Huwebes, Hulyo 26, 2018

Tula


Hindi ikaw ang nagturo
sa aking umibig,
ngunit sa iyo ko natutuhang
panatilihin
ang ganitong damdamin.
Kahit lagi nitong kakambal
ang manghinayang,
malungkot, masaktan.
Pero, sa iyo ko mas natutuhan
ang paglaban.
Hindi pala ito anyo
ng karahasan,
kundi ibang gayak lamang
ng pagmamahal.
Kaya nang sabihin mong
Gamitin mo akong sandata,
sapagkat ang tinta
ay hindi nagtatapos
sa katagang ‘Mahal kita,’
tumayo ako at nagsuot ng tapang.

Salamat, sa iyo ko
napatotohanan,
bahagi ng pagmamahal
ang paglaban.


3/21/18
World Poetry Day

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento