“Sir
Macky, nag-confirm ka na po, Sir?” tangan ni Ms. Jenny, secretary ng department
namin, ang isang folder.Nasa harap siya ng mesa niya, sa tabi ng pinto. Siya
ang unang daratnan ng sinumang papasok sa DELACOMM (Department of Languages and
Communication).
“Ano
po ‘yan?” pinupuno ko ng tubig sa water dispenser sa tabi ng pinto ang tumbler
ko.
“Sa
excursion, Sir. Pakibasa po muna.”
Inabot
ko nang puno na ang inuminan ko. Tatlong long bond paper ang naka-fastener sa
folder. Nakalagay sa una ang mga alituntunin para sa mga sasama. Sa San Juan,
Batangas ang outing. April 25, Biyernes. Tatlong linggo na lang. Alas-singko
lalakad ang mga bus. Naka-highlight ang panglimang alituntunin. Ikakaltas sa
sahod ng mga pumirma pero hindi sumama ang magagastos dapat sa kanila. Nakakulong
sa parentheses ang halaga, kaya parang lalong bumigat. P2,000. Sa huling
dalawang pahina, ang pangalan ng mga faculty member na sasama. Nasa 1/3 na ang
pumirma. Nakapirma na ang dalawa. Nauna pa sa akin.
“Pumirma
na po nu’ng Saturday sina Ma’am Rhina at Sir Melvin. Kelangan pa yata kasing
may maunang pumirma sa inyo para sumama ‘yung dal’wa,” nakangiti si Ms. Jenny.
“Naman,
Ma’am,” napangiti ako. Inabot ko ang signpen sa mesa niya. Pumirma ako. “That’s
what friends are for.”
Sabay
kaming natanggap ni Melvin. Pangalawang semestre na namin pareho. Si Rhina,
nitong panglawang semestre lang. Pare-parehas kaming nagtapos ng AB
Filipinolohiya sa PUP. Magkaklase silang dalawa, nauna langako sa kanila ng
isang taon. Pero magkakaedad lang kami. Pare-parehong beynte-tres anyos.
Wala
pang tapos sa amin ng masteral, puro units pa lang. Masteral sa Malikhaing
Pagsulat ako sa UP, Masters of Arts in Filipino naman sila sa PUP.
Sa
aming tatlo, ako ang may pinakamaraming load. 24 units.Full timer.Silang
dalawa, part timer lang. Parehong 15 units. Full time dapat si Melvin, pero
dahil may iba pa siyang eskuwelahan, naging part timer lang siya. Kaya nitong
pangalawang semestre, natanggap si Rhina.
Nagtuturo
sa ISAT Caloocan si Melvin, 18 units. Di bale, 33 units siya lahat-lahat. Sa QCPU
naman si Rhina, 15 units. 30 units, di bale. Mas marami pa ang teaching load
nila kaysa sa akin. Pero magkakasinglaki lang ang sahod namin. Malaki ang per
hour sa CTP (College for Technical Programs).
Hangga’t
maaari, ayoko nang gaya ng sa kanila. Part timer sa dalawang eskuwelahan.
Mainam, dahil hindi nakababagot. Dalawang mundong ginagalawan, dalawang
lipunan, dalawang kultura. Hindi ka rin maitatali sa mga obligasyon. Lalung-lalo
na sa politika at mga tsismisan. Pero mas nakakapagod ang ganito. Mas maraming
preparasyon. Lugi pa sa biyahe.
Katunayan,
maraming absent sina Melvin at Rhina. Si Melvin, pag Miyerkules at Sabado,
alas-onse ang huli niyang klase sa ISAT. Kumakain muna siya bago umalis.
Alas-onse y media, dapat, tapos na siya. Pero madalas, hindi kinakaya ng isang
oras at kalahating biyahe. Kaya kadalasan, kundi late, absent siya. Ganito rin
ang kay Rhina, kung Miyerkules at Sabado rin.
Minsan,
hindi rin sila ganoon kahanda sa mga klase nila. Hindi na nakapagbabasa, ni
nakagagawa ng Powerpoint Presentation. Whiteboard at marker na lang sila. Sa
mesa, nakabukas ang aklat. Pero mas madalas, reporting sa klase.
Nahihiya
na nga raw sila sa mga estudyante. Lalo sa sarili nila. Pero hindi naman daw
puwedeng sa isang eskuwelahan lang sila. Hindi sila mabubuhay ng kakarampot na
suweldo.
Kinabukasan,
Martes, nasa CTP kaming tatlo. Apat na araw lang sila sa CTP: Martes at
Biyernes, Miyerkules at Sabado.Lunes hanggang Biyernes naman ako.Wala akong
pasok pag Sabado.
“Usap-usap
tayo ng dadalhin,” sabi ko.Magkakaharap kami sa mesa sa faculty room. Magkatabi
silang dalawa. Kumakain ako ng tanghalian. Adobong sitaw.
Kadarating
lang ng dalawa. Ala-una lagi ang klase nila.Kung Martes at Biyernes, alas-dose
y media pa lang, nasa eskuwelahan na sila.
“Magpapaluto
akong adobo sa landlady namin,” sabi ni Melvin. Naka-lavender na longsleeve
siya at naka-clear glass na walang grado. Matangkad siya na maitim.
“Sige-sige,”
tumango ako.“Iyo?” nakatingin ako kay Rhina.Mas maitim siya kaysa kay Melvin. Medyo
makapal ang kilay at lampas nang kaunti sa balikat ang buhok. Naka-headband
siyang puti, pulang pencil-cut at violetna blouse.
Nag-isip
siya saglit.Nanulis ang nguso. “Kanin!”
Nanlaki
ang mga mata ni Melvin. “Wow, a! Wow! Nakakahiya naman sa’yo!”
Natawa
ako.“Ano nga? Umayos ka!” May nalaglag na sitaw sa mesa mula sa kutsara.
“Aba,
hindi pa ba maayos ‘yung kanin?”
“S’yempre,
kanya-kanyang dalang kanin,” mabilis ang sagot ni Melvin.
“E
wala akong budget, e.”
“Lagi
ka na lang walang budget,” nagkamot ng patilya si Melvin.
“Hello?”
namilog ang mga mata ni Rhina. “Panganay po ako sa’min. Ako po’ng nagbibigay ng
baon sa dal’wa kong kapatid.”
“Ba’t
ako? Ba’t ako?” lumakas ang boses ni Melvin. “Mangingisda lang tatay ko. Si
Mama, mananahi lang. Pangalawa ko, pero ‘yung kuya ko, pamilyado na. Nakabuntis.Sa
padala ko lang halos umaasa ‘yung mga kapatid ko sa Pangasinan.”
Natatawa
na ako. Normal na namin ang ganito. Kung mag-usap, aakalain ng ibang nag-aaway
na kami. Gusto ko pa nga sanang makisali, sabihing sa amin, ako ang nagbabayad
ng bahay at kuryente. Tatlong libo ang bahay namin, due date na sa April 11. At
nagtaas na naman ng singil ang Meralco.
“O,
sige,” sumandal si Rhina.“Pag-iisipan ko.”
“Dalhin
mo ‘yung camera mo,” sabi ko kay Rhina. May camera ang cellphone ko, pero 5.0
megapixel lang.
“Hindi
akin ‘yon.Sa pinsan ko ‘yon. Hinihiram ko lang.”
“O,
basta. Dalhin mo.”
“Hiramin
ko pa.”
Tumango
ako. Tinusok ko ng tinidor ang huling tatlong pirasong sitaw. Toyo’t mantika na
lang ang nasa lumang Tupperware.
“Pag-ipunan
ko nga ‘yan,” sabi ko. “Ang hirap nang walang camera.Alam mo ‘yon? Maganda
‘yung may remembrance ka man lang sa mga napupuntahan mong lugar. O sa mga
okasyon at gathering. Nang nababalik-balikan mo. Nu’ng gumradweyt ako, hard
copy lang ‘yung mga picture namin. Hiram lang kasi ‘yung digicam. Ipina-print
agad namin. Sabi ko, ‘wag buburahin ‘yung photo. Wala pa kasi ‘kong flashdrive
n’un. Ika-copy ko ‘ka ko. Inilipat n’ya sa PC nila. Tapos, nalimutan n’ya kong
sabihan, na-reformat.”
“Ang
hirap maging mahirap, no?” nakasimangot si Rhina. “Pero, alam mo, Macky, dapat,
di mo na masyadong iniisip ‘yung ganyan,” sumeriyoso ang anyo niya. Parang
kumapal lalo ang mga kilay niya.“Mainam ka pa rin, nakatapos ka.E ‘yung iba?”
Nang
nasa kolehiyo pa kami, magkakasundo na talaga kami. Pero rito na lang sa CTP
kami naging mas malapit sa isa’t isa.
Sa
apat na taong pagtatrabaho, natutuhan kong gumagaan ang araw-araw na pagpasok,
hindi na nagiging sakripisyo, dahil sa mga kaibigang kasama sa trabaho. Kaya
marahil maraming tao ang mas matatagalan ang trabahong di kalakihan ang sahod,
kung kasundo ang mga katrabaho. Kaysa sa malaki ang sahod pero hirap na hirap
sila sa pakikisama.
May
susi ang lahat ng locker sa DELACOMM. Pero ang sa aming tatlo, laging
nakabukas. Para makakuha kami agad sa locker ng isa’t isa ng kung ano mang kailangan.
Minsan, kailangan niMelvin ng libro sa Filipino 1, nalimutan niya sa bahay ang
sa kanya. Kinuha niya sa locker ko nang walang paalam ang sa akin. Isinauli at
sinabi na lang niya pagkatapos. Minsan naman, mali-late na si Rhina sa klase
niya, nang maalaala niyang wala nang tinta ang mga marker niya. Absent si
Melvin noon, kaya kinuha niya muna ang marker nito.
Kung
deadline na kinabukasan ng kung anong ipapasa, at wala pang gawa ang isa sa
amin, nagtutulungan kami. Kadalasan, ako ang nagti-text sa kanila. “Deadline na
bukas ng midterm exam, nakapagpasa na ba kayo?”
May
isang beses na wala pang gawa si Rhina. Ini-e-mail ko na lang sa kanya ang sa
akin. Ini-edit na lang niya, nang di mahalata. Mahalagang may maipasa sa
chairperson, nang hindi madale sa performance evaluation. Pinalitan na lang
niya nang ipo-photocopy na, dahil magkaiba kami ng talagang itinuturo. Baka raw
bumagsak ang mga estudyante niya kung ang exam ko ang gagamitin.
Abril
21 ang deadline ng encoding ng grades. Lunes. Hanggang alas-singko lang. Ang di
makapag-encode, ayon sa sabi-sabi ng matatagal na sa CTP, hindi mari-rehire.
Alas-dos
ako dumating. Pero alas-tres ako nag-encode. Tuwing huling araw ako lagi
nag-i-encode dahil nahihirapan akong tsekan ang final paper ng mga estudyante
ko sa Filipino 2, “Pagbasa’t Pagsulat Tungo sa Pananaliksik.” Kinukuha ko pa
ang link ng mga gawang alam kong copy-paste lang sa internet. Nang may
ebidensiya kung bakit zero sila sa final exam.Kung bakit bagsak sila.
Sa
computer laboratory ang encoding. Mula alas-dos hanggang ala-tres, nasa faculty
room ako. Nag-a-adjust ng grade. Ginagawang 75 ang 71, 72, 73 at 74. Biglang
nagiging 100 sa recitation ang estudyanteng kahit kailan naman tawagin, walang
maisagot.
Sina
Rhina at Melvin, alas-kuwatro y media na nag-encode. Dalawang gabi raw nilang
nilamay. Namamaga nga ang mga mata ni Melvin.
“Sabay
nga,” sabi niya habang naghihikab. “Ang hirap. Encoding din sa kabila. Deadline
sa Miyerkules.”
Kinabukasan,
pirmahan ng clearance. Kailangang makapagpa-clearance para makuha ang sahod sa
huling cut-off.Ang kay Rhina, ipambabayad sa utang. Ang kay Melvin, ipadadala
sa Pangasinan. Ang sa akin, ipambabayad sa bahay. Nagtatanong na nga si Mama
kung magkano ang sasahurin ko. Sabi ko, hindi ko pa alam.
“Bukas,
ten tayo, a,” sabi ni Rhina. “Ten, a! Ten!” hinahampas-hampas niya kami ni
Melvinsa braso.
Pero
alas-onse na ako dumating. Tinanghali ako nang gising. Ngayon lumabas ang puyat
ko sa ilang gabing pagko-compute ng grades. Pagdating ko, nasa harap ng mesa
sina Melvin at Rhina. Nakasimangot si Rhina, tulala naman si Melvin.
“Sobrang
init ba?” biroko.
Itinulak
ni Rhina palapit sa akin ang cellphone niya. Dinampot ko. May message. “Tara sa
labas.” Kinabahan ako. May ideya na ako.
Lumabas
sila ni Melvin, sumunod ako. Huminto kamisa hallway, malapit sa hagdanan. Umupo
sa pangalawang baitang si Rhina.
“Di
na kami rehired, Macky,” nakasandal si Melvin, nakapamulsa, nakatitig sa sahig.
“Ba’t
daw?” kinakabahan akong baka hindi rin ako rehired.
“Kinausap
na kami ni Ma’am Quejada,” nakapangalumbaba si Rhina. Si Ma’am Quejada ang
chairperson namin. “Sa absences daw.”
Hindi
ako nakakibo. Hindi ko alam ang sasabihin ko. Na-guilty ako na may naramdaman
akong tuwa sa isiping kung absences ang dahilan, malamang, rehired ako.
Na-guilty akong nakahugot ako ng tuwa sa sandaling dapat malungkot ako.
Nagpapirma
ako ng clearance kay Ma’amQuejada, pagkatapos.Nakangiti ako habang
pinipiramahan niya ang clearance ko. Na para bang may magagawa iyon para
ma-rehire ako. Wala siyang sinabi. Hindi niya ako kinausap. Rehired ako, ibig
sabihin.
Bago
kami umuwi, nag-Puregold muna kaming tatlo. Bumili ng babaunin sa outing.
Usap-usap ulit.Hindi puwedeng magkamukha ng bibilhin. Nakatigtu-two hundred
kami. Mahigpit ang usapang tabi-tabi kami sa upuan. Picture-picture. Hingian ng
pagkain. Nakikita ko nang baka mas masaya pa ang biyahe kaysa sa mismong outing.
Huwebes
ng gabi, maaga akong natulog. Mga alas-nuwebe. Nang di ako mahirapang gumising
at nang di ako makatulog sa biyahe. Hindi ako lagi natutulog sa biyahe. Lalo
kung unang punta ko pa lang sa isang lugar. Kahit pa mga bukid lang naman ang
nakikita. Nakakatagpo ako ng kapayapaan habang nasa tabi ng bintana ng bus, at
nakatingin sa langit at sa mga bukid at bundok, at nag-iisip.
Alas-tres
ako ginising ng alarm ng cellphone ko. Inaantok pa ako. Parang gusto ko pang
humirit ng kinse minutos. Dinukot ko sa ilalim ng unan ang cellphone ko, at
pinatay ko ang alarm. May text sa akin. Lima. Galing kina Melvin at Rhina.
Hindi na raw sila makakasama. Nawalang bigla ang antok ko. Parang nalusaw. Tiningnan
ko ang text. Mga alas-onse lang isinend.
Ipinorward
ni Rhina ang text ni Ms. Jenny. Sabi raw ng HR, hindi na puwedeng sumama ang
mga hindi rehired. Sabi pasa dulo, “Thanks for understanding!” Kahit hindi muna
inaalam kungpayag baang mga itinext nila. Kung magaan man lang ba sa loob ng
mga ito ang kabastusan nila. “Enjoy na lang,” sabi pa ni Rhina sa text.
Medyo
madrama naman ang kay Melvin. “Yun na nga lang ang pampalubag loob sa amin e.”
Pumunta
ako sa kusina. Nagmumog ako, saka agad nagtimpla ng kape. Lumabas ako,
pagkatapos. Ipinatong sa mahabang upuang plastik ang tasa.
Mainit
ang hangin maski madaling-araw. Maingay ang mga kuligligsa tabi ng kanal. Tumingala
ako. Makakapal na ulap ang nasa langit. Wala halos bituin. Isang eroplano ang
parang bituing lumulusot sa mga ulap.
Uminom
ako ng kape, pinag-iisipan kung sasama pa ako sa excursion. Parang ayoko nang
sumama. Parang hindi na ako mag-e-enjoy. Gusto kong kahit sa ganitong paraan
man lang, madamayan ko sina Melvin at Rhina. Pero nagsusumigaw sa isip ko ang
ikakaltas sa aking P2,000. Parang
naririnig ko ang boses ni Mama. “’Nak, ‘yung pambayad natin sa bahay, a. Noong
a-onse pa ang due date.”
Inubos
kong bigla ang kape. Ramdam ko ang init sa sikmura at baga ko. Pinunasan ko ng
palad ko ang pawis sa noo ko. Pumasok ako sa bahay, at inabot ang tuwalya sa
sampayan. Sa CR, dinampot ko ang tabo at sunud-sunod ang ginawa kong buhos.