Sabado, Marso 3, 2012

Nepenthes Bellii


Marami sa atin ay nepenthes bellii:
mga makatang tinutulaan ang bayang
labas ang suso’t gula-gulanit ang damit,
mga gurong minamalat sa pagtuturo’t
napapagod kahihintay ng pagtaas ng suweldo,
mga alagad ng sining
na sandamakmak ang daing,
mga amang nagpapakapuyat sa pagpapaaral sa anak,
mga inang nagpapakahirap sa paghihigpit
ng sinturon ng buong tahanan,
mga anak na nangangarap
na mabigyan ng maski simpleng bahay
ang kanilang mga magulang,
tayong lahat na nasusuka't naririmarim sa ganitong sistema,
nepenthes bellii tayong lahat,
pitsel na halamang lumalambitin sa hangin,
nakatingala sa langit,
nakatitig sa mga ulap, nag-aabang ng ulan.

Ngunit di gaya ng nepenthes bellii,
hindi tayo sa Mindanao at Dinagat lang nananahan
kundi sa puso ng buong bayan,
sa kaluluwa ng bawat isa,
ng mga tsuper na gumigising nang maaga
para mamasada
kahit naglipana ang mga diyos-diyosan sa kalsada,
ng mga taas-kamaong lumalaban
sa mga halimaw sa Batasan,
ng mga wala nang tiwala sa katarunga’t pamahalaan,
ng mga hindi na umaasa
sa payapang usapa’t demokrasya,
sa lahat ng biktima
ng barubal na sistema.

Nepenthes bellii tayong lahat,
halamang mukhang nakatingala lang sa hangin,
nanonood sa mga maya at lawin,
halamang sa simula’y walang kibo
pag dinapuan ng tutubi o langaw
o ginapangan ng hantik o higad,
ngunit matiyaga palang naghihintay
sa paglapit nito sa kanilang bibig
para ganap na ipagtanggol ang sarili,
patayin ang sumasalakay,
durugin at aalisan ng hininga,
parusa sa kapangahasan nilang agawin
ang hindi sa kanila.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento