Naisipan
kong magbasa ng isang quote sa aklat sa book shelf namin. “Quotations” ang pamagat
ng libro. Parang sinasadya, sakto sa nararamdaman ko ang nabasa ko. Lalo akong naguluhan.
Kinahapunan,
ini-unfriend ko sa Facebook si Jeff.
Coteacher
ko dati si Jeff. History major ako, IT naman siya. Magkaedad lang kami noon,
parehong beynte anyos. Bagong graduate. Maitim siyang payat. Parang nakapikit na
ang mga mata. Mahilig siya kay Bob Marley. May mga t-shirt siyang si Bob Marley
ang nasa design, at madalas niyang kantahin ang “The Three Little Birds” at “No
Woman, No Cry.”
Minsan,
mga bandang Hulyo, kasisimula pa lang halos ng semestre, nagkakuwentuhan kaming
magko-coteacher sa faculty room. Hapon iyon. Marami sa amin ang vacant period.
Dahil maliit lang ang eskuwelahan at lampas dalawang libo lang ang mga estudyante,
napag-usapan namin kung sino ang mahihina, magagaling at mga nakakainis.
“Si
Christine, ‘yung business management, magaling, a,” sabi ng isang babaeng
psychology instructor.
“Christine
Lizardo?’ tanong ko.
“Opo,
Sir.”
“Ay,
oo. Magaling ‘yon,” sabi ng isang math teacher. “Maganda pa. Ang ganda-ganda ng
mata.”
“Maganda
nga ‘yon, Ma’am,” sabi ko. “Crush ko nga ‘yon, e.”
“Ay,
nako!” ang lakas ng boses ni Jeff. “Mali ‘yan, Sir. Mali ‘yan!”
“Okey
lang ‘yon, Sir,” sabi ng isang babaeng English teacher. “Ikaw naman, Sir. Crush
lang naman.”
“Kahit
pa, Ma’am. Teacher ka, e. Teacher ka, e.” Ang lakas pa rin ng boses niya.
Na-offend
ako. Hindi na lang ako kumibo. Hindi ko na lang sinabi ang gusto kong sabihin na,
bakit, napipigilan ba ang nararamdaman? Saka sa isip lang naman, hindi naman ilalagay
sa aksyon. Walang madadamay na grades. Parang panlalait. May panlalait na sa isip
lang. Hindi iyon okey. Pero hindi naman iyon napipigilan. Ngayon, kung
sasabihin, iyon na ang masama. Isinakay na kasi sa wika.
Minsan,
nag-status ako sa Facebook. “She’s so pretty,” sabi ko. Pero artista ang tinutukoy
ko. Kapapanood ko lang noon ng “The Beach” ni Leonardo de Caprio, at
gandang-ganda ako kay Virginie Ledoyen. Nag-comment si Jeff. “Naku, masama yan.
Ayan ka na naman.” Hindi ako sumagot. Pero sa inis ko, binura ko ang status.
Sayang at hindi ganoon kalakas ang loob ko na burahin ang mismong comment niya,
nang malaman man lang niya ang mali niya.
Nang
matapos ang academic year, lumipat sa industry si Jeff. Pasukan naulit nang malaman
naming hindi pala nag-resign, kundi hindi na na-rehire.
“Pa’no,
may isyu pala?” sabi ng isang Filipino teacher. “Estudyante pala natin ‘yung
girlfriend.”
Ang
quote na nabasa ko sa aklat namin, “Who are you to judge the life I live? I
know I’m not perfect - and I don’t live to be - but before you start pointing
fingers… make sure your hands are clean!” Mula kay Bob Marley.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento