Miyerkules, Marso 28, 2012

Kaya Pala Walang Kuliglig sa Aking Panaginip


Kagabi, pagkahiga sa kama
samantalang humihiling na sana
puro gabi na lang at wala nang umaga
natanong ko na naman ang sarili
kung bakit pag gabi lang umaawit
ang mga kuliglig
gayong kailangan din naman ng oyayi
sa mga tanghaling tapat
na ayaw akong kumutan ng antok
o kung bakit ni minsan
hindi ko sila nasilip
sa aking panaginip.

Sabi ng agham, nananaginip ang tao
nang sampu o higit pa
pero iilan lang ang naaalaala.
Kaya ko siguro inakalang walang kuliglig
sa aking panaginip,
ngunit hindi rin siguro, naaalaala ko kasi
minsan akong nanaginip
ng tipaklong at susuhong, ng alitangya’t mariposa
ng niknik, ng ipis, ng salaginto’t bubuyog.
Kaya bakit walang kuliglig
gayong sabi sa sikolohiya
kalimitan, ang madalas isipin o ang huling inisip
ang nagiging tauhan sa ating panaginip?

Madalas ko silang isipin
at pag gabi, habang nakikipagtitigan sa buwan
o kung sinisilip ko ang mga nakaraan
samantalang nagsisepilyo sa lababo
bigla kong naiisip, saan kaya naroon ang karamihan sa kanila
sa paanan kaya ng euphorbia’t palmera
sa gilid ng kanal
o sa batuhan sa tabing-kalsada?

Hanggang isang gabing nagdadalamhati ako’t
di ko namalayan ang pagkahimbing
naalimpungatan ako’t
naputol ang aking panaginip
saka ko narinig ang awitan ng mga kuliglig.
At naisip kong kailanman
hindi magsasama ang kuliglig at panaginip
para may magtatakas sa akin sa lungkot
habang natutulog
at may magpupunas ng luha ko
pag ayaw pa akong sunduin ng antok
o kung hinablot na ako sa panaginip
ng tunay na daigidig.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento