Martes, Marso 31, 2015

Nagsangang Linya


Sa hangin, gumuhit ang hintuturo niya
ng mahaba’t makapal na linya.
Guhit ng whiteboard marker sa whiteboard.
Sa iglap na kumpas,
may tumubo roong
maliliit at puting mga tuldok.
Mga perpektong bilog na nilikha ng chalk.
Ito ang simula, sabi niya,
itinuro ang umpisa ng linya.
Nanginig ang mga tuldok
at dahan-dahan, sabay-sabay na umusad.
Sa simula’y mabilis,
ngunit kumupad.
Hanggang halos magdikit-dikit.
Nakababagot na pag-usad.

Muli siyang kumumpas,
kumumpas nang kumumpas.
Sa ikalawang hati
ng nilikhang linya,
maraming umusbong.
Makikitid ngunit kayhahabang linya,
nagsabog na laberintong sanga.
Parang mga hibla ng buhok.
Paikut-ikot ang bawat hibla,
sanlaksang ugat na hindi alam kung saan papunta.
Ito ang tagumpay, sabi niya,
itinuro ang dulo
ng pangunahing linya.
Tumindi ang panginginig ng mga tuldok,
parang nananabik sa pagsambulat.
At mabilis na naglikuan
sa balikong mga daan.

Linggo, Marso 1, 2015

Mambabasa


Nakaupo sa tabing-bintana
ang pangunahing tauhan,
sa kanyang tabi, ang umuusok na kape
sa kanyang paanan, isang pusang puti
nilalaro ang nag-aagaw-buhay na ipis.
Malakas ang ulan
maingay, malamig.
Baliw na nagsisikumpas
ang mga puno’t halaman.
Itim na mahahabang guhit sa hangin
ang mga hibla ng kanyang buhok,
iniisip ang magiging buhay sa lungsod.

Tanghaling tapat,
giniginaw sa kusina ang mambabasa.
Paruparong aali-aligid
ang sariling problema.


Kasiyahan


Estranghero ang himig
ng madaling-araw na iyon;
kumakalabog na tugtog sa speaker
na lumapirot sa koro ng mga kuliglig;
malakas na kantahang sumasabay sa tugtog
na nagtaboy
sa mangilan-ngilang tilaok ng manok.
Ibinulong sa akin ng dilim
na may mga nahintong hilik
sa kahanay na mga apartment;
na pinahiram ng mga butiki ng palatak
ang nagising na mga may-bahay.
Malakas ang kanta nila
ng ‘happy bertdey,’
wala sa tono’t walang pakealam.
Sa pagsilip ko sa bintana,
nakita ko ang galak
sa kembutan nila’t
pagtataas-taas ng kamay.
Habang isang kasama,
may layo lang na ilang dipa,
ang namimilipit sa pagsusuka.