Miyerkules, Disyembre 31, 2014

Dalawang Hanay


Isang mahaba’t makitid
na itim na guhit.
Sa magkabilang gilid
nakahanay ang mga mall.
Maliliit ang kanilang pagitan
minsan isang dangkal,
minsan pulgada lamang.
Masdan ang kanilang kalamnan,
sa loob, sa labas,
malusog, mabulas.
Sa kanilang malayong likuran,
hindi pansin ang pagkakahanay
ng mga pagamutan.
Patatlu-tatlong dangkal
ang kanilang pagitan,
yayat na yayat
ang kanilang katawan.


Paggalaw ng Pasko


Mula nitong Disyembre 15, hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko. Lalo kapag nakakarinig ako ng Christmas song sa kapitbahay, sa aming radyo o sa mga bangketa at mall. Pag naririnig ko sa TV Patrol o sa 24 Oras ang mga linyang, “Sampung araw na lang po, Pasko na.” Pag ginagabi ako nang uwi at nakikita ko sa mga kalsada at sa malalaking gusali ang masisiglang Christmas light at umiilaw na mga parol. Minsan nga, nainis pa ako sa Landmark Trinoma. Nobyembre iyon, gabi. Pauwi ako. Nasa dyip ako noon, kagagaling lang sa UP Diliman. Bahagya akong nainis nang makita kong nagliliwanag ang mall sa sobrang dami ng nagsabit at naglambiting mga Christmas light. Iba’t iba ang kulay. Parang matalim at manipis na kutsilyo, gumuhit sa isip ko, na ang gayong gawain ay matinding kapitalismo. Ginagamit ang Pasko para tumaas ang benta. Mas masarap nga namang mamili kung dama mo sa binibilhan mo ang Kapaskuhan.

Ang sinasabi kong hindi maipaliwanag na nadama ko—ay kahungkagan. Hindi ako makapaniwala na sampung araw na lang, Pasko na. Na umuunti pa, nagiging siyam, walo, pito, habang papalapit ang araw. Hindi ako makapaniwala na ilang araw na lang, Pasko na, at hindi ko pa rin ito ramdam. Hindi ko maunawaan kung bakit parang wala lang ito sa akin. Parang paghihintay sa isang pangkaraniwang araw—pangkaraniwang araw na ipinagpipilitan ng lahat na espesyal. Maging sa mga coteacher ko at mga kaibigan, ganito ang naririnig ko. “Hindi ko ramdam ang Christmas,” sabi ng isa. Ano ang nangyari sa aking Pasko? Bakit kumupas ang kulay nito?

Salamat sa pagtanga kung gabi, sa pagmumuni sa harap ng mga tasa ng tsaa at kape, sa paglalakad nang mag-isa at sa ilan pang anyo ng paglilimi, naunawaan ko ang pinanggagalingan ng gayong kahungkagan.


Madalas kong marinig noong bata pa ako ang linyang, “Para lang sa bata ang Pasko.” At dahil wala akong karanasan na gaya ng sa mga kinaringgan ko niyon, hindi ko iyon nauunawaan. Pumapasok lang sa isang tenga at lumalabas sa kabila, sabi nga. (Sapagkat ganoon naman ang pag-unawa. Hindi sapat na kilala lang ang salita. Kailangang nauunawaan ang dala nitong diwa. At para mangyari iyon, may danas dapat ang nakakarinig/nakakabasa.)

Nagtataka rin ako noon kung bakit may mga taong Paskung-Pasko ay nagtatrabaho. Takang-taka ako tuwing nakikita ko ang mga kabaranggay namin sa Callos, sa Nueva Ecija, kung bakit Paskung-Pasko ay may dalang lilik ang ilan at nagpupunta sa tumana. Kung bakit may mga nakasakay pa sa kalabaw o patuki at nagpupunta sa bukid. Kung bakit maraming nanay at tatay ang Paskung-Pasko ay hindi man lamang nakapanglakad. Huwag na iyong bagong damit. Iyon na lamang nakabihis nang pang-alis.

Ilang araw bago mag-Pasko, nabasa ko sa isang photo sa Facebook ang isang joke. Ang mga ito raw ang yugto ng buhay ng tao: una, naniniwala ka kay Santa Claus; ikalawa, hindi ka na nanininiwala kay Santa Claus; ikatlo, ikaw na si Santa Claus; ikaapat, kamukha mo na si Santa Claus. Natawa ako sa huli. Kamukha mo na si Santa Claus. Karaniwan na sa nagkakaedad ang gayong katawan. Mataba at alun-alon ang bilbil. Pero hindi ko ni-share ang photo, o ni-like man lamang. Joke itong malaki ang kurot sa dibdib ko.

Dati, noong nasa elementarya pa ako, espesyal sa akin maging ang Setyembre 1. Sabi nga, “Ber na, malapit na ang Pasko.” Lalo akong natutuwa pag nadarama ko ang malamig na simoy ng hangin na binabanggit sa mga awiting pamasko, kapag nangangatog ako sa ginaw kung gabi at hirap na hirap sa pagbangon kung umaga. Iba pa man din ang lamig sa amin, dahil bukid na ang likod-bahay namin. Noon, kung magpa-Pasko, natutuwa ako sa mga Christmas song, sa kumukuti-kutitap na Christmas light, at sa mga parol na parang duyang nilalaro ng hangin sa pagkakalambitin ng mga ito sa kisame. Kahit napakapangkaraniwan lang ng mga dekorasyong iyon. Nag-aaya rin ako ng mga makakasama sa pangangaroling. Mga pinsan ko o mga kababata.

Pag hapon ng Pasko at pauwi na kami sa Peñaranda, galing Gapan, Nueva Ecija, tuwang-tuwa ako habang tinutuos ko sa isip ko ang mga naaginaldo ko. Lalo kung ang suma total ay umaabot sa isang libo. Iyon din ang mga panahon na naiinggit ako sa dalawa kong kapatid at sa mga pinsan ko, dahil mas marami silang ninong at ninang. Isang pares lang kasi ang ninong at ninang ko dahil biglaan ang pagpapabinyag sa akin dahil sakitin ako noong sanggol pa.

Sa gayong edad, ang tingin ko sa Pasko ay pagkuha sa akin nina Mama at Papa, para isama sa Valenzuela at ibili ng mga damit sa SM o sa Grand Central sa Monumento. Pagpunta sa Gapan para mamasko sa mga kamag-anak namin sa panig ni Papa. Pagmamano sa mga tao na sa mukha ko lang kilala o na noon ko lang nakita. Pagtikim o pagtingin sa iba-ibang pagkain. Pagsisimbang-gabi sa IEMELIF. Pagki-Christmas Party sa eskuwelahan, o pagki-Christmas Party naming mga bata sa kapilya. At pagbili ng mga laruan mula sa mga tinanggap na aguinaldo. Noong simula, robot na nagiging sasakyan ang gusto ko. Kalaunan, pellet gun.

Ang tingin ko rin noon sa Christmas vacation ay hindi bakasyon. Hindi iyong panahon para mag-relax, panahon na walang gagawing assignment at hindi kailangang gumising nang maaga. Ang tingin ko noon sa bakasyon ay panahon para maglaro kami ng mga kababata ko, na mga kapitbahay namin. Hindi rin namin iyon tinatawag na Christmas vacation, kundi “bakasyong munti.” Munti sapagkat naikukumpara sa summer vacation na higit na mahaba.

Nang maghayskul ako, nag-iba na ang tingin ko sa Pasko. At ni hindi ko iyon napansin. Ang tingin ko na noon sa Pasko ay panahon para pumorma, ipakita sa iba ang magandang bihis, at tumanggap ng mga papuri sa mga kamag-anak. Na kesyo ang puti-puti ko at iba pa. Habang ang tingin ko naman sa bakasyon ay panahon para umuwi sa Nueva Ecija, at magpakasaya. Panahon para makasama sina Nanay at Tatay, lola’t lola ko, na matagal kong hindi nakita. Panahon para makipagkulitan sa mga pinsan ko. Hanggang nang magtapos ako sa kolehiyo, ganito ang pananaw ko. Normal na normal sa isang teenager. Bahagya pa nga akong nailing sa sarili noong nasa unang taon na ako sa hayskul, at balak ko pa ring ipambili ng pellet gun ang napamaskuhan ko.

Nang magbeyte anyos ako at nang nagtatrabaho na ako, unti-unti, nagbago uli ang pagtingin ko sa Pasko. At hindi ko ulit ito agad namalayan. Hindi na espesyal sa akin ang Setyembre 1. Katunayan, may dala pa nga itong mga hibla ng lungkot at takot na isinasaboy sa aking mukha. Sapagkat malapit na ang Pasko. At pagkatapos nito, Bagong Taon na. Panahon na ng paglilimi sa kung ano lamang ang mga nagawa ko sa lumipas na taon. Pag patapos na Oktubre, mas matingkad pa kung minsan sa isip ko ang paparating na 13th month pay kaysa sa paparating na Pasko. Hindi naman sa pagtatanggol sa sarili, ngunit hindi naman pagiging mukhang pera ang ganito. Sabihing namulat lang ako sa katotohanang kailangan ng tao ang pera. Pambayad sa bahay, kuryente, tubig at internet. Pang-enroll at pambili ng bigas. Higit kaysa pambili ng laruang robot at pellet gun.

Hindi na rin ako gaanong natutuwa sa mga dekorasyong pamasko. Masarap na lang sa mata ang mga ito. Hindi na gaano iyong sa dibdib. Naisip ko nga, papaano kaya kung makikita ng batang ako ang higanteng mga Christmas tree na nakikita ko ngayon sa mga hotel at mall? Papaano kaya kung makikita niya ang makukulay na fireworks display na namumukadkad sa kalawakan kung Bagong Taon? Papaano kaya kung makikita niya ang umiilaw na mga parol at higit na masisiglang Christmas light—gaya ng nasa Trinoma? Papaano kaya kung sa kanya ko ibibigay ang mga laruang iniaaginaldo ko sa mga batang pinsan ko? Sigurado ako, magtatatalon siya sa tuwa. Mapapapalakpak siya. Walang mapagsidlan ng saya.

At ganoon nga marahil. Kaya may kahungkagan sa dibdib ko, ay sapagkat hindi na ako ang batang iyon. Iba na ang pagtingin ko sa buhay. May mga responsibilidad na akong pasan. Hindi na kasingsimple ng dati ang lahat. Hindi na puwede iyong palilipasin ang maghapon nang nakatunganga lamang tv sa panunuod ng cartoon at puwedeng gawin ang kung ano mang maibigan. Ngayon, kailangan na ng sakripisyo. Kailangang magsipag at magtiyaga.

Hindi na gaya ng dati ang Pasko. Sapagkat alam kong pagkatapos nito at ng Bagong Taon, balik sa dati ang lahat. Kailangan muling pumasok sa trabaho, nang may sahurin. Nang may maipambayad sa mga bayarin. Kailangang balikan, tsekan at irekord, ang mga quiz at seatwork ng mga estudyante, nang hindi matambakan ng gagawin at hindi maisyuhan ng memo. Mahirap nang hindi ma-rehire, mahirap maghanap ng trabaho. Kailangang balikan ang paper sa masters. Mahirap ma-incomplete. Kung patatagalin ang masters, baka ma-maximum residency. Papaanong mapakikinabangan ang digri kung gayon? Papaanong tataas ang rate at ang sahod? Saglit na pagtakas at pahinga rin ang panahong ito, sa madaling sabi.

Isang bagay rin ang naging malinaw sa akin. Ang Pasko at Bagong Taon ay waring nasa magkaibang bahagi ng see-saw, o ng timbangang libra. Noong bata pa ako, ang Pasko ang nasa ibaba. Ito ang higit na mabigat. Ngunit ngayon, ang Bagong Taon na ang nasa ibaba. Ito na ang higit na matimbang. Sapagkat mayroon na akong konsepto ng lungkot, bunga ng pamamaalam sa mamamatay na taon. Nakadarama na ako ng takot at pag-asa sa sasalubunging bukas. Ngayon ko mas nauunawaan ang nabanggit ng tita ko noong bata pa ako. “Ang Bagong Taon naman talaga ang dapat na ipinaghahanda.”

Iniintindi ng mga indibidwal maging sa araw ng Kapaskuhan ang maraming problema. Itinatakwil nga lamang ng isip dahil sa pagtinging espesyal ang Pasko. Dapat masaya. Naka-relax. Walang iniintinding trabaho. Ngunit hindi iyon maiwawasan. Marami ang sa kinabukasan lamang ng Pasko ay may pasok na. Marami rin ang sa mismong araw ng Pasko ay nasa trabaho. Mas malungkot iyong sasalubong sa Bagong Taon nang nasa duty. Marami ang pa-beynte-beynte kung magbigay ng aginaldo, o wala na ngang iniaabot. Iniintindi ang bayad sa bahay at disconnection notice ng Meralco. Ano pa kaya ang anyo ng aking Pasko kung nasa ganitong yugto na ako?

Naalaala ko tuloy ang sabi ng prinsipe sa The Little Prince ni Exupery. Malalaman mo raw na tumatanda ka na pag nag-iisip ka na ng numero. Numero ang sahod, maging ang iniisip kong nagastos ko sa pagbibigay ng aguinaldo.

Naisip ko tuloy na sa pagdami ng responsibilidad ng tao, umiilap sa kanya ang saya. Gaya nga ng bata. Walang responsibilidad. Kaya kahit sa nadampot niyang bato, nakakadampot siya ng saya. Naisip ko rin ang pinagmulan ng SMP (Samahan ng Malalamig ang Pasko). Ito iyong mga indibidwal na walang kasintahan kung Pasko. Nabuo kaya ito dahil kadalasan, pag tumatanda na, nagiging halos pangkaraniwang araw na lang ang Pasko? At na nagkakaroon lamang ito ng init o matingkad na kulay pag mayroon kang karelasyon?

Para bang nasa isang bilog ang tao at ang Pasko. Ang Pasko ang nasa pinakagitna. At palayo nang palayo ang tao sa patuloy niyang pagtanda. Napapalapit lamang kung minsan dala ng ilang pagkakataon, gaya nga ng pagkakaroon ng karelasyon.

Kaya nitong Pasko, hindi na ako nagtaka kung bakit Paskung-Pasko, dinatanan naming sa Gapan na naglalaba ang tiyahin ko, at kung bakit nagpunta pa sa bukid ang kapitbahay namin. Hindi na ako nagtaka kung bakit maraming magulang ang hindi nakadamit pang-alis at kung bakit marami ang nasa bahay lang.

Pero siyempre, hindi ko rin dapat kaligtaan, na dahil ang Pasko ang nasa pinakagitna ng bilog, hindi talaga ito ang nagbabago—kundi ang mga taong tumitingin dito.


Martes, Disyembre 30, 2014

High Way


nagbabanggaan ang mga liwanag
ang rikit
at hiwaga ng gabi
ang nagkabasag-basag


Lunes, Disyembre 15, 2014

Evangelista St.


Mga limang minutong lakad din bago nakakita ng hardware si Mercy, 45 anyos, mula nang mahanap niya ang Evangelista St. Sa Sta. Cruz siya bumaba, sa tapat ng Manila Grand Opera Hotel. Mula roon, nilakad lang niya hanggang Raon. Basta kayang lakarin, nilalakad niya. Kahit ganito na tanghaling tapat. Nanghihinayang din siya sa P8.50.

Isang lalaking nakalumang t-shirt na itim at pantalong maong na parang ilang araw nang suot ang nakatayo sa harap ng hardware. Mukhang nasa 30 anyos na ito. Nakahalukipkip. Patingin-tingin sa mga tao. Boy siguro ng hardware, sa loob-loob niya.

Tinitigan siya nito nang mapansing papalapit siya.

“Kuya, me bearing kayo?” dinukot niya sa bulsa ng pantalon niya ang nakatuping pilas ng notebook, at tiningnan ang nasa listahan. Nakisilip ang lalaki.

“Dal’wang pares,” sabi niya. “Size 6204 at 6203. Pantubig.”

“Titingnan ko ho,” hinawakan ng lalaki ang papel. “Pahiram po muna.” Ibinigay ni Mercy.

“Hintayin n’yo muna po ‘ko d’yan.” At umalis ang lalaki. Pero hindi ito pumasok sa hardware, naglakad ito palayo. Hanggang mawala sa kapal ng mga tao. Naisip niyang baka wala roon, at sa kapatid na hardware pa ito titingin.

Kinuha ni Mercy sa shoulder bag ang baong Sky Flakes at tubig. Nagugutom na siya.

Maraming tao. Darami pa ang mga ito dahil patapos na ang Oktubre, sa loob-loob niya. Magpa-Pasko na. Marami na namang holdapan at hablutan ng cellphone.

Malapit na siyang mainip nang bumalik ang lalaki.

“Mabuti may natira pa,” bungad nito, nakangiti. “Lima na lang.”

“Magkano po?”

“Three hundred ho’ng isa.”

P1,200 di bale. Pabili iyon ng hipag niyang taga-San Miguel, Bulacan. Para sa tosang. Tumawag kagabi sa asawa niya. Inilista ng asawa niya sa papel ang kailangan. Siya ang pinabili dahil may pasok ito sa pabrika.

Namahalan siya. Walang sinabi sa kanyang presyo ang hipag niya. Hindi rin alam ng asawa niya kung magkano. Pinaabonohan pa nga muna sa kanya ng hipag niya. Babayaran na lang pag-uwi nila sa Undas.

“Itatanong ko muna po sa nagpapabili,” sabi niya. Kinuha niya sa lalaki ang papel.

Naglakad-lakad siya. Magka-canvass muna siya. Ayaw rin niyang mapamahal nang bili. Tulong na rin sa hipag niya. Madalas sila ritong mangutang. Hindi niya muna ito iti-text. Saka na, pag wala siyang nakitang mas mura. Baka mahablot ang cellphone niya. Magpa-Pasko. Mahirap na.

May nakita siyang hardware sa tapat ng isang karinderya. Mas maliit kumpara sa kangina. Dumiretso siya sa loob.

“Kuya, me bearing kayo? Gan’tong size?” Iniabot niya sa nakataong lalaki ang papel. Tinitigan nito ang papel. “6204 at 6203,” sabi niya.

“Magkano’ng sabi sa’yo nu’ng lalaki?”

“Ho?” Naguluhan siya. Hindi niya nakuha.

“’Yung nakausap mo kangina, magkano’ng sabi?”

Naalaala niya ang lalaking naka-t-shirt na itim.

“Three hundred daw po’ng isa,” sagot ni Mercy.

Napailing ang kausap niya. “One fifty lang po’ng isa n’yan. Kalahati’ng kanya kung pinatulan n’yo.” Kita sa mukha nito ang inis.


Pauwi, tumutugtog sa dyip ang isang kantang pamasko. Hindi niya alam ang pamagat. Pero paulit-ulit na binabanggit ang linyang May tatalo pa ba sa Pasko ng Pinas? Ang kaligayahan nati’y walang kupas. Di alintana, kung walang pera. Basta’t tayo’y magkakasama.

At may kung anong hiwagang naging hatid sa kanya ang kanta. Hindi niya maipaliwanag. Ang malinaw sa kanya, hindi iyon saya.


Silang Nasa Kabila


Nagkakaisa sa babala ang tinig at mga titik
ng telebisyon, diyaryo at radyo:
bakal ang mga bisig at kuko
ng paparating na bagyo.
Nagpalit ng bihis ang lungsod.
Wari muling mga langgam o pagong,
nagtago ang mga billboard.

Sa ilang pauwing mga tagasyudad,
bago ulit ang lahat.
Sa hubad-barong kalansay na mga bakal
muli nilang nasisilip
ang kinakalawang
at narerehasang kalawakan.