Miyerkules, Oktubre 31, 2012

Undas


Undas na bukas, pero hindi pupunta si Chris sa sementeryo upang mag-alay ng mga bulaklak at magtulos ng kandila sa namatay niyang pag-ibig. Sapagkat alam niyang makita lang niyang muli si Mariane, ang babaeng ilang ulit niyang iniyakan, muling mabubuhay ang inilibing niyang pagmamahal.

Magnetic Card


Tumingin uli si Ma’am San Juan, 31 na taon, Math teacher sa EARIST (Eulogio Amang Rodriguez Institute of Science and Technology), sa relo niyang binili sa Victory Mall. Quarter to nine na.

Napahawak uli siya sa shoulder bag niyang bili sa Tutuban. Parang lubid sa haba ang pila ng mga bumibili ng tiket, at nasa Monumento pa lang siya. Dapat bago mag-alas-diyes, nasa St. Scholastica na siya para sa seminar nila. Sa Vito Cruz pa ‘yon!

Nasagi siya sa balikat ng isang matabang lalaki. “Ay, sorry ‘Te.” Mga karakter sa “Transformer” ang disenyo ng t-shirt nito.

Parang hinigop ng mata ni Optimus Prime ang diwa niya, at umikot siya nang umikot nang umikot sa napakalawak, napakakapal na dilim. Naalaala niya ang pangarap niya noong nag-aaral pa siya, ang makabili ng kotse. Kulay pula. ‘Yong makapagsa-soundtrip siya nang malakas. ‘Yong di siya mahihirapan pag umuulan. ‘Yong hindi siya pipila at makikipag-unahan, makasakay lang. Gaya ngayon.

Kung siguro nag-civil engineering siya, matagal na siyang may kotse. ‘Yon din naman ang ipinakukuha sa kanya sa Mapua ng tiyuhin niya. At mataas na mataas naman ang logical at mathematical intelligence niya. Kung bakit ba naman kasi nahilig niyang magturo. Napahigpit ang hawak niya sa shoulder bag niya. Dapat yata niyang sisihin si Sir Antonio, ‘yong paborito niyang titser, titser niya sa integral calculus.

May kumalabit sa kanya.

Tiningnan niya. Parang pamilyar ang mukha ng lalaki.

Inabutan siya nito ng magnetic card. “Ma’am, ‘wag na po kayong pumila.”

Napahawak siya sa shoulder bag niya. Napatingin sa card, napatitig sa mukha ng lalaki.

“Si Fred po, Ma’am. Student n’yo dati,” nakangiti ito.

Ngayon lang niya napansin, nakauniporme ng pang-employado ng LRT ang lalaki.

Nagalak siya. Nahiya sa sarili. At lumuwag ang pagkakahawak niya sa shoulder bag niya.

Kung Malakas ang Ulan


Kung ganitong halos magdampi ang balat
ng bawat patak ng ulan
mabibilis ang hakbang o tumatakbo
ang mga pauwi o papasok
na walang dalang payong
samantalang maingat, maliliit ang hakbang,
dahan-dahan
silang nakalimot o sadyang palakaibigan sa ulan.

Pagdating sa destinasyon
mas sumasayaw ang kaluluwa
nilang mga walang payong,
nilang basang-basa sa ulan.

Huwebes, Oktubre 25, 2012

Ilaw


Kinukutya ng dilim ang kanilang mga mata
habang helicopter na rumoronda
sa kanilang tenga
ang mga lamok;
nagyayabang ang mga ilaw
sa kalapit na tindahan… ng nagdaraanang sasakyan;
nanlalait ang malakas na tugtog
ng “Payphone” ng Maroon 5
sa kapitbahay.

Sa dingding na dilim
nag-uusap ang kanilang mga mata;
nakikita ang ilaw
sa mata ng isa’t isa.

Sa tabing-bintana, nakatitig sa anak nila
ang buwan at libo-libong bitwin
sa anak nila
na nakatitig sa kalapit na billboard ng alak
na yari sa Amerika
at napaliligiran ng nakasisilaw na mga bumbilya.

Nang Minsang Tumayo Ako sa Puso ng Lungsod


ay narinig ko ang chicharong halakhak
ng mga kidlat na sasakyan;
nakita ang nakaiinggit na kutis
ng mga tulay, kalsada’t bangketa;
humanga sa mayabang na tindig
ng nangakapamewang na makikisig na gusali;
napanood ang handog na munting mundo
ng de-koloreteng mga billboard;
habang sa mga daliri ng hangin
narinig ko ang pagmamakaawa
ng milyon-milyong kaluluwa.

Martes, Oktubre 23, 2012

Penguin


Hindi mo naririnig
ang pagtatawa nila sa iyo
sa iyong sukat, sa iyong kulay
sa pakembot-kembot mong lakad.
Hindi mo alam
kung paano ka nila kinakasangkapan
bilang simbolo at metapora
ng kung ano-anong kapangitan.
Hindi mo alam, hindi.

Ngunit alam ko
kung malalaman mo ang mga ‘yon
lalo ka lamang iindak
kakanta, kekembot
saka masayang lalangoy.
‘Pagkat hindi pala nila alam
na wala naman sa anyo
ang kasiyahan.

Mga Gamit na Sira


Ibabagsak na lang ni Jiji sa apoy ang hawak na yellow paper, nang mapilitan siyang basahin uli ito. Liham ‘yon para kay Bobby, ka-live-in niya.

News writer sa isang tabloid si Jiji, at dating salesman naman sa SM North Edsa si Bobby.

Sweetie,

Tatlo lang ang dahilan ng pagsulat ko. Una, gusto kong sabihin na mula nang nawala ka, ang daming gamit sa apartment ang halos sira na o hindi na gumagana. Halimbawa, ‘yung ilaw, kalahating oras na bago sumindi. ‘Yung plantsa, nasa number 2 pa lang, pero nakakasunog na kahit ng pantalong maong. ‘Yung washing machine, sa pang-apat na salang, ayaw nang gumana. ‘Yung termos, isang araw lang, malamig na ‘yung tubig. At ‘yung TV, napakatagal bago magtao. Kalahating oras na radyo.

Ikalawa, gusto kong sabihing sana, ang pag-ibig ko sa’yo’y gaya na lang ng mga gamit na ‘yon. Malapit na sa katapusan. Pero hindi gano’n, Sweetie.

Ikatlo, gusto kong sabihing miss na miss na kita. Magkikita tayo, alam ko. Magkikita tayo.

Ibinagsak ni Jiji sa apoy ang yellow paper. Mabilis na na nilamon ng apoy ang papel, saka pinasayaw ang mga linya at letra.

Kasunod niyon, bumagsak sa naglalagablab na papel ang luha niya.

Listrogina


Mahal, nakahanda akong inumin ang iyong luha
hanggang sa huling patak
ituturing na tamis ang alat
pilit na hahagilap ng kaligayahan
mula sa iyong dalamhati.
Mahal, nakahanda akong ituring na tubig ang iyong luha
kung sa ganyang paraan
mababawasan ang iyong sakit
kung sa ganyang paraan ko maipadarama
ang aking pag-ibig.

Lunes, Oktubre 22, 2012

Nail Cutter


Isa-isa kong ginupit
ang mga kuko ko sa kamay
sa kanan, sa kaliwa, sa kaliwa, sa kanan
hinlalaki, hinliliit, hinlalato
palasingsingan, hintuturo.
Kahali-halina ang malutong na tunog
ng pagkaputol ng kuko
sa aking pagkatao
at kaibig-ibig
ang pagbagsak
sa sementadong sahig.

Kailangang alisin ang dulo ng mga kuko
silang nakakikilala sa palad mo
buhok, balat, damit
kailangang tapyasin, alisin
gupitin.

Tapos, pagmasdan
ang nagkalat na kuko sa sahig
kaibig-ibig
parang pagkawalay, ganap na paglayo
pagkamatay.
Ngunit di dapat magsaya
dahil panandalian lamang
ang kalayaan.
‘Pagkat bukas-makalawa rin
muling uusbong
ang mga itinapong sakit.

Malaking Punong Mangga


Paulit-ulit sinasabi sa balita, na walang bagyo, hanging habagat lamang. Pero napakalakas ng ulan, walang lubay. Lubog na sa baha ang NLEX, Marikina, Malabon, Navotas at Valenzuela.

Sa pagngangalit ng ulan at maya’t mayang paggulong ng kulog at paghagulgol ng hangin, tinitingala ng maraming puno ang malaking punong mangga sa bakuran ng mga Calixto. Parang mabubunot na kasi ang ibang puno, di naman kaya ay mababali. Pero ang malaking punong mangga, matatag na matatag pa rin. Matapang na nakatingala sa langit. Hindi makikitaan ng pagkatinag ang naglalakihang ugat.

Mag-iisang daang taon na ang puno, pamana kay Atty. Felipe Calixto ng mga magulang niya, kasama ng malaki nilang lupa.

Isang bagay ang kahanga-hanga sa mga Calixto, bukod sa silang lahat ay matatalino at nakapag-aral, at na sa lugar nila, sila lang ang may sariling bahay at lupa. Walang bumabangga sa kanila— kahit inis na inis na sa kanila ang lahat ng kapitbahay nila. Binabalibag kasi ni Atty. Calixto ang bubong ng kapitbahay, pag lampas alas-nuwebe na at nagbi-videoke pa ang mga ito. Wala siyang pakialam kung may binyag ba o kasal o kaarawan. Basta ang alam niya, ang maingay ay maingay. Minumura naman ni Engr. Calixto, asawa ni Attorney, ang mga batang nagtutumbang-preso sa tapat ng bahay nila pag hapon. At pinagsasalitaan ni Dra. Calixto, panganay na anak ng mag-asawang Calixto, ang mga dumaraang dalagita na maiksi ang suot na short o kaya ay may kasamang lalaki.

“Kaya hindi umuunlad ang Pilipinas e.”

 Pagkatapos ng unos, nagtambak sa malawak na bakuran ng mga Calixto ang mga dahon at sanga ng malaking punong mangga. ‘Yon ang tumambad kay Atty. Calixto, pagkalabas niya nang umaga. At napapalatak na naman siya.

Hindi naman sila binaha, dahil nasa tuktok sila ng Valenzuela, halos kasingtaas na nila ang mga billboard. Kaya lamang, panay naman ang kalat ng dahon ng mangga sa bakuran nila. At sapat na ‘yon para mairita si Atty. Calixto. Kaya isang linggo pagkatapos ng bagyo, ipinaputol niya ang punong mangga.

Tatlong araw bago naputol ang puno.

At pagkatapos niyon, gabi-gabi nang binabalibag ang bubong ng mga Calixto.

Bundok Dilim


“Wuuu! Sarap!” ipinakataas ni Justine ang mga kamay niya, litaw na litaw ang manipis na buhok sa kili-kili, parang inihihiwalay ang mga braso sa balikat, parang inaabot ang maliliksing ulap.

“Ganda! Grabe!” ang hangin ang kausap ni Jeffrey.

Nasa itaas na sila ng Bundok Dilim, at kitang-kita ang magagandang tanawin sa ibaba— nakalatag na banig ang mga bukid, ahas na may sisilain ang Ilog ng Pait, inihagis na medida sa sahig ang kalsada. Panay ang awit ng mga ibon, nagpapakitang-gilas ang hangin, at panay ang kumpas ng mga dahon ng akasya, kamatsile at mangga.

“Sulit ang lakad! Grabe talaga!” sinuntok ni Victor ang hangin.

Apat na kilometro rin ang nilakad nila, dalawang oras na pag-akyat. May baon silang tig-iisang boteng tubig, saka isang basket ng pagkain, na may lamang tasty, mayonnaise, hotdog, mga pritong ham at drumstick, saka ilang chichiria.

“Kung may kamag-anak kami rito, patitirahin ako nang isang taon, go lang,” nakangiti si Daryll, pinasasayaw ng hangin ang nakatrintas na buntot ng kanyang buhok.

“Oo nga. Ang sarap ng buhay rito,” napapalatak si Ivan. “Kainggit!”

Maya-maya, nag-picture taking sila nang nag-picture taking.

At bago sila bumaba, bumili sila ng pasalubong na ashtray, pitaka, kuwintas at keychain sa mag-iina sa gilid ng daan. Payatot ang mga ito. Mukhang matanda ang batang lalaki, nangakausli ang buto ng nanay niya at am lang ang sinususo ng kapatid niyang sanggol.

“Ang saya talaga dito mga ‘Tol!” inihagis ni Victor ang biniling keychain, saka sinalo.