Linggo, Setyembre 28, 2014

Kuwento ng Filipino Teacher na Naging Call Center Agent


Nanginginig ang kanyang mga dahon
sa nagyeyelong hininga ng aircon.
Parang kinukumbulsyon.
Kinurot mo ang kanyang balat
sapagkat nakatayo ka sa sangan-daan,
nakatitig sa dalawang kalsada.
Natural ang ngalan ng una, Artipisyal ang ikalawa.

Natuwa ka na nagawa mong sugatan
ang kanyang balat.
Inamoy mo pa ang lunti niyang dugo
sa iyong mga kuko.
Katiyakan sa kanyang kaganapan.
Ngunit masigla ang liwanag ng araw sa labas
at ang hangin doon ang dapat niyang katambal.

Muli mo siyang pinagmasdan.
At ikaw na itong nasugatan,
nang mapansin mong nabubulok
ang maraming bahagi ng kanyang katawan.


Lunes, Setyembre 15, 2014

HRM


Tiningnan niya agad nang mabuti ang teaching load niya, pagkaabot na pagkaabot sa kanya ng head niya. Nasa ground wood paper iyon, nakasulat ng lapis ang mga detalye. Sa itaas, SANTOS, EFREN L. Sa ibaba, TOTAL: 30 units/hours.

Lunes hanggang Biyernes ang pasok niya. Bago niya tingnan ang pinakamaaga niyang pasok at ang pinakagabi niyang uwi, na laging unang tinitingnan ng ibang titser, tiningnan niya muna ang hawak niyang mga section—dalawang engineering, dalawang IT, dalawang business management . . . at apat na HRM.

Wala siyang gaanong naramdamang lungkot, o inis, o kaba.

Nang unang tatlong taon niya sa pagtuturo (panglimang taon na niya ngayon), nakakaramdam agad siya ng lungkot, inis at kaba, pag nakita niyang may hawak siyang HRM. Lalo kung marami. Hangga’t maaari, ayaw niyang humawak ng HRM. Ni isa, ayaw niya. Kaso, walang karapatan ang titser na mamili ng seksyong hahawakan.

Maraming dahilan kung bakit ayaw niya sa mga HRM. Halu-halong dahilan na nakabuo ng napakasamang timpla. Iyong hindi na niya mainom at masyado nang nakasusuka. Hindi pa kasama rito ang katotohanang kung magtapos ang mga HRM, hindi Pilipinas ang makikinabang sa kakayahan nila. Kundi ang ibang bansa. O kung sa Pilipinas man sila magtrabaho, nagiging kontribusyon lamang sila sa paglala ng kultura ng Pilipinas sa pagpapaalipusta sa mga dayuhan.

Nangunguna sa ugat ng lungkot ni Efren, inis at kaba ang katotohanang ang mga HRM ang pinakamahina at pinakatamad sa lahat ng naging estudyante niya. Sa kanya, hindi naman ganoon kabigat ang pagiging mahina. Magagawan pa ng paraan. Pero iyong mahihina na nga, kaytatamad pa, parusa na iyon sa titser. Walang alam gawin ang mga HRM kundi magpulbo, mag-make-up at magsalamin. Para pang mga bingi at hindi marunong umintindi. Ang isang bagay, kailangang lampas limang beses uulitin. Kaya kung mga HRM ang hawak niya, madalas siyang malatin. Mga bastos pa. Sa mga ito madalas mabastos ang mga titser. Mga walang alam kundi magreklamo. Dito siya unang nakarinig mula sa estudyante ng, “Sir, major subject ba ‘to?” At sarkastiko talaga ang tono.

Nagkaroon tuloy siya ng paniniwalang nawawala o nababawasan ang pagiging mahusay na guro ng isang guro kung mga HRM ang estudyante. Mahirap para sa isang titser na turuan ang mga ito. Dahil ang pagod ay napapatungan ng kawalang-gana.

Ang akala nga niya noong una, nataon lang na ganoon ang mga HRM na nagiging estudyante niya. Pero hindi pala. Maging ang mga kakilala niya na sa ibang eskuwelahan nagtuturo, ang mga HRM ang iniaangal. Nakakapuno raw. Parusa sa titser.

Ngunit ngayon, hindi niya naramdaman ang mga iyon. Walang gumapang sa kanyang lungkot, o inis, o kaba. Maaaring dahil sanay na siya sa mga ito, naisip niya. Marami na siyang karanasan. Mas malakas na ang loob niya. Pero sumusunod na dahilan na lamang ang mga iyon, alam niya. Isang estudyante ang pangunahing dahilan—si Faye.

Unang semestre ng taong aralan 2011-2012 nang maging estudyante niya si Faye. Second year ito noon, irregular student. Dise-seis at disi-siyete ang kadalasang edad ng mga first year college. Pero si Faye, disiotso na nang magkolehiyo. Kaya disi-nuwebe na nang maging estudyante niya.

Katamtaman lang para sa isang babaeng Pilipino ang kaputian at tangkad ni Faye. Balingkinitan ito. Pahaba ang maliit na mukha. Lampas nang isang dangkal mula sa balikat ang itim na buhok na laging naka-ponytail. Medyo matangos ang ilong at may kalakihan ang mga mata. Hindi si Faye iyong babae na sa sobrang ganda, lilingunin ng mga lalaking makakasalubong nito. Kundi iyong babae na hindi bastusin at gumaganda kapag tinititigan.

Ang klase niya rito ay Filipino 1, “Komunikasyon sa Akademikong Filipino.” Tuwing Lunes at Huwebes, alas-siyete y media hanggang alas-nuwebe ng umaga.

Iyon ay sa unang palapag ng Annex B Building. Maputlang asul ang kulay ng kuwarto. Airconditioned.

Dumarating siya sa klase nang nandoon na si Faye. Sa unahan ito lagi nauupo, malapit sa teacher’s table. Madalas, dinaratnan niya itong nagbabasa ng notes sa notebook.

Nakakadalawang linggo pa lamang ang klase, kilala na ni Efren si Faye.

Napansin niya ito dahil sa pagiging mahusay nito. Alam ni Efren na napakadali para sa guro na mapansin ang mahuhusay na estudyante. Parang magandang babae na agad napapansin ng nakakasalubong na lalaki. Malaking bagay sa guro ang mahuhusay na estudyante. Nakawawala ng pagod. Nakapagpapagaan ng mga gawain.

Sa mga quiz niya, si Faye lagi ang highest. Kadalasan nga, perfect pa ang score nito, habang ang karamihan sa mga kaklase nito, bagsak. Nasa tatlo pa nga hanggang lima kung minsan ang nakaka-zero. Naiinis dahil nagtuturo naman siya. May Powerpoint Presentation pa nga. Kaya walang dahilan para may maka-zero.

“Ia-announce n’yo naman kasi, Sir,” sabi ng isang laging late, at kahit kailan niya tawagin, walang maisagot.

“Nauuwi sa memorization ang quiz kapag announced,” sagot ni Efren. “Hindi malalaman sa quiz kung natuto ang estudyante kung nag-memorize lang.”

Sa sulok ng mata niya, nakita niyang nangingiti si Faye.

Para walang problema, minsan, ini-announce niya ang quiz. Subok lang. Long quiz iyon. Pero dahil announced, ginawa niyang mas mahirap ang mga tanong. Ngunit ganoon pa rin halos ang resulta. Marami pa ring bagsak, bagama’t walang naka-zero. Salamat sa number 50 na ginawa na lang niyang bonus.

Ngunit hindi niya roon pinakanagustuhan si Faye, kundi sa recitation. Sa karanasan niya bilang titser at bilang estudyante, naniniwala siyang mas mahusay ang mga estudyanteng mahusay sa recitation kaysa sa mga estudyanteng mahusay sa quiz. Maaaring kopyahin ang sagot sa quiz, at kadalasan, isinasaulo lang. Napakababaw ng pag-unawa kung isinaulo lang. Parang contact number. Pag nasira ang SIM card, makalipas lang ang dalawang taon, o baka nga isa lang, hindi na kabisado ng may-ari ang dati niyang number. Ang sa recitation, madalas, galing sa mismong nagri-recite. Pinakaisip niya ang sagot. Bunga ng pag-aanalisa.

Si Faye, hindi siya gaya ng nakakaantok na mga estudyanteng ang sagot ay binabasa lang sa libro o sa hand-outs mula sa internet, at kapag sinabing “O, ipaliwanag mo ‘yang binasa mo,” ay wala nang maisagot. Si Faye iyong klase ng estudyante na kapag nagsalita, makikinig at makikinig ang buong klase. May laman ang mga sinasabi nito. May lalim. Kitang-kitang bunga ng pag-oobserba at pag-iisip. Madalas nga, sa sobrang pagsang-ayon, napapatango na lang si Efren.

Tandang-tanda pa niya nang minsang mag-recite ito, nang ang paksa nila ay ang mga bahagi ng panalita.

“Napansin ko po kasi, Sir, parang nagbabago ‘yung paggamit natin sa pantukoy,” panimula ni Faye. “Halimbawa po, ‘Sino may sala?’ Di ba, dapat po ro’n, ‘Sino ang may sala?’ May pantukoy na ‘ang.’ Pero siguro po, nakasanayan natin ‘yung pagdidikit sa mga salita. ‘Sino’ng may sala?’ Ganyan. Hanggang sa dahil nakasanayan nga, ang sumunod, nawala na ‘yung pantukoy na ‘ang,’ dahil magkatunog naman kung nando’n ‘yun at nakadikit sa sinusundang salita, ‘Sino’ng may sala,’ do’n sa totally wala ‘yon, ‘Sino may sala?’ Kaya naging ‘Sino may sala?’ Hanggang sa nakasanayan. Ngayon, normal na normal na po ‘yung ganu’n. Mas normal pa po sa kaysa pag nando’n ‘yung pantukoy.”

Napapalakpak siya. Mahina lang, pero napapalakpak siya. Tuwang-tuwa siya sa sagot nito.

Kung tutuusin, hindi naman siya masyadong hanga sa naisip ni Faye. Kaya rin naman iyong maisip ng iba. Ang ikinatutuwa niya ay ang isiping narinig niya iyon sa esudyanteng hindi naman language major, ni philosophy o kung anong social sciences na program. Kundi sa isang HRM.

Kaya kadalasan, pagkatapos ng klase niya sa seksiyong iyon, ang gaan ng pakiramdam niya. Mas gagaan pa sana kung hindi lamang niya naaalaala ang mga laging late at ang mga tuod na nakaupo sa klase, na kapag tinawag niya, iling lang ang sagot.

Madalas, si Faye ang huling lumalabas sa mga kaklase nito. Nauuna lang ito nang kaunti kay Efren. Hindi ito kagaya ng mga kaklase nito na parang may kung anong gintong mapupulot sa labas at kailangang mag-unahan. Lagi itong nagsasabi sa kanya ng “Thank you, Sir,” pagkatapos ng klase. Madalas din, nagtatanong ito sa kanya ng tungkol sa assignment o sa kung ano pang requirements. Pero kahit kailan, hindi naramdaman ni Efren na sumisipsip si Faye. Hindi na nito kailangang sumipsip para magkaroon ng mataas na grado.

Sa bawat isa’t kalahating oras na klase, may labinglimang minutong grace period sina Efren. Maaari silang magpalabas nang mas maaga nang 15 minuto, o pumasok sa klase nang huli nang 15 minuto.

Sa section nina Faye, inilagay niya sa hulihan ang grace period. Pumapasok siya nang 7:35, at nagdi-dismiss nang 8:45. Inilalagay naman niya sa unahan ang grace period sa kasunod na klase, para maging kalahating oras. Ang dahilan niya, nang makabili siya ng pagkain at makapag-almusal sa faculty room. Hindi niya kailangang madaliin ang pagkain niya.

Nag-a-attendance lang siya at binabalikan ang mga inaral noong nakaraang meeting, mula 7:35 hanggang 7:50. Pagkatapos niyon, discussion na. Ngunit nagtuturo na siya at lahat, may mga papasok pa. Hindi na niya pinapansin kahit akala mo may-ari ng eskuwelahan na papasok nang wala man lamang “Good morning” o “Sorry, Sir.” Magugulo lang ang klase. Ang problema lamang, maya’t maya ang dating ng mga late. Paisa-isa. Kaya malaking abala rin.

At lampas 8:15 na, may darating pa. Nakakapalan na siya sa mukha ng mga iyon.

Dalawa ang pinto sa silid, kapwa nasa likod. Kaya kitang-kita niya kung may lalabas o papasok, o kung may late na sumisilip. Kaya ang bawat pagbukas-sara ng pinto, ang lampas sampung ulit na pagbukas-sara ng pinto habang nagsasalita siya, ay napakalaking abala sa pagtuturo niya. Isama pa ang ingay ng nagtatanong na mga late kung nag-attendance na ba. Ilang estudyante ang napapatingin kay Efren. Alam niyang kitang-kita sa mukha niya ang matinding inis tuwing may papasok na late.

Kaya makalipas ang tatlong linggo, inilipat niya sa unahan ang grace period. 7:45 na siya dumarating sa klase. Pero marami pa ring late. Minsan, sa sobrang dami, siya na ang naaawa. Nag-a-attendance pa rin siya bago mag-dismiss, para sa mga late. Pero ang mga dumarating nang lampas 8:15, hindi na niya tinatanggap. 45 minuto nang late ang mga iyon. Bakal na ang pagmumukha.

Nabanggit iyon ni Efren sa coteacher niya na una niyang dinaratnan sa faculty room, isang umagang kadarating lang niya. Normal na nga raw talaga ang ganoon sa mga bata ngayon, sabi ng coteacher niya. Pero dahil daw HRM ang mga estudyante niya, mas matindi ang dapat niyang asahan.

Naalaala niyang bigla ang mga estudyante niya sa dalawang eskuwelahang nilayasan niya. Marami talagang late kung maaga ang klase. Pero tama ang coteacher niya. Iba kapag HRM. Garapalan.

“Pero itanong mo rin, Sir. Baka kasi marami sa mga ‘yan, working student,” sabi ng coteacher niya. “Kasi, Sir, ako, nagbibigay ako ng consideration sa mga ganyan.”

At ganoon nga ang ginawa niya. Tinanong niya ang klase bago mag-dismiss, para naroon ang lahat. Lalo na ang mga working student.

Pero isa lang ang nagtaas ng kamay—si Faye, na kahit kailan, hindi na-late sa klase niya.

“Sa’n ka? Fastfood?” tanong ni Efren.

“Opo, Sir. Jollibee.”

“Bakit n’yo ‘tinatanong, Sir?” tanong ng isang laging late.

“Okey,” nilakasan niya ang boses niya. “Nagbibigay ako ng consideration sa mga working student.” Tumingin siya sa nagtanong. “Ikaw, iho, sa’n ka umuuwi? Ba’t lagi kang late?”

“Project 4, Sir. Laging traffic, e,” depensa nito.

Ang Project 4 ay kalahating oras lang mula sa eskuwelahan nila. Isang oras lang marahil kung isasama ang “matinding traffic.” Gumuhit sa dugo niya ang inis.

Nang araw na iyon, nag-iba ang tingin niya kay Faye. Lalo siyang humanga rito. Para itong guro, siya ang estudyante. At ang dami niyang maaaring matutuhan kay Faye. Papaano kaya hinahati ni Faye ang kanyang oras? Kung siya ang nasa lugar ni Faye, working student, malamang, lagi siyang late sa first period niya. Lalong hindi siya magiging highest sa mga quiz.


Isang mag-aalas-dos ng hapon, nagkasabay sila ni Faye sa canteen. Nasa iisang mesa lang sila. Nagkakape si Efren at nagka-cup noodles naman si Faye. Bigla raw itong nagutom. Kalahating oras pa raw bago ang susunod nitong klase.

Tahimik lang noon sa canteen. Dinig na dinig ang banggaan ng arnis ng mga nagpi-PE sa basketball court. Wala halos estudyante dahil katatapos lang ng tanghalian at maaga pa para sa meriyenda.

Nakapatong sa mesa ang shoulder bag ni Faye, nakabukas. Halatang mumurahin lang ang bag. Parang iyong mga nabibili lang sa Divisoria. Nasilip ni Efren sa pagkakabukas ng bag ni Faye ang notebook na lagi nitong dala. Bahagyang nakabukas dahil sa nakaipit na bolpen. Naisip ni Efren, siguro, nagri-review si Faye.

“Ba’t ka nagwo-working student?” bigla niyang naitanong.

“Hindi po kasi kaya, Sir, e,” sagot ni Faye. “Pinag-i-stop pa nga po ako. ‘Yung kuya ko raw muna, graduating na kasi ‘yon. E ayoko na pong huminto. Isang taon na po kasi ‘kong nag-stop. Kaya nag-working student ako. Hirap din po kasi sa buhay. Nang makatulong din kina Mama. Papa ko lang po kasi’ng may trabaho. Sa pabrika lang.”

Napailing si Efren.

“Buti, kumakasya ‘yung sinasahod mo.”

“Naku, Sir, kulang din po. Kaya talagang nagtitipid ako. Kapag kayang lakarin, kahit pagod, nilalakad ko na lang. Saka lagi po ‘kong may baon. Ngayon lang wala. Hindi na po kasi nakapagluto dahil anong oras na nagising. Sa sobrang pagod. Closing po kasi ko kagabi.”

Itatanong na sana Efren kung magkano ang sahod nito sa Jollibee, kung hindi lang niya nakahiyaan. Naisip niya, panget para sa isang guro ang magtanong sa estudyante niya ng tungkol sa pera.

Napako ang tingin ni Efren sa uniporme ni Faye. Mahaba ang manggas ng puti nitong pang-itaas. Iba sa pang-itaas ng mga nasa engineering, IT at iba pa. Gumuhit bigla sa isip niya ang tanong na matagal nang kumukulit sa kanya.

“E, ba’t ka nag-HRM?”

Nangiti si Faye. Halatang nagulat sa tanong niya.

“Ang totoo n’yan, Sir, andami na pong nagtanong sa’kin n’yan. Parang takang-taka sila na HRM ako.”

Hindi kumibo si Efren, ayaw niyang ma-offend si Faye. Hindi niya makuhang sabihin, na kadalasan, ang sinasabi ng mga titser, tambakan ng mga bobo ang HRM. Mga estudyanteng umiiwas sa board exam. Mga estudyanteng sa pagmi-make-up at pag-iinarte lang magaling.

Ibinagsak ni Faye sa basurahan sa tabi ng mesa ang cup ng noodles.

“First choice ko po kasi ‘to, Sir. Dapat culinary. E hindi namin kaya. Kaya ito na lang. Natutuwa ako kapag nakikita kong natutuwa ang mga taong kumakain ng iniluto ko. Nakakagaan ng pakiramdam. P’wera drama, Sir, a. Kung sila, nabubusog ‘yung sikmura. ‘Yung nagluluto, nabubusog ‘yung puso.”

Nangiti si Efren. Wala siyang naramdamang kakornihan sa sagot ni Faye.


Kalagitnaan ng Hulyo nang mag-prelim exam. Tatlong araw ang examination day, hindi regular schedule. Hapon ang schedule ng exam niya sa section nina Faye. Sa kuwartong iyon din.

Umuulan. Malakas. Madilim na madilim ang langit. Nanghiram si Efren ng malaking payong sa guwardiya, nang hindi mabasa ang mga test paper.

Ipinaayos niya agad ang mga upuan pagdating niya. Saka ipinapasa ang mga test permit. Mahigpit ang utos sa kanila. Huwag pag-eeksamin ang mga walang test permit. Pinirmahan niya agad ang mga permit, saka isa-isang tinawag ang mga estudyante. Pagkaabot ng estudyante sa kanilang permit, kukuha na rin sila ng test paper sa ibabaw ng mesa.

“Itaob muna. Sabay-sabay kayong magsasagot.”

Over 100 ang item ng ginawa niyang exam. May tama o mali, may identification, analohiya at enumeration. Walang multiple choice. Inaasahan niya nang aangal dito ang “masisipag.”

Dahil sa pagod niya, nagsisimula nang magsagot ang mga estudyante saka lang niya napansing wala si Faye. Naisip niyang late lang.

Ngunit magkakalahating oras na, wala pa rin si Faye. Ang naisip naman ni Efren, baka sa ibang section niya ito sasabay ng exam. Dahil conflict sa schedule. Madalas ang ganoon sa mga irregular student.

Nagpalakad-lakad si Efren sa classroom. Mabagal lang. Sa mga ganitong sandali, maging ang tunog ng sapatos ng guro ay lumilikha ng kaba sa mga estudyante.

Malakas pa rin ang ulan. Nanunuot na sa mga buto nila ang lamig. Pinahihinaan na ng mga estudyante niya ang aircon. Lumapit siya sa pinto, at hininaan ang aircon. Noon sumilip si Faye. Napangiti siya. Bahagya niyang binuksan ang pinto. Biglang lumakas sa pandinig niya ang ingay ng ulan. Parang nagwawala.

“Sir, may sasabihin po ako,” bungad sa kanya ni Faye. May hawak itong payong at papel.

Isinara ni Efren ang pinto. Pareho na silang nasa labas.

Iniabot sa kanya ni Faye ang isang papel. Binasa niya—dropping form.

“Sir, magda-drop na po ako.”

Nagulat si Efren. “Bakit?”

“Me sakit po kasi si Papa. Dalawang linggo nang hindi nakakapasok sa trabaho. Namumroblema na sina Mama sa pambaon ni Kuya. Magda-drop na po ako nang mabawi pa ‘yung konti sa na-i-down sa tuition. Gipit po kasi talaga kami, e.”

“Kelan ka babalik?”

Natigilan si Faye.

“Two years muna po siguro ‘kong mag-stop, Sir. Gagradweyt naman na si Kuya. Tapos, isang taon muna ‘kong mag-iipon.”

Pinirmahan ni Efren ang papel. Ilang instructor na rin ang nakapirma. Saka iniabot kay Faye.

“Sige po, Sir. Maraming-maraming salamat po,” sabi ni Faye. Kita niya ang lungkot sa mga mata nito. At kahit maingay ang ulan, dinig na dinig niya sa tinig nito ang sama ng loob.

Binuksan ni Faye ang itim na payong at naglakad papunta sa Main Building.

Bumalik si Efren sa classroom. Nagulat sa pagbukas ng pinto ang mga estudyante niyang garapalang nagkokopyahan.


Linggo, Setyembre 14, 2014

.


Isang tuldok.
Katapusan.
Masaya ka sa naging dulo ng lahat.
Kaibig-ibig na kaganapan.
Ngunit ilang buwan lamang,
muli kang nagimbal.

Ang tuldok na inibig
simula lang pala . . . ng ellipsis.


Student’s Evaluation


“Ma’am, kamusta sa’yo si Adora?” sabi ko kay Ma’am Bells. Nasa faculty room kami. Nagri-record ako ng seatwork sa laptop ko, nasa harap naman siya ng salamin. Nag-a-eye liner.

“’Ay, naku! Hindi ko alam ang mga pangalan nila,” tumingin siya sa akin. “Alam mo kung bakit?”

“Bakit po?”

“Kasi, dati, sabi sa’kin sa evaluation, may favoritism daw ako. Kasi, ‘yung ibang estudyante, tinatawag ko sa pangalan. E ano’ng magagawa ko? E sa natandaan ko, dahil pala-recite. Kaya ngayon, hindi ko sila tinatawag sa pangalan nila. At ni hindi ko alam ang mga pangalan nila. Malalaman ko lang pag halimbawa, ‘A, ikaw si Ganito…,’ o tapos, titingnan ko sa class record. ‘Bagsak ka sa’kin, a.’ ‘Yon, Sir. Gano’n ako.”

Itatanong ko sana kung papaano niya nalalagyan ng grade ang recitation kung hindi niya kilala ang estudyante. Pero hindi na ako kumibo. Tiwalang-tiwala siya sa estratehiya niya. Baka ma-offend lang siya pag nagtanong ako.

“Ten years ago na ‘yung comment na ‘yon sa’kin, Sir. And up to now, dala ko ‘yon. Hindi ko na tinatandaan ang mga estudyante!”

Isa iyon sa pinakanatatandaan kong pag-uusap namin ni Ma’am Bells. Marahil, natandaan ko iyon dahil sa bitterness niya sa evaluation. At sa maling pagtingin na madalas kong marinig sa mga titser…ang pag-aangkop ng teaching method para sa evaluation, sa halip na para sa mga estudyante.

Sa tantiya ko, nasa 35 taon na si Ma’am Bells. Maiksi ang makapal niyang buhok. Madalas siyang naka-blouse na light color. Makinis sana siya kung hindi lang dahil sa mga marka ng tagyawat sa kanyang mukha.

Sampung taon na siya sa unibersidad na iyon, private university kung saan siya nagtapos ng college. Ako naman, newly hired. Nitong June lang. Part-timer lamang ako. 9 units lang.

Isa pang usapan namin ni Ma’am Bells na natatandaan ko ay iyong 10:30 ng umaga, bago siya pumasok sa next period niya. Ang klaseng papasukan niya ang first period ko, pang-7:30 to 10:30 ko. Siya ang sa second period.

“Takot nga ‘yung mga ‘yon sa’yo, Sir,” sabi niya. Nagsusumbong pala sa kanya ang mga bata, dahil siya ang adviser. “Lagi raw kasing mali ang sagot nila.”

“Papa’no naman kasi, Ma’am, ginagawang subjective. Ngunit Filipino, akala, subjective na. E science ang Filipino, linguistic. May tama at mali. O kundi naman, ‘yung sagot nila, hungkag. Sentence lang. Pag hinawi ko ‘yung sentence, walang laman.”

“Saka sabi ko nga sa kan’la, okey lang magkamali. Kasi, estudyante pa lang sila.”

Tumango ako.

“Kausapin mo na lang din ulit sila, Sir,” sabi niya. “Para din ‘yan sa evaluation mo.”

Mabait naman si Ma’am Bells. Masarap tumawa. Palabiro. May mga ilang bagay lang talaga akong ayaw sa kanya. Hindi personal. Kundi sa pagtuturo.

Madalas, parehas 7:30 ang first period naming dalawa. Sa iisang building. At madalas, dumarating siya nang 7:20. O kung minsan, late nang ilang minuto. Magmi-make-up pa siya. Ako, 7:40, umaakyat na ako. Pero 7:00, nasa school na ako. Siya, umaakyat siya nang siguro, 8:00 na. Nakikita ko minsan dahil magkatapat lang kami ng classroom. Kawawa naman ang mga estudyante. Kalahating oras na naghihintay.

45 units si Ma’am Bells. Normal iyon sa unibersidad na iyon. Nagulat nga rin ako noong una. Pag may accreditation, nagiging 24 units ang 45 units o higit pa na hawak ng mga titser. Ang galing. Lusot.

Tulad din si Ma’am Bells ng ibang titser. Dahil puro 3 oras ang klase roon, at mataas ang mga load, isang oras lang silang nagtuturo. Ang dalawang oras, kombinasyon ng breaktime, early dismissal, late na pagpasok ng titser, at OBE (Out-come Based Education). Pero natural, sa dami nang tsitsekan, ang mga ipina-OBE, hindi na tsinetsekan. Kinukuha na lang ang pangalan. Perfect na.

Hindi ko rin siya nakitang nag-prepare man lang ng lesson o sa kung anomang may kinalaman sa pagtuturo. Hindi ko naman sinasabing dapat, laging nakikita ng coteacher na naghahanda sa pagtuturo ang coteacher niya. Maaari namang kasing sa bahay siya naghahanda. Pero iyong kahit minsan, hindi mo nakitang naghanda, gayong araw-araw, nakikita mo, iba na yata iyon.


Isang umaga, pagdating ko sa faculty room, nandoon na si Ma’am Bells. Madalas, ako ang unang tao sa faculty room. Pero ngayon, siya.

Nakabukas ang netbook niya, tumutugtog nang mahina ang ‘It’s All Coming Back’ ni Celine Dion. Ipinatong ko sa kabilang mesa ang backpack ko, at pinanood ko siya.

Nakaitim na blazer siya. Noon ko lang siya nakitang naka-blazer. Hindi naman maginaw. Mahina niyang binabasa ang nasa slide ng PowerPoint presentation niya. Sa tabi ng netbook, isang textbook. Biology marahil, dahil iyon ang itinuturo niya.

Sa saglit na panonood, naramdaman kong parang hindi siya ang Ma’am Bells na halos araw-araw kong nakakakuwentuhan. Hindi ako sanay na ganoon siya.

7:20, nang marami-rami na kami sa faculty room, nag-CR ako. Pagbalik ko, napansin ko ang nakapaskil sa board. Letter, mula sa Guidance Office. Payagan daw ang mga estudyante pag pinababa ng GO para sa student evaluation sa kani-kanilang teacher. Ang petsa, Agosto 18 hanggang Agosto 22. Isang linggo na lang bago ang Agosto 18.

Naunawaan ko ang lahat.

Iyon lang, at nasira na ang umaga ko.


Huwebes, Setyembre 11, 2014

Alaala


Wala na siya,
iniwan kang mag-isa.
Mag-iisang taon na.

Sa tabing-bintana sa bus, kanina
muli kang tinabihan
ng inyong alaala.

Nagpanggap ka muling
hindi siya nakita.