Sa maluwang na bodega ng Pamilya Serrano kami
nakatira. Dito rin kami iniluwal ni Nanay. Kapiling namin sa bodega ang gulanit
na mesa, matandang aparador, mga silyang tatlo na lang ang paa, lumang pakabayo,
agiw, alikabok, mga daga at mga ipis.
Anim kaming magkakapatid na kuting. May pangalan na
kaming lahat, pinangalanan na kami ni Nanay. Kaya hindi na kami kailangang
pangalanan pa ng Pamilya Serrano. Pero sabi ni Nanay, kung papangalanan daw
kami ng Pamilya Serrano, dalawa ang magiging pangalan namin. Ang pangalan namin
bilang pusa at ang pangalan namin kapag tinutukoy kami ng mga tao.
Sa aming anim, paborito ni Nanay si Kamagong, bunso sa
aming magkakapatid at purong itim ang kulay. Alam namin iyon, kahit hindi
sabihin ni Nanay.
Kapag dedede nga kami kay Nanay, ipinupuwesto niya sa
pinakamalapit sa kanyang ulo si Kamagong. Tinitiyak niyang nakakadede kaming
lahat, at pinapanood niya kami. Pero nakikita ko, mas pinapanood niya si Kamagong.
Dinadilaan pa niya nga si Kamagong para linisan ng balahibo.
Kapag naghahabulan kaming magkakapatid, kay Kamagong
nakasunod ang mga tingin ni Nanay. Kung may masubsob sa amin, o mahulog mula sa
upuan, tatakbo agad si Nanay. Pero mas mabilis ang takbo niya kapag si Kamagong
ang nahulog o natumba.
Tuwing dinadalhan naman kami ng pagkain ni Baste,
bunso ng mag-asawang Serrano, ipinaghihiwalay agad ni Nanay ng pagkain sa isang
gilid si Kamagong. Magkukumpulan kami sa palibot ng bilog na pakainan,
samantalang mag-isang kumakain sa isang gilid si Kamagong.
Kung bakit si Kamagong ang paborito ni Nanay, hindi ko
alam. Hindi naman kasi siya nakalalamang sa kahit na kanino sa amin sa kahit
saang bagay. Hindi rin siya ang pinakakahawig ni Nanay.
Kung ganda ng huni ang pag-uusapan, malayung-malayo
ang ngiyaw niya sa ngiyaw ni Felina, panglima sa aming magkakapatid. Sa kintab
naman ng balahibo, wala siyang panama kay Gayon, pang-apat sa amin. At kung pagandahan
naman ng mata, tiyak na iwan siya kay Ningning, pangatlo sa aming magkakapatid.
Kaya kung pagiging nakabibighani ang
pag-uusapan, hindi si Kamagong ang nangunguna sa amin.
Hindi rin si Kamagong ang may pinakamatalas na
pakiramdam. Hindi hamak na mas matalas ang pang-amoy, pandinig at hindi hamak
na mas malinaw ang mga mata ni Musang, pangalawa sa aming magkakapatid, kaysa sa
kanya. Kung sa pagiging magilas naman, iwan siya sa akin, panganay sa amin, sa
pag-akyat, pagtakbo o pataasan ng talon. Kaya hindi rin si Kamagong ang
pinakamagaling manghuli ng mga daga sa aming magkakapatid. Bagay na
napakahalaga raw sa mga pusa.
Pero ang nakapagtataka, kahit kailan, hindi sinaktan,
ni pinagalitan, ni Nanay ang sinuman sa amin nang dahil kay Kamagong.
Minsan, nang madaganan ni Musang si Kamagong, dahil sa
laro naming agawan ng binilot na papel, lumapit lang si Nanay, saka sinabing “Mag-iingat
kayo at baka magkasakitan kayo.” Hindi niya pinagalitan si Musang, kahit alam
kong mas mahal niya si Kamagong. Sa halip, itinayo niya pa silang parehas.
Nang madaganan ni Felina si Kamagong habang dumedede
kami, hindi pinagalitan ni Nanay si Felina. Kahit alam kong mas mahal niya si Kamagong
kaysa kay Felina. Tinanggal lang niya ang pagkakadagan ni Felina kay Kamagong,
saka parehas silang dinilaan sa ulo.
Isang umaga, may dumating na may edad nang babae sa
bodega, kasama ni Baste.
“Anim po sila,” sabi ni Baste. “Iyon po ang nanay
nila, si Saysay,” saka itinuro si Nanay.
“Isa… dalawa… tatlo…” binilang kami ng babae, “apat…
lima… anim.”
Dinampot niya si Felina, saka inilabas sa bodega. Nagkatinginan
kaming magkakapatid, saka tumakbo kay Nanay. Dinig na dinig namin ang magandang
huni ni Felina. “Ngiyaaaaw! Ngiyaaaw!” Pero takot ang naririnig namin sa huni
niya. “Ngiyaaaw! Ngiyaaaw!”
“Huwag kayong matakot,” sabi ni Nanay. “Titingnan lang
niya saglit si Felina.”
“Paano pong titingnan?” tanong ko.
“Beterinaryo siya, Alamid,” sagot ni Nanay. “Titingnan
lang niya kung malusog ba si Felina. Kung hindi, bibigyan niya si Baste ng
gamot na ipaiinom sa kapatid ninyo.”
“Ano po ang beterinaryo?” tanong ni Gayon.
“Sila, anak, ang doktor na sumusuri sa mga hayop. Kaya
nilang gamutin ang mga pusa, aso, ibon, kuneho at iba pa. Siya ang tumingin sa
akin nang ipinagbubuntis ko pa lang kayo.”
Ibinalik na ng beterinaryo si Felina. Pagkatapos, si Gayon
naman ang kinuha niya. Tapos, si Ningning. Sumunod, si Musang. Tapos, ako. Saka
niya kinuha si Kamagong.
Nabawasan ang kinang ng mga mata ni Nanay nang kunin
ng beterinaryo si Kamagong. Lalo na nang magtagal sa beterinaryo ang aking
kapatid.
“’Nay, bakit hindi pa ibinabalik si Kamagong?” usisa
ni Ningning. Noon naman pumasok si Baste, bitbit si Kamagong, kasunod ang
beterinaryo. Dahan-dahang inilapag ni Baste sa sahig si Kamagong.
“Ano na po ang
gagawin namin, Tiya?” tanong ni Baste.
“Mahina ang puso niya. Lagi mong ipapainom sa kanya
ang vitamins na ibibigay ko. Ilayo mo rin muna siya sa mga kapatid niya at sa
nanay niya, baka kasi madaganan siya. Masama rin sa kanya ang mapagod.
Sensitibo ang lagay niya. Puwede siyang mamatay kapag nagkulang ang pag-aalaga
sa kanya. Kapag nasa anim na buwan na siya, malakas na siya. Maaari na siyang
makipaglaro ulit sa kanila.”
“Sige po. Gagawan ko po siya ng kulungan. Ikukulong ko
na lang muna siya roon.”
Pagkaalis nina Baste, kinausap kami ni Nanay. Iyak
naman nang iyak si Kamagong.
“Huwag kang mag-alala, lalakas ka rin, anak,” sabi ni
Nanay, habang dinidilaan sa mukha si Kamagong.
Kinaumagahan, ginising kaming lahat ni Nanay, liban
kay Kamagong. Dinala niya kami sa isang sulok, at may ipinaliwanag siya sa amin.
“Mahal ko kayong lahat,” panimula niya. “Sana ay huwag
ninyong pagselosan ang kapatid ninyo. Mahina ang puso niya. Alam ko iyon, noon
pa lang isilang ko kayo. Inuuna ko siya lagi hindi dahil mas mahal ko siya,
kundi dahil siya ang pinakangangailangan sa akin.
“Simple lang ang hihilingin ko. Kailangang makita ni
Baste na si Kamagong lang ang lagi kong katabi. Para isipin niyang hindi ninyo siya
nadadaganan. Sa ilalim ng mesa na lang muna kayo pupuwesto. Kapag gabi na,
puwede na kayong lumipat. Tiyak namang hindi tayo pupuntahan ni Baste kapag
gabi.
“Bawal din muna ang mga laro. Kaya ba natin gawin
iyon, mga anak?”
Tumango kaming lahat.
“Magseselos ba kayo kay Kamagong?”
Umiling kaming lahat.
Ngumiti si Nanay, at lalong nagningning ang kanyang
mga mata. Sumiksik kaming lahat sa kanya, at isa-isa niya kaming dinilaan sa
mukha.
Sabi ni Nanay, dalawang buwan pa lang daw kami ngayon.
Apat na buwan pa raw kaming magtitiis. Pero ayos lang sa amin. Gagawin namin
iyon para kay Kamagong. Walang magseselos sa aming magkakapatid, alam ko. Gaya
ni Nanay, inuuna lang namin si Kamagong dahil siya ang pinakanangangailangan. Pero
sa pagiging kapatid sa isa’t isa, gaya ng pagtingin ni Nanay, magkakapantay ang
turing namin.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento