Gusto kong magtayo ng bahay
sa sinapupunan
ng masasayang alaala
sa daigdig na yakap-yakap
ng kaligtasan
malayo sa mga titig at sulyap
ng mga multong
ako ang lumikha.
Gusto kong magising isang umaga
na naroon
masayang naroon
sa di malilimot
na mga kahapon.
Nanamnamin, higit kaysa dati
bawat segundong lumipas
at magpapakasaya sa kada
minuto-oras-araw-buwan-taon
na pilit kong tinitingalang
mas mainam ang bukas
kaysa sa ngayon.
At pag nalalapit
nang magpang-abot
mga hintuturo
ng kahapon at ngayon
kukuhanin ko
tadyang ng aking panaginip
hihingahan
at bubuo ako ng isa pang panaginip
na may diwang
di natatapos
masasayang gunita.
Ngunit hindi ako roon
nagdilat ng mga mata
kundi sa aking kasalukuyan
na parang bumubulong ng
“ang alaala ay tapos na
at sa isip at litrato
mo na lang makikita.”
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento