Sabado, Mayo 17, 2014

Malayong Kapitbahay


People are lonely, because they build walls, instead of bridges.

Siya ang naiisip ko tuwing nababasa ko ito sa frame na nakasabit sa kusina namin. Takaw-pansin ang frame, nasa itaas ng lababo, katabing-katabi ng bintana. Dalawang dangkal ang haba nito, isang dangkal ang lapad. Taniman ng mga dilaw na bulaklak na hindi ko alam ang pangalan ang nasa background.

Dati, wala lang siya sa akin. Hindi ako naiinis sa kanya o nagagalit. Pero hindi rin naman ako natutuwa. Dati iyon, nang teenager pa ako, nang dalawang bahay pa ang pagitan ng bahay nila at ng bahay namin. Noon, gusto ko siyang tratuhin nang maganda, siya at kanyang pamilya. Para maging halimbawa ako sa mga taga-Kamatsile, baryo namin.

Noong beynte anyos pa lang ako, wala pa siguro sa dalawampung beses ko siyang nakita. Ibig sabihin, kada taon, isang beses ko lang siya kung makita. O puwedeng isang beses lang sa kada dalawang taon. Magkagayon man, malinaw sa akin ang itsura niya. Kayang-kaya ko siyang ma-imagine sa saglit lang na pagpikit. At ilarawan sa mga bagong dating sa Kamatsile, na hindi pa nakakakita sa kanya. Kayang-kaya ko iyong gawin, na para bang kada linggo, nakikita ko siya. Kakaiba ang itsura niya. At parang hindi rin naman nagbabago.

Siya si Mama Ipe. Mahaba ang buhok niya, makapal at itim na itim. Sa bagay na iyon siya puwedeng-puwedeng kainggitan ng matatandang lalaking taga-Kamatsile. Malago ang balbas niya, karugtong na ng mga patilya niya. Pero wala siyang bigote. Medyo maitim siya. Kaitimang pangkarinawan sa mga taga-Kamatsile. Laging nakasandong puti at short na maong. Malalaki ang singsing na ginto at makapal ang kuwintas na ginto rin. Parang kadena na. Nakasalamin siyang may grado. At matalim siya kung makatingin.

Madalas marinig sa magtitinapang ni Kaka Pinyang, “Dapat nga lang na di s’ya maglalabas. Nakakatakot ang muk’a n’ya!”

Malaki ang lupa nila. Parang apat na laki ng lupa namin, gayong may kalakihan na ang bahay namin. Nasa gitna niyon ang bahay nila, na gawa sa bato at may kalakihan din. Maraming puno sa kanila. May sampalok, mangga, kaymito, akasya, duhat at himbabao. Mula sa labas, sa matanda’t bitak-bitak na sementadong kalsada, ang pulang bubong na lang halos ng bahay nila ang kita.

Minsan pa lang akong nakapasok sa kanila, nang maghatid ako ng ulam. May handaan noon sa amin, at hindi pa ganoon kainis sa kanila ang mga taga-Kamatsile. Nasa elementarya pa lang ako noon. Ngayon, hindi ko na alam kung ganoon pa rin ang itsura ng bakuran nila. Mataas na pader na may mga bubog sa ibabaw ang nasa mga hangganan ng lupa nila.

May mahabang kawayang nakasampay sa gilid ng gate nila, patulay sa poste ng bahay nila. Doon nakakadena ang alaga niyang unggoy. Na wala yatang nakaaalam sa mga taga-Kamatsile kung ano ang pangalan. O kung may pangalan nga. Sumisilip ito paminsan-minsan sa kalsada. Pero walang batang namumuwisit dito o nag-aabot ng pagkain, sa takot ng mga ito kay Mama Ipe.

Sabi nga ni Siyahong Kwaho, kubrador ng huweteng at magaling sa kuwaho, “Kamuk’a n’ya ‘yong alaga n’yang unggo!”

Basta siya ang nilalait, si Mama Ipe, tuwang-tuwa ang mga nakakarinig. Humahagalpak at nagkakaindaiyak pa sa katatawa. Masama kasi ang ugali niya, at di marunong makisama, ayon sa mga taga-Kamatsile.

Kung pista, hindi siya nagbibigay ng kahit na magkano. Ni piso. Kami, Protestante kami, at hindi Katoliko, kaya kung tutuusin, mas may karapatan kaming hindi magbigay kaysa sa kanila. Pero nagbibigay pa rin kami. Sabi kasi ni Inang, “E pa’no, nakikisama tayo. Kababaryo tayo.”

Pero hindi lang ang hindi nila pagbibigay sa pista ang ikinaiinis ng mga taga-Kamatsile. Kundi pati ang hindi pagpapasabit ni Mama Ipe ng kurbateng sa kanila. Ni sa mataas na puno ng sampalok sa tabi ng bakod nila, na umaabot na ang mga sanga sa kalsada, ni sa poste ng kuryente, ayaw niyang magpasabit ng kurbateng. At walang nakaaalam kung bakit. Sakaling may matino man daw na dahilan, ayon sa mga taga-Kamatsile. Liban sa kasamaan ng ugali.

Ang nangyayari tuloy, may kurbateng sa buong baryo, sa tapat lang nila wala. Kaya ganoon na lang ang galit sa kanya ni Insong Danteng, katapat nila ng bahay. Pag may handaan, kahit kailan, hindi binigyan ni Insong Danteng ng handa ang katapat na bahay. “Aba’y ba’t bibigyan? E kung ipahabol pa sa aso ‘yung mga apo ko? At naku, naku! Ayoko man lang makita ‘yung muk’a nu’n! Masisira’ng buong taon ko,” sabi ng matanda nang Bagong Taon at nagdala siya sa amin ng isang platong palitaw sa linga.

Naalaala ko noong nasa hayskul ako, may umakyat na taga-NECCO (katumbas ng Meralco sa NCR) sa poste ng kuryente sa labas ng bahay nila, may kung anong aayusin. Tumatawag noong una ang manggagawa, para magpaalam. Pero hindi marinig dahil sa layo ng gate sa bahay nila. Kaya umakyat na ito.

Maya-maya, nang nasa kalagitnaan na ito, lumabas si Mama Ipe. “Aba’y puta! Umaakyat ka nang walang paalam d’yan! E ipahabol kaya kita sa aso?”

Ganoon siya kamagagalitin. Wala nga yata kaming kababaryo na may gusto sa kanya. Liban siguro sa mga kamag-anak niya. Pero hindi rin. Dahil ang totoo, maski sa mga kamag-anak niya, marami ang galit sa kanya.

Isa pang tungkol kay Mama Ipe, kinakabahan ang mga kapitbahay namin pag nawawala ang manok nila, o bibe, o itik.

“Punyeta, baka magawi kina Mama Ipe, e baralin! Sayang!” sabi minsan ni Mang Ese, nangunguryente ng isda.

Binabaril daw ni Mama Ipe ng airgun ang mga manok na napapasok sa bakuran nila. Gustong gumanti ng iba. Gustong tiradurin at katayin ang manok ni Mama Ipe, sa sandaling magawi sa kanila. Pero hindi nila magawa, dala ng takot.

Ang totoo, pati si Kapitan, at ang tatay niya, na kung tawagin ay si Ex Kapitan, ay parang takot din kay Mama Ipe.

Nang minsang magkaroon ng paligsahan sa buong bayan, sa pagandahan ng mga bakod, tumulong ang buong baryo. Kulay berde ang kawayang bakod sa lahat ng tarangkahan. Pare-parehong hanggang hita. Pare-parehas nang tingkad ng berde. Para raw sa “Clean and Green.” Nakakulong sa bawat bakod ang mga tanim na halaman. Ang mga walang tanim, para lang may mabakuran ang bakod, nagtanim ng kahit na ano. Pero sina Mama Ipe, gaya ng inaasahan, hindi nakisali. Ang tarangkahan lang nila ang naiba. Parang sampid na tarangkahan sa buong Kamatsile. At walang nagawa si Kapitan.

May tanim din naman sina Mama Ipe sa harap ng bahay nila. Mga morning glory pa nga. Kaygaganda pag umaga. Parang nakikipagngitian sa magaang liwanag ng araw. Pero mga tulos na kahoy na tinalian ng alambre ang bakod niyon.

“Kung umaga, kaygaganda ng bulaklak na ‘yon,” sabi ng may-ari ng konohan ng palay na si Nanang Aida. “Kelayo nga lang sa pagkatao ng may-ari.”

Ang sarap sa mata ng naging itsura ng buong Kamatsile. Parang ang linis-linis. Parang ang ayos-ayos. Pero sa buong bayan, naging pangalawa lang ang baryo namin. At ang hindi pagsali nina Mama Ipe ang itinuturong dahilan ng mga taga-Kamatsile.

“Takaw-pansin! At pa’no’y nasa gitna, malapit sa barangay hall at esk’welahan,” sabi ng magdudulang na si Kuyang Imo.

“Ka’daming namamatay, e kung ba’t di ‘yon ang mauna!” sabi ng may itikang si Kaka Sema.

Tatlo ang anak ni Mama Ipe, lalaki ang panganay, dalawang babae ang sumunod. Hindi ko alam kung ano ang natapos ng dalawang babae, pero inhinyero ang lalaki. Titser naman ang asawa niya, si Ma’am Algado, adviser ko noong grade 5, titser namin sa Hekasi noong grade 5 at grade 6. Maganda si Ma’am Algado, kahit lampas singkuwenta anyos na. Mabait. Laging nagpapasok ng kagandahang-asal sa bawat talakayan.

“Paturo-turo pa ng kagandahang asal, e ‘yung asawa nga n’ya, di n’ya maturuan!” galit na galit na sabi ni Kaka Enyang, nagtitinda ng burong kanin at burong mustasa. “Ke ano pa’t titser s’ya!”

“Oy, Kaka,” sabi ng hilot na si Nanang Ana. “E ‘yan pa nga ‘ata mismong si Ma’am Algado ang nagsusulsol sa asawa, kaya ganyan. Pareho silang may tililing.”

Maging si Tatang, nabubuwisit kay Mama Ipe. Minsan kasing sa tapat nila naiparada ni Tatangang dyip namin. Kinabukasan, ang daming basag na bote ng Gin sa palibot ng dyip. Sabi ni Insong Danteng, “E pinagbabato ng bote. Mga alas-onse siguro.”

Mabuti’t naawat namin nina Inang at Kuyang si Tatang. Balak nang sugurin ni Tatang ng kuwarenta’y singko. Sinabi na lang ni Inang na huwag nang patulan, lalaki lang ang gulo. At bakit nga daw papatulan e may tililing nga, sabi naman ni Ateng.

Kaya nang tibagin ang isang bahagi ng bakod nina Mama Ipe at magbukas ng tindahan sa harap nila ang panganay na babae niya, wala halos bumibili. Pero ako, noong bata pa ako hanggang nang magbeynte anyos, hindi ako ganoon. Lagi kong sinasabi sa sarili kong hindi ako tutulad sa mga taga-Kamatsile. Na ako ang magiging ehemplo ng kagandang-asal.

Kapag magpapabili si Tatang ng Marlboro, o magpapabili si Inang ng suka, o si Ateng ng Nescafe at asukal, doon ako bumibili. Ang unang dahilang iisipin ng mga makakakita, ay dahil iyon ang pinakamalapit sa amin. Hindi nila masisilip ang pinakadahilan ko.

Nagbago iyon nang magdalawampu’t isang taon ako. Nang angkinin nila ang lupa ng dalawa naming kapitbahay, ang lupa nina Mamang Lito at nina Nanang Eta. Pinsang buo pa man din ni Mama Ipe ang dalawa.

Nagharap-harap sa barangay hall ang tatlong pamilya, ipinakita ni Mama Ipe na mayroon siyang titulo. Wala namang maipakita sina Mamang Lito at Nanang Eta. Ang sabi ng iba, baka raw wala ngang titulo ang dalawang bahay.

“E marami naman talaga ritong ‘alang titulo,” hirit ng taga-tabing sapang si Ka Onse, na lagi raw may uhog kahit noong binata na. “Baka nala’an ni Ipeng wala pang titulo ‘yung dal’wa, pinagawa’n.”

“E, malamang nga,” sagot ng Japayuking si Mina. “Pero ano ba naman ‘yung papel na ‘yon. Bata pa ‘ko, d’yan na nakatira ‘yung dal’wang pamilya. Tapos, paaalisin.”

“Kesama ng ugali, oo. Pati kamag-anak,” sabi ni Kagawad Nardo.

Binibili raw ng dalawang pamilya ang lupang kinatatayuan ng bahay nila. Dahil ayaw na ayaw nilang lumipat. Mahal nila ang lugar na iyon, ang mga kapitbahay, ang Kamatsile. At sayang ang bahay. Pero hindi raw pumayag si Mama Ipe.

Tinaningan ni Mama Ipe ang dalawang pamilya. Bago mag-ganitong buwan, dapat, nakalipat na. Walang nagawa ang mga ito kundi umalis. Nang ipinatitibag na ang dalawang bahay, ang daming tao sa labas. Si Mamang Lito, hinimatay pa. Nang matibag na ang mga pader sa loob ng bahay nina Nanang Eta, nang ang pader na pinakahaligi na lang ang nakatayo, abot-abot ang panghihinayang ng mga tao. Parang kapilya sa haba ang bahay. Tulong-tulong ang mga anak na lalaki ni Nanang Eta sa pagpapatayo ng bahay na iyon. Seaman ang apat na anak niyang lalaki.

Nawala sa Kamatsile sina Mamang Lito, nalipat sa ibang baryo. Nakabili naman ng lupa sa bungad ng Kamatsile sina Nanang Eta.

Mabigat sa loob namin ang nangyari. Bata pa langako, madalas na ako sa dalawang bahay. Kalaro ko ang mga apo nina Mamang Lito at Nanang Eta. Kung minsan, pinamemeriyenda pa ako roon, habang nanunuod kami kung hapon ng Mojacko at Voltes V. Pag may uuwing anak ni Nanang Eta, tumatakbo agad ako sa kanila para makisalubong ng tsokoleyt. At hindi ako nawawalan ng Toblerone.

Hindi na kami nagulat nang ang ipalagay ni Mama Ipe sa lupang dating kinatatayuan ng dalawang bahay ay kulungan ng mga manok. Nakaramdam ako ng galit. Hindi maipaliwanag na galit. Gaano ba kahalaga ang mga iyon kumpara sa mga tao at sa pakikipagkapwa-tao?

Ngunit hindi pinabakuran ni Mama Ipe ang pagitan ng lupa namin at ng dating lupa nina Nanang Eta. Hinayaan lang ang dati nang bakod na alambre. Ipinagtaka iyon ng marami.

Oktubre, na-stroke si Tatang. Tatlong araw lang sa ospital, binawian na rin. Sa burol, ni hindi dumalaw si Mama Ipe. Nagbigay lang ng abuloy si Ma’am Algado. Sa libing, ito lang din at ang anak na may tindahan ang nagpunta.

Bandang katapusan ng Nobyembre, nagpunta uli si Mama Ipe sa barangay hall. May dala-dala uling titulo. Ang kalahati ng lupa naman namin ang inaangkin.

Nanginginig si Inang nang malaman ang balita. Hinimatay. Maya-maya, ang dami nang tao sa bahay.

“Takot kay S’yaho,” sabi ni Insong Danteng. “Nu’ng ‘ala na si S’yaho e saka lang gumanyan.”

“Hayup na ‘yan! Mukhang lupa!” sabi ni Mamang Amboy, asawa ni Insong Danteng.

Naisip kong bigla, kaya pala hindi pinabakuran ng pader ang pagitan ng lupang naangkin nila at ng lupa namin.

Ipinahanap ni Ateng kay Kuyang ang pinagbilhan ng lupa namin. Puntahan daw, kinabukasang-kinabukasan din.

Nang gabing iyon, hindi ako makatulog. Dalawang oras na akong nakahiga pero gising na gising pa rin ako. Naiisip ko ang pambabastos sa kamatayan ni Tatang. Naiisip ko kung saan kami lilipat kung buong lupa na namin ang maangkin. Naisip ko ang pagpipilit kong maging magandang ehemplo sa mga taga-Kamatsile.

Tiningnan ko ang oras sa matandang orasan sa dingding. Mag-aalas-onse na. Bumangon ako, lumabas sa kalsada, naglakad-lakad. Nanunuot sa mga buto ko ang lamig. Maninipis na ulap ang nakalatag sa langit. Huminto ako sa kasunod na bahay. Bahagya kung gumalaw ang mga dahon ng sampalok na halos umabot na sa kalsada. Parang may pinagtataguan ang mga bulaklak ng morning glory.

May nakita akong dalawang malaking bato sa gilid ng kalsada. Naalaala ko ang sabi ng may itikang si Kaka Sema tungkol sa dami ng mga namamatay. Dinampot ko ang dalawang malaking bato, at pinagbabato ang kaharap na gate.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento