Linggo, Agosto 28, 2011

Footbridge Muñoz


Kanginang umaga, sa Edsa
habang umaakyat ako sa Footbridge Muñoz
nakita na naman kita.
Doon ka pa rin nakaupo
sa baitang na ‘yon ng hagdan
at sa ibaba
abala pa rin sa pagsisiksikan ang mga sasakyan.

Nakapagtataka ang iyong mga ngiti
dahil kahit parang ganap nang niyakap ng lungkot
ang iyong mga mata
naroon pa rin ang kapangyarihan nitong makahawa
at malakas pang makaayang
salubungin ang pag-asa.

Kulubot na ang iyong balat
at malalim na’ng mga gatla
sa taas at baba ng iyong mga labi
tulad ng mga bitak sa napabayaang kalsada.

Dumukot ako ng barya
sa bulsa ng longsleeve ko.
At ang naiahon ko, isang Emilio Aguinaldo.

Nasa NLEX na ngayon
ang sinasakyan kong bus.
At ang gabi ay lalong pinadilim, pinahiwaga
ng nagmamadaling mga sasakyan
ng malungkot na hangin
ng malakas na ulan.
Sira ang bintana ng bus sa aking naupuan
at basa na sa anggi ang kaliwa kong balikat.
May hatid na lamig
ang bawat butil ng ulan
at kasabay ng malamig na hanging
pabangga-bangga sa aking pisngi,
naalaala kita.
Paano ka kaya
 ngayong malakas ang ulan?

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento