Kagabi, napagtaasan ni Dennis ng boses ang mama niya. Nang
sabihin nitong huwag na siyang sasama sa mga kaibigan niya. Bad influence daw.
Naninigarilyo at ang lulutong magmura. Nakapagtaas siya ng boses dahil ang
punto niya, dati pa, hindi naman sa ganoon nakikita ang pagkamabuting tao. Marami
nga riyan, ang gagara nang damit, edukado, pero milyon kung magnakaw sa bayan. Sa
kanya, hindi makikita ang pagkatao sa porma o kahit pa nga sa asal. Kundi sa
lalim ng pagkilala. At hindi naman kilala ng mama niya ang mga kaibigan niya,
para pagsalitaan nang ganoon.
Mali nga ang mama niya sa pagiging mapanghusga nito. Maling-mali.
Pero naisip niya, mali rin siya. Hindi niya ito dapat napagtaasan ng boses.
Basag ang boses nito pagkatapos. Saka pumasok sa kuwarto. Alam niyang nag-iiyak
ito roon.
Kinausap siya ng papa niya. “Di n’yo dapat ginagano’n ang
mama n’yo. Mapagsalitaan man kayo nang di maganda ng magulang n’yo, magulang
n’yo pa rin ‘yon. At tao lang din ang mga magulang. Nagkakamali. Maraming
iniintindi.”
Kaya kinabukasan, nagpunta siya sa Dangwa, para bumili ng
isang dosenang rosas.
“Bouquet, Boss?” tinig iyon ng isang lalaki. “Red rose,
Boss? Red rose?”
Napatingin siya rito. Maitim ito, payat, nakasumbrerong
orange. ‘Niek’ ang nakasulat. “White rose, magkano?”
“Four hundred, Boss,” lumapit ito sa kanya. “Four hundred.”
“Ha? Di ba three fifty lang?”
Iyon ang tanda niya nang minsang samahan niya si Jing, pinsan
niya, HRM student sa UM, na bumili ng dalawang bouquet ng puting rosas para sa
major subject nito.
“Ay, di Boss. Mahal ang white rose. Ginagamit ‘yon sa kasal
e. Three fifty, ito ‘yon,” inginuso nito ang maraming red rose sa isang kahon.
“Nilda! Nilda!” sigaw nito sa dalagitang nagtatanggal ng tinik ng mga pulang
rosas. “Magkano’ng white rose, isang bouquet?”
“Four fifty,” di man lang tumingin ang dalagita, diretso pa
rin sa ginagawa.
Pinigil ni Dennis ang tawa niya. Scripted ang pagsagot ng
babae. Halatang-halata. Parang mga nagbebenta lang ng aklat sa Recto.
Magkakaibang puwesto, pero iisa lang ang may-ari. Sa tingin pa lang, kaya nang
mag-usap at magsabwatan.
“O, kita n’yo na, Boss. Ibibigay ko na lang sayn’yo nang
four hundred.”
Napatanga siya saglit.
Isang dosenang puting rosas ang gusto niyang ibigay sa Mama
niya. Purity raw ang isinisimbolo ng puting rosas. Kaya nga raw puti ang trahe
de boda. Kasi, dapat, sa kasal, birhen ang babae. Malinis. Wala pang nakaaangkin.
Kaya nga si Regine Velasquez, pula ang trahe de boda. Kasi, di na siya birhen
nang ikasal sila ni Ogie Alcasid.
Hindi naman na birhen ang mama niya, siyempre. Pero puro
ang pagmamahal niya rito. Nalulungkot siya pag malungkot ito. Masaya siya pag
masaya ito. Nasasaktan siya pag may isa sa kanilang magkakapatid ang nakasagot
dito.
Apat silang magkakapatid, pangalawa siya. Babae ang
panganay, may asawa na. Nag-aaral pa ang dalawang huli, kolehiyo.
Wala pa siyang babaeng binibigyan ng bulaklak. Kaya mama
niya ang una. Nakakatatlong girlfriend na siya, pero ni isa sa mga ito, hindi
niya binigyan ng bulaklak. Sa kanya, espesyal ang unang babaeng bibigyan niya
ng bulaklak. Sobrang espesyal. Dahil dadalhin niya hanggang pagtanda niya ang
alaala, na iyong babaeng iyon, kung sino man, ang unang babaeng binigyan niya
ng bulaklak. Sa kanya, kasingtindi ng unang halik ang pagbibigay ng bulaklak.
Dahil bulaklak ito, parang halik. Iilan lang ang binibigyan ng tao ng bulaklak,
tulad din ng halik. At dahil sa salitang “una.”
Wala siyang nakitang espesyal sa tatlong exgirlfriend niya.
Si Mama pala niya ang unang babaeng bibigyan niya ng bulaklak.
Tapos dapat ng commerce ang mama niya. Isang semestre na
lang, pero di natuloy dahil namatay ang lolo niya. Maraming naging gastusin. Taxi
driver naman ang papa niya.
“Ano, Boss? ‘Eto’ng album, Boss,” ipinakita ng lalaki ang mga
retrato ng bulaklak sa album.
Tatlong retrato sa bawat pahina. Nasa magkabilang gilid niyong
una ang isang bouquet ng red rose at isang bouquet ng dilaw na bulaklak na di
niya alam ang pangalan. Sa gitna ang isang bouquet ng white rose. Napako ang
tingin niya sa huli.
“Ano na, Boss?”
“Saglit, Kuya.”
Nalipat ang tingin niya sa red rose. Singkuwenta lang ang
diperensiya. Parang nakikita niya ang larawan ni Sergio OsmeƱa at ng National
Museum. Kinapa niya ang coin purse niya sa side pocket ng pantalon niya.
P700 na lang ang pera niya. Sa Disyembre 20 pa ang susunod
niyang sahod. Maliit lang iyon dahil ilang araw lang naman ang nasakop ng
cut-off na iyon. Disyembre 8 hanggang 17 lang. Dahil 18, Christmas Party na
nila. Part time instructor lang din siya kaya ilang oras lang iyon. Baka wala
pang P 3,000 ang sasahurin niya. Magpa-Pasko pa. Kailangang magtipid. Nakatitig
pa rin siya sa red rose. Kinukumbinsi ang sariling mas maganda ito kaysa sa
puting rosas.
“Red rose na lang, Kuya. ‘Sang bouquet.”
“Three fifty ‘yon, Boss. Gan’to ‘yon kaganda,” nakangiti
nitong itinuro ang nasa retrato.
Tumango si Dennis.
“Isang bouquet na red rose! Take-out!” sigaw ng lalaki.
Parang crew sa Jollibee.
“Dito tayo, Boss, dito tayo,” sumunod siya. “Upo kayo,”
pinagpag nito ang mga dahon sa monobloc.
Nasa tabing daan na sila ng Dangwa. Mabagal ang dumaraang
mga bus at kotse dahil sa kitid ng kalsada. Dito na rin siya sasakay ng pa-Sapang
Palay pauwi. Sana, sa loob-loob niya, maupo siya. Nang di masira ang bulaklak.
“Red rose. ‘Sang bouquet,” sabi ng lalaki sa babaeng
nakaupo sa bangkito, saka umalis.
Umabot ng tatlong rosas sa kahon ang babae. Alon-alon ang
bilbil nito. “Para sa dalaga ba, Boss?”
Tumango lang si Dennis. Ayaw niyang magpaliwanag. Customer
lang naman ang mahalaga sa mga nagtitinda. Hindi ang kuwento ng mga ito.
Mataba ang babae, nakapusod, maitim at nakaputing t-shirt
na may larawan ni Alfredo Lim. Mukhang lampas lang sa trenta anyos. May kamukha
ito, hindi lang niya maisip kung sino.
Sa kabilang tindahan, isang babae ang nag-aayos ng mga bulaklak,
puting bulaklak na may mangilan-ngilang pula sa talulot. Mahaba ang buhok nito.
Parang magsisingkuwenta na.
“Para sa dalaga ni Boss,” pinagsalubong ng babae ang tangkay
ng dalawang rosas. Nakapa-diagonal. Tapos, nilagyan sa pagitan ng mga tangkay
na may pahaba’t maliliit na bulaklak. At nilagyan ng scotch tape. Kumuha uli ng
dalawa pang rosas. Nilagyan sa pagitan ng mga tangkay na may pahaba’t maliliit
na bulaklak. At nilagyan uli ng scotch tape. Tapos, ganoon uli. Hanggang dumami
ang mga bulaklak, at kumapal.
“Mabilis lang ‘to, Boss.”
Oo, sa isip-isip ni Dennis, hindi mo man lang kasi hinugasan
ang mga bulaklak. May alikabok pa ang mga dahon ng rosas. Hindi rin yata
tatanggalin ang mga bulok na talulot at dahon.
Naalaala niya ang dalawang puting rosas na binili nila ni
Jing. Gabi iyon. P350 lang, pero ang ganda-ganda. Siguro, dahil Agosto noon, sa
loob-loob niya. Di gaya ngayon, magpa-Pasko. Kahit pagnanakaw, gagawin ng mga
tao. May maihain lang sa Noche Buena.
Sayang at di siya gaya ni Jing. Aangal talaga pag
kailangang umangal. Tatawad pag kailangang tumawad. Di niya gaya, hanggang sa
isip lang kaya. Wala na sa lugar ang pagkamahiyain. Naisip niya, dapat, isinama
niya ang pinsan.
Halos ayos na ang bouquet. Pero ang kalat-kalat at ang
dumi-duming tingnan, dahil sa dami nang dahon. Parang kadawagan. Parang gubat.
“One… two…” isa-sang hinawakan ng babae ang talulot ng mga
rosas. Nakibilang din si Dennis sa isip niya. “Nine… ten… eleven.” Kulang.
Umabot ng isang rosas ang babae, saka isiningit sa bouquet.
“’Yan, sakto na!” Inayos nito nang kaunti ang parteng pinagsingitan. “Matutuwa
ang dalaga ni Boss!” nakangiti ito.
Naisip na niya kung sino ang kamukha nito. Kamukha ito ni
Ate Josie, tagalooban, kasama ng mama niya sa share, may maliit na tindahan, at
nagtitinda ng ihaw-ihaw pag gabi. Panget ang ugali ni Ate Josie, kaya ayaw rito
ng mama niya, pati ng mga tagalooban. Magulang daw sa lahat ng bagay. Halagang
limang piso, sisingilin pa. Pero ito, di marunong magbayad ng utang. Ang gusto,
puro pakabig. Pati ang mga tinda, kaymamahal. Kinse lang ang malaking Pop, pero
rito, disisyete.
Nilagyan ng babae ng pink na espesyal na papel ang bouquet,
pinatungan ng plastic na pandekorasyon, at sinarhan ng pink na ribbon. Saka uli
ngumiti. Naiinis pa rin si Dennis sa ngiti nito.
“Saglit lang, Boss a,” tumayo ito, pumasok sa loob.
Mga limang minuto rin bago ito bumalik. Nakalagay na sa
diyaryo ang bouquet, at may tali nang straw sa tangkay.
Nag-abot siya ng dalawang two hundred. Nakangiti nitong
iniabot sa kanya ang bulaklak. Medyo naiirita pa rin siya.
“P’wede bang patanggal na ‘yung d’yaryo, Ate? Para iaabot
ko na lang?”
Natawa ang babae sa kabilang tindahan. “Ba’t nga ba kasi me
ganyan pa? Para naman tuloy basura.”
“E gan’tong gusto ng iba e. Nang di mainitan,” nanulis ang
nguso ng babae.
Tinanggal nito ang pagkakatali, saka iniabot sa kanya ang
bulaklak. “Wait, Boss, a. Greg! Greg!”
“O?” lumapit ang lalaking nakasumbrerong Niek.
“Three fifty,” ikinaway-kaway ng babae ang dalawang two
hundred.
“Wala,” nakakunot ang noo ng lalaki.
“Ikaw, Ateng?” tanong nito sa babae sa kabilang tindahan.
“Maniwala ka naman, o. Kung meron ba naman ako, aba’y di mo
na tatawagin si Greg. Pahihiramin na kita. E kaso’y wala.”
Nanulis uli ang nguso ng babae.
Naalaala niya si Ate Josie. Wala nang gustong magpautang dito.
Nagpunta ang babae sa ibang tindahan ng bulaklak, wala pa
ring nagpapabarya o nagpapahiram. Sa isip-isip niya, singkuwenta na lang, wala
pa?
Pinara ng babae ang isang dyip. Napalitan.
“O, Boss,” nakangiti pa rin ito. “Salamats.”
Naiinis pa rin si Dennis. Hindi siya nagpasalamat.
Naglakad siya hanggang sa Lacson Avenue. May Sapang Palay,
sinalubong niya. Maluwag. Alas-diyes naman kasi, di rush hour. Sa
tabing-bintana siya naupo.
Inamoy niya ang bulaklak, hindi ganoon kabango.
Nang nasa Blumentritt na, may nakita siyang isang parte na
parang may butas, parang may pumugad na ibon. Dali-dali niyang binilang ang
bulaklak. Dalawang ulit. Pero ganoon talaga. Lalabing-isa ang rosas.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento