Tumingin uli si Ma’am San Juan, 31 na taon, Math teacher
sa EARIST (Eulogio Amang Rodriguez Institute of Science and Technology), sa
relo niyang binili sa Victory Mall. Quarter to nine na.
Napahawak uli siya sa shoulder bag
niyang bili sa Tutuban. Parang lubid sa haba ang pila ng mga bumibili ng tiket,
at nasa Monumento pa lang siya. Dapat bago mag-alas-diyes, nasa St. Scholastica
na siya para sa seminar nila. Sa Vito Cruz pa ‘yon!
Nasagi siya sa balikat ng isang
matabang lalaki. “Ay, sorry ‘Te.” Mga karakter sa “Transformer” ang disenyo ng
t-shirt nito.
Parang hinigop ng mata ni Optimus
Prime ang diwa niya, at umikot siya nang umikot nang umikot sa napakalawak,
napakakapal na dilim. Naalaala niya ang pangarap niya noong nag-aaral pa siya,
ang makabili ng kotse. Kulay pula. ‘Yong makapagsa-soundtrip siya nang malakas.
‘Yong di siya mahihirapan pag umuulan. ‘Yong hindi siya pipila at
makikipag-unahan, makasakay lang. Gaya ngayon.
Kung siguro nag-civil engineering
siya, matagal na siyang may kotse. ‘Yon din naman ang ipinakukuha sa kanya sa
Mapua ng tiyuhin niya. At mataas na mataas naman ang logical at mathematical
intelligence niya. Kung bakit ba naman kasi nahilig niyang magturo. Napahigpit
ang hawak niya sa shoulder bag niya. Dapat yata niyang sisihin si Sir Antonio,
‘yong paborito niyang titser, titser niya sa integral calculus.
May kumalabit sa kanya.
Tiningnan niya. Parang pamilyar ang
mukha ng lalaki.
Inabutan siya nito ng magnetic
card. “Ma’am, ‘wag na po kayong pumila.”
Napahawak siya sa shoulder bag
niya. Napatingin sa card, napatitig sa mukha ng lalaki.
“Si Fred po, Ma’am. Student n’yo
dati,” nakangiti ito.
Ngayon lang niya napansin,
nakauniporme ng pang-employado ng LRT ang lalaki.
Nagalak siya. Nahiya sa sarili. At lumuwag
ang pagkakahawak niya sa shoulder bag niya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento