Lunes, Disyembre 15, 2014

Evangelista St.


Mga limang minutong lakad din bago nakakita ng hardware si Mercy, 45 anyos, mula nang mahanap niya ang Evangelista St. Sa Sta. Cruz siya bumaba, sa tapat ng Manila Grand Opera Hotel. Mula roon, nilakad lang niya hanggang Raon. Basta kayang lakarin, nilalakad niya. Kahit ganito na tanghaling tapat. Nanghihinayang din siya sa P8.50.

Isang lalaking nakalumang t-shirt na itim at pantalong maong na parang ilang araw nang suot ang nakatayo sa harap ng hardware. Mukhang nasa 30 anyos na ito. Nakahalukipkip. Patingin-tingin sa mga tao. Boy siguro ng hardware, sa loob-loob niya.

Tinitigan siya nito nang mapansing papalapit siya.

“Kuya, me bearing kayo?” dinukot niya sa bulsa ng pantalon niya ang nakatuping pilas ng notebook, at tiningnan ang nasa listahan. Nakisilip ang lalaki.

“Dal’wang pares,” sabi niya. “Size 6204 at 6203. Pantubig.”

“Titingnan ko ho,” hinawakan ng lalaki ang papel. “Pahiram po muna.” Ibinigay ni Mercy.

“Hintayin n’yo muna po ‘ko d’yan.” At umalis ang lalaki. Pero hindi ito pumasok sa hardware, naglakad ito palayo. Hanggang mawala sa kapal ng mga tao. Naisip niyang baka wala roon, at sa kapatid na hardware pa ito titingin.

Kinuha ni Mercy sa shoulder bag ang baong Sky Flakes at tubig. Nagugutom na siya.

Maraming tao. Darami pa ang mga ito dahil patapos na ang Oktubre, sa loob-loob niya. Magpa-Pasko na. Marami na namang holdapan at hablutan ng cellphone.

Malapit na siyang mainip nang bumalik ang lalaki.

“Mabuti may natira pa,” bungad nito, nakangiti. “Lima na lang.”

“Magkano po?”

“Three hundred ho’ng isa.”

P1,200 di bale. Pabili iyon ng hipag niyang taga-San Miguel, Bulacan. Para sa tosang. Tumawag kagabi sa asawa niya. Inilista ng asawa niya sa papel ang kailangan. Siya ang pinabili dahil may pasok ito sa pabrika.

Namahalan siya. Walang sinabi sa kanyang presyo ang hipag niya. Hindi rin alam ng asawa niya kung magkano. Pinaabonohan pa nga muna sa kanya ng hipag niya. Babayaran na lang pag-uwi nila sa Undas.

“Itatanong ko muna po sa nagpapabili,” sabi niya. Kinuha niya sa lalaki ang papel.

Naglakad-lakad siya. Magka-canvass muna siya. Ayaw rin niyang mapamahal nang bili. Tulong na rin sa hipag niya. Madalas sila ritong mangutang. Hindi niya muna ito iti-text. Saka na, pag wala siyang nakitang mas mura. Baka mahablot ang cellphone niya. Magpa-Pasko. Mahirap na.

May nakita siyang hardware sa tapat ng isang karinderya. Mas maliit kumpara sa kangina. Dumiretso siya sa loob.

“Kuya, me bearing kayo? Gan’tong size?” Iniabot niya sa nakataong lalaki ang papel. Tinitigan nito ang papel. “6204 at 6203,” sabi niya.

“Magkano’ng sabi sa’yo nu’ng lalaki?”

“Ho?” Naguluhan siya. Hindi niya nakuha.

“’Yung nakausap mo kangina, magkano’ng sabi?”

Naalaala niya ang lalaking naka-t-shirt na itim.

“Three hundred daw po’ng isa,” sagot ni Mercy.

Napailing ang kausap niya. “One fifty lang po’ng isa n’yan. Kalahati’ng kanya kung pinatulan n’yo.” Kita sa mukha nito ang inis.


Pauwi, tumutugtog sa dyip ang isang kantang pamasko. Hindi niya alam ang pamagat. Pero paulit-ulit na binabanggit ang linyang May tatalo pa ba sa Pasko ng Pinas? Ang kaligayahan nati’y walang kupas. Di alintana, kung walang pera. Basta’t tayo’y magkakasama.

At may kung anong hiwagang naging hatid sa kanya ang kanta. Hindi niya maipaliwanag. Ang malinaw sa kanya, hindi iyon saya.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento