“Ma’am, kamusta sa’yo si Adora?”
sabi ko kay Ma’am Bells. Nasa faculty room kami. Nagri-record ako ng seatwork
sa laptop ko, nasa harap naman siya ng salamin. Nag-a-eye liner.
“’Ay, naku!
Hindi ko alam ang mga pangalan nila,” tumingin siya sa akin. “Alam mo kung
bakit?”
“Bakit po?”
“Kasi, dati, sabi
sa’kin sa evaluation, may favoritism daw ako. Kasi, ‘yung ibang estudyante,
tinatawag ko sa pangalan. E ano’ng magagawa ko? E sa natandaan ko, dahil
pala-recite. Kaya ngayon, hindi ko sila tinatawag sa pangalan nila. At ni hindi
ko alam ang mga pangalan nila. Malalaman ko lang pag halimbawa, ‘A, ikaw si Ganito…,’
o tapos, titingnan ko sa class record. ‘Bagsak ka sa’kin, a.’ ‘Yon, Sir. Gano’n
ako.”
Itatanong ko
sana kung papaano niya nalalagyan ng grade ang recitation kung hindi niya
kilala ang estudyante. Pero hindi na ako kumibo. Tiwalang-tiwala siya sa
estratehiya niya. Baka ma-offend lang siya pag nagtanong ako.
“Ten years ago
na ‘yung comment na ‘yon sa’kin, Sir. And up to now, dala ko ‘yon. Hindi ko na tinatandaan
ang mga estudyante!”
Isa iyon sa
pinakanatatandaan kong pag-uusap namin ni Ma’am Bells. Marahil, natandaan ko iyon
dahil sa bitterness niya sa evaluation. At sa maling pagtingin na madalas kong
marinig sa mga titser…ang pag-aangkop ng teaching method para sa evaluation, sa
halip na para sa mga estudyante.
Sa tantiya ko, nasa
35 taon na si Ma’am Bells. Maiksi ang makapal niyang buhok. Madalas siyang
naka-blouse na light color. Makinis sana siya kung hindi lang dahil sa mga
marka ng tagyawat sa kanyang mukha.
Sampung taon na
siya sa unibersidad na iyon, private university kung saan siya nagtapos ng
college. Ako naman, newly hired. Nitong June lang. Part-timer lamang ako. 9
units lang.
Isa pang usapan
namin ni Ma’am Bells na natatandaan ko ay iyong 10:30 ng umaga, bago siya
pumasok sa next period niya. Ang klaseng papasukan niya ang first period ko, pang-7:30
to 10:30 ko. Siya ang sa second period.
“Takot nga ‘yung
mga ‘yon sa’yo, Sir,” sabi niya. Nagsusumbong pala sa kanya ang mga bata, dahil
siya ang adviser. “Lagi raw kasing mali ang sagot nila.”
“Papa’no naman
kasi, Ma’am, ginagawang subjective. Ngunit Filipino, akala, subjective na. E
science ang Filipino, linguistic. May tama at mali. O kundi naman, ‘yung sagot
nila, hungkag. Sentence lang. Pag hinawi ko ‘yung sentence, walang laman.”
“Saka sabi ko
nga sa kan’la, okey lang magkamali. Kasi, estudyante pa lang sila.”
Tumango ako.
“Kausapin mo na
lang din ulit sila, Sir,” sabi niya. “Para din ‘yan sa evaluation mo.”
Mabait naman si
Ma’am Bells. Masarap tumawa. Palabiro. May mga ilang bagay lang talaga akong
ayaw sa kanya. Hindi personal. Kundi sa pagtuturo.
Madalas, parehas
7:30 ang first period naming dalawa. Sa iisang building. At madalas, dumarating
siya nang 7:20. O kung minsan, late nang ilang minuto. Magmi-make-up pa siya.
Ako, 7:40, umaakyat na ako. Pero 7:00, nasa school na ako. Siya, umaakyat siya
nang siguro, 8:00 na. Nakikita ko minsan dahil magkatapat lang kami ng
classroom. Kawawa naman ang mga estudyante. Kalahating oras na naghihintay.
45 units si
Ma’am Bells. Normal iyon sa unibersidad na iyon. Nagulat nga rin ako noong una.
Pag may accreditation, nagiging 24 units ang 45 units o higit pa na hawak ng
mga titser. Ang galing. Lusot.
Tulad din si
Ma’am Bells ng ibang titser. Dahil puro 3 oras ang klase roon, at mataas ang
mga load, isang oras lang silang nagtuturo. Ang dalawang oras, kombinasyon ng
breaktime, early dismissal, late na pagpasok ng titser, at OBE (Out-come Based
Education). Pero natural, sa dami nang tsitsekan, ang mga ipina-OBE, hindi na
tsinetsekan. Kinukuha na lang ang pangalan. Perfect na.
Hindi ko rin
siya nakitang nag-prepare man lang ng lesson o sa kung anomang may kinalaman sa
pagtuturo. Hindi ko naman sinasabing dapat, laging nakikita ng coteacher na
naghahanda sa pagtuturo ang coteacher niya. Maaari namang kasing sa bahay siya
naghahanda. Pero iyong kahit minsan, hindi mo nakitang naghanda, gayong
araw-araw, nakikita mo, iba na yata iyon.
Isang umaga, pagdating ko sa
faculty room, nandoon na si Ma’am Bells. Madalas, ako ang unang tao sa faculty
room. Pero ngayon, siya.
Nakabukas ang
netbook niya, tumutugtog nang mahina ang ‘It’s All Coming Back’ ni Celine Dion.
Ipinatong ko sa kabilang mesa ang backpack ko, at pinanood ko siya.
Nakaitim na
blazer siya. Noon ko lang siya nakitang naka-blazer. Hindi naman maginaw. Mahina
niyang binabasa ang nasa slide ng PowerPoint presentation niya. Sa tabi ng
netbook, isang textbook. Biology marahil, dahil iyon ang itinuturo niya.
Sa saglit na
panonood, naramdaman kong parang hindi siya ang Ma’am Bells na halos araw-araw
kong nakakakuwentuhan. Hindi ako sanay na ganoon siya.
7:20, nang
marami-rami na kami sa faculty room, nag-CR ako. Pagbalik ko, napansin ko ang
nakapaskil sa board. Letter, mula sa Guidance Office. Payagan daw ang mga
estudyante pag pinababa ng GO para sa student evaluation sa kani-kanilang
teacher. Ang petsa, Agosto 18 hanggang Agosto 22. Isang linggo na lang bago ang
Agosto 18.
Naunawaan ko ang
lahat.
Iyon lang, at
nasira na ang umaga ko.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento