Sabado, Mayo 3, 2014

Company Outing


“Sir Macky, nag-confirm ka na po, Sir?” tangan ni Ms. Jenny, secretary ng department namin, ang isang folder.Nasa harap siya ng mesa niya, sa tabi ng pinto. Siya ang unang daratnan ng sinumang papasok sa DELACOMM (Department of Languages and Communication).

“Ano po ‘yan?” pinupuno ko ng tubig sa water dispenser sa tabi ng pinto ang tumbler ko.

“Sa excursion, Sir. Pakibasa po muna.”

Inabot ko nang puno na ang inuminan ko. Tatlong long bond paper ang naka-fastener sa folder. Nakalagay sa una ang mga alituntunin para sa mga sasama. Sa San Juan, Batangas ang outing. April 25, Biyernes. Tatlong linggo na lang. Alas-singko lalakad ang mga bus. Naka-highlight ang panglimang alituntunin. Ikakaltas sa sahod ng mga pumirma pero hindi sumama ang magagastos dapat sa kanila. Nakakulong sa parentheses ang halaga, kaya parang lalong bumigat. P2,000. Sa huling dalawang pahina, ang pangalan ng mga faculty member na sasama. Nasa 1/3 na ang pumirma. Nakapirma na ang dalawa. Nauna pa sa akin.

“Pumirma na po nu’ng Saturday sina Ma’am Rhina at Sir Melvin. Kelangan pa yata kasing may maunang pumirma sa inyo para sumama ‘yung dal’wa,” nakangiti si Ms. Jenny.

“Naman, Ma’am,” napangiti ako. Inabot ko ang signpen sa mesa niya. Pumirma ako. “That’s what friends are for.”

Sabay kaming natanggap ni Melvin. Pangalawang semestre na namin pareho. Si Rhina, nitong panglawang semestre lang. Pare-parehas kaming nagtapos ng AB Filipinolohiya sa PUP. Magkaklase silang dalawa, nauna langako sa kanila ng isang taon. Pero magkakaedad lang kami. Pare-parehong beynte-tres anyos.

Wala pang tapos sa amin ng masteral, puro units pa lang. Masteral sa Malikhaing Pagsulat ako sa UP, Masters of Arts in Filipino naman sila sa PUP.

Sa aming tatlo, ako ang may pinakamaraming load. 24 units.Full timer.Silang dalawa, part timer lang. Parehong 15 units. Full time dapat si Melvin, pero dahil may iba pa siyang eskuwelahan, naging part timer lang siya. Kaya nitong pangalawang semestre, natanggap si Rhina.

Nagtuturo sa ISAT Caloocan si Melvin, 18 units. Di bale, 33 units siya lahat-lahat. Sa QCPU naman si Rhina, 15 units. 30 units, di bale. Mas marami pa ang teaching load nila kaysa sa akin. Pero magkakasinglaki lang ang sahod namin. Malaki ang per hour sa CTP (College for Technical Programs).

Hangga’t maaari, ayoko nang gaya ng sa kanila. Part timer sa dalawang eskuwelahan. Mainam, dahil hindi nakababagot. Dalawang mundong ginagalawan, dalawang lipunan, dalawang kultura. Hindi ka rin maitatali sa mga obligasyon. Lalung-lalo na sa politika at mga tsismisan. Pero mas nakakapagod ang ganito. Mas maraming preparasyon. Lugi pa sa biyahe.

Katunayan, maraming absent sina Melvin at Rhina. Si Melvin, pag Miyerkules at Sabado, alas-onse ang huli niyang klase sa ISAT. Kumakain muna siya bago umalis. Alas-onse y media, dapat, tapos na siya. Pero madalas, hindi kinakaya ng isang oras at kalahating biyahe. Kaya kadalasan, kundi late, absent siya. Ganito rin ang kay Rhina, kung Miyerkules at Sabado rin.

Minsan, hindi rin sila ganoon kahanda sa mga klase nila. Hindi na nakapagbabasa, ni nakagagawa ng Powerpoint Presentation. Whiteboard at marker na lang sila. Sa mesa, nakabukas ang aklat. Pero mas madalas, reporting sa klase.

Nahihiya na nga raw sila sa mga estudyante. Lalo sa sarili nila. Pero hindi naman daw puwedeng sa isang eskuwelahan lang sila. Hindi sila mabubuhay ng kakarampot na suweldo.

Kinabukasan, Martes, nasa CTP kaming tatlo. Apat na araw lang sila sa CTP: Martes at Biyernes, Miyerkules at Sabado.Lunes hanggang Biyernes naman ako.Wala akong pasok pag Sabado.

“Usap-usap tayo ng dadalhin,” sabi ko.Magkakaharap kami sa mesa sa faculty room. Magkatabi silang dalawa. Kumakain ako ng tanghalian. Adobong sitaw.

Kadarating lang ng dalawa. Ala-una lagi ang klase nila.Kung Martes at Biyernes, alas-dose y media pa lang, nasa eskuwelahan na sila.

“Magpapaluto akong adobo sa landlady namin,” sabi ni Melvin. Naka-lavender na longsleeve siya at naka-clear glass na walang grado. Matangkad siya na maitim.

“Sige-sige,” tumango ako.“Iyo?” nakatingin ako kay Rhina.Mas maitim siya kaysa kay Melvin. Medyo makapal ang kilay at lampas nang kaunti sa balikat ang buhok. Naka-headband siyang puti, pulang pencil-cut at violetna blouse.

Nag-isip siya saglit.Nanulis ang nguso. “Kanin!”

Nanlaki ang mga mata ni Melvin. “Wow, a! Wow! Nakakahiya naman sa’yo!”

Natawa ako.“Ano nga? Umayos ka!” May nalaglag na sitaw sa mesa mula sa kutsara.

“Aba, hindi pa ba maayos ‘yung kanin?”

“S’yempre, kanya-kanyang dalang kanin,” mabilis ang sagot ni Melvin.

“E wala akong budget, e.”

“Lagi ka na lang walang budget,” nagkamot ng patilya si Melvin.

“Hello?” namilog ang mga mata ni Rhina. “Panganay po ako sa’min. Ako po’ng nagbibigay ng baon sa dal’wa kong kapatid.”

“Ba’t ako? Ba’t ako?” lumakas ang boses ni Melvin. “Mangingisda lang tatay ko. Si Mama, mananahi lang. Pangalawa ko, pero ‘yung kuya ko, pamilyado na. Nakabuntis.Sa padala ko lang halos umaasa ‘yung mga kapatid ko sa Pangasinan.”

Natatawa na ako. Normal na namin ang ganito. Kung mag-usap, aakalain ng ibang nag-aaway na kami. Gusto ko pa nga sanang makisali, sabihing sa amin, ako ang nagbabayad ng bahay at kuryente. Tatlong libo ang bahay namin, due date na sa April 11. At nagtaas na naman ng singil ang Meralco.

“O, sige,” sumandal si Rhina.“Pag-iisipan ko.”

“Dalhin mo ‘yung camera mo,” sabi ko kay Rhina. May camera ang cellphone ko, pero 5.0 megapixel lang.

“Hindi akin ‘yon.Sa pinsan ko ‘yon. Hinihiram ko lang.”

“O, basta. Dalhin mo.”

“Hiramin ko pa.”

Tumango ako. Tinusok ko ng tinidor ang huling tatlong pirasong sitaw. Toyo’t mantika na lang ang nasa lumang Tupperware.

“Pag-ipunan ko nga ‘yan,” sabi ko. “Ang hirap nang walang camera.Alam mo ‘yon? Maganda ‘yung may remembrance ka man lang sa mga napupuntahan mong lugar. O sa mga okasyon at gathering. Nang nababalik-balikan mo. Nu’ng gumradweyt ako, hard copy lang ‘yung mga picture namin. Hiram lang kasi ‘yung digicam. Ipina-print agad namin. Sabi ko, ‘wag buburahin ‘yung photo. Wala pa kasi ‘kong flashdrive n’un. Ika-copy ko ‘ka ko. Inilipat n’ya sa PC nila. Tapos, nalimutan n’ya kong sabihan, na-reformat.”

“Ang hirap maging mahirap, no?” nakasimangot si Rhina. “Pero, alam mo, Macky, dapat, di mo na masyadong iniisip ‘yung ganyan,” sumeriyoso ang anyo niya. Parang kumapal lalo ang mga kilay niya.“Mainam ka pa rin, nakatapos ka.E ‘yung iba?”


Nang nasa kolehiyo pa kami, magkakasundo na talaga kami. Pero rito na lang sa CTP kami naging mas malapit sa isa’t isa.

Sa apat na taong pagtatrabaho, natutuhan kong gumagaan ang araw-araw na pagpasok, hindi na nagiging sakripisyo, dahil sa mga kaibigang kasama sa trabaho. Kaya marahil maraming tao ang mas matatagalan ang trabahong di kalakihan ang sahod, kung kasundo ang mga katrabaho. Kaysa sa malaki ang sahod pero hirap na hirap sila sa pakikisama.

May susi ang lahat ng locker sa DELACOMM. Pero ang sa aming tatlo, laging nakabukas. Para makakuha kami agad sa locker ng isa’t isa ng kung ano mang kailangan. Minsan, kailangan niMelvin ng libro sa Filipino 1, nalimutan niya sa bahay ang sa kanya. Kinuha niya sa locker ko nang walang paalam ang sa akin. Isinauli at sinabi na lang niya pagkatapos. Minsan naman, mali-late na si Rhina sa klase niya, nang maalaala niyang wala nang tinta ang mga marker niya. Absent si Melvin noon, kaya kinuha niya muna ang marker nito.

Kung deadline na kinabukasan ng kung anong ipapasa, at wala pang gawa ang isa sa amin, nagtutulungan kami. Kadalasan, ako ang nagti-text sa kanila. “Deadline na bukas ng midterm exam, nakapagpasa na ba kayo?”

May isang beses na wala pang gawa si Rhina. Ini-e-mail ko na lang sa kanya ang sa akin. Ini-edit na lang niya, nang di mahalata. Mahalagang may maipasa sa chairperson, nang hindi madale sa performance evaluation. Pinalitan na lang niya nang ipo-photocopy na, dahil magkaiba kami ng talagang itinuturo. Baka raw bumagsak ang mga estudyante niya kung ang exam ko ang gagamitin.


Abril 21 ang deadline ng encoding ng grades. Lunes. Hanggang alas-singko lang. Ang di makapag-encode, ayon sa sabi-sabi ng matatagal na sa CTP, hindi mari-rehire.

Alas-dos ako dumating. Pero alas-tres ako nag-encode. Tuwing huling araw ako lagi nag-i-encode dahil nahihirapan akong tsekan ang final paper ng mga estudyante ko sa Filipino 2, “Pagbasa’t Pagsulat Tungo sa Pananaliksik.” Kinukuha ko pa ang link ng mga gawang alam kong copy-paste lang sa internet. Nang may ebidensiya kung bakit zero sila sa final exam.Kung bakit bagsak sila.

Sa computer laboratory ang encoding. Mula alas-dos hanggang ala-tres, nasa faculty room ako. Nag-a-adjust ng grade. Ginagawang 75 ang 71, 72, 73 at 74. Biglang nagiging 100 sa recitation ang estudyanteng kahit kailan naman tawagin, walang maisagot.

Sina Rhina at Melvin, alas-kuwatro y media na nag-encode. Dalawang gabi raw nilang nilamay. Namamaga nga ang mga mata ni Melvin.

“Sabay nga,” sabi niya habang naghihikab. “Ang hirap. Encoding din sa kabila. Deadline sa Miyerkules.”

Kinabukasan, pirmahan ng clearance. Kailangang makapagpa-clearance para makuha ang sahod sa huling cut-off.Ang kay Rhina, ipambabayad sa utang. Ang kay Melvin, ipadadala sa Pangasinan. Ang sa akin, ipambabayad sa bahay. Nagtatanong na nga si Mama kung magkano ang sasahurin ko. Sabi ko, hindi ko pa alam.

“Bukas, ten tayo, a,” sabi ni Rhina. “Ten, a! Ten!” hinahampas-hampas niya kami ni Melvinsa braso.

Pero alas-onse na ako dumating. Tinanghali ako nang gising. Ngayon lumabas ang puyat ko sa ilang gabing pagko-compute ng grades. Pagdating ko, nasa harap ng mesa sina Melvin at Rhina. Nakasimangot si Rhina, tulala naman si Melvin.

“Sobrang init ba?” biroko.

Itinulak ni Rhina palapit sa akin ang cellphone niya. Dinampot ko. May message. “Tara sa labas.” Kinabahan ako. May ideya na ako.

Lumabas sila ni Melvin, sumunod ako. Huminto kamisa hallway, malapit sa hagdanan. Umupo sa pangalawang baitang si Rhina.

“Di na kami rehired, Macky,” nakasandal si Melvin, nakapamulsa, nakatitig sa sahig.

“Ba’t daw?” kinakabahan akong baka hindi rin ako rehired.

“Kinausap na kami ni Ma’am Quejada,” nakapangalumbaba si Rhina. Si Ma’am Quejada ang chairperson namin. “Sa absences daw.”

Hindi ako nakakibo. Hindi ko alam ang sasabihin ko. Na-guilty ako na may naramdaman akong tuwa sa isiping kung absences ang dahilan, malamang, rehired ako. Na-guilty akong nakahugot ako ng tuwa sa sandaling dapat malungkot ako.

Nagpapirma ako ng clearance kay Ma’amQuejada, pagkatapos.Nakangiti ako habang pinipiramahan niya ang clearance ko. Na para bang may magagawa iyon para ma-rehire ako. Wala siyang sinabi. Hindi niya ako kinausap. Rehired ako, ibig sabihin.

Bago kami umuwi, nag-Puregold muna kaming tatlo. Bumili ng babaunin sa outing. Usap-usap ulit.Hindi puwedeng magkamukha ng bibilhin. Nakatigtu-two hundred kami. Mahigpit ang usapang tabi-tabi kami sa upuan. Picture-picture. Hingian ng pagkain. Nakikita ko nang baka mas masaya pa ang biyahe kaysa sa mismong outing.


Huwebes ng gabi, maaga akong natulog. Mga alas-nuwebe. Nang di ako mahirapang gumising at nang di ako makatulog sa biyahe. Hindi ako lagi natutulog sa biyahe. Lalo kung unang punta ko pa lang sa isang lugar. Kahit pa mga bukid lang naman ang nakikita. Nakakatagpo ako ng kapayapaan habang nasa tabi ng bintana ng bus, at nakatingin sa langit at sa mga bukid at bundok, at nag-iisip.

Alas-tres ako ginising ng alarm ng cellphone ko. Inaantok pa ako. Parang gusto ko pang humirit ng kinse minutos. Dinukot ko sa ilalim ng unan ang cellphone ko, at pinatay ko ang alarm. May text sa akin. Lima. Galing kina Melvin at Rhina. Hindi na raw sila makakasama. Nawalang bigla ang antok ko. Parang nalusaw. Tiningnan ko ang text. Mga alas-onse lang isinend.

Ipinorward ni Rhina ang text ni Ms. Jenny. Sabi raw ng HR, hindi na puwedeng sumama ang mga hindi rehired. Sabi pasa dulo, “Thanks for understanding!” Kahit hindi muna inaalam kungpayag baang mga itinext nila. Kung magaan man lang ba sa loob ng mga ito ang kabastusan nila. “Enjoy na lang,” sabi pa ni Rhina sa text.

Medyo madrama naman ang kay Melvin. “Yun na nga lang ang pampalubag loob sa amin e.”

Pumunta ako sa kusina. Nagmumog ako, saka agad nagtimpla ng kape. Lumabas ako, pagkatapos. Ipinatong sa mahabang upuang plastik ang tasa.

Mainit ang hangin maski madaling-araw. Maingay ang mga kuligligsa tabi ng kanal. Tumingala ako. Makakapal na ulap ang nasa langit. Wala halos bituin. Isang eroplano ang parang bituing lumulusot sa mga ulap.

Uminom ako ng kape, pinag-iisipan kung sasama pa ako sa excursion. Parang ayoko nang sumama. Parang hindi na ako mag-e-enjoy. Gusto kong kahit sa ganitong paraan man lang, madamayan ko sina Melvin at Rhina. Pero nagsusumigaw sa isip ko ang ikakaltas sa aking  P2,000. Parang naririnig ko ang boses ni Mama. “’Nak, ‘yung pambayad natin sa bahay, a. Noong a-onse pa ang due date.”

Inubos kong bigla ang kape. Ramdam ko ang init sa sikmura at baga ko. Pinunasan ko ng palad ko ang pawis sa noo ko. Pumasok ako sa bahay, at inabot ang tuwalya sa sampayan. Sa CR, dinampot ko ang tabo at sunud-sunod ang ginawa kong buhos.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento