Sabado, Agosto 27, 2011

Sa Loob ng Kulambo


Dati, noong bata pa ako
pag walang kuryente’t walang bentilador
tiyak nang tangan mo
ang karton ng sigarilyo
kundi mo man makita
ang iyong abaniko.
Papaypayan mo ‘ko nang papaypayan
nang mahimbing nang tulog
at di pagpawisan
habang inihehele
ng awitan ng mga kuliglig
at ng uyaying
ikaw lang ang may alam.

Doon, sa loob ng kulambo
sa espasyong malayo
sa mga kagat ng lamok
sa dilim ng gabi
sa pangamba at takot
natagpuan ko ang isang paraiso.

Ngayon, may sarili na ‘kong pamilya
nakatira sa bahay na de-aircon
walang lamok
at di kailangan ng katol
ngunit gustung-gusto ko pa ring balikan
kahit ilang sandali lamang,
ang paraiso
sa loob ng kulambo.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento