. Marahang humihiwa sa kanyang bituka. Sa gilid ng upuan, kasamang nakasuksok ng kalawanging tubong lagi niyang dala,  kinuha niya ang isang boteng tubig. Uminom siya. Mainit-init iyon. Habang umiinom siya, sa pagitan ng kanyang mga lagok, nakita niyang dahan-dahan nang umuusad ang mga sasakyan. Inihinto niya ang pag-inom, isinara ang bote at dali-daling ibinalik sa gilid ng upuan.


Inistart niya ang dyip. Ayaw. Isa pa. Ayaw pa rin. Sa likod niya, nakarinig siya ng mga palatak.


“Manong, tagal naman o.”


“ May papatay-patay pa kasi ng makina ye.”


Panay na ang busina ng mga sasakyan sa likod.


“I-­junk shop mo na ‘yan!” sigaw sa kanya ng tsuper ng nakalampas na kotse.


Sana umadar na! Sana umandar na!


Inistart niya uli. Ayaw pa rin. Isa pa. ‘Ayun! Umandar na!


Umusad ang dyip, at naputol ang anasan at palatak ng mga pasahero sa likod. Nakahinga siya nang maluwag. Ngunit may isinesenyas ang pulis na nakatayo malapit sa bangketa. Pinagigilid ang dyip niya!


Kinabahan siya. Baka kuhanin ang lisensiya niya. Baka kikilan siya. Kailangan nila ng pambayad sa kuryente. Kailangan ni Maring ng gamot. Kailangan nila sa pambayad sa bahay. Magdadalawang buwan na iyon. Kailangan nila ng pambayad sa inutang na pangmatrikula ni Gibson. Hindi puwedeng mahinto si Gibson sa pag-aaral! Hindi puwede!


“Tsk…tsk…tsk…tsk…” nakarinig na naman siya ng mga palatak.


“Bababa na lang kami, Manong. Ku’nin na lang po namin ‘yung pa’sahe namin,” malakas ang boses ng ale.


Nagbingi-bingihan siya. Kakaunti pa lang ang kita niya. Ibabawas pa roon ang tatlong daang pisong boundary sa dyip, at kung saka-sakali, pati ang suhol sa mga buwayang hindi nakararamdam ng kabusugan. Naaawa nga siya sa mga buwaya, inihahalintulad kasi sa mga ito ang mga pulis at kung sino pang mga kurakot, gayong ang buwaya, kahit pa matakaw at malakas kumain, ay marunong namang mabusog.


Nang maigilid na niya sa tabing kalsada ang dyip, lumapit ang pulis. Malinaw na malinaw ang mga marka ng tagyawat sa mukha nito, at kung huhubaran ito, hindi mo iisiping pulis ito. Mas malamang na mapagkamalan mo pa itong kriminal. Ngunit magaling itong magdala. Mayabang at maangas ang tayo.


“Lisen’sya mo,” utos nito.


“Pasens’ya na ho kayo, Ser,” pagpapakiusap niya, “e ayaw hong mag-istart nu’ng makina ye,” bahagya siyang ngumiti, saka yumuko nang konti.


“E may nalalaman ka pa pala kasing papatay-patay ng makina ye,” namewang na ang pulis.


“Pasens’ya na ho talaga. Pasens’ya na ho,” nakangiti pa rin siya.


Nakarinig na naman siya ng mga palatak at anasan. At sa makitid at mahaba at medyo malabo nang salamin, nakita niyang ilang pasahero ang nagbababaan.

“ Hindi pup’wedeng pase-pasens’ya. Lisens’ya mo.”


Hindi siya kumibo. Ayaw niyang matiketan, dahil pag kinuha niya ang lisensiya niya sa LTO, hindi siya makapamamasada. At hindi iyon puwedeng mangyari. Kailangan nila ng pera. Kailangang-kailangan nila ng pera.


“ ‘Alika nga rito,” sumenyas ang pulis. “Kausapin mo si Bos,” saka lumakad palayo.


Bumaba siya ng dyip, sumunod sa pulis.


Sa isang gilid na abot-tanaw lang niya ang dyip, sa may bandang lilim, nakaparada ang isang kotse at isang motorsiklo, kapwa may tatak na PNP.


“Ano bang gagawin natin dito, Bos?” tanong ng pulis nang makalapit na sila.


Isang pulis na pango at nakasuot ng malaking salaming itim at nakasandal sa motorsiklo  ang nag-ayos ng tindig, saka humalukipikip.


“’No bang problema n’yan?”


“Cause of traffic, Bos.”


“Dalawang daan. Dalawang daan,” mahina lang ang pagkakasabi niyon.


Sabi na nga ba niya ye.


“O, narinig mo?”


“E kokonti pa lang pong kita ko we.”


“E ibigay mo na lang lisens’ya mo. Tiketan ka na lang namin,” sabi ng pulis na humuli sa kanya. “Inaareglo na nga e.”


Napilitan siyang dukutin sa bulsa ang isang maliit na bungkos ng perang papel. Halos puro beynte ang mga iyon, sama-samang nakatupi sa tatlo at sama-samang nakagoma. Kumuha siya ng dalawang singkuwenta at limang tigbebeynte. Nanginginig ang kamay, iniabot niya iyon sa pulis na humuli sa kanya.


“O sige. B’yahe ka na. Ayos na,” nakangising ang pulis na nakasalamin. Dumura ito sa kalsada.


Tinapik pa siya sa balikat ng pulis na humuli sa kanya.


Mabigat ang mga hakbang at naiisip ang nasayang na dalawang daang piso na sana’y daragdagan na lang niya ng isang daan at pang-boundary na sa Pareng Monchi niya, bumalik siya sa dyip.


Kakaunti na lang ang pasahero sa dyip. Mga apat na lang o lima.


“Ano ho?” tanong ng lalaking nakaupo sa bandang unahan. “Magkano’ng nakuha?”


Kailangan ba niya ‘tong sagutin? Napilitan siya. Itinaas niya ang kanang kamay niya, nakaunat ang hinlalato at hintuturo.


“D’yos na hong bahala sa mga ‘yon,” matigas ang boses nito.


Inistart niya ang makina. Muling yumugyog ang dyip at muling nanginig ang manibela.


Kumpara kanina, maluwag-luwag na nang bahagya ang kalsada, mabilis-bilis na nang kaunti ang usad ng mga sasakyan. Kumanan siya pagdating sa krus na daan ng Mendiola. Inihinto niya ang dyip sa may tawiran.


“O Dibisorya d’yan o! Dibisorya! Dibisorya!” kinawayan niya nang kinawayan ang mga nagtatawiran. Puro estudyante halos.


“O ‘Sorya! ‘Sorya! ‘Sorya!” isang lalaking barker ang lumapit. Maitim ito. “Sorya! ‘Sorya!”


“’Sens’ya na Brad a,” sabi niya sa barker. “Kalalabas ko lang e.”


Humampas sa dingding ng dyip ang kamay ng lalaki. Mahina. Saka lumakad palayo.


May dalawang babaeng lumalakad palapit sa dyip. Mukhang sasakay.


“Miss o. Dibisorya!” kinawayan niya ang mga ito. “Maluwag pa!”


Dumiretso nang lakad ang mga ito. Tiningnan niya sa makitid at mahaba at medyo malabo nang salamin. Lumampas. Hindi sumakay.


“O, Dibisorya d’yan o! Dibisorya! Dibisorya!”


Nakarinig na naman siya ng palatak.


May isang sumakay. Ginanahan siyang magtawag pa.


“Dibisorya d’yan o! Dibisorya! Dibisorya!” panay ang kaway niya sa mga pasahero.


“Bayad o.”


Inabot niya ang bayad. Tiningnan niya. Beynte. Tiningnan niya ang pasahero, sa makitid at mahaba at medyo malabo nang salamin.


“Divisoria lang. Estudyante.”


Wala na sigurong sasakay. Pinausad na niya ang sasakyan, at habang nakahawak sa manibela, itinupi niya ang beynte, pahalang, saka iniipit sa pagitan ng mga daliri. At doon sa maliit na kahong kahoy na lagayan niya ng pera, na nahahati sa apat, na ang tatlo ay para sa mga barya, sa mga lilimang-pisuhin at sampung piso, sa mga mamiso, at sa mga tigbebenti-singko, at ang isa ay para sa mga perang papel, kumuha siya ng panukli. Limang piso roon sa unang kahon, at piso naman sa kabila. Iniabot niya ang sukli.


“Manong kulang po ‘yung sukli.”


Nagkunwari siyang walang narinig.


“Manong, kulang po ‘yung sukli nu’ng bente.”


Hindi siya kumibo.


“Manong kulang daw po ‘yung sukli!” sigaw ng isang ale.


Tiningnan niya ang pasahero, sa makitid at mahaba at medyo malabo nang salamin.


“Kulang po ng six ‘yung sukli n’yo. Estudyante po ‘yon.”


Anim na piso raw. Kumuha siya ng tatlong piso. Iniabot niya.


Hindi na kumibo ang pasahero.


“Kuya sa tabi lang po,” sabi ng katabi niyang pasahero, nang nasa tapat na sila ng UE (University of the East).


Iginilid niya ang dyip.


“O, Dibisorya d’yan o! Dibisorya! Dibisorya!” nagtawag uli siya ng mga pasahero. “Maluwag pa yo. Dibisorya! Dibisorya!”


Tiningnan niya ang pangkat ng mga estudyanteng nag-uusap at nagsisipagpaalaman. Nagbeso-beso ang mga babae, at may  payakap-yakap pa sa mga lalaki.


“O, Dibisorya d'yan o! Dibisorya! Maluwag pa yo. Dibisorya!”


Walang sumakay. Pinalakad na uli niya ang dyip. Mabagal na mabagal. Bawat eskinita, bawat umpukan ng mga estudyante, tinitingnan niya. Pero wala. Walang sumasakay.


Sa kanto ng Morayta, habang nakahinto ang mga sasakyan, nagtawag na uli siya ng mga pasahero.


“O, Dibisorya! Dibisorya! Dibisorya!” sigaw niya, habang parang batang kinakawayan ang mga pasahero.


May isang estudyanteng sumakay. Habang ang karamihan ay doon nagsisakay sa kabilang dyip, doon sa bago at mas maganda, na kumakalabog sa lakas ng tugtog na nagmumula sa mga ispiker. Isa iyon sa ikanaiinis niya sa mga pasahero. Parehas naman ng singil ng pamasahe. Pareho rin namang tumatakbo. Pareho rin namang naaabala ng trapiko, e kung bakit mas gusto nilang magsisakay roon sa maiingay na sasakyan, na kahit na kaysikip-sikip ay roon pa rin sila makikisiksik.


 “Bayad po. Makikisuyo nga.”


Nakatingin pa rin sa nagtatawirang mga tao, inilahad niya sa likod ang kanang kamay niya. Iniabot ng isang pasahero ang bayad. Tiningnan niya. Dalawang sampung pisong barya.


“Ilan ‘to?” tiningnan niya ang pasahero, sa mahaba at makitid at medyo malabo nang salamin.


“Dalawang Divisoria lang, estudyante.”


Hindi na niya ito susuklian. Malapit naman na ang Divisoria. Malapit na itong bumaba.


Sumindi ang berdeng ilaw ng ilaw-trapiko. Humagibis na naman ang mga sasakyan, lalo na ang mga dyip. Pinahagibis din niya ang sa kanya. Umaatungal iyon, parang nagmamakaawa.


Parang mainipis na ang ulap ang usok na ibinubuga ng mga tambutso.


Nakipag-unahan siya sa ibang mga tsuper sa pagtawag ng pasahero. Maliit pa lang ang kinikita niya ngayong araw. Magba-boundary pa siya sa dyip, baon pa ni Gibson para bukas, pambili pa ng gamot ni Maring, pambayad pa sa bahay. Naalaala niya ang dalawang daang pisong nakikil sa kanya ng mga pulis. Biglang nag-init ang dugo niya. Parang nagsikip ang dibdib niya.


Palapit sa Isetann, bahagya na namang kumupad ang usad ng mga sasakyan. Parang nangahihiya. Parang nangatatakot.


Huminto siya sa may tulay, at muling nagtawag ng mga pasahero. Nakaramdam na naman siya ng gutom.  Nahihilo na siya.


“Ma ‘yung sukli po ng twenty,” sabi ng lalaking pasahero.


Hindi niya pinansin. “O, Dibisorya! Dibisorya!”


“Ma ‘yung sukli po ng twenty.”


“Dibisorya d’yan o! Dibisorya! Dibisorya!”


“Ma ‘yung sukli po ng twenty!” malakas na ang boses ng lalaki.


Napilitan siya, tiningnan niya ito sa makitid at mahaba at medyo malabo nang salamin.


"Wala pa pong sukli 'yung twenty. Divisoria lang po. Estudyante.”


Inabutan niya ng limang piso.


Hindi na kumibo ang pasahero.


“O Dibisorya d’yan o! Dibisorya! Dibisorya!”


May mga sumakay. Dalawa. Isa. Dalawa. Halos puno na ang dyip. Pinausad na niya uli ang lumang sasakyan. Sa Avenida na lang siya uli magsasakay. Pagkatapos, manananghalian siya sa Divisoria, doon sa tindahan ni Aling Ason, na bentisingko lang ang isang kanin at ulam. Pasasaan ba’t mababawi rin niya ang nasayang na dalawang daang piso, sabi niya sa sarili.


Huminto na naman sa pag-usad ang mga sasakyan.


“Oy Kups!”


Napabaling siya sa bandang kaliwa. Isang dyip ang nakahinto sa tabi ng dyip niya. Nakatingin sa kanya ang tsuper nito. Si Kwek-kwek.


 “May alat sa Legarda ya.”


“Oo.  Nadagit ako.”


“Malas mo, Kups!” pinatakbo na nito ang dyip.


Pinatakbo na rin niya ang sa kanya. Nang makalampas na siya ng tulay, sa di kalayuan, pagkalampas na pagkalampas lang ng tawiran, bago dumating sa istasyon ng LRT, nakita niya ang isang pulis. Nakatayo ito sa tabing kalsada. Nakapamewang. Salubong ang mga kilay, at diretso ang tingin sa parang nahihiya at natatakot na mga sasakyan.


Huminto na naman sa pag-usad ang mga sasakyan. Nagtawiran ang mga tao. Parang nangagmamadali.  Hindi magkamayaw. Tiningnan niya ang ilaw-trapiko. Pula.


Napatingin siya sa pulis. Nakahinto sa tapat nito ang isang taksi, na hindi pa man nagtatagal doon ay dumiretso na ng takbo. Naiwang nakatayo ang pulis, na ngayon ay bahagya nang nakangiti. Nag-init na naman ang dugo niya.


Naging dilaw ang ilaw. Naging berde. Nagtakbuhan na naman ang mga dyip, kotse, motorsiklo at kung ano-ano pa.


Tumingin siya sa pulis. Kinakawayan siya nito! Pinagigilid ang dyip niya. Naisip niya, baka naman hindi siya ang kinakawayan nito.


“Prrrrrrrrrrrrrrrrrrrrrrrrrrrrrrrt!” sumilbato na ang pulis.


Mabilis at mabibigat ang kumpas ng kamay, kinakawayan siya nito.


Napilitan siya. Iginilid niya ang dyip. Hindi lumapit ang pulis, sa halip, marahan, parang bata siyang kinawayan nito.


Bumaba siya. Nagpupuyos ang damdamin niya. Lumapit siya rito. Matikas ang katawan nito, mas mukhang pulis kaysa sa dalawa kanina.


“Pananghalian,” nakahalukipkip na sabi nito, nang ganap na siyang makalapit.


Lalong nag-init ang dugo niya. Bigla, nagsumiksik sa isip niya ang dalawang-daang pisong ibinigay niya kanina sa dalawang pulis sa Legarda, at ang ilan pang pisong ibinigay niya sa ilan pang mga pulis, na sa limang taon niyang pamamasada ay di na niya mabilang kung ilang ulit, at di na niya matantiya kung gaano na kaya kalaki kung naipon niya lang sana. Naisip niya si Maring. Naisip niya si Gibson.


Parang may isang kapangyarihang lumukob sa kanya, tumalikod siya sa pulis. Wala siyang balak na magbigay rito ng kahit na piso o maski pa isang sentimo. Pasakay na siya ng dyip.


“O, ano na Brad?” nakapamewang ito. Nasa likuran na niya. Sumunod sa kanya ang buwaya.


Mayabang ang tayo nito.


Bigla, walang ano-ano, binunot niya ang bakal na tubong nakasuksok sa gilid ng upuan ng dyip. Hinampas niya sa mukha ang pulis. Bumagsak ito sa lupa. Dumurugo ang nguso. Hinampas pa niya ito. Hinampas nang hinampas. Hanggang sa maramdaman niya ang tilamsik ng dugo sa kanyang mukha.




9 (na) komento:

  1. ayyy. bitin bitin! gusto ko pa ng madaming articles! u_u

    proud to be your ANGEL! :P

    -- burvie

    TumugonBurahin
  2. ako'y kasama mo sa adhikaing itaas at payabungin ang ating pinakamamahal na sariling wika! ang iyong sinulat ay tulad ng mga babasahing kinamulatan ko na...isang obra! pang PALANCA! Mabuhay at magbunyi ka, tukayo! Magkapangalan na tayo, pareho pa tayong manunulat. pakibasa na rin po ng aking istorya sa http://pipaytaray.blogspot.com/

    TumugonBurahin
  3. dong, suportahan taka! isa kang mandirigma sa panulat!

    TumugonBurahin
  4. * salamat po,sige..titingnan ko po,ITAGUYOD ANG WIKANG FILIPINO!

    TumugonBurahin
  5. graaaabe..

    kapwa ko po kayo tinitingala!
    ang lahat ng mga manunulat ay dapat na ituring na kayamanan!

    TumugonBurahin
  6. * salamat,kyamanan tlga ang mga manunulat...sapagkat ang panitikan ay isang kymanan

    TumugonBurahin
  7. Sir, ito po yung favorite ko sa mga nabasa ko d2. Pangatlong beses ko na siya nabasa pero ganun pa din yung impact sakin, kapag nagkokomyut ako madalas naaalala ko ito.

    TumugonBurahin
    Mga Tugon
    1. * Natutuwa akong malaman 'yan, na may naimpluwensiyahan ang aking panulat. Salamat nang marami.

      Burahin