Sabado, Nobyembre 30, 2013

Dayuhan


Twag k n—text ko kay Celine, pinakamatalik kong kaibigan.               
                                                                                                                
Kadarating ko lang sa bahay, galing Adamson University, kung saan ako nagtuturo. Nakabihis na ako’t nakainom na ng tubig. Nakahiga na ako sa sofa. Wala pang dalawang minuto, nagri-ring na ang cell phone ko.

“O, Dearest?” bungad ko. ‘Dearest’ ang tawagan namin. Minsan nga, pinagseselosan na ako ng boyfriend niya.

“Ik’wento ko na, Dearest?”

“Wait,” dinampot ko ang headset sa ibabaw ng computer table, at isinaksak sa cell phone. “O, game,” humiga uli ako sa sofa.

“OK, ganito ‘yon,” luminaw at lumakas ang boses niya. “Di ba, 26K ang sahod ko, monthly?”

“O?”

“Tapos, sa Makati pa ‘ko.”

“O?”

“I mean, marami’ng naiinggit sa’kin. Magandang salary. Airconditioned. Magandang work place. Pero kung alam lang nila. Dearest, di ko na kaya.”

Kumunot ang noo ko.

“Gusto ko nang magandang trabaho, pero ‘yung gan’to, di ko pala kaya.”

Di ako kumibo.

Bukambibig niyang gusto niyang yumaman. Pero ayaw niyang mag-abroad. Kahit malaki pa ang sahod. Napakalungkot daw. “Kaya nga ‘yung mga Pilipino ro’n, makakita lang ng ibang Pilipino, kung makapag-usap, feeling, kamag-anak.” Ang gusto lang niya, magtrabaho sa Makati, may sariling office, may tagatimpla ng kape, maganda ang work place. Hindi pa naman siya boss, at wala pang tagatimpla ng kape, pero nasa Makati na siya. Nasa magandang work place.

“’Yong matataas na empleyado sa’min, Malaysian, British, Chinese, American. ‘Yong mga maintenance, Pilipino. Grabe. Tapos, inuutus-utusang magtimpla ng kape, bumili ng pagkain. Sinisigawan pa. Ako, di ako nag-uutos. Di naman mahirap bumaba. May elevator naman.”

“Tama, Dearest. Ma’nong sila na lang ang magsibili.”

“Tapos, kahit matagal ka na sa company, pag Pilipino ka, mauunahan ka pa sa higher position ng foreigner na katatanggap lang. Hindi ka rin ipadadala sa ibang bansa for seminars and trainings.”

Napapalatak ako. Dinig na dinig ko ang buntong-hininga niya.

“’Yong nangyari no’ng Monday ang di ko kinaya, Dearest. Kaya nga tumawag ‘ko ngayon. For advice.”

“’No ‘yon?”

“Di ba nga, online gaming ‘yung ino-offer ng company namin?”

“O?”

“Ipino-post ‘yon sa Facebook. For publicity. Ngayon, ‘yung naka-assign do’n, namali nang post.”

“O?”

“Alam mo, Dearest, binugbog na s’ya nu’ng manager. Tinutukan pa ng baril.”

“Ha?” napabangon ako. “Pilipino?”

“’Yung empleyado. American ‘yung manager,” sabi niya. “Kahapon, bumalik ‘yung binugbog. Magdidemanda. Sabi ng manager, ‘How much do you want?’ Sabi n’ung Pilipino, ‘How much can you give.’ Sabi, nagkasundo raw sa two hundred thousand.”

“Laki, a.”

“Tapos, Dearest, sabi n’ung manager, ‘Filipino’s are just money,’” humina ang boses ni Celine. “Alam ko naman, kelangan natin ‘yung gano’ng amount. Di ko rin masisisi ‘yung empleyado. Pero ang sakit din pala na gano’n. Na ganyan ‘yung pinagmulan mo. Na ginaganyan kayo.”

Natahimik ako. “Ano’ng plano mo?”

“Magri-resign na ‘ko bukas.”

Tuluyan na akong napabangon.

“Okey,” tumangu-tango ako. “Pero, Dearest, di kaya nabibigla ka lang? I mean, pangarap mo ‘yung ganyang work place, di ba?”

“Oo. Pero di ba, sabi ko naman sa’yo, ayokong mangibang bansa. Hindi ko kaya, kahit malaki’ng sahod. Parang ang lungkot-lungkot. E do’n, ramdam na ramdam ko ‘yon. Para ‘kong nangingibang-bansa sa sarili kong bansa.”

Biyernes, Nobyembre 29, 2013

Mga Sobre


Araw-araw, may sobre
sa aking cell phone,
mula sa iyo,
tanghali, gabi
madaling-araw, umaga, hapon.
At dali-dali ko itong dinadampot.
Kadalasan, nagiging paru-paro
ang mga titik.
Iba-ibang kulay.
Lila, dilaw,
kahel, puti, bughaw.
Sasayaw sa hangin ang mga ito,
hahalik sa aking kamay,
labi, pisngi at noo.


Pagtataboy


Hinaplos mo
ang kamay ko,
lumipad palayo
ang mga uwak
sa aking pulso.

Huwebes, Nobyembre 28, 2013

Ang Pagpatay


Hindi basta-basta ang pagpatay.

Nang barilin niya sa ulo
ang lalaking naka-polo,
namatay ang alab
sa mga mata
ng mga tao
sa palibot nito.

Miyerkules, Nobyembre 13, 2013

Si Walang Pangalan


Lumiko kami sa makipot na daan, pang-isang traysikel lang ang luwang at talahiban ang magkabilang gilid. Naka-mountain bike ako at iyong mababang bisikleta ang kay Owa.

Nagulat na lang ako na may nakasunod na sa aming aso. Sumunod ito kay Owa.

“Uy!” natawa si Owa. “S’ya ‘yon Kuya, o!”

Pandak ito, mataba at puting-puti. Sumasayaw ang buntot, habang nakalawit ang dila.

Pagdating namin sa matandang punong mangga, ni-stand ko ang bisikleta ko, isinandal ni Owa sa puno ang sa kanya. Naglakad kami sa kalahating dipang daan papunta sa kubo ni Lolo. Mga saging ang nasa kanan namin at mga talong ang sa kaliwa.

Nauuna sa akin si Owa, nakabuntot pa rin sa kanya ang aso. Sumasayaw pa rin ang buntot.

Sa kubo, kinuha ni Owa ang biniyak na galon ng diesel, itinaktak, saka ibinuhos ang dala naming naka-sando bag na kaning-lamig, na sinabawan at may buto-buto ng nilagang baboy. Nilantakan agad iyon ng aso. Dinig na dinig ko ang pagkain niya.

“Walang pangalan ‘yan, Kuya,” lumapit sa akin si Owa, nasa tabi ako ng sinigwelas.

Maputi si Owa, makinis. Singkit, medyo kulot at mapupula ang labi. Grade 6. May hawig sa Korean star na si Rain.

“Ba’t walang pangalan?”

“Di pinangalanan ni Lolo,” nakasimangot siya.

Kawawang aso, sa isip-isip ko. Mamamatay nang wala man lamang pangalan. Papaano siya maalaala?

“Bigay lang ‘yan ng nakainuman ni Lolo, e. Tuta nang ibigay.”

Tumango ako.

“Ikaw lagi’ng nagpapakain d’yan?”

“Oo. Pero nu’ng me pasok, si Lolo.”

“Pag me pasok ka, at di nakapagtumana si Lolo?”

“Walang nagpapakain,” nakasimangot pa rin siya.

Naawa akong lalo sa aso.

Tiningnan ko ang mga siling Taiwan na tanim ni Lolo. Ang dami. Mahal pa man din ang sili, P400 ang kilo. Ito ang yamang matapat na binabantayan ng asong ito. Sa kabila ng mga ipinagkait sa kanya.

Naisip kong maski sa sarili ko man lamang, bibigyan ko siya ng pangalan. Pag-iisipan ko bago ako matulog.


Kinabukasan, pangalawang araw ng bakasyon ko sa Nueva Ecija, pinakain uli namin ang aso. Hanggang mag-isang linggong ganoon. Kung umaga at kung hapon.

Hindi ko alam kung saan siya nanggagaling, lagi na lang siyang sumusulpot. Tapos,  susunod kay Owa.

Pag-uuwi na kami, inihahatid pa niya kami, hanggang sa mismong kalsada. Ayokong lumingon, baka kasi sumemplang ako. Dahil hindi sementado ang kalsada. Baku-bako. Pero pakiramdam ko, nakatingin siya sa amin. O siguro, kay Owa. Inihahatid kami nang tingin.


Isang umagang kapapakain lang namin sa kanya, tinanong ako ni Lolo. Nasa tumba-tumba siya, nakataas ang paa, naninigarilyo.

“Ano’ng lagay nu’ng aso, Mak? Mataba na ba?”

“Oho. Galing nga e, wala namang nagpapakain pag tanghali.”

“Nakikikain siguro sa ibang kubo,” umubo si Lolo. “Mainam. Nang makatay na sa p’yesta.”

“Ba’t kakatayin?” malakas ang boses ni Owa, nasa tabi ko na pala.

Napatingin ako sa kanya. Nangingilid na agad ang luha niya.

“E pa’no’ng gagawin? Naitango na kina Pare.”

Hindi sumagot si Owa, nagtatakbo sa kanila. Ikinando ang pinto. Nagkulong sa kuwarto.

Sa labas, naririnig ko ang iyak niya.

Napadiin ang hawak ko sa seradura, nang maalaala kong hindi ko na rin pala ito napangalanan.

Pamaypay


Pag tumakbo si Kasama,
bumibilis ang paghinga.

Biyernes, Nobyembre 8, 2013

Tungkol sa Natabunang Talinghaga


Kadalasan, ganito iyon.

Darating nang biglaan
ang Talinghaga.
Mabilis.
Walang iginagalang na pagkakataon,
pook,
emosyon.

Maaaring nasa kalagitnaan ako ng paliligo,
pagkakape,
pakikipag-agawan sa sasakyan,
kuwentuhan,
pagdarasal.

Sa nakapalibot sa aking trabaho,
itatabi ko muna ito.
Mapapatungan ng minamadaling grades,
inaasikasong exam
o lesson plan.
Hanggang may dumating na naman,
at malagay sa ibabaw.

Tataas ang salansan
ng kung anu-anong hindi nais
subalit kailangang tapusin,
matatabunan
ang Talinghaga.
Kaya magmamadali ako,
magkukumahog.
Nang mailigtas ito
at hindi masayang.

Pagkaalis na pagkaalis
ng kung anu-anong nakadagan,
magugulat ako,
matutulala.
Sapagkat sahig na lamang
ang masisilayan.