Mayo pa lang, at ilang linggo pa bago magpasukan, pero wala
na akong mapagkaabalahan. Inip na inip na ako. Ganito yata talaga, sabik na
sabik kang magbakasyon, at sa unang tatlong linggo, masayang-masaya ka, pero
kalaunan, maiinip ka rin. Hahanap-hanapin mo rin ang mga nakasanayan mong
gawin. At ito pa ang isang ayoko pag bakasyon, hirap na hirap akong makatulog.
Gaya ngayon. Mahihiga ka nang alas-onse, minsan, alas-tres na, dilat na dilat
pa ang mga mata mo.
Sayang ang oras pag ganito. Kaya bumangon ako. Maige nang
lumipas ang oras nang may nangyayari, kesa sa nakatanga lang ako’t pinipilit na
makatulog. Tumingin ako sa orasan sa bumbunan ng TV. Alas-dose na.
Nagkalkal ako ng kung ano-ano sa book shelf ko, saka
nagbukas ng radyo. Wild Confession na ang programa ni Papa Jack sa 90.7 Love
Radio. Nasimulan ko na’t natapos ang kuwento ng isang babae sa University belt
tungkol sa “ginawa” nila ng boyfriend niya, pero hindi pa rin ako dinadalaw ng
antok.
“Fixin A Broken Heart” na ang tumutugtog sa radyo.
Nahagip ng mata ko ang maliit na kahon sa ibabaw ng
aklatan. Inabot ko.
Bigay pa ‘yon sa akin ng matalik kong kaibigan, si Francia,
nang magtapos kami ng elementarya. Ibinigay niya ‘yon sa akin, kasama ng isang
chessboard, at ‘yong kahon ngang ‘yon ang lagayan ng mga piyesa. Ngunit
kalaunan, kapapahiram, nasira ang chessboard, at nagkawalaan ang mga piyesa.
Nagkulang-kulang. Pati ang hati sa loob ng kahon, na naghihiwalay sa mga itim
at puting piyesa, natanggal. Kaya ngayon, hindi na mga piyesa ng tses ang laman
niyon, kundi samu’t saring gamit na naglalaman ng mga alaala ng aking mga
kahapon— mga classcard ko noong kolehiyo, tiket sa World Trade Center nang
magtapos ako ng kolehiyo, stab ko sa entrance exam sa PUP, registration form sa
masteral degree, mga payslip ko sa tatlong paaralang pinagtuturuan ko, resibo
sa fast food chain nang una akong kumain sa labas nang mag-isa, Domo cell phone
chain na bigay sa akin ni Crystalin, dalawang pakong may pinturang pula sa may
tulis, na ginamit namin nang mag-retreat kami, mga litrato, at kung
ano-ano pang mga bagay na walang kasilbi-silbi sa iba, pero bibilhin ko nang
kahit pa isang milyon, pagtanda ko’t mayaman na ako, at nawala ito. Iniahon ko
ang mga laman niyon, at isa-isa kong tiningnan ang mga litrato. Nakatutuwa, ang
guwapo ko pa dati.
Naakit akong titigan ang isang litrato roon, ang litrato
namin ng paborito kong aso, si Clinton. Sa litrato, nakasandong pula ako,
nakaupo sa sahig. Nakalatag sa sahig ang mga text ko ng Pokemon. At nasa kanan
ko si Clinton, himas-himas ko sa ulo.
Sa Nueva Ecija ako lumaki, doon kina Nanay at Tatay, mga
lolo’t lola ko. Anim na buwan pa lang ako nang iwan ako roon nina Mama’t Papa.
Wala kasing makuhang yayang mag-aalaga sa akin. At doon nga, sa lugar na iyon,
na simple ang pamumuhay, na kahit parang paulit-ulit ang nangyayari sa
araw-araw ay lukob naman ng di maipaliwanag na kasiyahan at hiwaga, nakasama ko
si Clinton.
Hindi ko na matandaan, o maari rin namang talagang hindi ko
alam, kung ilang taon ang tanda ko sa kanya. Pero sa tantiya ko, nasa tatlo o
apat na taon na rin ako nang ipanganak siya.
Panahon ‘yon ng aking kamusmusan, mga panahong wala pa
akong muwang sa mundo. Hindi pa nag-aaral, hindi pa marunong bumasa’t sumulat,
hindi pa marunong magkunwari. Ngangalngal at maglulupasay, maski sa buhanginan,
pag may gusto ngunit di nakuha. Noon ko siya unang nakita, bagama’t hindi ko pa
alam kung alin siya sa mga ‘yon.
Kasama ko noon ang mga pinsan ko, na gaya ko ay mga musmos din,
dahil ako na ang pinakamatanda sa aming magpipinsan. Katatapos lang yata naming
maglaro noon, nang makuha nila ang aming pansin. Tulad ng ina nila, itim silang
magkakapatid, na noong nasa elementarya na ako’t marunong nang magbilang ay
naisip kong mga nasa anim o pito rin ang kabuuang bilang. Nangakahiga sila sa
sahig na sinapinan ng mga luma’t marurungis na sako. Nakapikit pa ang mga mata
nila. Sabay-sabay sumususo sa ina nila. Agawan sa suso. Siksikan. Gitgitan.
Hindi ko pa alam noon ang mangyayari, na ipamimigay sa mga
kapit-bahay namin ang mga tuta kapag awat na ang mga ito, at na ang ina nila ay
ipagbibili, na sa malamang ay matagal nang naitae ng mga nakabili. Hanggang
isang hapon, nagulat na lang akong isang tuta na lang ang nasa luma’t marungis
na sako. Iipod-ipod ito kung lumakad. Malaki ang tiyan, at mukhang malaking
daga pag malayo. Di bale dalawang aso na lang ang natira sa amin noon— si
Romnic, malaking aso, maganda ang tindig, at mangahel-ngahel ang mga balahibo,
na sa palagay ko nang nasa wastong gulang na ako’y isinunod sa pangalan ng
artistang si Romnic Sarmenta; at siya nga, si Clinton.
“Clinton”… hindi ko alam kung sino ang nagbigay sa kanya ng
pangalang ‘yon. Basta nakagisnan ko na lang na ‘yon na ang tawag sa kanya ng
mga tao sa bahay. At napagaya na lang ako.
Nang minsang makasama ko si Tatay sa terrace, nasa mataas
na paaralan na ako noon at sa Valenzuela na nag-aaral, kinuha na kasi ako nina
Mama’t Papa, tinanong ko siya kung bakit “Clinton” ang ipinangalan kay Clinton.
“Ke Bill Clinton ba ‘yon, ‘Tay?” hindi ko pa kasi kilala si
Bill Clinton noong nasa elementarya pa ako.
“E pa’no pa nga,” nakaupo si Tatay sa tumba-tumba,
naninigarilyo.
‘Yon lang, at naging tiyak na sa akin na sa dating pangulo
nga ng Amerika isinunod ang pangalan ni Clinton. Hindi ko na nga lang
pinag-ukulan pa ng pansin kung si Bill Clinton ba ang pangulo ng Amerika nang
ipanganak si Clinton.
Nang mga panahong hindi pa ako nag-aaral, ‘yong mga
panahong tuta pa lang si Clinton, paipod-ipod pa kung maglakad at tamilmil pa
kung kumain, ay hindi ko siya nilalaro, ni pinag-uukulan ng pansin. Parang wala
lang siya sa akin noon. Dahil meron naman akong mga laruan. May laruang robot
ako, mga laruang kotse, trak-trakan, baril-barilan at tao-tauhan. Saka marami
rin akong kalaro. Ngunit nang nasa kinder na ako, nang maliksi na siyang
kumilos at malakas nang kumain, nang hindi na siya isang tuta bagama’t hindi pa
isang ganap na aso, ay lagi ko na siyang inaasikaso. Pinakakain ko siya lagi ng
tirang pagkain. Pag nailagay na sa tabo ang mga pinagsimian, na hinaluan ng
kanin at nilagyan ng konting tubig at sabaw ng ulam, dadalhin ko na ‘yon sa
kanya, saka ko isasalin sa luma’t di kalakihang planggana. At tatawagin
ko siya.
At pag hapunan ang ipakakain ko sa kanya, sa kadiliman ng
gabi, ay magugulat na lang ako sa bigla niyang pagsulpot. Hindi ko alam kung
saan siya nanggagaling. Kung sa punong kamyas ba, sa may mangga, sa loob ng
bahay o sa may gaod. Sa itim na itim niyang balahibo, parang bahagi na rin siya
ng dilim, ng gabi.
“Kuuu, Clinton. Kuuuuu!”
Agad siyang lalapit, at pagkababang-pagkababa ko ng
pagkain, uupakan na niya iyon. Hindi pa rin ako aalis noon. Tatalungko lang ako
sa tabi niya, at panunuorin siyang kumain. Pag nakita kong paubos na ang laman
ng planggana, pupunta na ako sa gaod, kukuha ng isang tabong tubig. Ibubuhos ko
‘yon sa planggana para inumin niya. Kaso, hindi naman niya iniinom.
Hanggang kalaunan, di ko na siya tinatawag. Paglabas ko ng
bahay, sinasalubong na niya ako.
Tuwing wala akong pasok, tuwing holiday at tuwing Sabado’t
Linggo, lagi ko siyang pinaliliguan gamit ang sabong panlaba. Sina-shampoo ko
pa siya minsan, pag may nakita akong tirang shampoo sa gaod. Minsan nga, may
nakita akong lumang sepilyo sa tabi ng palo-palo. Kinuha ko. Ibinuka ko ang
bibig ni Clinton, saka ko siya sinepilyo. Tumahol. Malakas. Umangil! Napasigaw
ako sa gulat. Napaatras.
“Ano’ng nangyari?” humahangos si Dikong, tito ko.
“Nakagat ka?”
Umiling lang ako. Ramdam ko pa rin ang mga kabog sa dibdib
ko.
“’Wag ka nang lalapit kay Clinton a,” si Nanay, nang
naghahapunan na kami. “Baka makagat ka pa no’n.”
Hindi na nga ako lumapit kay Clinton. Pero ilang araw lang.
Nang mga sumunod na araw, ako na uli ang nagpapakain sa kanya.
“Ako na’ng magpapakain kay Clinton, Dikong.”
“Ako na, baka makagat ka pa.”
“Ako na. Hindi ‘yan.”
“Baya’n mo nga s’ya Omel,” nagtitinga si Tatay. “’Wag mo
kasing bubu’sitin.”
“Sinepilyo ko lang.”
“E ‘wag mo ngang gagano’nen,” iniabot sa akin ni Dikong ang
tabo.
Sabay kaming lumaki ni Clinton. Sabay naming tinawid ang
mataas na pader ng pagbabago. Isang pader na sa ayaw at sa gusto mo, tatawirin
mo.
Nang mag-elementarya ako, isa nang ganap na aso si Clinton.
Matikas na ang kanyang katawan. Malayong-malayo sa mala-daga niyang porma noong
tuta pa siya. Bagay na bagay sa sa kanya ang maamo niyang mukha. Alanganing
itim-alanganing kape ang kanyang ilong, at pinaghalong pula at kahel ang
kanyang mga mata. Mangitim-ngitim at mahahaba at matutulis ang kanyang mga
kuko. Malambot, pino at mahaba ang malagong itim na balahibo sa kanyang likod
at buntot, gayondin sa kanyang dibdib, tiyan at mga paa, na ang kulay naman ay
mangahel-ngahel, na naging dahilan, para maisip kong si Romnic ang ama niya.
Mapungay ang mga mata ni Cinton. Buhay at masaya. Na noong
nasa kolehiyo na ako’y naisip kong kahit aso siya, parang nakakikilala siya ng
pag-asa. Parang marunong mangarap. Itim na itim ang tuldok niyon sa gitna,
kasing-itim ng balahibo niya sa buntot at likod.
Tuwina, lalo na pag nakikita niya ako, kumakaway-kaway ang
mahaba niyang buntot. Habang nakabuka ang bibig niya at nakalawit ang dila.
Saka siya biglang sasalubong sa akin. Ako naman ay mapapaupo sa kalsada o
mapahihiga, saka pagdididilaan ni Clinton.
Higit sa lahat, ang pinaka di ko malilimutan kay Clinton ay
ang kanyang mga kahol. Na kahit nga yata kumahol ang sampung aso, kaya kong
makilala kung alin doon ang kay Clinton. Buong-buo ‘yon. Parang hindi
nakakikilala ng anumang takot at kaduwagan.
Minsan, nang naglalaro kami ng trak-trakan ng mga kaklase
ko, na mga kapitbahay lang din namin, doon sa tarangkahan namin, na tinambakan
ng mga buhangin, bigla kaming nagulat sa iyak at malalakas na kahol ng aso.
Tayuan kami. Tumanaw kami sa labas. Nakita ko si Clinton, nasa kabilang
kalsada, nakikipag-away kay Tigre, aso ng kapitbahay namin. Nag-iiiyak na
tumakbo si Tigre pauwi sa kanila. Hinabol ito ni Clinton hanggang sa
tarangkahan, at nang hindi abutan, umuwi na siya sa amin.
“Ang galing ni Clinton, ‘no?” pagmamayabang ko— para
bang sinasabi kong, “Aso ‘ko ‘yan. Aso ‘ko ‘yan.”
“Oo nga,” si JP, hawak-hawak ang laruang bulldozer. “Takbo
‘yong aso nina Nanang Pina ye.”
Matalino si Clinton. Minsan nga, pag sarado ang mga pinto
sa terrace, sa garahe at sa tagiliran ng bahay, makikita ko na lang siya sa
tindahan. Mabilis siyang papasok. Tumatakbo. Saka lulukso palagos sa butas sa
rehas, na abutan ng binili ng mga bumibili. Kasyang-kasya siya roon. At pagbagsak
sa lupa, tuloy pa rin siya pagtakbo. Minsan naman, inaabutan ko siyang kumakain
ng feeds sa tindahan. At minsan, nakikita na lang namin siyang may kagat-kagat
na malaking daga. O kung minsan, ahas.
Tinuturuan ko pa nga siya dati ng mga trick. Napanuod ko
kasi sa TV si Saber, asong nakakamot ang likod ng kanyang amo,
nakapagkukunwaring patay, nakakapag-flush ng inidoro at nakapipindot ng switch
ng ilaw. Sa likod-bahay ko tinuturuan si Clinton. Pag hapon.
“O, Clinton o,” inihagis ko ang isang piraso ng patpat.
Hindi niya pinulot. Tiningnan lang. Ako ang pumulot.
“Clinton o,” hagis na naman ako ng patpat.
Ganoon uli. Ako na naman ang pumulot.
Kung minsan naman, pag bumibili ako ng text sa tindahan sa
kanto, sumasama siya sa akin. Nakikipagkarera pa ako sa kanya. Pero kahit
kailan, hindi ko siya naunahan. Kahit ako lagi ang nauunang tumakbo. Minsan
nga, kapipilit kong maunahan siya, natalisod ako, at nasubsob sa kalsada.
Lumapit sa akin si Clinton, dinilaan ako sa noo. Malungkot ang mga mata niya.
Madalas din siyang pumaroon sa eskuwelahan namin. Katapat
lang kasi ‘yon ng bahay namin. Minsan pa nga, nasa grade 4 na ako noon, nakita
siya ng titser namin. Tumatae sa buhanginan, malapit sa daan.
“Kanino ba’ng aso ‘yon?” itinuro ni Mam Sigua si Clinton.
“Do’n pa tumatae yo.”
“Ke Mac-mac ‘yon. Si Clinton,” sumagot ang isa kong
kaklase.
“Batuhin mo nga ‘yong asong ‘yon! A, Aldrin.”
Lumabas si Aldrin. Kumuha ng bato, saka binato si Clinton.
Paitaas ang bato, palobo sa hangin. Halatang ayaw matamaan si Clinton.
Umalis si Clinton. Nagtatatakbong lumabas ng eskuwelahan.
Dumami uli ang mga aso namin. May isang uwi si Tito Ferdie,
galing Aliaga, babae. Pinangalanang “Cheesecake.” At may isa pa. Lalaki naman.
Bigay ng taga-bundok na suki namin sa tindahan. Pinangalanan namang “Cupcake.”
“Pag me nagbigay pa ng aso, ‘wag na kayong tatanggap a.
Kerami-rami nang aso,” sabi ni Nanay. “Makakagat ‘yang mga ‘yan. Gastos mo pa.
‘Yan lang Clinton na ‘yan, ketapang-tapang.”
Pati nga naman kasi ang nagdaraang mga bisikleta’t kalabaw
pag umaga’t hapon, kinakahulan ni Clinton. Pati ang mga traysikel minsan,
hinahabol.
At tama si Nanay. Meron nga uling nagbigay.
“Bayaan mo na nga. At nang me bantay ‘yong mga palay.”
Dahil si Tatay ang may sabi, walang nagawa si Nanay.
Babae ang bagong salta. Bigay nina Francia. Anak ng aso
nila. “Selena” naman ang ipinangalan dito ng mga tita ko. Inis na inis kasi
sila sa karakter na Selena ni Princess Punzalan sa teleseryeng “Mula sa Puso”
nina Rico Yan at Claudine Barretto.
Pero dumami man ang aso namin, kay Clinton pa rin ako
pinakamalapit. Pag nga pinapakain ko na sila, kay Clinton ang pinakamarami.
Tapos pag nilayasan ni Selena o ni Cheesecake o ni Cupcake o ni Romnic ang
pagkain nila, isinasalin ko agad ‘yon sa kainan ni Clinton. Kaso, di naman niya
kinakain.
Pag may kinakain din akong tinapay, si Clinton lang ang
binibigyan ko. Inihahagis ko ‘yon, at nasasalo niya sa ere.
“Binibili ‘yan, tapos ipinapakain mo lang sa aso,”
napagalitan ako minsan ni Tita.
Pag magsasara na kami ng bahay, may kanya-kanyang puwesto
ang bawat aso. Sa likod-bahay sina Selena at Romnic. At kasama naman ni Clinton
sa terrace sina Cheesecake at Cupcake. May rehas ang terrace, kaya di rin sila
makalalabas. Wala namang nawawalis o nasusurong tae. Ihi lang na pinupunasan
naman agad, bago pa may batang madulas.
Minsan, may galang asong ulol sa amin. Payatot. Nakapasok
daw iyon sa terrace namin. Malalaki rin kasi ang pagitan ng mga rehas niyon.
Bahagya na ring nakakubli sa Sierra Madre ang araw nang
mapagkuwentuhan ‘yon nina Tatay sa terrace, habang nangakatanga at
nakikipagkumustahan sa mga dumaraan. Sa inaning palay ni Ganito, sa pagpapaaral
ng anak ni Kuwan.
“E duwag naman pala ‘yong dalawa,” naninigarilyo si
Tatay, nakataas ang isang paa sa upuang kahoy. “Sinilip ko sa bintana e. Ano
kaya ‘ka ko ‘yong maingay. Nakita ko ‘yong dalawa, nakasiksik sa ilalim ng
mesa. Nakikipagsakmalan si Clinton sa asong ulol. Kawawa nga si Clinton
e.”
Nakaramdam ako ng awa kay Clinton. Pero mas mabigat ang
pagmamalaki.
Pag kinukuha ako nina Mama, para magbakasyon sa Valenzuela,
wala pang isang araw, naaalaala ko na agad sina Nanay at Tatay, ang mga pinsan
ko, ang mga kalaro ko, mga tito’t tita ko, saka si Clinton. Sino kaya’ng
nagpapakain sa kanya? At pagbalik namin sa Nueva Ecija, isa siya sa mga una
kong hinahanap.
Kapapasukan lang noon, nang mamatay si Cheesecake. Nakita
na lang sa tabi ng poso. Nakanganga. Mangasul-ngasul na ang mga mata.
Nilalanggam.
Tinalungkuan naming magpipinsan si Cheesecake.
Dumaan si Clinton sa gawi ni Cheesecake, at si Romnic,
tumingin-tingin.
“Malungkot sila Kuya yo,” itinuro ng pinsan ko sina Clinton
at Romnic.
Sa tabing-ilog namin inilibing si Cheesecake. Ayaw ni
Dikong na tumulad sa mga taga-amin na itinatapon lang sa ilog ang mga bangkay
ng pusa, manok, aso.
Makalipas lang ang isang buwan, nasagasaan naman ng
traysikel si Cupcake. Nabuhay pa nang una. Pero kinabukasan, nakita na lang na
patay na. Doon uli inilibing.
At ilang buwan lang, nagkasakit naman si Romnic. Ipinadala
pa ‘yon ni Tatay sa beterinaryo. Tapos parang nanghina si Romnic. Ayaw kumain.
Ayaw uminom. At isang hapon, nakita na lang ding patay sa ilalim ng punong
mangga. Doon na lang siya inilibing.
“Sa katandaan na lang siguro ‘yong kay Romnic,” si Tatay.
Si Nanay naman, naiyak pa. “Matanda na rin ‘yang si Romnic.
Antagal-tagal na sa’tin.”
Sumunod na bakasyon, magi-grade 5 na ako noon, kinuha uli
ako nina Mama’t Papa.
Nakaiinip talaga sa Valenzuela. Walang magalaan. Walang
matakbuhan. Wala halos puno. Puro pabrika. At pag gabi, ang unti ng bituin.
Nagpabili ako kay Mama ng brick game sa Royal Mall. At mula
noon, madalas, nandoon lang ako sa kama at naglalaro.
“Mac o, si Tita mo,” iniabot sa akin ni Mama ang cell
phone— Nokia 3210 pa ang sikat na yunit noon.
Bumangon ako sa kama at binitiwan ang brick game. Sabik na
akong makausap si Tita. Gusto ko nang malaman ang mga nagaganap sa amin.
“Mac, patay na si Clinton,” malungkot ang boses niya—
parang biglang naging tahimik ang mundo, naglaho ang ugong ng bentilador,
namatay ang TV, huminto sa pagsisigawan ang mga nagbabaketbol sa labas. “Nakita
ni Dikong sa ilalim ng mangga.”
Binitawan ko ang cellphone. At sumiksik ako sa dingding.
Yakap-yakap ang isang unan.
Dinampot ni Mama. “Bakit?” nakatingin siya sa akin. “O,
Ine, bakit ba? Ano’ng nangyari? Ba’t umiiyak si Mac-mac?”
Pagdating ni Tita sa Valenzuela kinabukasan, niyakap ko
siya agad. Mahigpit.
Makalipas ang dalawang araw, umuwi kami sa amin. Sina
Mama’t Papa na ang nag-ayang umuwi kami. Panay kasi ang iyak ko.
“’Tay, sa’n n’yo inilibing si Clinton?” tanong ko agad,
hindi ko pa man naibababa ang bag ko.
“Do’n sa me mangga. Do’n s’ya nakita ng Dikong mo we.”
Pinuntahan ko ang pinaglibingan kay Clinton. Nakatulos sa
lupa ang krus na kahoy na yari sa gatong kawayan. Tagibang ang pagkakatulos.
Wala na ngayon ang krus na ‘yon, maging ang punong mangga.
Pinagtayuan na ng bahay nina Dikong. Pero hanggang ngayon, nasa mga alaala ko
pa rin si Clinton.
Ibinalik ko sa kahon ang litrato naming dalawa, tumingin
ako sa orasan. Mag-aala-una na, pero parang nawala lalo ang antok ko. Ibinalik
ko ang kahon, at tinungo ko ang kama. Kailangang pilitin kong makatulog.
Nang mahihiga na ako, sa katahimikan ng gabi, sa pagitan ng
ugong bentilador at hilik ng mga kapatid ko, nakarinig ako ng mga kahol.
Buong-buo. Parang hindi nakakikilala ng takot at kaduwagan.