Miyerkules, Marso 28, 2012

Summer na Naman


Pagkahugas ng pinggan, binuksan ni Jontahan ang TV.

Bumungad sa kanya ang summer commercial ng isang alak—at kakatwang sa umpisang-umpisa pa nito mismo. Nagsasayawan doon ang naggagandahang babae, makikinis ang kutis at mabibilog ang boobs at mga hita; kasama ang mga lalaking malalaki ang biceps at litaw na litaw ang abs.

Dinampot niya agad ang remote, at inilipat ang channel. Sa lotion naman ang commercial sa kabilang istasyon—pinoproblema ng isang babae ang isusuot niya pagpunta nilang Boracay, kasama kasi nila ang crush niyang bachelor, at natatakot siyang makita nito ang dry skin niya. Sumunod naman ay sa shampoo—isang babae ang natatakot na pag naligo siya sa swimming nila ay ma-damage ang hair niya.

Napiga ni Jonathan ang remote, at agad niyang pinatay ang TV. Hindi na niya kaya ang alalahaning magsa-summer na. Wala na naman siyang trabaho. Baka mabugbog na naman siya ng papa niya.

Kaya Pala Walang Kuliglig sa Aking Panaginip


Kagabi, pagkahiga sa kama
samantalang humihiling na sana
puro gabi na lang at wala nang umaga
natanong ko na naman ang sarili
kung bakit pag gabi lang umaawit
ang mga kuliglig
gayong kailangan din naman ng oyayi
sa mga tanghaling tapat
na ayaw akong kumutan ng antok
o kung bakit ni minsan
hindi ko sila nasilip
sa aking panaginip.

Sabi ng agham, nananaginip ang tao
nang sampu o higit pa
pero iilan lang ang naaalaala.
Kaya ko siguro inakalang walang kuliglig
sa aking panaginip,
ngunit hindi rin siguro, naaalaala ko kasi
minsan akong nanaginip
ng tipaklong at susuhong, ng alitangya’t mariposa
ng niknik, ng ipis, ng salaginto’t bubuyog.
Kaya bakit walang kuliglig
gayong sabi sa sikolohiya
kalimitan, ang madalas isipin o ang huling inisip
ang nagiging tauhan sa ating panaginip?

Madalas ko silang isipin
at pag gabi, habang nakikipagtitigan sa buwan
o kung sinisilip ko ang mga nakaraan
samantalang nagsisepilyo sa lababo
bigla kong naiisip, saan kaya naroon ang karamihan sa kanila
sa paanan kaya ng euphorbia’t palmera
sa gilid ng kanal
o sa batuhan sa tabing-kalsada?

Hanggang isang gabing nagdadalamhati ako’t
di ko namalayan ang pagkahimbing
naalimpungatan ako’t
naputol ang aking panaginip
saka ko narinig ang awitan ng mga kuliglig.
At naisip kong kailanman
hindi magsasama ang kuliglig at panaginip
para may magtatakas sa akin sa lungkot
habang natutulog
at may magpupunas ng luha ko
pag ayaw pa akong sunduin ng antok
o kung hinablot na ako sa panaginip
ng tunay na daigidig.

“May Nakilala Akong Isang Henyo” ni Charles Bukowski


May nakilala ako sa treng isang henyo
ngayon
mga 6 na taong gulang,
umupo sa siya tabi ko
at habang mabilis na lumulusong sa baybayin
ang tren
nakarating kami sa karagatan
at tumingin siya sa akin
saka sinabi,
hindi maganda.

Linggo, Marso 18, 2012

Mga Piyesa Ko sa Liwayway

Unang gawa kong nalathala sa panglingguhang magasing Liwayway, "Mga Patak ng Pawis at Tilamsik ng Dugo sa Manibela," sa isyung Enero 9, 2012. Ito rin ang unang maikling kuwento sa blog na ito.




"Binibining Cabaysa," ang ikalawang akda ko sa Liwayway, at ang una ko ring maikling kuwento. Sinimulan kong gawin noong nasa kolehiyo pa lang ako. Nalathala sa isyung Enero 16, 2012.


Isa sa pinakapaborito kong tula, "Si Pag-asa," nalathala sa Liwayway sa isyung Enero 23, 2012.


Ang maikling kuwento kong "Insong Asyang," sa isyung Enero 30, 2012 ng Liwayway.





Martes, Marso 6, 2012

Batay sa Pananaliksik


Batay sa pananaliksik
kung may pabor kang hihingiin sa isang tao
makabubuting ibulong mo ito
sa kanan niyang tenga
ngunit batay sa nararamdaman
kung gahaman ang iyong bubulungan
sa Batasan, Malakanyang
mga munisipiyo’t baranggay hall
kailangan mo itong ibulong
sa kanilang puso.
Di ka nga lang sigurado
kung meron sila nito.

Batay sa pananaliksik
nakaaadik ang musika
at mas hinahanap-hanap ng katawan
ang caffeine kaysa marijuana
ngunit batay sa nararamdaman
magpatugtog ka man nang sobrang lakas
sa mesa ng gahaman
na may isang tasang kape’t isang platitong marijuana
mas matututok pa rin ang talino niya
sa makakapal na sobre ng pera
sa kanyang alaala.

Batay sa pananaliksik
nakagagaan ng pakiramdam
nakababawas ng lungkot
nakawawala ng pagod
ang paghawak sa papel na pera
ngunit batay sa nararamdaman
nakawawala ito ng dignidad
kung perang hinahawaka’t ibinubulsa
mula sa pawis ng iba.

Batay sa pananaliksik
uunlad pa ang Pilipinas,
ngunit batay sa nararamdaman
hindi kailanman
hangga’t nariyan ang mga gahaman.
Hangga’t nariyan ang mga gahaman!

Sabado, Marso 3, 2012

Nepenthes Bellii


Marami sa atin ay nepenthes bellii:
mga makatang tinutulaan ang bayang
labas ang suso’t gula-gulanit ang damit,
mga gurong minamalat sa pagtuturo’t
napapagod kahihintay ng pagtaas ng suweldo,
mga alagad ng sining
na sandamakmak ang daing,
mga amang nagpapakapuyat sa pagpapaaral sa anak,
mga inang nagpapakahirap sa paghihigpit
ng sinturon ng buong tahanan,
mga anak na nangangarap
na mabigyan ng maski simpleng bahay
ang kanilang mga magulang,
tayong lahat na nasusuka't naririmarim sa ganitong sistema,
nepenthes bellii tayong lahat,
pitsel na halamang lumalambitin sa hangin,
nakatingala sa langit,
nakatitig sa mga ulap, nag-aabang ng ulan.

Ngunit di gaya ng nepenthes bellii,
hindi tayo sa Mindanao at Dinagat lang nananahan
kundi sa puso ng buong bayan,
sa kaluluwa ng bawat isa,
ng mga tsuper na gumigising nang maaga
para mamasada
kahit naglipana ang mga diyos-diyosan sa kalsada,
ng mga taas-kamaong lumalaban
sa mga halimaw sa Batasan,
ng mga wala nang tiwala sa katarunga’t pamahalaan,
ng mga hindi na umaasa
sa payapang usapa’t demokrasya,
sa lahat ng biktima
ng barubal na sistema.

Nepenthes bellii tayong lahat,
halamang mukhang nakatingala lang sa hangin,
nanonood sa mga maya at lawin,
halamang sa simula’y walang kibo
pag dinapuan ng tutubi o langaw
o ginapangan ng hantik o higad,
ngunit matiyaga palang naghihintay
sa paglapit nito sa kanilang bibig
para ganap na ipagtanggol ang sarili,
patayin ang sumasalakay,
durugin at aalisan ng hininga,
parusa sa kapangahasan nilang agawin
ang hindi sa kanila.