Batay sa
pananaliksik
kung may
pabor kang hihingiin sa isang tao
makabubuting
ibulong mo ito
sa kanan
niyang tenga
ngunit
batay sa nararamdaman
kung
gahaman ang iyong bubulungan
sa
Batasan, Malakanyang
mga
munisipiyo’t baranggay hall
kailangan
mo itong ibulong
sa
kanilang puso.
Di ka nga
lang sigurado
kung meron
sila nito.
Batay sa
pananaliksik
nakaaadik
ang musika
at mas hinahanap-hanap
ng katawan
ang
caffeine kaysa marijuana
ngunit
batay sa nararamdaman
magpatugtog
ka man nang sobrang lakas
sa mesa ng
gahaman
na may
isang tasang kape’t isang platitong marijuana
mas matututok
pa rin ang talino niya
sa
makakapal na sobre ng pera
sa kanyang
alaala.
Batay sa
pananaliksik
nakagagaan
ng pakiramdam
nakababawas
ng lungkot
nakawawala
ng pagod
ang
paghawak sa papel na pera
ngunit
batay sa nararamdaman
nakawawala
ito ng dignidad
kung
perang hinahawaka’t ibinubulsa
mula sa pawis
ng iba.
Batay sa
pananaliksik
uunlad pa
ang Pilipinas,
ngunit
batay sa nararamdaman
hindi
kailanman
hangga’t
nariyan ang mga gahaman.
Hangga’t
nariyan ang mga gahaman!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento