“’Ge po Ma’m,” sabi ni William sa prinsipal. At lumabas na siya sa tanggapang may nakasulat na “Principal’s Office.”
Katamtaman lang ang tangkad niya, pero malapad ang kanyang katawan. Kaya tuloy hindi naging proporsiyon ang kanyang anyo. Maputi siya, pero hindi malinis tingnan.
Mahapdi sa balat ang sikat ng araw. Sumilong siya sa punong akasya.
Tanaw na tanaw niya roon ang grupo ng mga payat na lalaking kung makalakad sa gitna ay parang kaylalaki ng katawan, ang mga babaeng nakaupo sa halamanan at nagtatawanan, ang may bitbit na mga aklat at naglalakad na si Ma’m Antonio (guro niya noon sa Matematika), ang isang lalaki’t isang babaeng magkahawak-kamay sa upuan malapit sa entablado, ang dyanitor na si Kuya Domeng. Bago sa paningin niya ang dalawang bagong gusali sa gilid, ang malaking entablado sa gitna, na dati e pangdalawang banyo lang ang laki, ang mga halamanan na may sementong upuan, at ang maraming mukha. Pero hindi na bago sa kanya ang buong tanawin. Dahil ganito rin halos sa hayskul na pinagpraktisan niya.
Habang minamasdan ni William ang mga estudyante, nakita niya ang sarili niya sa mga ito, nakaupo, nakikipagkuwentuhan sa mga kaibigan (na iilan lang ang nakatungtng ng kolehiyo, at may ilang may anak na).
At gaya kanina, nasabi niya sa sariling napakalaki na nga ng ipinagbago ng paaralang iyon. Maski pa limang taon pa lamang ang nakalilipas magmula nang magtapos sila roon.
Sa pagsuyod niya ng tingin sa paaralan, napako na naman ang pansin niya sa gusaling bahagyang natatakpan ng mga akasya. Ipinagawa raw iyon ni Marcos, kaya nga’t tinawag na Marcos Building, na bagama’t pinakaluma’y pinakamatibay naman sa lahat ng gusali roon. Hindikinayang patumbahin ng nagdaang mga lindol at ng malalakas na mga bagyo. At sa ikalawang pagkakataon, habang minamasdan niya iyon, nagsumiksik sa kanyang isip ang pinakahinahangaan niyang guro, si Binibining Rosario Cabaysa.
Magpahanggang-ngayon daw ay naroon pa rin ito sa gusaling iyon, doon sa ikalawang palapag niyon, doon sa silid-aklatang tila nilimot na ng panahon at kababakasan mo ng mga lumang alaala, na kung gabi man o kung araw ay tanging iyong mga sapat na lakas ng loob lamang ang makapananatili nang mag-isa. Usap-usapan iyon ng mga mag-aaral, ng dyanitor at ng mga guro, lalo na iyong mga bago-bago pa lamang sa pagtuturo sa paaralang iyon, na di umano, kung gabi, may nagpapakita roong mga kaluluwang ligaw.
Alam ni William na grabe ang pagmamahal ni Binibining Cabaysa sa silid-aklatang iyon, gaya ng pagmamahal nito sa mga mag-aaral, sa pagtuturo, sa karunungan. Doon na nga ito nanananghalia’t nag-aalmusal. Kadalasan, nagpapabili na lang ito ng lutong ulam sa kantina ng paaralan.
Pero isang bagay ang hindi alam ni William, bagay na ang tangi niyang tugon sa sarili ay “matagal na.” Hindi niya alam kung gaano na katagal doon ang guro.
Noon pa man kasing guro niya ito ay ito na ang nagbabantay sa silid-aklatang iyon. At sabi rin ng mga nakatatanda niyang kapatid at ng kanyang mga tiyuhin at tiyahin na sa paaralang iyon din nagsipagtapos, ito na rin ang inabutan nilang nagbabantay doon.
Katatapos lang niyang makausap ang punong-guro, at ayon dito, sa Lunes na darating ay simula na siya sa kanyang pagtuturo. May ipinakukuha sa kanya sa kabilang bayan ang tatay niya pag alas-dose na. Dinukot niya sa bulsa ng pantalon niya ang kanyang cellphone, tiningnan niya ang oras— 10:11. Maaga pa. Naalaala niya si Binibining Cabaysa. Gusto niyang madalaw ito.
Ayaw ni Binibining Cabaysa na tinatawag siyang Ma’m Cabaysa, at lalo namang Miss Cabaysa.
Magaan ang mga hakbang, tinalunton niya ang daan patungong silid-aklatan. At sa paglalakad niya, sa pagitan ng kanyang mga hakbang, nagunita na naamn niya ang mga panahong guro pa niya si Binibining Cabaysa.
Dalawang taon din niya itong naging guro, noong ikatlo’t ikaapat na taon niya sa mataas na paaralan. Dati pa man ay natutuwa na siyang sariwain ang panahong iyon, na buong giliw siyang nakikinig sa bawat pagtalakay nito sa mga aralin sa panitikan, na madalas nitong iniuugnay sa kahalagahan ng karunungan, at higit, sa kagandahan ng buhay. Buong giliw siyang nakikinig dito, di gaya ng iba niyang mga kamag-aral. Nakatingin nga sa guro ay kung ano-ano naman ang iniisip. Alam niya iyon, dahil tuwina, kung uwian, iniaangal ng mga ito na ang tagal-tagal ng kanilang klase, at na kung ano-ano lang naman ang pinagsasasabi’t pinagagawa ni Binibining Cabaysa.
Natatandaan pa nga niya, nang minsan, pauwi na sila noon, siya, kasama ang tatlo pa niyang mga kamag-aral, nang mapag-usapan nila si Binibining Cabaysa.
“’Lang’ya naman ‘tong si Ma’m, e, ‘no? ‘Pakaraming pinagagawa.”
“Sinabi mo pa. ‘Kala n’ya siguro e an’dali lang ng mga ‘yon. Andami niyang kaekekan,” sagot ng isa.
Gusto niyang pangatwiranan ang mga panghahamak na ibinabato sa guro, sa pinakahinahangaan niyang guro. Gusto niyang sabihin: Ang palad nga natin e, magaling ‘yung titser natin, marami tayong natututunan. Ngunit minabuti niyang manahimik na lamang, nang maalala niya ang tuwina’y pangaral sa kanila ni Binibining Cabaysa, na ang bawat dahon ay may kanyang-kanyang hugis. Iba siya sa mga ito, at iba ang mga ito sa kanya.
“Alam n’yo, ganyan lang talaga ‘yang si Ma’m. ‘Ala kasing asawa, kaya ‘alang humihimas. Patulan n’yo na kasi,” pigil ang tawang sabi ng isa.
“E di ikaw, patulan mo. Ungas!”
Malutong ang tawanan ng mga kasama niya.
Naitanong na rin niya iyon sa sarili. Noong una niyang maging guro si Binibining Cabaysa (nasa ikatlong taon siya noon). Ngunit hindi niya iyon pinakaisip, di gaya nang muli niya itong maging guro (nang nasa ikaapat na taon na siya), nang higit na niya itong hinahangaan. At noon nga, bigla, parang isang malaking palaisipan sa kanya ang dahilan kung bakit tumanda itong dalaga. Malimit iyong umukilkil sa kanyang utak. Walang pinipiling oras. Maski tuwing nagkaklase, o kung minsan nga, maski pa tuwing tumatae siya. Naisip niya, malabo namang walang nagkagusto, dahil sa pagkakatitig niya rito sa bawat klase nito sa kanila, natitiyak niyang may kagandahan din naman ito noong kabataan pa nito. Maputi. Katamtaman ang tangos ng ilong. At maamo ang mukha, lalo na ang kislap sa itim ng mga mata.
Huminto siya sa huling baitang ng hagdan. Ilang hakbang na lang ang layo sa pintuan ng silid-aklatan.
Tahimik ang paligid, at wala halos ingay, liban sa mahinang boses ng mga nagkaklase sa kabilang gusali. Minasdan niya ang labas ng silid-aklatan. Nakabukas ang pinto niyon. At sa sandaling pagkakapako ng pansin niya roon, natiyak niyang halos ganoon pa rin iyon. Mayroon pa ring mga Palmerang nakatanim sa paso sa magkabila ng pintuan. At balot pa rin ng kapayapaan ang buong silid.
Dahan-dahan, sumilip siya sa silid. Naroon nga si Binibining Cabaysa, nag-aayos ng mga nakasalansang aklat sa istante. Sa pagkakatalikod nito sa kanya, naisip niyang ganoon pa rin ito. Walang ipinagbago.
“Magandang umaga ho,” marahan ang pagkakasabi niya niyon. Humakbang siya papasok sa silid.
Doon pa lang, sa kinatatayuan niya, ramdam na niya ang malamig na haplos ng hangin. Malayong-malayo sa mainit na hininga ng lungsod, kung saan siya nagtapos ng kolehiyo.
Huminto sa pag-aayos ng mga aklat, lumingon sa kanya si Binibining Cabaysa. Bahagyang naniningkit ang bilugang mga mata nito.
“Magandang ‘maga rin naman,” ibinaba nito sa mesa ang mga libro, “halika tuloy ka,” saka mabagal ang kilos na lumapit sa kanya. “Maupo ka.”
Tumuloy siya, ngunit hindi siya umupo. Dalawa lang ang bentilador sa silid, kapwa nakakabit sa kisame. Ngunit nakabukas ang malalaking bintana. Malayang nakapapasok ang hangin.
Sinuyod niya ng tingin ang kabuuan ng silid, magmula sa maalikabok na kisame, pababa sa sahig, paligid sa mga haligi, paikot sa salansanan ng mga aklat.
Sa kanya, gayon pa rin ito, walang ipinag-iba sa dati, liban sa mga bakas ng panahong nagdaan.
Yari sa matibay na akasya ang sahig niyon, na natitiyak niya, gaya ng dati ay lingguhan pa ring pinakikintab, nilalagyan ng floor wax, at binubunot ng mga mag-aaral na nauutusan ng guro, na pagkatapos ng wala pang isang oras na paglilinis sa silid-aklatan, ay pinagmemeriyenda nito. Ang dingding, mga istante’t kisame naman ng silid ay yari sa kamagong. Ngunit magkagayon pa man na ang mga iyo’y yari sa matibay na kahoy, di pa rin iyon nakaligtas sa lupit ng panahon. Iba na ang kulay ng mga iyon, at may marka na rin ng mga anay.
Tiningnan niya ang salansanan ng mga aklat. Maayos. Masinop na nakahanay ang mga libro. Mukha pa ring mga bago, kahit alam niyang mga luma na. Parang nagmamatyag ang mga iyon. Parang may buhay. Parang humininga.
Sa ibabaw ng mesa, naroon pa rin, parang may hinihintay, ang lumang makinilya na noon pa ma'y gamit na nito sa paggawa ng mga pagsusulit, at sa mga dingding, naroon pa rin, nakasabit pa rin doon ang mga larawan ng mga naging pangulo ng Pilipinas.
“Ikaw siguro ‘yung sinasabi ng prinsipal na dati ko raw estudyante, na magtuturo nga raw rito.”
Hindi gaanong napansin ni William kanina, ngunit ngayon, natitiyak niya, bahagya na itong hirap sa pagsasalita. Paputol-putol at may kabagalan na. Ilang taon na nga ba si Binibining Cabaysa? Sa tantiya niya ay lampas sisenta anyos na rin ito.
“Ako nga ho,” tumango siya.
“E ba’t ba ayaw mong umupo?” umupo ito sa silya sa harap ng mesa.
Umupo na rin si William. Magkaharap na sila.
“Sabi n’ya e, William Mariano ang ngalan. Natatandaan ko ‘ka ko ‘yung ngalan, ang kaso e di ko naman maala’la ‘yung mukha. Sabi ko pa nga e, baka ‘ka ko makilala ko pag nakita ko. E, matagal-tagal na rin ‘ata kasi ‘yun e, ‘no?” sabi pa nito, sa mabagal at pahinto-hintong pananalita.
“Oo nga ho e,” sagot ni William.
“Sandali lang a,” nakatukod ang yayat na kanang kamay sa mesa, tumayo si Binibining Cabaysa, “at nang mapagkape man lamang kita.”
“Naku, ‘wag na ho,” pigil niya.
Pero parang wala itong narinig. Mabagal at maliliit ang mga hakbang, tinungo nito ang kahoy na mesita sa tabi ng bintana, binuksan ang kabinet sa ilalim niyon, at mula roon, inilabas ang tasa at ang mga garapon ng asukal at kape.
Pinagmasdan niya lang niya ito. Bahagya nang nanginginig ang mga kamay nito. Yayat na ang mga braso. Laylay na ang balat sa leeg, sa mukha’t sa mga braso, at higit na ring marami ang mga kulubot. Putin a ang dulo ng buhok, iyong nakakapit sa anit, palatandaan na kailanagan na uli iyong kulayan.
Naalaala niya ang sabi ng ibang mga guro, na mas mahigpit at mas masungit na ngayon si Binibining Cabaysa. Palabulyaw sa mga mag-aaral na manaka-naka’y napadadalaw sa silid-aklatan. Natatawag na magnanakaw ang nakalilimot na iwan ang bag sa mesang malapit sa pintuan. Napahihiya ang nahuhuling gumagamit ng cellphone. Napagagalitan ang maiingay, ang mga hindi nakapagsasauli ng libro nang maayos sa salansanan at ang nakalilimot na magsulat ng pangalan sa listahang papel sa mesa. Isang klase na lang din daw ang hawak nito ngayon. Kung tutuusin nga naman kasi ay retirado na ito, ngunit mahal nito ang pagtuturo, kaya’t ipinakikiusap daw ng punong-guro sa mga nakatataas na payagan pa rin itong makapagturo, maski sa isang klase lamang. ‘Ika nga ng iba, baka mapadali pa raw ang buhay nito kung pahihintuin sa pagtuturo.
“E ba't ba naisipan mong magturo? E, ke liit lang naman ng sahod,” dala ang isang tasang kapeng nakapatong sa platito, sa mas maliliit at mabagal ngayon ang mga hakbang ni Binibining Cabaysa.
“Na-inspire ho kasi ko se ‘n’yo, e,” sinabi iyon ni William. Tahasan. Walang halong pambobola. Walang bahid ng pagkukunwari. Gusto niya iyong ipabatid sa guro.
Saglit na natigilan si Binibining Cabaysa. Akala nga niya’y tatapon pa ang dala nitong kape. Nangiti ang mga labi nito, ngunit higit ang sa mga mata nito.
“O, magkape ka muna,” nanginginig pa rin ang mga kamay, maingat nitong inilapag sa mesa ang tasa.
“Kayo po?” inabot niya ang kape. Mainit ang tasa, at umaaso ang itim na kape, na sa pakiwari niya ay napakapait.
“Katatapos lang. E, pagdamutan mo na ‘yan, at ‘yan lang ang naialok ko sa ‘yo. Di ko naman kasi alam na ngayon ka bibisita e. Sana e nakapagpabili man lang ako ng maski na tinapay sa estudyante,” nakatngin ito sa platito. May naiwan doong arka ng kape, bilog.
Naupo uli si Binibining Cabaysa.
“Okey na po sa ‘kin ‘to,” humigop siya ng kape. Dahan-dahan lang, dahil mainit. At tama siya, mapait nga. Nakaisang lagok lang siya.
“E galingan mo ang pagtuturo. ‘Wag kang gagaya sa ibang titser na pinakakaperahan ang mga estudyante. Kesyo kelangan nire. Kesyo kelangan n’yon. Hindi man lang kaya nila naisip na kapos din sa buhay ‘yung mga bata. Aba, e, para ngang hindi mga titser kung magsiasta, e. Walang pagmamahal sa mga estudyante."
Sa masiglang liwanag ng araw, na lumalagos sa bintana, napansin niya ang pamamanglaw ng mga mata ni Binibining Cabaysa. Muli siyang napahanga sa guro.
Natahimik sila parehas. Parang lumakas ang ingay ng mga nagkaklase sa katabing gusali.
Humigop uli siya ng kape. Hindi na iyon ganoon kainit. Hindi na rin ganoon kapait. Sa pagitan ng pagtikhim niya niyon, naalaala niya, may bilin pa nga pala sa kanya ang tatay niya. Tumingin siya sa luma na ring orasang nakasabit sa dingding. Mag-aalas-onse na. Bibiyahe pa siya. Humigop uli siya ng kape. Sunod-sunod. Ubos na ito. Pinagpawisan siya. Bumuntong-hininga siya para mailabas ang init nakulong sa kanyang baga.
Gusto pa sana niyang manatili roon at makipaghuntahan sa guro, kaso, hindi na puwede Anong oras na rin. May ibang araw pa naman. Maaari pa silang makapag-usap.
“A, e…Ma’m, alis na po muna ‘ko. Me ‘binilin pa nga po pala sa ‘kin,” tumayo na siya.
“Naku, e, sige. Mag-iingat ka,” nakatukod sa mesa ang yayat na mga kamay, tumayo na rin ito.
“Sige ho,” inabot niya ang kamay nito. Nagmano siya. At sa pagkakahawak niya sa kamay nito, sa pagdampi niyon sa kanyang noo, naramdaman niya ang panlalamig at pagkakulubot ng balat nito.
“Ka’wa’n ka ng D’yos.”
Ibinaba niya ang kamay nito, at muli, nakita niya ang saya sa mga mata nito.
Inihatid siya nito hanggang sa hagdanan.
KINAUMAGAHAN ng Lunes, pagkakausap niya sa prinsipal, bago siya pumasok sa una niyang klase, nagpunta siya kay Binibining Cabaysa. Dinatnan niya itong nagbabasa ng isang aklat, na sa sukat at itsura, palagay niya ay "Ang Ating Pang-araw-araw ng Pagkain". Nagkakape ito.
“Good morning po,” pumasok siya sa silid.
Bumaling ang tingin nito sa kanya.
“Good morning din, iho,” nakangiti ito. “Magkape ka muna,” ibinaba nito ang aklat.
“Hindi na ho. Napadaan lang ho ako. Me klase na rin ho kasi ko we.”
“E gan’un ba.”
“Balik na lang ho ako mam'ya.”
“O sige.”
Pasado alas-tres ng hapon, pagkatapos ng kanyang klase, bumalik siya sa silid-aklatan. At mas matagal ang naging pag-uusap nila ngayon. Hanggang sa makaugalian na niyang sadyain si Binibining Cabaysa, maski saglit lang, bago siya pumasok sa kanyang klase, para bumati ng “magandang umaga,” kahit pa minsan ay masama ang panahon, at magbalik doon kung hapon na at tapos na ang kanyang klase, para naman makipaghuntahan.
Hanggang sa parang ina na ang turing niya sa matanda.
MINSAN, Pebrero, magtatapos na ang taong-aralan, nagpatawag ng pulong ang punong-guro, at sa kalagitnaan ng pagsasalita nito, biglang bumukas ang pinto. Pumasok ang dyanitor. Humahangos.
“May sunog po! May sunog!” kinakapos ito ng hininga.
“Saan? Saan?” naglabasan silang lahat.
“D’on po sa Marcos,” itinuro ang gusaling ipinagawa ni Marcos, na bagama’t pinakaluma’y pinakamatibay naman sa lahat ng gusaling naroroon.
Nagtakbuhan sila upang tingnan ang sunog. Nagulat sila. Malaki na ang apoy, bahagya nang nilalamon ang unang palapag ng gusali, at nadamay pati ang mga ppunong akasya. Nagkanya-kanya sila ng kuha ng timba. Guro. Estudyante. Lahat. Binuhusan nila nang binuhusan ng tubig ang apoy. Ngunit patuloy pa rin iyon sa paglaki. Parang hindi kayang patayin ng tubig. Parang may nararamdamang poot.
Sa ilang sandali, naroon na ang apoy sa ikalawang palapag ng gusali, at wala pa rin ang bumbero. Sa tabi ni William, napansin niya si Binibining Cabaysa. Nakatingin ito sa nasusunog na gusali. Parang wala sa sarili. Parang naglalakbay ang titig nito, parang tumatagos sa makapal na pader at sa naglalagablab na apoy. Nakita niya ang mabilis na panunungaw ng luha sa mga mata nito. Marahan iyong umahon sa mga mata ng matanda, at nanulay sa kulubot nitong pisngi.
“Alam mo, ‘yang library na na ‘yan ang buhay ko. D’yan na ko nagkaedad,” parang wala ito sa sarili.
“E, gan’un po ‘ata talaga. Wala na po tayong magagawa,” wala sa loob na sabi niya, habang nakatingin sa maitim na usok na pumapaimbulog sa kalawakan.
Gusto niyang pasiglahin ang pananaw ng guro, ngunit hindi niya alam ang sasabihin. Parang natupok na rin ng apoy ang mga iyon.
“Hindi ko kayang mabuhay k-k-kung mawawala rin lang ‘yang library na ‘yan sa ‘kin,” basag ang tinig nito.
Hindi siya tumugon. Tumungo na lang siya, hindi na niya kayang makita ang muling pag-agos ng luha nito.