Lunes, Oktubre 22, 2012

Malaking Punong Mangga


Paulit-ulit sinasabi sa balita, na walang bagyo, hanging habagat lamang. Pero napakalakas ng ulan, walang lubay. Lubog na sa baha ang NLEX, Marikina, Malabon, Navotas at Valenzuela.

Sa pagngangalit ng ulan at maya’t mayang paggulong ng kulog at paghagulgol ng hangin, tinitingala ng maraming puno ang malaking punong mangga sa bakuran ng mga Calixto. Parang mabubunot na kasi ang ibang puno, di naman kaya ay mababali. Pero ang malaking punong mangga, matatag na matatag pa rin. Matapang na nakatingala sa langit. Hindi makikitaan ng pagkatinag ang naglalakihang ugat.

Mag-iisang daang taon na ang puno, pamana kay Atty. Felipe Calixto ng mga magulang niya, kasama ng malaki nilang lupa.

Isang bagay ang kahanga-hanga sa mga Calixto, bukod sa silang lahat ay matatalino at nakapag-aral, at na sa lugar nila, sila lang ang may sariling bahay at lupa. Walang bumabangga sa kanila— kahit inis na inis na sa kanila ang lahat ng kapitbahay nila. Binabalibag kasi ni Atty. Calixto ang bubong ng kapitbahay, pag lampas alas-nuwebe na at nagbi-videoke pa ang mga ito. Wala siyang pakialam kung may binyag ba o kasal o kaarawan. Basta ang alam niya, ang maingay ay maingay. Minumura naman ni Engr. Calixto, asawa ni Attorney, ang mga batang nagtutumbang-preso sa tapat ng bahay nila pag hapon. At pinagsasalitaan ni Dra. Calixto, panganay na anak ng mag-asawang Calixto, ang mga dumaraang dalagita na maiksi ang suot na short o kaya ay may kasamang lalaki.

“Kaya hindi umuunlad ang Pilipinas e.”

 Pagkatapos ng unos, nagtambak sa malawak na bakuran ng mga Calixto ang mga dahon at sanga ng malaking punong mangga. ‘Yon ang tumambad kay Atty. Calixto, pagkalabas niya nang umaga. At napapalatak na naman siya.

Hindi naman sila binaha, dahil nasa tuktok sila ng Valenzuela, halos kasingtaas na nila ang mga billboard. Kaya lamang, panay naman ang kalat ng dahon ng mangga sa bakuran nila. At sapat na ‘yon para mairita si Atty. Calixto. Kaya isang linggo pagkatapos ng bagyo, ipinaputol niya ang punong mangga.

Tatlong araw bago naputol ang puno.

At pagkatapos niyon, gabi-gabi nang binabalibag ang bubong ng mga Calixto.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento